ISTATISTIKS MONTH
- SPECIAL REPORTS
- THURSDAY, 10 OCTOBER 2013 06:41
- WILMA HERMOGENES
“ESTADISTIKA NA MAHALAGA SA BAWAT PILIPINO” ito ang isinusulong na tema sa pagdiriwang ngayong buwan ng Oktubre ng National Statistics Month.
Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 647 ay itinakda ng batas ang pagdiriwang nito taon-taon at pagsasagawa ng mga makabuluhang programa sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang maipamulat sa mga mamamayan ang kahalagahan ng datos na inilalabas sa bayan.
Itinuturing ng agham na ang istatistika ay isang anyo ng sining na nangangalap, nagsasaayos, nagsusuri, nagpapaliwanag at nagpapakita ng mga tala o datos. Sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Ito ang nagsisilbing batayan at nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa mahahalagang isyung panlipunan. Kaya naman higit na nagiging matibay ang mga ulat sa ating bayan sa tulong ng istatistika.
KAPANGYARIHAN NG DATOS
Ang datos ay maihahalintulad sa piso, kung walang piso hindi mabubuo ang malalaking halaga. Kaya naman importante ang mga pigurang inilalabas sa ating bansa na maaaring magpasaya, magpadismaya o hindi kaya’y magpakilos sa mga tao na gumawa ng hakbang tungkol sa mga ulat na inilalabas. Sa madaling salita, isa itong repleksiyon ng estado ng bansa.
Sa mainit na usapin ngayon ng PDAF o Pork Barrel, isa sa nakapukaw ng pansin sa taumbayan ay ang mga nakalululang datos tungkol sa mga halagang pinaglagakan ng kaban ng bayan na nagtulak sa isang panawagan na magsagawa ng iba’t ibang kilos protesta. Dahil sa datos na ito ay lalong bumugso ang damdamin ng mga Pilipino, patunay na malaki ang epekto nito sa mga Pinoy.
Ang istatistiks na ito ay nagsisilbing katibayan ng isang akusasyon.
Ang mga ahensiyang itinalaga para sa paglalabas ng mga pag-aaral tungkol sa istatistiks ng ating bansa ay ang National Statistics Office (NSO) kaagapay ang National Statistical Coordination Board (NSCB). Ito ang nag-uulat sa kalagayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang aspeto upang makuha ang pulso ng mamamayan. Bagama’t batid ng mga ahensiyang ito na maraming tutuligsa sa magiging resulta ng kanilang pag-aaral, tiniyak ang kredibilidad ng ginawang pag-aaral.
ALAM MO BA…
Upang higit na maintindihan ang kahalagahan ng istatistiks ay kinalap ng Pilipino Mirror ang mahahalagang datos tungkol sa Pilipinas batay sa pag-aaral na isinagawa ng iba’t ibang ahensiya sa loob at labas ng bansa.
Narito ang ilan sa mga datos na dapat mong malaman:
- Kabilang ka sa tinatayang 98,456,573 populasyon sa ating bansa sa huling ulat ng Commission on Population (POPCOM) at Central Intelligence Agency (CIA). Bunsod nito ay kasama ang Pilipinas sa 20 bansa na may pinakamalaking populasyon at nasa ika-12 puwesto.
- Ang Pilipinas ang may pinakamataas na pag-angat sa lagay ng ekonomiya sa buong mundo. Ayon sa inilabas ng Grant Thornton International, pumuwesto ang Pilipinas sa ika-21 (mula ika-46 na puwesto) na bansa na may pinakamataas na bahagdan sa larangan ng Global Dynamism Index (GDI).
- Karamihan sa mga Pilipino ngayon ay netizens (pangkat ng mga taong mahilig gumamit ng Social Media). Sa pag-aaral na isinagawa ng Local Measure Starbucks Social Index, nakakuha ang Pilipinas ng 90% at lumalabas na pang-apat ito sa mga bansang mahilig sa paggamit ng Social Media. Idagdag pa rito na mayroong 100 milyong Pilipino ang gumagamit ng cellphone sa ating bansa.
- Sa ulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakalikom ng P1.057 trilyong buwis ang ahensiya sa taong 2012 at tumaas ito ng 14.48% kumpara noong 2011. Kaya naman sa laki ng kaban ng bayan na iniambag ng mga Pilipino ay napakainit ng mga protesta upang magamit ito ng tama.
- Lumalabas na halos tatlo sa bawat sampung Pilipino ay kapus-palad noong 2012. Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB) at isinagawang pag-aaral ng National Statistics Office noong Hulyo 2012. Sa kanilang paglalarawan ang isang pamilyang Pilipino na binubuo ng limang katao ay dapat kumikita ng halagang P7,821 kada buwan upang makamit ang pangunahing pangangailangan.
- Ayon kay PNoy sa kaniyang huling SONA, 8,581 na ang sitiong napailawan, 28,398 na informal settlers na nailipat sa disenteng lugar, mayroon ng 81% benipisyaryo ng PhilHealth, 9,502 ang ipinatatayo at isinasaayos na silid-aralan at 4,518 na ospital o pook-pagamutan sa buong bansa.
- Lumabas sa pag-aaral ng Reuters na ang Pilipinas ay ikasiyam sa Most Disaster Prone Country. Samantalang pag-aaral naman ng Brussels sa The World Disaster Report 2012 ay pangatlo ang Pilipinas sa pinakapeligrosong bansa sa daigdig batay sa mga kalamidad na ating naranasan at iba pang pandaigdigang isyu na iniulat na naganap sa ating bayan.
- Itinuturing na ang Pilipinas ay isa sa may “Highest Positive Emotions Worldwide” base sa pag-aaral na isinagawa ng US Based Polling Firm Gallup Inc. na kung saan nakakuha ang ating bansa ng 82% at nasa ikaapat na puwesto sa pinakapositibong bansa sa mundo.
- Sa inilabas ng Forbes.com sa pag-aaral na isinagawa ng Legatum Institute Prosperity Index ika-67 ang Pilipinas sa may pinakamasayahing mamamayan sa 142 na bansa sa buong mundo. Ayon sa pag-aaral, “An overwhelming 93 percent of surveyed Filipinos said they believe that people are treated with respect in the country, higher than the global average of 85.1%.”
Ilan lamang ang mga estatistikang nabanggit sa mahahalagang datos na nakalap sa naging kalagayan ng bansa sa iba’t ibang larangan. Kung iisiping mabuti, ang kahalagahan ng estatistika sa bawat Pilipino ay nagsisimula sa pagsilang ng mga tao dahil kinakailangang iparehistro ang mga bagong panganak na sanggol.
Hanggang sa huling bahagi ng kaniyang buhay ay ito ang magtatakda kung hanggang saan ang itinagal ng pananatili niya sa mundo ngunit mananatiling buhay ang mga pangyayaring naganap sa bawat Pilipino sa loob at labas man ng ating bansa gamit ang estatistika.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento