Lunes, Agosto 20, 2012

Lumang Kwaderno 2002

  Igan (Pebrero 14, 2002)

Nagsimula ang lahat don sa paaralan,

Minsan tayong nagkausap at nagkwentuhan,
Hindi nagtagal lubos na nagkakilanlan,
At nang lumao'y nakabuo ng samahan.

Tila dula ang ating naging barkadahan
Sa tuwina'y komedyang laging may kasiyahan
Minsa'y melodrama kung mayroong tampuhan
at nagiging trahedya kung nagbabangayan.

Ngunit hindi maiaalis ang pangamba
Sa pagdating ng panahon na itinakda
May panahong tayo ay magkakahiwalay 
Upang harapin bagong hamon ng buhay.

'yan ang kwento ng ating pagkakaibigan
Na sadyang hindi ko na kayang kalimutan
Na aking dadalhin hanggang katandaan
at buong ipagmamalaki kanino man :)

 ==========================================================================
Bayang Pangako (Hunyo 27, 2002)

Halina't dumayo sa bayang pangako,
Pangako'y kaligayaha't kasaganaan,
Kasaganaang makakamtan habambuhay,
Habambuhay nawang mapasakamay!

Ilang taon sa dayuha'y naging alipin
Alipin sa sariling bayan pa man din!
Bayan na sadyang kaakit-akit
Kaakit-akit na lapastanganin!

Ngunit hindi hindi nagpagapi ang magigiting na bayani,
Bayaning gulok at panulat ang nagsilbing gamit,
Gamit na ating iningata't ipinagmalaki
Ipinagmalaki hanggang sa sila'y masawi!

Pagkaraan ng digmaa'y umusbong ang kasarinlan
Kasarinlang inabuso ng ilang kapwa natin Pilipino
Pilipinong tiwala't naging sakim,
Sakim sa kapangyariha't kayamanan na nais makamit.

Ito ang bayang pangako,
Pangako na tila napako,
Napako sa dayuha't Pilipinong ganid,
Ganid sa natatanging yaman ng bayang kaakit-akit!

==========================================================================

Nahalukay sa Baul (2001)

Hinagpis (April 2001)

Dagundong ng kulog sa kalangitan
Sa tuwina'y aking napapakinggan
Hagupit ng kidlat sa kalawakan
Kaakibat ng abang katauhan.

Sa pagmumuni-muni't pag-iisa
Pilit hinahanap ang kasagutan
Sabay tanong sa Amang Maylikha
Kalutasa'y kailan makakamtan?

Wika Nya'y mapalad ang naaapi
Sapagkat Siya ang iyong kakampi
Ngunit hanggang kailan magtitimpi
Ang wasak na puring isinantabi!

Oh Ama! huwag sanang magdaramdam
Sa laman ng puso't isipan
Na sadyang hindi ko na makayanan
At nawa'y mawaglit na nang tuluyan !

==========================================================================

Kapangyarihan (April 2001)

Ang puso ng tao'y sadyang
makapangyarihan 
Isipa't  damdami'y kaniyang
nadidiktahan
Na sa tuwina'y hindi natin
maunawaan
Sapagkat busilak ang
pagpapakahulugan.

Kakaibang karanasan iyong
makakamtan
Kapag puso'y tumibok at matutong
magmamahal
Kaligayaha't kalungkuta'y sadyang
nariyan
Na dapat paghandaa't matutong
ipaglaban.

Giliw kong mangingibig inyong
pakatandaan
Itong munting payo ng makatang
nagmamahal
Upang kaligayahan sa puso'y walang
hanggan
Tapat na pag-ibig ang ialay sayong
mahal!

=============================================================
Tulang nalathala sa Advocate (FEU SCHOOL PAPER) 

Dampa  

Doon sa dampang aming ginagalawan
Samo't saring mukha ang iyong daratnan
Mga ngiti't tangis sa tuwinay nariyan
Na mayroong tinatagong kahulugan.

Sa tingin ng iba tila kami dumi,
Kinukutya't pilit isinasantabi
Sapagkat buhay nila'y taliwas samin
at sa lipuna'y  laging nagmamagaling.

Paalala lamang mga kaibigan
Kayong nagmamagaling kayang buwagin
Nitong maliliit na nakakapuwing
Na sa huli'y inyong dakilain!

Wika nga ng tinuran ng kasabihan
"habang may buhay ay mayroong pag-asa'
Sabayan lamang ng ng sipag at tiyaga
Kami'y makakaahon dito sa dampa!

=============================================================

BAKIT?  (Hunyo 24)


BAKIT? 
              Ang tanong ng mga taong
              tila nawawala sa katinuan.


BAKIT? 
              Ang bulalas ng bibig
              ng naghahanap ng kasagutan?


BAKIT? 
             Ang salitang pampagulat
             sa tulalang katauhan.


BAKIT? 
              Ang aksyong nagpupumiglas
              sa ating naliltong damdamin.


BAKIT? 
             Oh buhay!
             Oh BAKIT?
 


Martes, Agosto 14, 2012

Agham Panitikan :)

Panunuring Pampanitikan

Ø  Isang uri ng pagtalakay na nagbibigay-buhay at diwa sa isang sa isang likhang sining. Isang kaisipang hindi tapos.
(Ramos at Mendiola)

Ø  Isang agham ng teksto na inuugnay sa Gawain ng isang kritiko na may pinaghahanguang iba’t ibang teorya.

Ø  Isang esensyal na Gawain sa pagsasanay na ginugulan ng oras at panahon sa pagsusulat ng mapanuring pagpapahayag.

Ø  Hindi lamang nagsusuri o nagbibigay kahulugan sa mga nagaganap sa daigdig kundi ito’y isang paraan ng pagsusuri sa kabuuan ng tao.

Katangian ng isang mahusay na Kritiko:

1.        Malawak ang kaalaman sa paksa.
2.       Matapat sa sariling itinuring ang panunuri ng mga akdang pampanitikan bilang isang sining.
3.       Handang kilalanin ang sarili bilang manunuri ng akdang pampanitikan at hindi manunuri ng lipunan, manunulat, mambabasa o idelohiya.
4.      Laging bukas ang pananaw sa mga pagbabagong nagaganap sa panitikan.
5.       Iginagalang ang desisyon ng ibang kritiko na patuloy na sumasandig sa ibang disiplina.
6.      Matapat na kumikilala sa akda bilang isang akdang sumasailalim sa paraan ng pagbuo o konstruksyon batay sa sinusunod na alituntunin o batas.
7.       Kailangan ang tigas ng damdaming naninindigan upang maging tiyak na kapakinabangan ng panitikan ang kanyang pagmamalasakit.
8.      May kakayahang ipakita ang pagkakaiba ng isang obra sa iba pang likhang sining.
 
Paraan sa Pagsusuri ng Akdang Pampanitikan :
1.        Pagbabasa ng akda.
2.       Pag-unawa sa teksto.
3.       Pagsusuri ng mga elementong taglay ng isang akdang pampanitikan.
4.      Pagpapabasa sa iba.

Teoryang Pampanitikan

A.      Realismo – katotohanan ang mahalaga kaysa sa    kagandahan
B.      Bayograpiya – tumutuklas sapilosopiya ng manunulat
C.      Feminismo – nakatuon sa pagtuklas ng muling pagtaya sa mga isinulat ng kababaihan bilang ekspresyon ng karanasang pangkababaihan. Pinapantay ang babae sa mga lalaki sa iba’t ibang larangan.
D.     Historikal – nakabatay sa impluwensya  nagpapalutang sa isang akda, ang sitwasyong politikal at tradisyon na nakapaloob sa akda.
E.      Humanismo – naniniwalang tao ang sukatan ng lahat ng bagay.
F.       Klasismo – pinapahalagan ang paglikha ng kagandahan at hindi angkop ang paggamit ng mga salitang balbal at labis na emosyon
G.      Sosyolohikal – tumutalakay sa kalagayang panlipunan
H.     Imahismo - gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.
I.        Formalismo/Formalistiko - kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang.
J.       Saykolohikal/Sikolohikal - Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.
K.      Romantisismo - ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan.
L.      Kultural - Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi
M.   Moralistiko - ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali.
N.     Arkitaypal - ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo.

Mga Kritikong Pilipino sa Panitikang Filipino :

1.        Alejandro G. Abadilla 

2.       Teodoro A. Agoncillo

3.       Virgilio S. Almario

4.      Lope K. Santos 

5.       Ponciano B.P. Pineda 

6.      Lamberto E. Antonio

Kahalagahan ng Pagsusuri :

1.        Maibigay ang magandang bagay na likha ng sining.

2.       Matukoy ang kahinaan at kalakasan ng isang sining na magpapakilala sa huli ng kabutihan nito.

Balangkas ng Pagsusuri:


 

Panunuring Pampanitikan

(Tula)
I. Pamagat :
II.  May-akda :
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.       Tema :
2.       Paksa :
3.       Sining ng pagpapahayag:
4.       Layon:
5.       Persona:
6.       Banghay /detalye:
7.       Argumento:
B.      Istruktura
1.       Anyo:
2.       Sukat :
3.       Tugma
4.       Pamamaraan:
5.       Himig :
6.       Teoryang Pampanitikan:
C.      Kariktan
1.       Antas ng wika:
2.       Imahe/Simbolismo:
D.      Pangkaisipan
1.       Bisa (ISIP at DAMDAMIN) at Kaukulan:
2.       Bahaging gustung-gusto:
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:


 Halimbawa:

Panunuring Pampanitikan
(Tula)
I. Pamagat : Sa Tabi ng Dagat
II.  May-akda : Ildefonso Santos
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.        Tema : Pag-ibig
2.       Paksa : Ironiya ng pagpasok sa isang relasyon
3.       Sining ng pagpapahayag: Pasalaysay at paglalarawan
4.      Layon: Mapaglarawan at mapagpanuto
5.       Persona: Kasintahang lalaki o binata
6.      Banghay /detalye:
a.       Unang saknong
Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig na sila’y tatakas. Inilarawan ng may-akda ang paa ng babae.
b.      Ikalawang saknong
Dumaan sila sa pilapil at may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat.
c.       Ikatlong saknong
Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat.
d.      Ikaapat na saknong
Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang stamis at sakit ng kanilang pag-iibigan.
7.       Argumento: Ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad.
B.      Istruktura
1.        Anyo: May tiyak na sukat at tugma
2.       Sukat : Mayroon itong apat na taludtod at lalabinwaluing pantig sa bawat taludtod.
3.        Tugma:
Gumamit ang may-akda ng tugmang  karaniwan sa tatlong saknong maliban sa ikatlong saknong na  tugmang ganap.
4.      Pamamaraan:
Masigasig, makatotohanan at imahinistiko ang tulang ito.
5.       Himig :
Nakakakilig sa simula ngunit natapos ito ng malungkot.
6.      Teoryang Pampanitikan: Imahenismo
C.      Kariktan
1.        Antas ng wika:
Matalinghagang pananalita ang ginamit ng may-akda na kung saan ay pareho niyang ginamit ng idyoma at tayutay:
a.       Paang binalat sibuyas – makinis
b.      Sakong wari’y kinuyom na rosas –mapula
c.       Damong may luha ng mga bituin – hamog               
2.        Imahe/Simbolismo:
Ang ikatlo at ikaapat na taludtod sa unang saknong ng tula ay naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.
D.     Pangkaisipan
1.        Bisa  at Kaukulan:
Replektibo ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na Masaya at masakit ang umibig.
2.       Bahaging gustung-gusto:
Ikatlong saknong ng tula dahil ito ang pinamasayang sandal sa piling ng isa’t isa.
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:
Maganda ang tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig. 
 



Tula-Suri
Pag-aaral ng Isang  Likhang Sining

                        Isa sa pinakamagandang naisatitik ni ildefonso Santos ay ang tulang Sa Tabi ng Dagat. Sa istilong mayroon ang makatang ito inaasahan na mapag-iisip ng malalim ang mambabasa nito sa pagtukoy ng kahulugan ng kanyang nga kataga at pagpalutang ng mga ideya sa larawang guhit na maglalaro sa ating imahinasyon.

                        Likhang sining ang tulang ito na may kakaibang istilo sa istruktura na kung titingnan ay malayang taludturan ngunit sa pagbabaybay ng mga taludtod mapapansing tradisyunal ang pagkakabuo nito. Sa unang tingin tila napakadali lamang at payak ang tulang may sukat at tugma na ito ni G. Santos dahil sa napaiksi nito ngunit ang apat na saknong na ito na mayroong lalabinwaluhing pantig ay kinakailangan basahin ng makailang ulit dahil sa ang pagsasalaysay na kanyang ginawa ay masining na paglalarawan. Makatotohanan ang nilalaman nito dahil ang tema nito ay pag-ibig, masasalamin ng mga kabataan ang kanilang karanasan sa tamis at pait ng pagpasok sa isang relasyon. Masigasig na nailarawan ng makata ang pangyayari sa tula na may hangaring magpayo sa mga mambabasa nito.

                        Ang kasintahang lalaki ang persona sa tula na nagsalaysay ng mga kaganapan sa kanila sa buong araw. Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig sa simula na tila sila’y tatakas. Dumaan sila sa pilapil na may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat. Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat. Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang saya at sakit ng kanilang pag-iibigan. Sa pangyayari, pinalutang ng makata ang argumento  nito na ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad. Dapat malaman ng mga kabataan ang kanilang limitasyon at nakahanda sa magiging resulta ng kanilang ginawa, kung handa kang masaktan kailangan ay nakahanda ka ring masaktan. Madadama sa tula ang himig na nakakakilig sa simula at sa huli ay nakakalungkot na nagpatibay sa paksa ng kanyang tula.
       
                           Teoryang imahismo ang ginamit ng may-adka  dahil sa mga imahen na naghahayag ng mga damdamin at kaisipan na layong ilantad ang totoong kaisipan sa loob ng akda. Ang unang saknong ay nagtataglay ng imahe na naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.

di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat sibuyas,
ang daliring aring
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Nagpalitaw din sa kariktang taglay ng tula ang matatalinghagang pananalita na kung saan ay parehong  ginamit ng may-akda ang idyoma at tayutay tulad ng mga sumusunod na parirala - paang binalat sibuyas, sakong wari’y kinuyom na rosas  at damong may luha ng mga bituin.

            Matimpi at pigil ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Ang ikatlong saknong ng tula ang bahaging nakapukaw ng aking kamalayan dahil ito ang pinamasayang sandali sa mga tauhan ng tula. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na masaya at masakit ang umibig. Maganda ang kabuuan ng  tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig.
                                                                                   
Pagsusuri ni :
Gng. Wilma E. Hermogenes

Biyernes, Agosto 10, 2012

Kamera


                 Sa anim na taon kong ginugol sa naturang luklukan masasabi kong ang unang apat na pamamalagi ko roon ay hindi kasing kapana-panabik sa mga sumunod na taon. Umiikot ang aking mundo sa pagpasok sa tamang oras at gugulin ang buong maghapon sa kung ano ang itinakda nila at sa pagsapit ng itinakdang oras lilisanin ko ang naturang silid ng wala ng ibang iniisip kundi ang umuwi at gampanan ang pinakamahalaga kong tungkulin.Kung hindi nakaharap sa mga musmos na nilalang at magpunla ng kaalaman madalas ang imaheng mabubuo sa isang obra kung ako ang kanyang pyesa ay isang nilalang nakaupo at nakasubsob sa lamesa o di kaya'y nakikipag-usap ng masinsinin sa dalawang tao na siya lamang pinagkakatiwalaan ko sa lugar na iyon. Maaari rin namang nakatahimik habang nagmamasid sa mga nangyayari sa paligid at makikita lamang na magsasalita kung hinihingi ng pagkakataon. Hindi naman kami pabigat, sa katunayan maipagmamalaki kong isa kami sa mga dapat panghinayangan kung kamiy kanilang papakawalan ngunit iyon nga lamang maipipintas sa aming kahinaan ang kawalan namin ng panahon na makipag-ugnayan sa lahat ng taong naroon. laging sambit "ok lang po kami" o kaya naman "hindi po kami sasama".



                          Sa larawan sa itaas iyong kakulay ko ang damit ang tanging nanatili at nagpatuloy ng aming nasimulan ngunit matapos nilang umalis higit na naging makulay ang aming buhay. Unti-unti lumawak ang aming mundo, kung dati-rati sa apat na sulok ng silid at sa aming lamesa lamang ang aming ginagalawan nawala ang mga harang na kami lamang ang may gawa at higit namin naipakilala ang aming sarili sa mga tao na noo'y kinakatakutan naming kausapin at napag-isipan pa namin ng hindi maganda. Kung may mga umalis madami naman ang dumating na naging bahagi ng aming buhay at pagbuo ng aming pagkatao. Sa madaling sabi, naibuka namin ang aming mga pakpak at higit na naging kapaki-pakinabang sa institusyong aming pinapahalagahan.

Trahedya....

                               Simbilis ng takbo ng naturang sasakyan ang mga pagbabago sa taong 2010. Isang kapamilya ang binawian ng buhay ngunit naging daan upang mabuo ang isang samahan na kailan man ay di ko akalaing magkakasama-sama dahil na rin sa pagkaiba-iba ng personalidad. Ang isang lugar na pinangingilagan naming puntahan dahil itinuturing naming para lamang sa kanila at kanilang baluarte ay aming napwestuhan. Nagbukas din sa amin ang mga puso ng mga nilalang na kabalintunan ng nasa aming isipan dahil naipadama nila sa amin ang tunay nilang pagkakakilanlan kaya't nakatamdam ako ng hiya sa maling pagkakakilala sa kanila na ipinunla ng mga maling tao na aming unang nakasama. Ngunit salamat sa itaas dahil naipamulat Niya kami sa katotohanan at di pa huli ang lahat upang sila'y aming lubusan pang makilala...


Karnabal...
tsubibong umiikot
tahanang malambot
bangkang lumipad
paikot-ikot na uod

tinig na humiyaw
walang humpay na sayaw
kabilaang ingay
lakarang walang humpay

                             Sa malamig na buwan ng Disyembre pinag-init nito ang mga tao sa paglahok sa mga iba't ibang tagpo sa paaralan. Tila nadala ang Disneyland sa amin, hindi dahil sa mga atraksyon na naroon ngunit dahil sa kakaibang ligaya na naidulot nito sa amin. Ang paunti-unting hakbang ay naging mabilis dahil nabuo ang isang samahan na nagsimula dahil sa iisang hilig... ANG MAGPAKUHA NG LITRATO. 


 
 

                               Iyan ang unang hakbang ng aming pagbibigkis, biglaan.. nagkayayaang magpunta sa karnabal at inabot ng gabi ganyan na ang nangyari. Hindi pa kami ganap na magkakalapit noon pero kung mapapansin sa mga larawan tila sinubok na ng panahon ang lahat. Dito na nabuo ang aming pamilya... 


 
 HAMPS UNIVERSITY  
Hilig Ang Magpa-Picture Society
Founded Dec.9, 2010

                           Hindi na kami napaghiwalay pa simula ng mabuo ito at naibahagi sa isa't isa ang sarili. Bagamat may magkakaibang katangian swak pa rin dahil na rin sa magandang halimbawang ipinapakita ng mga taong gumagabay sa amin. Ang mundo ko noon na napakatahimik biglang umingay dahil naipakita ko kung sino ba talaga ako kayat di nakapagtatakang napakarami ang sa akin ay nagulat. Nakahanap ng mga bagong ka-buddy na halos katulad ko ang mga kabaliwan ngunit syempre nanatili ako sa tabi ng isang tao na hindi ko kayang iwan, ang tao na nakasama ko sa pagsisimula ko sa luklukang ito. 

KABALIWANG HABAGAT
  Pinanindigan talaga namin ang kahulugan ng aming samahan at sa bawat lugar na mapupuntahan namin at aming nagustuhan nakahanda na ang pagpitik ng kamera. Hindi na nga mabilang ang mga nakuhanang tagpo, mga di matatawarang mga ngiti, kakaibang mga anggulo at nahuling mga kakatwang anyo ngunit sa napakaraming iyon ang tanging di naisakatuparan ang aming Tag Line na WE DEVELOP PICTURES (hahahahaha walang hilig puro lamang post sa FB). 

                          Tila nagkaroon din kami ng impak sa mga tao sa aming paligid. Nakamasid sila sa mga hakbang na aming mga ginagawa. Napupukaw namin ang kanilang atensiyon na di naman namin intensyon at nagiging kaabang-abang sa kanila kung anong ingay ang aming gagawin. Sabagay kung iisipin at hindi naman sa pagyayabang kaming lahat sa aming pamilya may ibubuga, nag-iisip kung ano ba ang tama at siyang nakakabuti hindi lamang basta magpasikat. Higit pa sa lahat ang gusto namin ay magsaya kasabay ng paggawa sa kung ano ang nararapat. Marahil iyan ang mga pangunahing dahilan kung bakit nakabuo kami ng marka sa iba. 


                          Sa unang taon namin talagang tamang piktur kami


MCU Foundation Day Dec. 2010
Masasabing panimula ng lahat ng magagandang alaala 
at nagbuklod sa isang samahang hindi matatawaran. 

 

 PTA Family Day 2010
B-I-N-G-O
BINGO!
Naka-BINGO  rin ako na makapiling ang mga taong ito sa pagtatapos ng taon.

 

Rocel Wedding Dec. 18
Unang espesyal na okasyon  sa piling ng isa't isa. Ang masaksahin ang pag-iisang dibdib ng isa sa aming kapamilya. Dito na rin nabuo at IPINIPILIT na magkaroon ng opisyal na mag-partner sa pamilya. 
Walang kasingsaya kapag sila ang tampulan ng tuksuhan, hayss sana nga
malamang HENYO ang magiging anak nila :)




Math and Science Week 2011
Nakigulo kami sa isa  sa mga gumagabay sa aming nakababata. 
Feeling ko kasi bahagi ako ng Department nila, iba kasi sila
mag-organize at masaya ako sa mga pakulo nila :P

 
MCU Scout 3rd Camping 
Unang pagkakataon kong sumali sa Camping sa loob ng 5 taon 
kong pananatili sa MCU, syempre impluwensiya rin yun  
ng aming gabay at maka-bonding ang tropa :)
Hindi ko man tinapos ang camping, masaya pa rin!!!

 
Mariz Bday
Kaarawan ng aking pinakamamahal na si Mariz :)
Pagdiriwang sa Yellow Cab na bihira namin makainan.
Alam mo na mahal hehehehe.
Masayang ibahagi sa mga kaibigan mo ang isang taong
napakahalaga sa buhay mo.

 
JS Prom 2011
Pinakamasaya at hinding-hindi ko malilimutan na  JS na nadaluhan ko .
Overnyt stay sa Diamond Hotel at nakakaloka ang aming mga
kuhang larawan dito. Nakasilid pa kami sa Executive Room :)))

  
Field Demo 2011
Sayang muntik na kaming makumpleto hehehehe...
Nagpagawa kami ng T-shirt namin kaya UNIFORM.
Narinig ng iba yung plano namin kaya ayun, nagbalak din sila 
na gumaya kaso mukhang di sila nagkasundo ahahaha :)) 
 
 
Nakakuha ng tambayan!!!
BAREZZO... 
Kapag may selebrasyon at kailangan ng espesyal na miting ngunit 
hindi kaya ng budget... dito kami  pumupunta.
Hehehehe tipong fud3p at nomo-nomo :P
Kaso nung huli naming punta rito, nabanas kami
nabitin kami sa kanin ahahahah..

CAT Grad...
Recognition...
Graduation....
Haysss lahat ng selebrasyon meron kaming piktyur hahaha!!!

 Syempre ng mainit na ang panahon
ang sumunod naming 3p ay ang pag-swimming...

    
Una sa MCU lang dapat eh hindi kami pinayagan kaya sa
sobrang dismaya namin at hindi kami papayag na di makapag-swimming 
sa araw na iyon ayun napunta kami kila Mami Tins,
biglaan pero sobrang saya :))

 
   
Pangasinan Escapade :))
                 Naitapak din namin ang aming mga paa sa mga buhangin ng Pangasinan, nakalangoy sa mahigit 100 isla nito, nakapaglakbay sa mga 
magagandang atraksyon sa Bolinao tulad ng kanilang Light House, hindi rin pinalagpas ang malanguyan ang kanilang karagatan at pinakamagandang karanasan sa lahat ay ang aming pagpunta sa isang kweba na napakasarap na paliguan na tila kakaiba ang inihatid nitong pakiramdam sa amin. Iyon nga lamang sa huli nadismaya kami sa Falls na aming inaasahan, imbes na Falls eh na-False kami ahahahaha. Ang nakakaloka pa sabihan ba kami ng aming kasama sa pagbalik namin "buti di po kayo naligaw may nangunguha raw po kasi diyan eh." ahahahaaaa. 
                             Kung ang pakay namin sa pagpunta sa naturang napakagandang lugar ay ang maligo hanggang sa pag-uwi namin kami ay naligo... SA TERMINAL NG BUS ahahahaha :P Nakakatuwang karanasan iyon na di namin malilimutan :)) 

 
TSAPTER TU
KALATOG PINGKAN
                             Sa ikalawang taon namin may ilang mga nagpaalam, malungkot ngunit kailangan namin maging masaya para sa kanila. Pisikal na presensya lamang ang nawala ngunit nanatiling magkabigkis ang aming mga puso. Halos sabay-sabay na umalis ang tatlo sa amin sa pagsisimula ng taon at ang isa sa kanila ay nakaplano ng talaga.

                         Sa mga panahong ito TAMANG KAIN naman kami kaya isasalaysay ko ng patula ang mga pangyayari sa amin.

Ang katropa kong mga kalatog pinggan
Ganado ang bibig tuwing may umpukan 
Hindi maawat sa mga kakulitan
Seryosong usapan nagiging kalokohan.

Kapag ang lahat na ay nagsiupuan
Hudyat na ng laban sa hapag kainan
Busog ang aming puso sa kagalakan
Maging ang aming kumakalam na tiyan.

Kung mayron kaming natatanging okasyon
Lumalabas nang maiba ang lokasyon
Kahit bulsa ng iba'y kapos ang laman
Nakakaraos saming pag-aambagan.

 

Alay-lakad sa Tramway bago matunton
Eat-all-you-can ang sa amin ay humamon
PBB Haus ay amin pang nadaanan
Nabulabog namin sikat na tahanan!


 

Kung napagod kami sa buong maghapon
KFC,Chowking madalas na tinutunton
Minsan samin ay mayroong napikon
Orde'y binawi sa tagal nang pag-ahon!

Gelato't Sbarro minsa'y napagtripan
Nang mga galante naming kaibigan
Apat silang nang-inggit sa kabusugan
'toy mga biglaang lakad ng iilan.


Hindi rin mawawala sa ating listahan
Ang Mang Inasal na aming kinainan
Pansit molo ang siyang may kasalanan
Pag-iinit ng ulo ng kaibigan.

T.H. ang isa sa aming pinuntahan
Kinainang labis na pinagsisihan
Karinderya'y kalebel sa kalinisan
Panghihina ng isa'y kinasadlakan.

 


   


Yellow Cab at Kenny Rogers natambayan
Giligans sa isang taon ng samahan
Maging ospital aming napagdausan
Pagdiriwang natatanging kaarawan.




 

Malasa't katakam-takam na pagkain
Abo't kayang presyo ng mga bilihin
Bubusugin sa kanilang ihahain
Marlups, Silver Crown, Barreso sagot samin!



Mga Sugod Bahay Gang idolo namin
Hindi papaawat ang mga salarin
Eskorteng magaling suking biktimahin
Pagpayag ng kanyang tyahin kakarerin.








 Nasunog man orihinal na tambayan
Sagradong lugar binabalik-balikan
Ito ang saksi saming mga huntahan
Korning pagbabati rito nasaksihan :)


 

    Sa lahat ng lugar na aming nakainan
Di mabilang na plato ang nahugasan
Ang simpleng lamesa na aming luklukan
Walang katulad taglay na kabanalan. 


 


  



Kung noon kami ay halos magsiksikan
Ngayon isang upuan pwedeng pagitan
Kung minsan dinadalaw ng kalungkutan
Masaya naman sakanlang kinalagyan :)






                                Sa aming anibersaryo nag-evolved ang aming pamilya mula sa HAMPS UNIVERSITY ito na kami ngayon :


                                 Ito nga nag-Summer Escapade pa kami sa Ilocos...



     

     

     

     

Mga lugar na pinuntahan :

Nuestra Senora de la Asuncion Sta.Maria Church & Nalvo/Suso Beach

                       Isa sa simbahang Baroque sa Pilipinas sa talaan ng Pandaigdigang Pamanang Pook .Isa ito sa Pambansang Palatandaang Makasaysayan sa ating bansa at pinagkalooban ng UNESCO ng budyet upang ito ay mapangalagaan. Sa likurang bahagi nito ay mayroong sementeryo. Tuyo ang Finsal Falls kaya nag-swimming na lang kami sa Beach nila.

Bantay Bell Tower & St. Augustine Parish Church

             Kailangan mong akyatin ang naturang tower para makita mo ang kanilang kampana at masilayan ang napagandang tanawin sa itaas nito. Tinawag itong bantay dahil ito ay salitang Ilokano na nangangahulugang bundok at tagabantay o tanod. Sa loob ng simbahan, nakalagay sa gitna ng simbahan imahe ng Mahal na Birhen na nakatalikod. Mayroong gagabay sa inyong tao ng simbahan upang malaman kung bakit ganoon ang posisyon ng Mahal na Birhen :))



            Pag-aari ni Gov. Chavit Singson at pinakatampok ang mga nakakalat na hayop doon :))

Clay Pottery and Hidden Garden

               Nakakatuwang maranasan ang paraan ng pagbuo ng isang banga kaso ang hirap talaga, kamay at paa ang kailangan gumana. Hindi naman magawa iyong istilo ng mga manggagawa. Samantala kung hilig mo naman ang mga halaman, matutuwa ka sa Hidden Garden na kung saan makikita mo ang iba't ibang klase nito

Vigan Heritage Village

               Magandang masilayan ang mga sinaunang tahanan sa lugar na ito at kasaliw ang mga kwento ng mga taong naninirahan dito. Kapansin-pansin din na unti-unti ng nasisira ang ilan sa mga kabahayan dito at ang iba ay hindi na talaga orihinal. Andaming tagahanga ni FPJ dito hehehe. Maihahambing mo ito sa Intramuros, Maynila :))

Ang Parola ng Cape Bojeador

                   Nasa tuktok ng bundok at masisilayan mo roon ang napakagandang tanawin ng Ilocos. 

Kapurpurawan Rock Formation..

                   Salitang-ugat nito ay PURAW na ang ibig sabihin ay PUTI. Kailangan mong maglakad ng 20 minuto para masilayan mo ang magndang tanawin sa likod ng mga batong iyan. Maaari kang mag-arkila ng kabayo sa halagang 50 Php pero mas magandang maglakad ka na lang kasi di ka naman dadalhin sa lugar na dapat mong masilayan tila pinasakay ka lang ng Pony :))

 

Bangui Windmills

                                               Tumutulong sa pagsusuplay ng kuryente sa Ilocos kaso napansin ko lang, isang malaking proyektong pampahalaan ngunit tila napabayaan ang kanilang munisipyo. Ironiya talaga...

Boracay of the North - Pagudpod Beach

                                Napakalinis at napakaganda ng mga puti't pinong buhangin. NAPAKALAYO talaga pero sulit dahil sa ganda ng lugar. Halos dulo na ng Pilipinas at tanaw mo na ang West Philippine Sea :))

                     Sa ngayon apat na lamang kami na natira sa luklukang ito ngunit walang nabago sa aming samahan. Tuloy pa rin ang kulitan, asaran at kainan ng mga kalatog pinggan.Hindi naman kasi sa apat na sulok ng lamesa umiikot ang makulay naming pakikipagsapalaran, napakalawak ng aming mundo. Kung nasaan man ang isa't isa nakatitiyak akong gumagawa na naman sila ng ingay na aming pag-uusapan sa mga susunod na umpukan.  


TSAPTER TRI

NAGSISIMULA PA LAMANG!

A B A N G A N ...