Miyerkules, Agosto 1, 2012

Magdiwang at Makiisa :)

Alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon B1g. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wika tuwing Agosto 1-31, ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may paksang "Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Filipino."
Layunin ng pagdiriwang ang mga sumusunod:
  1. maisakatuparan ang mga tungkulin ng KWF ayon sa itinakda ng Seksiyon XIV, Letrang L ng Batas Republika 7104;
  2. mapalakas lo ang wikang Filipino bilang Wikang pambansa at Wikang panlahat para sa lakas at tatag ng sambayanang Pilipino;
  3. magunita ang kasaysayan ng wikang pambansa sa ika-75 taon mula nang ipahayag ang Tagalog bilang batayang wika;
  4. maganyak ang mamamayang Pilipino na makilahok sa Timpalak sa Pagsulat ng Sanaysay sa Filipino; at
  5. lalong pasiglahin ang mga paaralan sa pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Hinati sa limang (5) paksa ang isang buwang pagdiriwang:

PetsaPaksa
Agosto 1-7Pitumpu't limang taon sa Pagsulong ng Wikang Filipino sa Edukasyong Pilipino
Agosto 8-14Filipino at iba pang mga Wika sa Pilipinas: Lakas ng K to 12 at MTB-MLE
Agosto 15-21Wikang Filipino at iba pang Wika sa Rehiyon: Wika ng Bayan sa Kapayapaan
Agosto 22-28Wikang Filipino: Wikang Panlahat para sa Matatag na Lipunang Pilipino
Agosto 29-31Wika ay Kakambal ng Kapayapaan sa Pagtahak sa Tuwid na Landas
Kalakip nito ang Mungkahing Palatuntunan ng mga Gawain para sa isang buwang pagdiriwang.

Hinihiling ang maaga at malawakang pagpapalaganap ng Memorandum na ito.


BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2012

Agosto 1-7  Pitumpu't Limang (75) Taon sa Pagsusulong ng Wikang Filipino sa Edukasyong Pilipino
  1. Pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng wika
  2. Pagdaraos ng talakayan hinggil sa isyu ng pagpapaunlad ng wikang Filipino
  3. Pagsasagawa ng eksibit na ang tema ay nauukol sa kasaysayan ng wikang Filipino mula nang ipahayag ang Tagalog bilang batayan ng pambansang wika.
  4. Pagpapagamit ng wikang Filipino sa mga komunikasyon at korespondensiyang opisyal at iba pang disiplina.
  5. Pagtalakay na ang wikang Filipino ang pangunahing daluyang ng pagsasalita, pagbasa at pagsulat
Agosto 8-14  Filipino at iba pang mga Wika sa Pilipinas: Lakas ng K to 12 at MTB-MLE
  1. Pagtalakay ng wikang Filipino at iba pang mga wika bilang wika sa binagong kurikulum sa edukasyon (MTB-MLE)
  2. Pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo alinsunod sa kurikulum ng K to 12.
  3. Pagdaraos ng mga debate sa paksang "Nakatutulong ang Wikang Katutubo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino".
  4. Pagpapasulat ng maiikling sanaysay kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng wikang pambansa sa antas elementarya at sekondarya.
  5. Paghahanda ng slogan na may kaugnayan sa paksa, para sa lalo pang pagpapasigla ng pagdiriwang.
Agosto 15-21  Wikang Filipino at iba pang Wika sa Rehiyon: Wika ng Bayan sa Kapayapaan
  1. Pagsasapuso ng pag-awit ng "Lupang Hiniring"
  2. Pagsasapuso ng Panatang Makabayan
  3. Pagsasapuso ng mga awiting bayan bilang bahagi ng programa sa pagdiriwang
  4. Pagtataguyod ng kumperensiya na ang pokus ay paggamit ng wika para sa pagpapalutang ng identidad ng pagka-Pilipino.
  5. Paggawa ng poster para sa kabansaan na nagsusulong ng isang wikang matibay na nagbibigkis ng bayang maunlad
Agosto 22-28  Wikang Filipino, Wikang Panlahat para sa Matatag na Lipunang Pilipino
  1. Pagtatanghal ng masining na dula-dulaan, tula at talumpatian para sa pagpapatatag ng edukasyon at kultura at nagpapahalaga sa sariling pag-iisip, dangal at marangal na adhikain bilang malayang bansa.
  2. Pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo
  3. Pagpapagamit ng wikang Filipino sa mga talakayan sa loob at labas ng silid aralan
  4. Pagbuo ng programa sa wika na magpapakita ng matatag na lipunan.
  5. Pagtatanghal ng programa na sa kabuuan ay para sa kapakanang pang-edukasyon at pangkultura.
Agosto 29-31  Wika ay Kakambal ng Kapayapaan sa Pagtahak sa Tuwid na Daan
  1. Pagtataguyod ng pampaaralang timpalak sa pag-aayos ng mga silid-aralan na nagtatanghal ng isang buwang pagpapahalaga sa wikang pambansa.
  2. Pagtatanghal ng masining na timpalak sa pagbigkas na ang paksa ay ang paggamit ng wika sa pagtahak sa tuwid na landas.
  3. Pagdaraos ng palatuntunan na nagtatanghal ng wika bilang kakambal ng kapayapaan sa pagtahak sa tuwid na landas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento