WIKA, BALA
SA TALA!
Natatanging
buwan muli ng ating wikang pambansa. Sa panahong ito napapaalalahanan ang lahat
partikular ang sektor ng edukasyon sa gampanin at kahalagahan ng Wikang
Filipino. Higit na napapalitaw ang isang isyu na sa tingin ng iba ay hindi
naman mahalaga kumpara sa napakaraming suliraning dapat ayusin sa ating bansa.
Batid
ng lahat na tayong mamamayang isinilang sa bansang Pilipinas ay mga Pilipino
ngunit ng tanungin ko ang sampung tao kung ano ang kanyang pambansang wika lima
sa mga ito ang nagsabing Tagalog, dalawa ay Filipino samantalang ang natitira
ay hindi sigurado sa kanilang kasagutan at nangiti na lamang. Sa resultang
nabanggit, hindi pa rin ba maituturing na malaking suliranin na ang isang
Filipino ay hindi batid ang kanyang wika? Hindi ba’t sinasabing ang wika ang
nagsisilbing kalulumwa ng isang lahi, instrumento sa ganap na pagkakaunawaan at
susi sa kaunlaran ng bansa.
TAGALOG, PILIPINO o FILIPINO?
Bilang paglilinaw sa mga
kasagutan ng sampung taong aking nakapanayam at sa kabatiran na rin ng lahat ng
Pilipino ang Tagalog ang kauna-unahang wikang pambansa (1937); naging Pilipino
noong 1940 na ibinatay sa Tagalog (nagsilbing isa sa mga dayalekto muli) at
Filipino noong 1987 hanggang sa kasalukuyan na ibinatay sa lahat ng dayalekto
ng bansa. Nagsisilbi naming pantulong na wika ang mahigit 150 na dayalekto o
bernakular na wika.
LINGUA FRANCA
Ang mga wikang palasak na
ginagamit sa isang pook ay tinatawag na Lingua Franca. Tulad sa Metro Manila at
Central Luzon,Tagalog ang Lingua Franca; Ilokano sa Ilocos Region at Bisaya sa
Visaya at ilang bahagi ng Mindanao. Ito ang isinusulong ngayon na pagtibaying
gamitin sa kalakaran ng edukasyon sa programang MTB-MLE (Mother-Tongue-Based-Multilingual
Education) ng Kagawaran ng Edukasyon.Magsisilbing wikang panturo ang kanilang
unang wika para sa ganap na pagkatuto ng mga bata kasunod ang unti-unting
pagpapakila at paggamit ng Filipino at Ingles.
Mapapadali ang pag-aaral ng mga mag-aaral dahil mas mauunawaan nila ang
mga aralin gamit ang wikang kanilang kinalakhan. Sa ganitong pamamaraan
naniniwala ang DepEd na tataas ang literasi ng mga mag-aaral sa ating bansa.
REPLEKSYON NG WIKA
Malinaw na inilahad sa
naunang paksa na ang wika ang magsisilbing behikulo sa pagtatagumpay ng isang
mag-aaral. Ngunit bago ito makamit kailangang tingnan ng maigi ang balang ito
sa pagkamit ng kanilang mga tala. Ganap na bang matatag ang balang ito na hindi
kakayaning buwagin upang maging pundasyon ng isang indibidwal. O higit nating
alamin kung ano nga ba ang naging papel ng wika sa pang-araw-araw na buhay ng
mga Pilipino? May kinalaman ba ang wika sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa?
Pagiging Top Notcher sa isang
pagsusulit? Sa pagkakatuklas ng mga makabagong tenolohiya? O sa pagkapanalo ni Pacquio?
Hindi ko tuloy maiwasang
maalala ang isang bahagi ng papel ni James Soriano na ang Filipino ay pang-yaya
at kalye lamang. Negatibo ang naging
dating sa karamihan ng kanyang artikulo
pero sa kabuuan ipinamulat lamang niya ang katotohanan. Kahit saan ka tumingin,
nangingibabaw ang unibersal na wika. Sa malalaking pagsusulit ingles ang midyum
ng pagtatanong, ang mga batas karamihan
hindi sa sariling wika nakasulat, sa karaniwang pakikipag-usap o panayam sa mga
kilalang personalidad kung hindi code-switching (Taglish) ay tunog kano kung
magsalita. Ngayon natin limiin kung gaano na katatag ang wika. . .
ISANG HAMON
Panahon na para higit na
pagtuunan ng pansin ang wastong paggamit ng ating wika. Nagsimula ng humakbang
ang Kagawaran ng Edukasyon at ito ang magsisilbing ugat upang mapalaganap ang
adhikaing ito. Tularan sana natin ang Japan na isa sa susi ng kaunlarang
tinatamasa nila ay ang wika. Ordinaryo o propesyunal na mamamayan batid ang
tungkulin ng kanilang wika kaya hindi sila pumapayag na isantabi ito. Litaw na
litaw din sa kanilang mga produkto ang kanilang pagkatao gamit ang baling ito
kayat isa sila sa natatanging tala na nagniningning sa mundo.
Lahat tayo’y gustong
magtagumpay at handang gawin ang lahat upang maisakatuparan ito. Sa dami na ng
estratehiya nasubukan hindi kaya ang kulang sa pormula ng pagkamit ng tagumpay
ay ang ganap na pagpapatatag ng ating wika. Marahil ito ang magsisilbing bala
upang maraming tala ang magningning. Sa huli, kapag nagawa natin ito lalakas an
gating pwersa tungo sa pedestal na magbibigkis sa ganap nating PAKA-PILIPINO.
Ayon nga sa tema ng Buwan ng
Wika sa taong ito ‘Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng pagka-Pilipino. Tatapusin ko ang papel na ito
na may iiwang magandang pahayag at nawa’y makintal sa isipan “Ang taong bihasa sa Wikang
Filipino, maihahambing sa isang henyo.”
Poster-Islogan na nalikha patungkol sa Kasaysayan ng Wika |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento