Biyernes, Abril 10, 2015

GINTO 2015



PAGKAMULAT (Nang Makilala ko si Kiko, Naniwala na ako kay Pepe)

Panahon ng elektroniko nagbagong-bihis kaanak ni Kiko
Paroon at parito sa loob at labas ng bayang makabago
Tanang nasasaklaw ‘di na malilinlang at mahirap na masilo
Sa mga katoto’y batid na ang totoo sa ngumingiting aso
Kalasag na taglay simbangis ng Leon na handang-handang mangsilo!

Panimula ma’y tila Segismundo ang himig ika’y ‘wag magalit
Walang balak paalatin ang berso ng makatang walang kaparis
Hangad kong pag-ugnayin tinalastas niya sa panahong sinapit
Nabatid sa kanyang kaalaman ihahambing sa aking namasid
Maipaabot sa tanan at tulad ng gawa nya nawa’y mahasik

Pagtuturo ng mga obra maestra ay pinagtibay ng batas 
Kaya walang kabataang mag-aaral ang syang makabibilokas
Naisulat na kalatas patungkol sa baya’y hindi magwawakas
Pagpapasidhi ng pinag-ugatang lahi na paalalang wagas
Lalo’t kayraming iniluwal na mulato sa pananaw at angas

Laksa-laksang nagbabagongtao nalumpo sa landas na dinahik
Kumakapak yaring putong sa ulo bagamat gawain ay bilik
Nakikipaghabulan sa ikot ng mundo nahungkag kanlang isip
Kapantasa’y sa makinarya nakasandig yamot sa piping silid
Ni ayaw nila itong tanawin sapagkat ‘di madama ang langit

Inatasang pag-asa ng bayan kayrami sa kanla’y laki sa layaw
Dinaig pa nito ang langaw na mataas pa kaysa sa kalabaw
Sikmuka ay kaytapang, dibdib ay hindi tinatablan ng balaraw
Katuwaan madaling nakakamtan,sa kaunting barya ay nasisilaw
Walang pinapakinggan kahit pa ang magulang na pumapalahaw

Inuban ang isipan kaya nang pagmasdan daig pang nakahubad  
Tinitigan ang salamin at hinulmang katauhan ay taliwas
Nanlamig ang buong katawan at inakalang multo ang kaharap 
Inaglahi ang sarili sa kaligayahan na iyong hinangad

Napangko ang sarili yaring haraya ay malayang pinalipad
Alaala ng kamusmusan di mapigilang lumindi sa galak
Tagubilin ng mapagkandiling magulang ay inalalang lahat
Talastas nilang nagpaganyak upang mangarap kaya’t nagsumikap
Kinabaka lahat ng hirap, tigib sa sugat na sidhi ang antak
Pinag-ibayong mabuti ang mithiin nang tagumpay ay malasap

Akda ng manlilikha pangitain sa kasalukuyan ang saysay
Bingas ang labi nitong makata sa karanasan ng ating buhay
Sinibsiban nang araw, kanyang pangaral ay ‘di nabaon sa hukay
Bawat pahinang isinulat napalimi’t kataga’y pinagnilay
Iginapos ng pagsubok ngunit ang binlit iniyakis na tunay   

Bawat kabataang dumaan sa hirap, nagtagumpay at nangarap
Umibig, nabigo’t nagpatuloy na makatagpo ng nililiyag
Piniling makalikha kahit pa ang katauhan ay winakawak
Bahagi ng narating mo ay nagmula sa pangaral ni Balagtas 
Sa guro na nagpamulat nito’y labis akong nagpapasalamat
Kinurot ang puso at pinagyaman ang isip kaya’t naging pantas 

Kataga ng makata’y ginapi ang kapangyarihan ng pag-ibig
Sinaklawan nito ang muwang na isipan at nadama ang langit  
Pinasok ang puso na nagpadama ng tunay na ligaya’t sakit
Hahamakin ang lahat upang maisabuhay kanyang inihirit

Pagtitiwala ni Pepe na kabataan ang pag-asa ng bayan
Sa panulat ni Kiko tila hinugot kaya higit  nawatasan
‘Di makaliligtas sa pangaral at tungkulin mga inatasan
Salamat sa obrang nilikha bagamat sakit ang syang pinuhunan
Hindi magtatagal tulad mo’y makakarating sa aming luklukan!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento