Pagsugpo sa
Korapsyon, Ipinagdiriwang!
ni Wilma E. Hermogenes
Ilang
araw mula ngayon ay malaman na natin kung sino ang pumasa sa panlasa ng mga
botante matapos ang mala-teleseryeng pangangampanya ng mga pulitiko para sa
halalang sa taong ito. Sa buwang ito, kasabay ng pambansang halalan ang
pagdiriwang ng “Anti-Graft and Corruption Awareness Month.” Hindi ba’t tila kakambal na pulitika ang korapsyon
na madalas idinidikit sa mga opisyal ng pamahalaan at sa panahon ng
pangangampanya isa ito sa ipinupukol na pambabatikos ng mga magkatunggali sa
pulitika.
Buwan ng Paglaban sa Korapsyon
Sa bisa ng Proclamation No. 591, s.
2004, idinerekla ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang Mayo bilang buwan
pagpapamulat sa mga mamamayan ng pagsugpo ng korupsyon sa ating bansa na
tinatawag na “Anti-Graft and Corruption Awareness Month.” Layunin ng batas na ito na mapaigting ang
integridad at katapatan ng lahat ng mga kawani ng pamahalaan na siyang
magtutulong-tulong upang ipalaganap ang mga impormasyon sa pagsugpo ng
korapsyon sa ating bansa. Gayundin ang pagpapaalam sa mga mamamayan ng mga
proyektong isinasagawa ng pamahalaan laban sa korapsyon na may malaking epekto
sa lagay ng ekonomiya ng ating bansa. Isinusulong din ng batas na ito ang
pagiging bukas ng pamahalaan sa mamamayan o transparency at pananagutan ng mga
pinuno nito sa kanyang nasasakupan.
Kung
kaya’t sa kabuuan ang buwan na ito ay ang pagtutulungan ng lahat ng mga
Pilipino sa pagsugpo ng korapsyon sa ating bansa.
Unang
Hakbang sa Pagpapamulat
Dahil nga ang pangunahing layunin ng
pagdiriwang na ito ay ang pagpapamulat sa mga mamamayan patungkol sa korapsyon
ay mas maiging maunawaan ng mga ito ang kahulugan at uri nito. Sa diksyonaryo,
ganito ang pagbibigay kahulagan ng mga salitang ito: graft –unscrupulous use of one's position to derive profit or
advantages/extortion at corruption -
include graft, bribery, embezzlement, backdoor deals, nepotism, patronage. Kaya’t
kung iisipin ang korapsyon ay ang paggamit ng isang taong may posisyon na
makakuha ng mga bagay na pabor sa kanya na maaaring sa pamamagitan ng panunuhol
at pailalim na mga transaksyon.
Ayon sa isang pag-aaral ng PCTC,
mayroong walong uri ng korapsyon na madalas na nangyayari sa ating bansa. Ito
ang tax evasion na kung saan
dinaraya ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng mali/hindi pagdidiklara ng
lahat ng kaniyang ari-arian, ghost
projects and payrolls na karaniwang nagaganap sa mga tanggapan ng
pamahalaan na kung saan may mga proyektong pinondohan ng pamahalaan na hindi
nakikita at mga manggagawang pinapasweldo ngunit wala sa opisina, evasion of public bidding in awarding of
contracts na nagbibigay sa mga kompanya ng mga proyektong pampamahalaan
para sa sarili nilang interes na kung saan ay
nagkakaroon ng dayaan sa budget at naisasakripisyo ang kalidad ng
proyekto, passing of contracts na
nagdudulot ng pagkaantala o di pagtapos ng mga proyektong pang-instraktura
dahil sa papalit-palit ng kontraktor, nepotism
and favoritism na nagtatalaga ng mga kamag-nak o kaibigan sa ilang
posisyong pampamahalaan kahit na walang sapat na karanasan at kakayahan, extortion o panghihingi ng pera kapalit
ng isang pabor sa transaksyong kanilang isinasagawa, protection money o pangongotong para maproteksyonan ang mga ilegal
na gawain o transaksyon sa isang komunidad at bribery o paglalagay sa mga opisyal kapalit ang isang mabilis na
transaksyon sa isang opisina o karaniwang ginagawa ng mga taong tinatawag na
mga fixers.
Ugat ng
Korapsyon
Sa
ating kasaysayan, masasabing sa panahon ng mga Kastila nagsimula ang korapsyon
sa ating bansa na kung saan laganap ang pang-aabuso sa mga Pilipino at
karaniwang may katumbas na salapi ang lahat ng kilos ng mga tao. Hanggang sa
nagpatuloy ito sa paglipas ng panahon at sa pag-aaral na isinagawa ni Nelson
Nogot Moratalla sa kanyang Graft and Corruption: The Philippine Experience sa 113th
International Training Course Participants Papers naitala sa panahon ni Png.
Marcos ang may pinakamaraming kaso ng korapsyon sa ating bansa batay na rin sa
mga datos mula sa Sandiganbayan at Ombudsman.
Lumalabas
sa napakaraming pag-aaral na nag-ugat sa ating kultura ang pag-usbong ng
korapsyon sa ating bansa. Ang pakikikapag-kapwa tao na madalas na nagdudulot ng
isang gawain kapalit ng pakikisama, maging ang close family ties na karaniwang
nagbubunga ng pagluluklok ng mga kamag-anak sa gobyerno at political dynasty sa
ating bansa na nagreresulta sa pagkagumon sa kapangyarihan, ang hilig ng mga
Pilipino sa pagbibigay ng mga regalo na kung hindi maganda ang hangarin ay
nauuwi sa paghingi ng pabor at kinalaunan ay nauuwi sa ugali natin sa pagtanaw
ng utang na loob kaya napipilitan ang ilan na gumawa ng isang hakbang bagamat
labag sa pamantayan.
Paglaban, Pagsugpo
at Pagbabago
Hindi
rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan upang masugpo ang korapsyon, sa
katunayan ay mayroong mga legal na pamamaraan na isinagawa ang iba’t ibang
administrasyon sa paglaban ng suliraning ito tulad ng Republic Act No. 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act of 1960,
Republic Act No. 6713 Code of Conduct and Ethical Standards for Public
Officials and Employees of 1989, maging si Pang. Estrada na nakasuhan noon na nagdulot ng pagpapatalsik sa kanya sa
pwesto ay naisabatas ang PROCLAMATION NO. 189 na nagsasaad ng “Declaring war
against graft and corruption and authorizing the Philippine Jaycee Senate thru
the graft free Philippines Foundation, Inc. to institutionalize public
awareness about a clean, efficient and honest governance.
Nagtalaga
rin ang pamahaalaan ng mga Constitutional Anti-Corruption Bodies na siyang
didinig sa mga kasong ito. Nariyan ang Office of the Ombudsman na siyang
mag-iimbistiga ng mga kaso at magsisilbing “people’s watchdog”ng pamahalaan, Civil
Service Commission (CSC) na gumagabay sa lahat ng kawani ng pamahalaan upang
maging epektibo at huwarang manggagawa, Commission on Audit (COA) ang
tagabantay o watchdog ng mga pinansyal na operasyon ng pamahalaan at ang Sandiganbayan
na nagsisilbing anti-graft court of the Philippines.
Katulong din nila ang iba pang
ahensya ng pamahalaan tulad Department of Justice (DOJ) na nagsasagawa ng
preliminary investigations sa mga kasong criminal laban sa opisyal ng
pamahalaan, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National
Police (PNP) na gumagawa ng mga fact-finding investigations at entrapment
operations, Presidential Commission on Good Government (PCGG) na umaalam sa mga
tagong yaman ng ilang opisyal, Presidential Commission against Graft and
Corruption sa ilalim ng Executive Order No. 151 at Inter-Agency Anti-Graft
Coordinating Council na binubuo ng Commission on Audit, the Civil Service
Commission, the Ombudsman, the Department of Justice, the National Bureau of
Investigation and the Presidential Commission against Graft and Corruption.
Bukod
sa mga ito, tayong mamamayan ay mayroon ding gampanin na dapat na gawin sa
simpleng pamamaraan na ating naiisip upang makipagtulungan sa pamahalaan sa
pagsugpo ng korapsyon tungo sa pagbabago.
Korapsyon
sa Pinas, Lumala o Malapit ng Nawala?
Noong
1980’s naitala sa Guinness Book of World Records ang Pilipinas na may
pinakamatinding korapsyon sa kasaysayan at sa isang talumpati ni Archbishop
Manila Jaime Cardinal Sin noong 1988 nasabi niya na “corruption
was the biggest problem of them all.”
Sa pag-aaral naman ng World Bank
noong 2008 ang korapsyon sa Pilipinas ang pinakamalala sa East Asia. Sa sumunod
na taon, ayon sa naitala ng Corruption Perceptions Index gumanda ng kaunti ang
kalagayan ng bansa ngunit nananatili itong seryoso na kung saan ang Pilipinas
ay nasa ika-139 na pwesto sa 180 bansa at mayroong 2.4 sa TI Index.
Ang Transpararency International ay
ang watchdog ng CPI (Corruption Perceptions Index) na nagsasagawa ng pag-aaral
upang malaman ang lebel ng korapsyon sa mga bansang nakalata sa TI na gumagamit
ng pamamaraan ng pagmamarka na 0-10. Kung saan ang 0 ay nangangahulugan na ang
bansa ay matindi ang korapsyon at 10 na maayos at malinis ang isang bansa.
Noong 2012, naipwesto ang Pilipinas
sa ika-105 na mayroong 3.4 CPI sa 176 na bansa. Mas mataas ito noong 2011 na
kung saan nasa ika-129 na pwesto ang bansa at may 2.6 CPI. Ayon sa Transparency
International-Philippines ilan sa mga dahilan ng pagtaas na ito ay pagpapabuti
ng serbisyo ng pamalaan at pagputol ng red tape sa bansa.Naniniwala rin ang
grupo na nakatulong ang paghahablang isinagawa ng pamahalaan kay dating Pang.
Arroyo na nagkaroon ng magandang persepsyon sa mga mamamayan sa seryosong
pagsugpo ng korapsyon.
Sunod-sunod na rin ang natatanggap na
papuri ng Pilipinas sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa loob at labas ng ating
bansa. Patuloy ring pumapasok ang iba’t ibang negosyo at tumataas ang kalagayan
ng Pilipinas sa Stock Exchange. Pagpapatunay diumaano ito na seryoso ang ating
pamahalaan sa pagsugpo ng korapsyon at tahakin ang tuwid na daan.
Nakakatuwa ang mga huling datos na
nailabas ngunit kung sa pagtatanong sa ilang mamamayan ay iisa ang kanilang
sagot “hindi na di umano mawawala ang korapsyon sa ating bansa.” Marahil hindi
pa ganap na mararamdaman ang gumagandang lagay ng ating bansa ngunit huwag sana
tayong tumigil na labanan ang isa sa nagpapalala sa kahirapan ng ating bansa at
magpatuloy tayo sa paglaban ng korapsyon sa Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento