Huwebes, Abril 17, 2014

TAGLAGAS

DAHON 
ni Wilma E. Hermogenes

ang isang halaman habang namumunga
hindi maiwasang  may dahong malanta
maging bulaklak na nakakahalina
kung minsan halimuyak ay nawawala

patuloy na lumalabas kanyang  katas
lumalapad at patuloy sa pagtaas
ngunit kung minsay hindi nakaliligtas
mapaglaruan, mabangga at mapitas

kung maisipan ng araw na magbantay
itong ulan hagibis sa paglalakbay
tiyak na kasunod nito’y pagkalumbay
hamog na dala’y kasawian sa buhay  

matitigang sa labis na pagkauhaw
manghihina na tila nalulusaw
hanggang sa wala na itong mapalahaw
ngunit bukang liwayway ay natatanaw
  
ang isang halamang makapit ang ugat
matindi man pagkalanta’t pagkasugat
hanggang sa mayrong  tubig na malalasap
hindi matitinag nang hangi’y malanghap

hindi lahat ng dahon na nalalagas
walang pakinabang kung ito’y  bumagsak
mayrong natuyo’t sa ulo nakalapat

daig pa ang tala sa ningning at singkad!




                               Kung ilalarawan ako sa panahong ito, ang mga imaheng iyan ang pinakaakmang larawan para sa akin. Isang puno na naglalagasan ang mga dahon... mga tuyo't at patuloy lamang na hinahangin! LUTANG SA KUNG ANO BA NAIS GAWIN!

                       Pakiwari ko inililipad ako papalayo sa aking puno. Namumunga ako ngunit tila hindi nararapat sa mga kinalalagyan ng iba pang mga puno ngunit tulad ng idinidikta ng aking puso'y doon ako nakaugat! Ang inaakala kong malagong puno ay malayo pa sa katotohanan at kailangan ko pang maghintay para tuluyan akong yumabong.

                       Kahit sobrang sakit ang paulit-ulit na paglagas ng aking mga bunga kailangan kong magpatuloy. Wika nga ni WEH sa kanyang pagninilay "Kapag may nalagas tiyak may bagong mamumukadkad kayat patuloy lamang sa pagliyab ." Sa tamang panahon ang inaasam kong dahon ay maisasakamay ko rin at marahil ito ang isa mga dapat kong mapagdaan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento