Karapatan ni Bagets
- SPECIAL REPORTS
- FRIDAY, 18 OCTOBER 2013 05:08
- WILMA HERMOGENES
SABI nila kung nais mong makita ang kabuluhan ng buhay, tumingin ka sa mga inosenteng bata. Mga mukha ng walang bahid ng pagkukunwari. Sa pagtitig sa kanila ay sasariwa sa iyo ang maraming magagandang alaala na gusto mong balik-balikan. Ito na marahil ang ilan sa mga kadahilanan kung bakit ang ilan sa atin ay humihiling na bumalik sa pagkabata kung saan simple lamang ang kahulugan ng kasiyahan.
Ang mga tsikiting ang isa sa yaman ng anumang bansa dahil sila ang magpapaunlad ng susunod na henerasyon.
Sa pagpapahalagang ito sa mga paslit sa ating bansa ay itinakda ang buwan ng Oktubre bilang National Children’s Month sa bisa ng Presidential Proclamation No. 267, na layuning maipamulat ang mahalagang tungkulin ng mga bata sa pamilyang Pilipino at bilang pinakamakabuluhang kalakasan ng ating bansa.
Sa ika-21 pagdiriwang nito ay nagkakaisa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Council for the Welfare of Children (CWC), na isabuhay ang tema nito na “Kahirapan ay Wakasan, Karapatan ng Bata Ipaglaban.”
KARAPATANG PAMBATA
Ayon nga sa isang awitin ng Apo Hiking Society “Bawat bata sa mundo ay may pangalan, may karapatan.”
Mga karapatang nararapat nilang maranasan na magpapatibay sa kanilang pagkatao, katulong ang komunidad at pamilyang kanilang kinabibilangan.
Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang mga karapatang pambata ay ang mga sumusunod:
1.Karapatan na maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad;
2.Karapatan na maging malaya at magkaroon ng pamilyang mag-aaruga;
3.Karapatan na mabigyan ng sapat na edukasyon;
4.Karapatan na mapaunlad ang kasanayan;
5.Karapatan na magkaroon ng sapat na pagkain at tirahan at may malusog at aktibong katawan;
6.Karapatan na matutuhan ang mabuting asal at kaugalian;
7.Karapatan na mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro at makapaglibang;
8.Karapatan na mabigyan ng proteksiyon laban sa pagsasamantala, panganib at karahasang bunga ng mga paglalaban;
9.Karapatan na manirahan sa isang tahimik na pamayanan;
10. Karapatan na maipagtanggol at matulungan ang pamahalaan; at
11. Karapatan na makapagpahayag ng sariling pananaw.
Mahalagang maipabatid ito sa mga magulang at maging sa mga bata upang kanilang maging gabay at makaiwas sa kapahamakan na sinisimulang ipamulat sa loob ng tahanan at kanilang dadalhin sa pamayanan.
SULIRANIN NG MGA BATANG PASLIT
Tahanan, paaralan at palaruan ang maituturing na mahahalagang lugar sa mga bata. Mga lugar na kung saan malayang maisasagawa ng mga ito ang mga karapatang ipinagkakaloob sa kanila. Ngunit nakababahalang isipin na maraming kabataan ngayon ay matatagpuan sa mga peligrosong lugar at kinakailangang makipagsabayan sa mga nakatatanda upang maghanapbuhay.
Sa huling ulat ng National Statistics Office, tinatayang 5.492 million bata na may edad 5 to 17 ay ang kabilang sa mga batang naghahanapbuhay batay sa 2011 Survey on Children (SOC). Tatlo sa sampung bata sa nasabing edad ang nagtatrabaho sa Northern Mindanao (29.6%) habang isa sa sampung bata naman sa National Capital Region at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon pa sa kanilang ulat, sa bilang na ito 3.210 million (41.6%) ang masasabing Child Labor. Sa kanilang pagpapakahulugan “Child labor in this report refers to children who reported to have worked in hazardous work environment regardless of the number of hours they spent at work, or those who have worked for long hours, that is, more than 20 hours a week for children 5 to 14 years old and more than 40 hours a week for children 15 to 17 years old.”
Ang ugat sa patuloy na pagdami ng mga menor na naghahanapbuhay sa ating bansa ay ang pagiging iresponsable ng mga magulang at ang matinding kahirapan na kanilang nararanasan.
Dahilan para mapilitan ang ilan sa mga bata na hindi pumasok sa paaralan at kailangang magbanat na lamang ng buto upang sila’y mabuhay. Maliban pa sa mga nabanggit ay tumataas din ang mga insidente na kung saan nasasangkot ang mga bata sa mga krimen dahil sa walang gumagabay na magulang. Kung hindi magkahiwalay ang mga magulang ay nasa ibang bansa ang mga ito.
PROTEKSIYON PARA SA MGA BATA
Nakasalalay sa mga bata ang pag-asa ng ating bansa at sila ang magsisilbing lakas sa mga kahaharaping pagsulong ng Pilipinas. Dahil sa laki ng inaatas sa kanilang responsibilidad ay nararapat lamang na sila’y maproteksiyonan at huwag kahinayangang maglagak ng malaking puhunan sa kanilang kinabukasan.
Sa problema ng kahirapan na nagiging sanhi ng sapilitang paghahanapbuhay ng mga ito ay malaking tulong ang programng Pantawid Pamilyang Program (4P’s). Sa isang pahayag ni Secretary Corazon Juliano-Soliman “It is significant to note that the theme for the children’s month is aligned with DSWD’s efforts in investing in children’s future through the government’s flagship poverty reduction program, Pantawid Pamilyang Pilipino or the Conditional Cash Transfer (CCT). Breaking the intergenerational cycle of poverty is one way to uphold the rights of children.”
Maliban pa rito ay maraming mga batas ang ipinatupad para mabigyang proteksiyon ang mga bata tulad ng Republic Act No. 7610 (AN ACT PROVIDING FOR STRONGER DETERRENCE AND SPECIAL PROTECTION AGAINST CHILD ABUSE, EXPLOITATION AND DISCRIMINATION, AND FOR OTHER PURPOSES) para sa mga naabusong bata sa ating bansa. Inilabas rin ng DepEd noong Mayo ang “The DepEd’s Policies and Guidelines on Protecting Children in School from Abuse, Violence, Exploitation, Discrimination, Bullying, and Other Forms of Abuse” upang magsilbing gabay sa lahat ng paaralan sa ating bansa bago magbukas ang mga paaralan noong Hunyo.
Kamakailan lamang noong September 12, 2013 ay nilagdaan ni PNoy ang Republic Act 10627 “Anti-Bullying Act of 2013.” Layunin nitong higit na maproteksiyunan ang mga batang inaabuso o tinatakot ng mga kapwa nila mag-aaral.
Minsan lamang tayo magiging bata kaya naman higit natin itong mapapahalagahan kung mararanasan natin ang lahat ng karapatang pambata na magpapatatag sa buo nating pagkatao at sa hinaharap ay higit na magiging kapaki-pakinabang na indibidwal ng ating bansa. Kung iisipin natin ang pahayag na sinabi ni Dr. Jose Rizal “Ang Kabataan ang pag-asa ng ating bayan.” Kaya’t masasabing lahat tayo ay kabilang dito dahil lahat ng tao ay naging bata at may gampaning dapat gawin sa itinakdang panahon. Mabuhay ang lahat ng mga BATANG PILIPINO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento