Igan (Pebrero 14, 2002)
Nagsimula ang lahat don sa paaralan,
Minsan tayong nagkausap at nagkwentuhan,
Hindi nagtagal lubos na nagkakilanlan,
At nang lumao'y nakabuo ng samahan.
Tila dula ang ating naging barkadahan
Sa tuwina'y komedyang laging may kasiyahan
Minsa'y melodrama kung mayroong tampuhan
at nagiging trahedya kung nagbabangayan.
Ngunit hindi maiaalis ang pangamba
Sa pagdating ng panahon na itinakda
May panahong tayo ay magkakahiwalay
Upang harapin bagong hamon ng buhay.
'yan ang kwento ng ating pagkakaibigan
Na sadyang hindi ko na kayang kalimutan
Na aking dadalhin hanggang katandaan
at buong ipagmamalaki kanino man :)
==========================================================================
Bayang Pangako (Hunyo 27, 2002)
Halina't dumayo sa bayang pangako,
Pangako'y kaligayaha't kasaganaan,
Kasaganaang makakamtan habambuhay,
Habambuhay nawang mapasakamay!
Ilang taon sa dayuha'y naging alipin
Alipin sa sariling bayan pa man din!
Bayan na sadyang kaakit-akit
Kaakit-akit na lapastanganin!
Ngunit hindi hindi nagpagapi ang magigiting na bayani,
Bayaning gulok at panulat ang nagsilbing gamit,
Gamit na ating iningata't ipinagmalaki
Ipinagmalaki hanggang sa sila'y masawi!
Pagkaraan ng digmaa'y umusbong ang kasarinlan
Kasarinlang inabuso ng ilang kapwa natin Pilipino
Pilipinong tiwala't naging sakim,
Sakim sa kapangyariha't kayamanan na nais makamit.
Ito ang bayang pangako,
Pangako na tila napako,
Napako sa dayuha't Pilipinong ganid,
Ganid sa natatanging yaman ng bayang kaakit-akit!
==========================================================================
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento