Miyerkules, Oktubre 30, 2013

U ARE HERE: HOME  SPECIAL REPORTS  GABAY PARA SA ELEKSIYONG PAMBARANGAY

GABAY PARA SA ELEKSIYONG PAMBARANGAY

SA NAKALIPAS na pambansang halalan ay tinatayang 52,014,648 botante ang lumahok ayon sa Commission on Elections  at ito ay nadagdagan pa at naging 54,051,626 para sa darating na Halalang Pambarangay.
Ang mga botanteng ito ay maghahalal ng 42,028 barangay chairmen at 294,196 na konsehal.
Ilang araw ang itinaya upang manuyo at manligaw ang mga kandidato  ng barangay positions.  Sa kabila ng kontrobersiya sa pagkaantala sa SK elections ay tuloy pa rin ang barangay  elections sa bansa. 
Sa Bohol at Zamboanga nga lamang ay ipinagpaliban muna ito bunsod na rin ng trahedyang sinapit ng mara­ming kababayan.
Ang barangay elections ay isinasagawa tuwing hu­ling Lunes ng Oktubre at bawat tatlong taon pagkatapos noon, alinsunod sa Republic Act No. 9340. Ngayong taon ay nakatakda ang araw ng halalan bukas, Oktubre 28, 2013.
PINAKAMAKAPANGYARIhaNG LUKLUKAN
Ang barangay ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan. Nagsimula ang pamahalaang ito sa mga barrio na siyang unang katawagan sa mga barangay. 
Hinango ang salitang barangay sa balangay na isang uri ng bangka na sumisimbolo sa mga pinunong   nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng Asya. 
Noon ay mga datu ang karaniwang namumuno sa bawat barangay at sinasabing hindi matatawaran ang paraan ng pamumuno ng mga ito.
Kung noong panahon ng Kastila ay taga-kolekta lamang ng buwis ang mga cabeza de barangay (kapitan ng bawat barrio na itinalaga ng pamahalaan) at ang ta­nging pribilehiyong kanilang nakukuha ay proteksiyon sa pamahalaan, hindi naman biro ang ginagampanan nilang tungkulin sa kasalukuyan.
Ayon pa sa mga political analyst, maituturing na pinakamakapangyarihan na pulitiko ang mga kapitan dahil saklaw nito ang tatlong sangay ng pamahalaan ang Ehekutibo, Lehislatibo  at Hudikatura.
Bagama’t maliit ang pamahalaang nasasakupan ng mga ito ay hindi maipagkakailang malaking responsibilidad ang nakaatas sa mga ito at sinasabing ito ang ginagamit na simula o “stepping stone” ng mga pulitikong naghahangad ng mas mataas na posisyon sa pamahaalan dahil nagsisilbi nila ito “training ground.”
KAYA BA ITO NG CHAIRMAN KO?
Upang higit na makapili ng karapat-dapat na pinuno ng sariling barangay ay maiging alamin ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga kapitan at analisahin ang mga kandidato sa inyong lugar.
Nakatala sa Local Government Code (RA7160) ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng mga barangay opisyal. Para sa mga Punong Barangay ay nakatala ito sa Sec.389 ng RA7160 at ito ang kanilang mga tungkulin:
- Pagtiyak  ng pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo- nagtataguyod ng pangkalahatang kagalingan ng barangay; naghahanda ng taunang badyet; at inaaprubahan ang mga voucher patungkol sa mga pinagkagastahan o pinagkagastusan ng pondo ng barangay.
- Nag-oorganisa at pinamumunuan ang isang emergency group-kapag ito’y kinakailangan para sa pagpa­panatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng kagipitan o sakuna sa barangay.
- Pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa barangay - ipinatutupad ang mga batas at ordinansa ng barangay at ang mga batas kaugnay ng pagbibigay ng proteksiyon sa paligid.
- Pamumuno sa Sangguniang Barangay- nagpapatawag at pinamumunuan ang sesyon ng sanggunian, nakikipag-negosasyon, at may kapangyarihang pumasok sa isang kontrata na napagkasunduan ng Sangguniang Barangay, may kapangyarihan din na humirang o palitan ang barangay trea­surer, secretary, at mga barangay tanod ayon sa pag-apruba ng sangguniang barangay.
- Pinamumunuan ang Lupong Tagapamayapa- mayroong kapangyarihan na pangkalahatang superbis­yon sa Sangguniang Kabataan.
Naglabas rin ang  NAMFREL  (National Citizen’s Movement  for  Free Election) ng  mga gabay sa pagpili ng mga iboboto sa kanilang website para makatulong sa pagpili ng kandidato. 
Ayon sa ilustrasyon ni Edward Torcuato, gawing batayan ang utak, kakayahan at tiyaga hindi lamang ang laman ng pitaka. Piliin ang mabuting ehemplo at marunong sumunod sa mga simpleng patakaran ng nasasakupan.
SAGRADONG PAPEL
Sa darating na Lunes, ang balota ang pinakamaha­lagang bagay na ating hahawakan na kung saan itatala ang mga pangalan ng mga kandidatong mapupusuan. Tandaan ang mga sumusunod upang hindi ito mawalan ng saysay:
- Isang balota ang nakalaan sa bawat botante.
- Bawal itong markahan ng kahit na ano maliban sa pangalan ng napiling kandidato.
- Bawal itong ilabas o dalhin kung saan-saan, sulatan lamang ito sa voting area.
- Ikaw lamang ang may karapatang magsulat sa papel na ito, sulat kamay at hindi maaaring idikit ang anumang papel. Kung may kapansanan o hindi marunong bumasa at sumulat, humingi lamang ng tulong sa mga BET (Board of Election Tellers).
- Ihulog sa ballot box ang iyong balota, huwag itong ipagawa sa iba.
PAGSULAT NG PANGALAN
Mahalaga ring malaman ng mga botante ang maingat na pagsusulat ng mga pangalang itatala sa balota. 
May mga pagkakataong magkakamag-anak ang tumatakbo sa iba’t ibang posisyong kaya naman mahalagang maisulat ng malinaw ang mga pangalan ng taong napiling iboto upang hindi ito masayang o mapunta sa iba.
 Ito ang ilan sa mga dapat ninyong tandaan:
- Kung apelyido lamang ang isusulat ay siguraduhing wala itong ibang kalaban na kanyang kapangalan dahil kapag nagkataon ay mapupunta ang inyong boto sa INCUMBENT na  kandidato na may kaparehong apelyido. (SUPREMACY OF SURNAME)
- Tatanggapin ang botong pangalan lamang ang isinulat basta wala silang kalaban na ganoon din ang pangalan.
- Kung magkakamali sa spelling ng pagsulat ng pa­ngalan ang pinakamalapit na pangalan ang paglalaanan ng naturang boto (sounds like).
- Tinatanggap ang mga alyas at daglat na pantawag (Sir, Ma’am, Gng.) kung sila lamang ang gumagamit nito at wala ng iba.
- Huwag pagsamahin ang pangalan at apelyido ng magkaibang kandidato.
oOo
Sa kabuuan MATALINONG PAGPAPASYA ang nararapat upang maihalal ang mga pinunong karapat-dapat na tayo’y pag­lingkuran. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento