Sabado, Setyembre 21, 2013

JUNE ARTICLES

Pag-aaral para sa kapus-palad


TINATAYANG  nasa mahigit 21 milyong mag-aaral ang pumasok sa mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng academic school year ngayong buwan, ayon sa Department of Education (DepEd).
Inaasahan na ng nasabing kagawaran ang buhos ng mga mag-aaral lalo’t maraming pribadong paaralan ang nagtaas ng matrikula dahilan para lumipat ang ilang estudyante sa mga pampublikong paaralan.
Bukod sa Oplan Balik Eskuwela na sakop ang pagsasaa­yos at pagpapatayo ng mga bagong gusali sa mga paaralan, pagdaragdag ng mga guro at maging ang pagsasagawa ng alternatibong paraan upang makapagtamo ng edukasyon ang lahat ng gustong makapag-aral, layunin din ng pamahalaan ang pagsasakatuparan ng “Education for All” na walang pinipiling edad ang pag-aaral upang ang lahat ay makamit ang Functional Literacy oras na sila ay makapagtapos.
Upang mas maging epektibo ang layuning ito, inilunsad ang Open High School Program.
ALTERNATIBONG PAG-AARAL
Ito ay sinimulan noong 1998 bilang bahagi ng Drop Out Reduction Program (DORP) ng DepEd na pinondohan ng Asian Development Bank. Ngayon ay pinapangasiwaan ito ng Bureau of Secondary Education (BSE) ng DepEd na isinasagawa na sa mga piling paaralan sa buong bansa.
Ito ay isang alternatibong paraan ng pag-aaral para sa mga estudyante na huminto sa pagpasok sa eskuwela, drop outs at hindi kayang pumasok sa regular na klase dahil sa mga ilang kadahilanan. Walang pinipiling edad o kasarian ang programang ito at kahit na ang mga naghahanapbuhay na at gustong makatapos ng high school ay maaari nang makapagtapos.
Bukas ito sa lahat ng mga kwalipikadong Pilipino na nakapasa ng elementarya o mga pre-requisite subjects para sa magiging lebel sa high school. Kinakailangan ding kumuha ng pagsusulit sa Philippine Educational Placement Test (PEPT) at sumailalim sa dalawa pang pagsusulit na Informal Reading Inventory (IRI) para masukat ang kakayahan sa pagbabasa at Independent Learning Readiness Test (ILRT) para malaman ang kakayahan ng mga ito para sa  pansariling pagkatuto (self-directed learning).
Ikinatuwa naman ni Roland, 19-anyos, ang balitang ito. Tatlong taon na kasi siyang hindi nakapagpatuloy ng hayskul dahil sa kahirapan, “Masayang-masaya ako, makapag-aaral na ako uli, kasi pangarap ng magulang ko makapagtapos ako, pero dahil hindi namin kaya, huminto ako,” aniya.
Nanghinayang man ang mga magulang niya sa desisyong patigilin siya sa pag-aaral, isa itong bagong pag-asa para sa kanilang pamilya, “Matalinong bata, sayang kung hindi niya itutuloy dahil wala kaming pera,” anila.
Dagdag pa nila, oras naman na makapagtapos na siya ng sekondarya ay papasok siya sa kolehiyong gusto niya at kukuha ng scholarship.
DISTANCE LEARNING PROGRAM
Ang OHSP ay isang  distance learning program kung saan natututo ang mga mag-aaral nang hindi pumapasok sa regu­lar na klase at kadalasan ay sa bahay lamang sila nag-aaral. Isang beses sa isang linggo kung magkita-kita ang mga mag-aaral sa naturang programa upang makaharap ang kanilang mga guro para sa pagtalakay ng mga aralin.
May tatlong pamamaraan na ginagamit dito, ang modular, internet-based at blended technology. Sa modular approach ay ibinibigay sa mga mag-aaral ang lahat ng mga modyuls o libro na kanilang ginagamit sa bawat asignatura kung saan pag-aaralan nila ito sa bahay (self-study) at pagkaraan ay bibigyan sila ng pagsusulit. 
Ngunit karamihan sa mga paaralan na nagbibigay ng programa ng OHSP ay pinapapasok sa paaralan ng isang beses sa isang linggo ang mga mag-aaral upang magkaraoon ng talakayan katulad ng ginagawa sa Gregorio Perfecto High School sa Tondo, Manila. Dito ay hindi bababa sa 30 mag-aaral ang naka-enroll sa bawat antas at nadaragdagan pa.
Ang Internet-based Approach naman ay isinasagawa pa lamang sa accredited OHSP sa Baguio, Cebu at Davao. Pinag-aaralan pa lamang ang pamamaraang ito at sinasabing maipakikilala nang pormal pagkalipas ng apat na taon matapos ang masusing ebalwasyon.
Samantalang ang Blended Technology ay kombinasyon ng dalawang naunang pamamaraan.
BUKAS NA OPORTUNIDAD SA PAGTUPAD NG PANGARAP
Bagama’t hindi regular ang klase sa OHSP ay itinuturing pa rin itong “formal and structured learning” dahil ang mga itinuturong paksa sa bawat asignatura at mga pagsusulit na ibi­nibigay sa mga ito ay tulad sa mga mag-aaral na pumapasok araw-araw. 
Bukod dito ay bukas sa lahat ng pagkakataon ang OHSP kung saan nakadepende sa mag-aaral ang oras ng kaniyang pagpasok basta maipasa niya ang lahat ng asignatura hanggang sa matapos niya ang anim na taon sa high school.    
Ang ilan sa mga paaralang may OHSP sa Metro Manila na maaaring puntahan upang makapag-enroll ay ang mga sumusunod: Benigno Aquino National High School (Makati), Gregorio Perfecto High School (Manila), Rizal High School - Main (Pasig), Ramon Magsaysay High School (Cubao), Quezon City National High School (Quezon City), Lagro National High School (Quezon City), Commonwealth High School (Quezon City), Marikina National High School (Marikina), Malabon National High School (Malabon ), Tinajeros National High School (Malabon) at Caloocan National High school (Caloocan City).
Nakatutuwang isipin na sa kasalukuyan ay napakarami nang mapagpipilian ang mga tao sa iba’t ibang larangan at unti-unting nagiging bukas ang pananaw ng mga Pilipino sa naturang pagbabago. 
Kaya nagiging pangkaraniwan na rin sa ngayon ang mga balitang isang may edad ang nakapagtapos ng hayskul sa kabila ng kanyang katandaan  at pursigidong makapasok sa kolehiyo. 
Dahil sa mga pagkakataong ito, dumarami pa ang nagkakalakas ng loob na bumalik sa pag-aaral na naniwalang hindi pa huli ang lahat para patuloy na maabot ang pa­ngarap.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento