Huwebes, Abril 23, 2015

KweLit 3



LAST TWO MINUTES
Nagkakainitan na ng laban at hindi na rin magkaumayaw ang mga manonoood sa tindi ng tensyon sa pagitan ng dalawang sikat na koponang Krispop at Soyoba. Sabay-sabay pang nagkasigawan ng marinig na ang “LAST TWO MINUTES.”

Napatayo na lamang si Nano habang nakatutok sa laban. Karaniwan ng umaabot ng mahigit sa labinlimang minuto ang nalalabing oras na ito ng laro. Makikita mo rin sa isang sulok si Aling Loida na ginagawang papel ang palad at talampakan sa kasusulat ng puntos.

“Ayos, panalo na Krispop. Lalaruin na lang nila iyan.”

“No, alalahanin mo bilog ang bola at marami pang pwedeng mangyari dyan.” 

Sampung segundo ang nalalabi, 92-94 ang puntos, bola pa ng Krispop. Abot-tenga na ang ngiti ni Nano habang papalapit kay Aling Loida. Nang biglang nagkahiyawan ang lahat at tumataginting ang boses ng announcer sat tv “CodiƱera 3 points” at kasunod ang mahabang buzzer.

“Sayang Nano panalo ka na sana, 24 na naging 54 pa.”

Bilog talaga ang bola, pera na naging bato.

Martes, Abril 21, 2015

KweLit



OUTREACH PROGRAM

Nakaugalian ni Gina tuwing bakasyon na magbigay tulong sa mga kapus-palad simula ng makaluwag-luwag sa buhay. Sa tagal ng panahon, nagkalakas-loob na siyang magtungo sa Sitio Saysain na matagal na niyang gustong tulungan. Napansin niya na halos walang pinagbago ang lugar at ang lumang simbahan na matagal ng pinagtutulungan na maisaayos ay hindi pa rin natatapos.

“Rina, anong nangyari at hindi pa rin tapos ang simbahan? Kulang pa rin ba ang donasyon ng mga tao?”

“Naku, naayos na iyan pero nung nag-Ondoy, ayan napinsala na naman.”

Pagbaba nila ng sasakyan ibinilin niya sa kaibigan na bago siya umuwi ay ipaalam sa kanilang pari na nais niya itong makausap. Nakahanda na ang plasa na pagdadausan ng gawain kaya ng makita sila ng mga tao ay sinalubong siya ng matatamis na ngiti.

“Gina,naalala mo pa ba ako? Alam mo ng mabalitaan namin na darating ka ay hindi na kami makapaghintay na makita ka.”

“Naku naman Nana Sela, ikaw pa ba’y makakalimutan ko. Sana nga po at makatulong maski papaano itong inihanda ko at hindi ko kasi alam kung ano talaga ang dapat na maibigay sa Sitio.”

“Paano mo naman malalaman kung ano ang kailangan namin eh hindi ka naman taga rito! Pero salamat na rin at naambunan mo kami ng swerte mo.”

Nagulat si Gina sa nagsalita pero hindi niya ito mamukhaan kaya hindi na lamang niya ito pinansin.

“Pagpasensyahan na po ninyo itong kaunting regalo ko para sa Sitio Saysain.”

Napahinto siya sa pagsasalita ng mapansin sa di kalayuan ay nakatingin sa kanya ang isang lalaki na kumaway at ngumiti sa kanya pero umalis din ng mapansin na niya ito. Bigla niyang naalala ang babaeng nagsalita kanina na naroon pa rin at tila nakabantay sa kanya.

“Gusto ko pong isa-isahin ang magagandang alaala ko sa lugar na ito. Bagamat hindi po ako likas na taga-rito ay sadyang mahalaga po kayo sa akin.”

Napahinto siyang muli sabay tingin sa babae “Hindi po ba nakilala ninyo ako dahil sa ako yung babaeng taga-Maynila na nag-iiyak noon na umalis dahil sa inagawan ng kasintahan.”

Nagkatawanan ang lahat at nagpalakpakan.

“Pero kahit po naudlot ang pagiging anak ko ng Sitio Saysayin ay masaya pa rin po akong bumabalik sa isa sa aking naging tahanan.”

Pagkababa niya ng entablado ay nilapitan niya ang babae at nakangiting nakipagkamay rito.

Ito na marahil ang isa sa pinakamakabuluhang “Outreach Program” na kanyang isinagawa.

Lunes, Abril 20, 2015

Kwentong Saglit (Kwelit)



REUNION
Pagkalipas ng sampung taon magkikita-kita silang muli.Inaasahan na pagpapataasan ng era sa kung ano na ang kanilang estado sa kasalukuyan. Pagkukumustahang walang humpay at pagkukumpara sa pagbabago ng kanilang mga pisikal na kaanyuan. Ang kaabang-abang sa lahat ay ang muling pagtatagpo ng mga magkakaklaseng nagkaibigan noon.

“Sa wakas nakita rin kita! It’s been ten years and God you look gorgeous.”

Nakatingin lang si Grace sa kaharap niya. 

“Oh sorry, my memory just log in. Mr. Dominador  F. Laxasama, the famous athlete in the university. It’s nice to see you.”

“Napakapormal mo naman, kumusta na? Ang hirap mong hagilapin ha. maski sa FB hindi kita mahanap.”

“Mr. Laxasamana, ang dali mo namang makalimot.”

“Grace, ang tagal na nun. Gusto mo magsimula tayong muli, besides we don’t have the closure.”

“Pasensya na ha, tanga ako noon pero dahil sa iyo sigurista na ako. I’m happy with my partner now.”

“Okey, okey. Well, who’s the lucky guy?”

Maya-maya pa dumating ang kasintahan ni Grace.

“Hon, grabe sobrang trapik.” Sabay halik sa pisngi ni Grace.

“Hi Dom, it’s great to see you again. Imagine, small world, Grace was your ex.”

Natulala at takang-taka si Dominador sa dalawa kaya’t hindi na niya narinig na nagpapaalam na ang mga ito sa kanya.

Sabay bulong ni Grace bago tumalikod “Alam ko na ngayon bakit mo ako pinagtaksilan noon. Pasensya na akin na si Carla ngayon.”

Nanlamig ang kanyang buong katawan at ayaw ng tapusin ang reunion.


Biyernes, Abril 10, 2015



Katatapos ko lang basahin ang isang librong ito. Sa pagsusuri sa kabuuan, hindi lamang pambansang kamalayan ang pinukaw ng manunulat na ito bagkus maging ang kabisaan nito sa mambabasa na mag-isip, makadama at magpakilos. Hindi ako magkaumayaw sa katatawa sa DYEBS, tinamaan ako sa mga kwentong pangguro (dahil sa isa akong guro) at pinakapaborito ko ang huling bahagi ng libro may haplos-personal. Nakakat(a/u)wa ang atake pero tagos sa puso dahil nasa bahaging ito ang kalakasan ng manunulat, ang kaniyang pamilya. Dahil wala pa akong bagong aklat na babasahin at napaisip ako sa BANA, UP Diksyunaryong Filipino muna ang pagkakaabalahan ko upang makagawa muli ng mga bagong tula.

Resulta ng mensahe kong ito, ang matagal ko ng pakikipagkaibigan sa kanya ay kanyang tinanggap. Salamat. 

GINTO 2015



PAGKAMULAT (Nang Makilala ko si Kiko, Naniwala na ako kay Pepe)

Panahon ng elektroniko nagbagong-bihis kaanak ni Kiko
Paroon at parito sa loob at labas ng bayang makabago
Tanang nasasaklaw ‘di na malilinlang at mahirap na masilo
Sa mga katoto’y batid na ang totoo sa ngumingiting aso
Kalasag na taglay simbangis ng Leon na handang-handang mangsilo!

Panimula ma’y tila Segismundo ang himig ika’y ‘wag magalit
Walang balak paalatin ang berso ng makatang walang kaparis
Hangad kong pag-ugnayin tinalastas niya sa panahong sinapit
Nabatid sa kanyang kaalaman ihahambing sa aking namasid
Maipaabot sa tanan at tulad ng gawa nya nawa’y mahasik

Pagtuturo ng mga obra maestra ay pinagtibay ng batas 
Kaya walang kabataang mag-aaral ang syang makabibilokas
Naisulat na kalatas patungkol sa baya’y hindi magwawakas
Pagpapasidhi ng pinag-ugatang lahi na paalalang wagas
Lalo’t kayraming iniluwal na mulato sa pananaw at angas

Laksa-laksang nagbabagongtao nalumpo sa landas na dinahik
Kumakapak yaring putong sa ulo bagamat gawain ay bilik
Nakikipaghabulan sa ikot ng mundo nahungkag kanlang isip
Kapantasa’y sa makinarya nakasandig yamot sa piping silid
Ni ayaw nila itong tanawin sapagkat ‘di madama ang langit

Inatasang pag-asa ng bayan kayrami sa kanla’y laki sa layaw
Dinaig pa nito ang langaw na mataas pa kaysa sa kalabaw
Sikmuka ay kaytapang, dibdib ay hindi tinatablan ng balaraw
Katuwaan madaling nakakamtan,sa kaunting barya ay nasisilaw
Walang pinapakinggan kahit pa ang magulang na pumapalahaw

Inuban ang isipan kaya nang pagmasdan daig pang nakahubad  
Tinitigan ang salamin at hinulmang katauhan ay taliwas
Nanlamig ang buong katawan at inakalang multo ang kaharap 
Inaglahi ang sarili sa kaligayahan na iyong hinangad

Napangko ang sarili yaring haraya ay malayang pinalipad
Alaala ng kamusmusan di mapigilang lumindi sa galak
Tagubilin ng mapagkandiling magulang ay inalalang lahat
Talastas nilang nagpaganyak upang mangarap kaya’t nagsumikap
Kinabaka lahat ng hirap, tigib sa sugat na sidhi ang antak
Pinag-ibayong mabuti ang mithiin nang tagumpay ay malasap

Akda ng manlilikha pangitain sa kasalukuyan ang saysay
Bingas ang labi nitong makata sa karanasan ng ating buhay
Sinibsiban nang araw, kanyang pangaral ay ‘di nabaon sa hukay
Bawat pahinang isinulat napalimi’t kataga’y pinagnilay
Iginapos ng pagsubok ngunit ang binlit iniyakis na tunay   

Bawat kabataang dumaan sa hirap, nagtagumpay at nangarap
Umibig, nabigo’t nagpatuloy na makatagpo ng nililiyag
Piniling makalikha kahit pa ang katauhan ay winakawak
Bahagi ng narating mo ay nagmula sa pangaral ni Balagtas 
Sa guro na nagpamulat nito’y labis akong nagpapasalamat
Kinurot ang puso at pinagyaman ang isip kaya’t naging pantas 

Kataga ng makata’y ginapi ang kapangyarihan ng pag-ibig
Sinaklawan nito ang muwang na isipan at nadama ang langit  
Pinasok ang puso na nagpadama ng tunay na ligaya’t sakit
Hahamakin ang lahat upang maisabuhay kanyang inihirit

Pagtitiwala ni Pepe na kabataan ang pag-asa ng bayan
Sa panulat ni Kiko tila hinugot kaya higit  nawatasan
‘Di makaliligtas sa pangaral at tungkulin mga inatasan
Salamat sa obrang nilikha bagamat sakit ang syang pinuhunan
Hindi magtatagal tulad mo’y makakarating sa aming luklukan!