Miyerkules, Agosto 8, 2012

UNANG PITAK :)



  (Special Feature / Education)

K – 12 ...
Kabataan sa Labindalawang Hakbang

“Edukasyon Para sa Lahat” ito ang   mithiin ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagtahak sa pagbabago ng kalakaran ng edukasyon sa ating bansa na tinatawag na K-12 Program (Enhance Basic Education Curriculum) . Functional literacy ang target ng programang ito na kung saan inaasahan na mas malaking oportunidad ang nakahanda di umano sa mga kabataang mapapasailalim sa naturang programa.

Sa Asya, tanging Pilipinas na lamang ang may sampung taong pag-aaral sa Basic Education (Elementarya at Sekondarya) kaya isa di umano ito sa mga dahilan kung bakit hindi ganap na nabubuksan ang mga magagandang oportunidad sa mga Pilipinong nangingibang bansa. Kung babalikan din ang kalakaran ng edukasyon sa mga nakalipas na taon hindi rin maikakailang nagdaan sa iba’t ibang ekperimento at pabago-bago ang ninanais nilang direksyon kung ano ba talaga ang mas epektibo para sa paghubog ng isang mag-aaral bago magtungo sa kolehiyo. Nariyan ang SEDP, BEC , RSEC, SEC at ngayon ay K-12.

Sa K-12 Program , kinakailangang pumasok na sa Kinder ang mga batang may edad na limang taong gulang. Pagkatapos nito, sa Una hanggang Ikatlong baitang itinatampok ang paggamit ng Mother-Tongue-Based-Multilingual-Education (MTB-MLE) o gagamiting panturo ng mga guro ang unang wika na kanilang ginamit sa lahat ng asignatura at sa ikalawang semestre unti-unting ipapakilala ang paggamit ng Filipino at Ingles. Pagpapatunay dito naihayag ni DepEd Undersecretary Vilma Labrador sa Press Release ng ahensya na “When a child thinks, he naturally uses the language he grew up with. That is why the thinking process is fast and clear.” (Kapag ang bata ay nag-iisip, higit na ginagamit nila ang wikang kinalakihan nila. Ito ang dahilan kung bakit ang kanilang pag-iisip ay mabilis at nauunawaan.)  Higit umanong makapagsasalita at makakaunawa ang mga mag-aaral kung gagamitin nila ang kanilang wika at mas madali na lamang na matutunan ang iba pang wika at kaalaman dahil nauunawaan nila ng mga ito.  Dahil madali na pagkatuto ng mga mag-aaral magtutuloy-tuloy ang mga ito ng pag-aaral  hanggang sa ikaanim na baitang at magtatapos sila ng elementarya.

Pagkaraan nito, bubunuin ng bata ang anim na taon sa hayskul. Ang Grade 7 – 10 ay tatawaging Junior High School na kung saan ay Spiral Approach ang pamamaraan ng pagtuturo at piling-pili  (decongested) ang mga aralin upang makuha ang ganap na pagkatuto (mastery).  Muling magtatapos ang mga mag-aaral at sa pagpapatuloy ng mga mag-aaral ng Grade 11 – 12 at  tatawagin na itong Senior High School na magbibigay ng  Technical  at Vocational Subjects (Tech-Voc) . Malayang makapipili ang mga mag-aaral ng gusto nilang pasukan sa bahaging ito at nakadepende sa kanilang kakayahan.

            Iba na rin ang paraan ng pagsulat ng marka ng mga bata. Hindi na siya makikita na de numero sapagkat ang marka ng bata aynakasulat sa mga titik ( B – Beginner , D – Developing ,  AP – Approaching Proficiency, P – Proficient at A – Advanced.)  na katumbas ng mga nakuha nilang puntos sa iba’t ibang komponents ng kanilang pag-aaral. Ang layunin ng pamamaraang ito ay maging QUALITATIVE at hindi  QUANTITATIVE ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Halos dalawang buwan na ang nakalipas ng umpisahan ang programang ito ngunit maririnig mo sa  ilang sentyimyento ng mga guro sa pampuliko at pampribadong paaralan na hindi pa sila ganap na handa sa naturang programa. Bagamat sumailalim ang mga guro sa pampublikong paaralan ng mga seminar at pagsasanay noong nakaraang bakasyon upang mapaghandaan ang pagpasok ng taong-panuruan ay marami pa rin ang nangangapa rito.

Ayon pa nga sa isang guro na aking nakapanayam “Inaabot ako ng tatlong araw sa paggawa ng lesson plan para sa isang subject  lamang pero kung titignan mo ang mga aralin halos iisa lang naman ang topic. Ang hirap talaga at gusto ko na ngang magretiro ng maaga.”  Idagdag pa rito na may mga pampribadong paaralan ang nagpapatupad ng ganitong programa pero hindi man lang nakadalo ng seminar kaya ang resulta nito ay sinasabayan nila ang mga bata sa pag-aaral ng naturang programa, inuunawa ang mga dokumento na ipinapadala ng DepEd  patungkol sa programang ito  at humahabol sa pagdalo ng mga seminar na tumatalakay sa naturang usapin.  Hindi rin maikakaila na wala pang sapat na pasilidad at establisyimento para sa pagdagsa ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, mga karagdagang guro at kagamitang panturo tulad ng mga librong dapat gamitin sa kanilang pag-aaral.

Sa kabila ng mga lumilitaw na problemang ito, kung titignan ang kabuuan ng programang ito ay maganda ang maidudulot nito hindi lamang sa mga kabataan sa larangan ng edukasyon  ngunit masasaklaw nito halos lahat ng sangay ng ating pamahalaan. Hangarin nito na makapasok sa paaralan  ang lahat ng gustong mag-aral at sumailalim sa mga inihandang kasanayan. Sa huli, pagkatapos nila ng hayskul ay nasa husto na silang gulang at higit silang makakapili sa kung anong landas ang gusto nilang tahakin na tiyak na may kahahantungan. 

Maaga pa para husgahan ang DepEd sa nagaganap na kalakaran sa edukasyon. Hindi pa natatapos ang isang buong taon at kung iisipin ang pagpapasya sa kahihinatnan nito ay sa taong 2018 pa. Ngunit nakakatuwang isipin na ang isang mag-aaral ngayon sa unang taon niya sa hayskul bilang Grade 7 at mananalamin pagkalipas ng anim na taon ay maari ng maghanap buhay para sa kaniyang pamilya sa loob o labas man ng ating bansa bagamat katatapos lamang niya ng hayskul. 




















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento