Sabado, Setyembre 21, 2013

SPECIAL ANNIV. ISSUE ng PILIPINO MIRROR



ABAKADA ELEKSYON
ni Wilma E. Hermogenes

Panahon na naman ng halalan at magmimistulang pista na naman ang buong  kapuluan ng Pilipinas. Araw-araw ay may tila parada ng musikong manggigising sa bawat kalye na kung saan paulit-ulit mong mapapakinggan ang mga Jingle ng mga politiko. Saang dako ka man tumingin ay may mga nakasabit na banderitas ng mga mukha ng mga kandidatong may kanya-kanyang gimik na islogan na pang-akit sa mga tao. Idagdag mo pa ang mga kabilaang tila Amature Contest ng mga politiko na gabi-gabing naghahandog ng iba’t ibang palabas at plataporma upang mahikayat ang mga manonood nito na sila’y iboto. Hindi rin mawawala ang mga kainan sa iba’t ibang barangay na kung saan dinudumog ng mga tao ang iniaabot na libreng pagkain kapalit ng kanilang pagsama-sama sa ginawang parada.

Sa mga ganitong pagkakataon, sa kabila ng mga panandaliang kasiyahan na  nangyayari sa ating kapaligiran ay marami sa mga Pilipino ang hindi naiisip ang pangmatagalang epekto ng mga ganitong sitwasyon na sa huli ay kundi pagsisihan ay mapapabugtong-hininga na lamang ang mga ito dahil sa wala na silang magawa kundi tanggapin ang kanilang kalagayan. Kaya upang maiwasan ang mga ito, ihahain sa inyo ang Alpabeto ng Halalan upang maging gabay sa pagpili ng mga pangalang kailangang itiman sa inyong mga balota.

ABAKADA ISAGAWA NA!

A -  Alamin ang inyong karapatan bilang botante.

Ayon nga sa ating Saligang Batas Artikulo 5, SEKSYON 1 “Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan.”

Isa sa ating karapatan bilang tao ay ang malayang makaboto at kaakibat nito ay ang pagiging responsible sa pagsasagawa nito. Kung alam natin ang ating mga karapatan, magsisilbi itong gabay upang makapag-ambag sa matiwasay na halalan.  


B – Balota’y gawing sagrado
           
            Karugtong ng nabanggit na batas sa itaas sa SEKSYON 2 nito na  “Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para masiguro ang pagiging sikreto at sagrado ng mga balota at gayon din ng isang sistema para sa pagbotong liban ng mga kwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.”

            “Para sa mga taong may kapansanan at mga hindi marunong bumasa at sumulat, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga ibang tao.   Hanggang sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon ng Halalan upang maprotektahan ng pagiging sekreto ng balota.”

            Tulad ng pagpapakasal ituring nawa ng bawat botante na isa itong panunumpa sa Diyos at pakikisama sa mga taong magiging katuwang natin sa hirap at ginhawa kung kaya’t nararapat na maging maingat sa mga pipiliing pangalan ng mga taong ilalagay sa inyong balota.

K – Kailangang pag-aralan ang proseso ng halalan

Inumpasahan noong May 10, 2010 ang Philippine Automated Elections sa ilalim ng Republic Act No. 9369 at magkahalong reaksyon ang naging tugon ng mga mamamayan sa pagbabagong ito sa ating halalan. Sa nalalapit na eleksyon ay muling gagamitin ang ganitong pamamaraan kaya nararapat na maging handa rin ang mga botante sa ganitong pamamaraan.

            Sa ilang barangay ay nagkakaroon ng ilang pagsasanay kung papaano ito isasagawa ngunit sa iba na hindi nakalahok sa ganitong gawain ay nararapat na gumawa ng sariling pamamaraan upang maisagawa ng tama ang pagboto. Maaaring magtungo sa tanggapan ng COMELEC upang magtanong o di kaya’y bisitahin ang website nito para sa mga impormasyon patungkol sa halalan. Mas mabuti ang nagtatanong kaysa sa nagmamarunong at walang pakialam.

D – Dalhin ang buong bansa sa pagboto

            Sa nalalapit na halalan, isipin ng bawat isa ang kapakanan ng buong bansa at hindi pansariling kagustuhan lamang. Tularan nawa natin ang ibang bansang umunlad na gumagawa hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para rin sa mga kababayan niyang walang-wala upang sa kanilang pag-angat ay sama-sama sila sa pagginhawa ng buhay. Kaya’t sa ating pagboto, isipin ang lahat ng kababayan nating Pilipino.

E- Epal ay puksain

            May mga itinalagang batas para sa mga botante at kandidato ngunit madalas ang lumalabag sa ilang panuntunan ay mismong mga tumatakbo para sa halalan. Sa kasalukuyan ay mahigpit ang kampanya ng ilang sektor ng lipanun upang puksain ang pulitikong garapalan kung magpapansin kaya nabuo ang ANTI- EPAL Campaign. 

            Isa sa kontribusyong maaaring gawin ng mga botante ay puksain ang mga nagkalat na EPAL sa komunidad. Mangyaring alisin ang mga nakadikit o nakasabit na mga banner na hindi sumusunod sa tamang sukat at maging ang mga nakahambalang sa daan. Huwag matakot na kumilos lalo’t kung ito’y tamang gawain at makakatulong sa komunidad.

 

G- Gabayan ang ibang mamamayan

            Ipakalat ang inyong kaalaman at tulungan ang mga taong nangangailangan gabay sa halalan tulad ng mga matatanda, may kapansanan, mga bagong botante at iba pa na hindi nakapag-aral. Maaaring bumuo ng isang samahan bilang mga Volunteers, nakakatulong na ay nakakabuo pa ng isang samahan at makabuluhang gawain para sa bansa.

H –Hamunin ang lahat ng pulitiko

             Sa kampanyang nagaganap ngayon ay masugid na nanunuyo ang mga kandito sa bawat kabahayanan, maaari itong gamiting pagkakataon upang makilala ang mga ito sa pamamagitan ng isang biglaang pagtatanong o pakikipagtalakayan sa mga kandito. Maaari silang paupuin o pahintuin sandali upang subukin ang mga ito at dito higit na masusubok ang kakayahan ng mga kandidato. Hindi lamang ang mga pulitiko ang nararapat na nagtatakda ng isang Proclamation Rally/Meeting de Abanse  sa mga komunidad at isa sa makabagong pamamaraan na dapat nating gawin ay tayo ang magtakda ng biglaang talakayan para sa kanila.

I – Iwasan ang mga Trapo at Bimpo

            “Walang humawak sa pwet ng kawali  na hindi nadumihan” isa itong matandang kasabihan na nababagay sa lahat ng pulitiko. May mga nasa tuwid di umanong landas ngunit lumilitaw din ang mga Trapo at Bimpo na kinakailangang kilalanin ng husto. Sa diksyunaryo, binibigyang kahulugan ang trapo na basahan kung kayat sa mga pulitiko ito ay mga taong marumi kung magtrabaho sa pulitika na pinangangalandakan ang mga nagawang proyekto na kinakailangang nakadikit ang kanilang pangalan at larawan  ngunit kung tutuusin ito ay bahagi ng kanilang tungkulin sa bayan na nanggaling din sa buwis ng mga mamamayan. Isa pa sa pinakabagong katawagan ngayon sa mga pulitiko ay ang mga BIMBO na yaong mga Batang Inilagak ng Magulang sa Politika o ang pangingibabaw ng Political Dynasty sa ating bansa na nakikilala ng mga tao dahil sa apelyidong dala nito at hindi sa kakayahan dahil wala pa naman silang naipapakita para sa mamamayan.

            Higit pa rin dapat pagtuunan ng pansin ng mga botante ang kakayahan at katauhan ng mga pulitiko at hindi lamang ang pangalan ng mga ito.

L –Labanan ang tukso

            Ang masa ang isa sa pinakapaboritong suyuin ng mga politiko at madalas na nagagamit ang kahinaan ng mga ito para sa kapakanan ng iilang tao. Hindi lingid sa atin na may ilang pulitiko na pinapairal ang salapi upang makakuha ng boto kaya naman nararapat na labanan ito ng mga botante dahil ang kakaunting halaga na maaari nilang makuha sa halalan na ito ay kapalit ng ilang taong pagdurusa sa kamay ng mga ganitong klaseng pulitiko. Maaring isumbong ang mga pulitikong ito o mas maiging tanggihan ang mga ito at ipamukha sa kanila ang mali nilang gawain.

M – Makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran

Imulat ang mga mata sa lahat ng mga nagaganap sa ating kapaligiran at kumilos para sa matiwasay na halalan. Huwag magbulag-bulagan sa mga katiwalian at tumulong sa ikabubuti ng ating pamayanan. Dapat lahat tayo’y may pakialam at kumikilos para sa ating bayan dahil sa huli lahat tayo’y makikinabang sa mabuting nasimulan.

N – Naisin ang pagbabago
           
            Walang masama kung susubukan ang mga pagbabagong nagaganap sa ating mundo lalo’t kung ito’y makakatulong sa kapanan ng bawat Pilipino ngunit huwag sanang isaalang-alang ang sarili nating pagkakakilanlan para sa mga ito. Sa pagbabagong ito, isama nawa natin ang mga bagong pamamalakad sa ating pamahalaan sa pamamagitan ng paghalal ng mga pulitikong may makabagong adhikain para sa bayan.

O – Organisahin ang mga pangalang iboboto
           
            Sa halalang ito, may mga pangalan na tayong naiisip na ilalagay sa ating balota. Maaaring isulat na ito sa isang malinis na papel bilang paghahanda para sa araw mismo ng halalan. Magsisilbi itong burador (scratch paper)  na kung saan ay maari pa itong mabago o madagdagan habang hinihintay ang itinakdang araw ng pagboto. Pumili ng 12 Senador, Gobernador, Bise-Gobernador, Kongresista, Mayor, Bise-Mayor at anim na Konsehal na ilalagay sa inyong balota.

P – Pakinggang mabuti ang plataporma ng mga kandidato

            Mula sa mga nakatalang pangalan sa inyong pansamantalang listahan, makakatulong na kilalanin ng husto ang mga ito. Sa lakas ng Media sa ating lipunan ay isa ito sa pinakamurang pamamaraan upang makilala natin ang mga taong ilalagay sa balota. Dumalo sa mga Campaign Rally dahil dito mo mapapakinggan ang kanilang mga plataporma at makikita kung karapat-dapat ba silang ilagay sa balota. Kung ang pulitikong iyong napupusuan ay puro panlalait ang sinasabi sa kaniyang kalaban at negatibo ang nilalaman ng kaniyang talumpati ay magdalawang-isip na kung sila’y iboboto dahil wala silang malinaw na plano para sa kanilang kandidatura.

R – Repasuhin muli ang mga iboboto
           
            Sa pagkilala sa mga politiko, maaari mo ng balikan muli ang mga nakatalang pangalan sa naunang listahan ng mga iboboto upang makagawa ng pinal na desisyon para sa eleksyon. Tandaan ang nabanggit sa nauna, ituring ang balota na sagradong kasunduan.

S-  Sawatahin  ang mga mapanggulo
           
            Habang papalapit ang halalan ay higit na dumadami ang mga kaguluhan at problema sa kapaligiran kung nararapat na tumulong na mapuksa ang mga ito. May mga hotlines na maaaring kontakin upang isumbong ang mga ito upang agad na masolusyonan ang problema. Hangad nating lahat ang malinis at matiwasay na halalan at mangyayari ito kung ang lahat ay magtutulong-tulong sa pagsasakatuparan nito.

T – Takdang araw ng pagboto’y gampanan mo
Ang pangkalahatang halalan ng Pilipinas sa ilalim ng termino ng ating kasaluku-yang pangulo ay gaganapin sa ika-13 Mayo 2013. Higit na pinalawig ang oras ng pagboto sa taong ito na magsisimula sa ika-7 ng umaga at magtatapos ng ika-7 ng gabi upang mabigyan ng sapat na oras ang mga mamamayan na magtungo sa kanilang mga presinto, maiwasan ang mga siksikan at para sa ilang aberya na maaaring maganap sa araw mismo ng halalan. Tandaan ang pagboto ay iyong karapatan kaya dapat mo itong gampanan!
U – Umupo at bantayan ang buong proseso
            Matapos ang pagboto ay nararapat pa rin na makisangkot tayo at bantayan ang buong proseso ng halalan. Ang ilan ay maaaring kinuha na ilang politiko bilang mga Poll Watchers, Volunteers at ilan naman sa mga sektor ng lipunan ay nagbibigay iba’t ibang libreng serbisyo sa araw ito. Mangyaring magsagawa ng mga simpleng pamamaraan para makatulong sa malinis at payapang halalan.
W – Wakasan ang pagboto ng may tinta sa hintuturo
            Tandaan na ang paglalagay ng tinta sa ating hintuturong daliri ang magpapasinaya na tayo ay nakaboto na. Huwag itong piliting burahin upang magamit sa ibang pamamaraan at ipagmalaki ang tatak na ito dahil isa ito sa pinakamalaking gampanin na nagawa para sa ating bayan.
Y – Yakagin ang Diyos sa kabuuan ng halalan
            Ang tamang panuntunan ng tao ay unahin ang Diyos ng higit sa lahat, sunod ang ating sarili patungo sa ating kapwa. Kung ito ang pakakaisipin ng lahat ng mga tao ay makakasiguro tayo sa inaasam nating malinis at matiwasay na halalan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento