POST OFFICE
Kanina dumaan ako sa Lawton binalak kong magpadala ng koreo at sa totoo lang hindi ko pa talaga naiaapak ang mga paa ko sa lugar na ito na lagi ko namang dinadaanan. Noon pa man gandang-ganda ako sa lugar na iyan lalo na kapag gabi kaso dahil hindi naman talaga iyan ang dapat kong puntahan ay tinitingnan ko na lamang ito sa abot ng aking tanaw.
Hanggang gabi ay marami pang mga tao na naglalagi sa lugar dahil na rin sa fountain na makikita sa harap ng gusali at sadyang maliwanag ang lugar na ito lalo pa kung magpapasko.
Tumatakbo pa nga ako papunta sa gusali at kung saan-saan ako nagsuot bago pa makita ang tamang daan. Naglakad-lakad muna ako para basahin ang mga nakasulat sa mga bintana at naghahanap din ako ng malaking karatula kung papaano magpadala ng sulat. Tanghaliang tapat kaya kakaunti lamang ang bukas nabintana .
(Ang loob ng Post Office) |
Sa loob inaabot ako ng ilang minuto, pinapunta ako sa Window 21 at kinuha ang sobre ko tapos tinimbang. Umuwi akong bigo sa aking adhika. Nakalimutan ko na kasi kung saang bahagi ng sobre ilalagay yung pangalan at tirahan ng taong pagdadalhan/nagpadala kaya mali ang aking nagawa. Sunod nito, tinanong ako kung registered ba o hindi, tagal ko bago makasagot kaya tinanong ko pa ang pagkakaiba ng dalawa. Tinanong ko rin kung gaano katagal bago matatanggap ang aking sulat sabi ng kausap ko mga dalawang linggo siguro at tsaka hindi naman daw siya ang kartero (NGAYON KO LANG NAISIP NAGPAPATAWA SIGURO SI MANANG pero dahil nalilito ako walang dating sa akin). Binawi ko na lamang ang sobre at napagpasyahan kong hindi na ituloy ang pagpapadala ng koreo.
Napagtanto ko, magandang imungkahi na magkaroon ng lakbay-aral ang mga mag-aaral sa lugar na ito. Iparanas sa kanila hindi lamang ang pagsulat ng personal na liham kundi maging ang hakbang ng pagpapadala ng sulat. Masarap kaya sa pakiramdam yung ikaw mismo ang naglalagay ng selyo sa sobra tapos ihuhulog mo sa malaking "Mail Box." Nag-aaral pa ako sa FEU noong magawa ko ito.
Maliban pa sa nabanggit, may ibang atraksyon ding makikita sa loob nito tulad ng kanilang arkitektura at museo, Maging ang ilang katawagan na ginagamit ay kinakailangan nilang malaman tulad ng kartero na tagahatid ng sulat. Sa kabilang banda, may katagalan pa rin talaga ang pagpapadala ng sulat sa ating bansa kaya mas marami ng mga Pilipino lalo na ang mga kabataan ang hindi na gumagamit nito o HINDI PA NARARANASANG gumamit nito...
Nawa'y maisipan ito ng mga paaralan <Y>
(Ang ilan sa makikita sa Post Office) |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento