Martes, Abril 21, 2015

KweLit



OUTREACH PROGRAM

Nakaugalian ni Gina tuwing bakasyon na magbigay tulong sa mga kapus-palad simula ng makaluwag-luwag sa buhay. Sa tagal ng panahon, nagkalakas-loob na siyang magtungo sa Sitio Saysain na matagal na niyang gustong tulungan. Napansin niya na halos walang pinagbago ang lugar at ang lumang simbahan na matagal ng pinagtutulungan na maisaayos ay hindi pa rin natatapos.

“Rina, anong nangyari at hindi pa rin tapos ang simbahan? Kulang pa rin ba ang donasyon ng mga tao?”

“Naku, naayos na iyan pero nung nag-Ondoy, ayan napinsala na naman.”

Pagbaba nila ng sasakyan ibinilin niya sa kaibigan na bago siya umuwi ay ipaalam sa kanilang pari na nais niya itong makausap. Nakahanda na ang plasa na pagdadausan ng gawain kaya ng makita sila ng mga tao ay sinalubong siya ng matatamis na ngiti.

“Gina,naalala mo pa ba ako? Alam mo ng mabalitaan namin na darating ka ay hindi na kami makapaghintay na makita ka.”

“Naku naman Nana Sela, ikaw pa ba’y makakalimutan ko. Sana nga po at makatulong maski papaano itong inihanda ko at hindi ko kasi alam kung ano talaga ang dapat na maibigay sa Sitio.”

“Paano mo naman malalaman kung ano ang kailangan namin eh hindi ka naman taga rito! Pero salamat na rin at naambunan mo kami ng swerte mo.”

Nagulat si Gina sa nagsalita pero hindi niya ito mamukhaan kaya hindi na lamang niya ito pinansin.

“Pagpasensyahan na po ninyo itong kaunting regalo ko para sa Sitio Saysain.”

Napahinto siya sa pagsasalita ng mapansin sa di kalayuan ay nakatingin sa kanya ang isang lalaki na kumaway at ngumiti sa kanya pero umalis din ng mapansin na niya ito. Bigla niyang naalala ang babaeng nagsalita kanina na naroon pa rin at tila nakabantay sa kanya.

“Gusto ko pong isa-isahin ang magagandang alaala ko sa lugar na ito. Bagamat hindi po ako likas na taga-rito ay sadyang mahalaga po kayo sa akin.”

Napahinto siyang muli sabay tingin sa babae “Hindi po ba nakilala ninyo ako dahil sa ako yung babaeng taga-Maynila na nag-iiyak noon na umalis dahil sa inagawan ng kasintahan.”

Nagkatawanan ang lahat at nagpalakpakan.

“Pero kahit po naudlot ang pagiging anak ko ng Sitio Saysayin ay masaya pa rin po akong bumabalik sa isa sa aking naging tahanan.”

Pagkababa niya ng entablado ay nilapitan niya ang babae at nakangiting nakipagkamay rito.

Ito na marahil ang isa sa pinakamakabuluhang “Outreach Program” na kanyang isinagawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento