Noon itinatapak ko ang aking mga paa sa naturang tarangkahan upang pumasok at magsunog ng kilay. Ngayon hindi matatawaran ang aking naramdaman ng muli akong salubingin ng parehong tarangkahan ngunit sa pagkakataong ito ako'y bumalik bilang isang magulang na dadalo sa pagtatapos ng aking mga anak. Hindi matatawaran ang seremonyang naganap, ibang-iba sa anim na taon ko ng nadadaluhan na seremonya... naisip ko ganito rin kami noon at hinahanap ko ang mga sulok na kung saan ako nakapwesto. Nagunita ko rin ang aking mga unang naging guro,iniikot ko ang aking mga mata ngunit mabibilang mo na lamang sa daliri ang mga mukha na kasama-kasama ko noon sa naturang tagpuan. Naisip ko nasaan na kaya ang aking mga tagapayo…
Ø Gng. Quiwag (Kinder-Goldilocks)
– naalala ko naiiwan ako lagi sa klase niya kasi natutulog ako gigisingin na lang ako kasi nariyan na sundo ko at ayun papagalitan ako dahil sa ginawa ko. Pero mahal na mahal ko ang guro ko na iyan, sa kabila ng napakirap niyang kalagayan tinataguyod niya mga anak niya. Nakakaawa ang itsura niya kahit na noong huli kaming nagkita, walang pagbabago bakas pa rin sa mukha niya ang paghihirap. Marami kasi siyang anak kaya marahil iyong pag-aalaga niya sa mga anak niya damang-dama naming mga mag-aaral niya. Ang isa pang dahilan kung bakit hindi ko siya makakalimutan crush ko noon yung anak niya na kaklase ko dahil sobrang talino si Richard hahahahaha ang aga kong namulat sa kalandian este sa puppy love. Pagkatapos noon wala na akong balita sa kanya pero hanggang ngayon hindi ko nakakalimutan si Mam Quiwag.
Ø Bb. De Castro ( Grade I-2)
-Ito ang guro ko na napakaganda at laging nakapustura. Naalala ko lagi siya naka- make-up at balingkinitan ang pangangatawan (seksi). Namulat kami sa kanya na kailangan mag-aral ng mabuti para pag-uwi marami kaming “Chocolates”. Sabi kasi may budget noon ang gobyerno para rito, binibigyan ang mga estudyante araw-araw ng isang bar ng tsokolate (akala namin noon regalo ni Mam)at kung sino ang pinakamabit at pinakamataas ang iskor basta iyong nakagawa ng kakaiba sa araw na iyon (Alam nyo na Grade I, medaling bolahin) may karagdagang tsokolate. Hindi ko alam kung hindi ba ako madalas bilhan ng tsokolate ng mga magulang ko (siguro nga dahil hanggang hayskul ang ganda ng ngipin ko hehehe) at ganun ako kapursigidong makakuha ng karagdagang tsokolate. Sabi nga diba “Ang paghahangad ng kagitna sansalop ang nawala” iyan ang nangyari sa akin noon. Biruin mo dahil sa paghahangad ko na makakuha ng isa pang tsokolate hindi ko nagawa iyong iniutos sa akin ng guro ko, nasa isaisip ko kasi noon kailangan kong matapos ang pinapasulat niya pero pinapagwalis niya ako noon at sabi ko raw sa kanya “mamaya na Mam.” Wala naman sa akin iyon eh syempre bata pero malaking bagay pala iyon sa nakakatanda. Ikinuwento lang kasi sa akin ito ng nanay ko, dapat daw nasa Top 10 ako pero inalis ako ni Mam dahil sa ginawa ko. Noong sumunod na taon, hindi ko na nakita si Mam gusto ko pa naman itanong sa kanya kung totoo yung sinabi ni Mama sa akin.
Ø Gng. Vinuya (Grade II – 4 )
-Ang napakabait na guro ko, maganda at payat siya. Ang natatandaan ko lang sa kanya kaklase ko noong hayskul iyong anak niya na kamukhang-kamukha niya. Ang alam ko nasa Top 10 ako noon eh.
Ø Bb. Rodriguez (Grade III-2)
-Hindi ako sigurado kung dalaga ba siya pero para ligtas Binibini na lamang (patawad Mam) . Sobrang taba niya at laging may dalang Cool Man. Kapag tinawag ka niya dapat makasagot ka kasi nakakatakot talaga siya at kapag inutusan ka niya na kumuha ng tubig niya ay iba ang pakiramdam (ngayon ko lang naisip, pinagkatiwalaan pala ako ni Mam noon). Ito ang taon na humanga uli ako sa kaklase ko si Adrian hehehehe ampogi naman kasi niya at napakabait pa parang close kami noon kasi sa Aplaya sila nakatira malapit lang sa amin at nagkakasabay kami minsan umuwi. Ito rin yung taon na akala ko napakayaman naming, sunod-sunod kasing dumating iyong mga tita ko mula sa abroad, sabi paborito nila ako kaya andami kong alahas noon (pero unti-unti nawala dahil isinanla ng nanay ko hehehehe), madaming bagong gamit, papasok akong kakaiba ang itsura at laging mabango hahahaha akala tuloy ng mga kaklase ko (maging ako na rin) mayaman talaga kami. Mabagsik talaga itong si Mam, naalala ko pa sobra niya akong pinagalitan dahil nagreklamo ang lola ko sa kanya, ayaw niya kasing ipahiram yung Card ko eh kailangan sa Scholarship ko sa HBI, di niya kinaya ang Kakulitan Powers ni Lola kaya taob siya pero ako naman ang pinagalitan niya.Pakiramdam ko pinersonal ako ni Mam kasi nawala ako bigla sa Honor kahit na ako yung isa sa pinakamagaling sa klase (totoo..walang halong bola, tanong nyo pa sa mga klasmeyt ko nun na di ko alam kung nasaan na sila hehehehe).
Ø Gng.Salem (Grade IV – 4)
-Hayysss ito yung pinakaayaw kong adviser, mas mamahalin mo pa si Mam Rodrigiuez. Dahiil wala akong Honor bumaba ang seksyon ko napunta tuloy ako sa kanya. Sa totoo lang siya iyong p****k na guro sa paningin naming (pasensya na sa salita pero iyon talaga tingin ko sa kanya). Laging galit, nagmumura, naninigarilyo sa harap naming at di talaga namin maintindihan ang mga trip niya kaya lagi kaming takot. Parang sa kanya ko rin naranasan na unang mag-cutting (Cutting Classes – alam ng magulang na pumasok ka pero nasa labas ka lang ng paaralan naghahanap kung saan ka pwedeng tumambay ng walang makakakita sayo na kakilala mo). May nakaaway yata akong kaklase ko nun tipong sabunutan ang eksena hahahaha at di kami tatanggapin hanggat wala magulang naming. Syempre takot ako mapagalitan kaya iyon na lang ginawa ko pero nabuko ako may nakakita sakin na kapitbahay naming kaya inuwi ako at to the rescue uli si Grandma siya nakipag-usap sa teacher ko J
Ø Gng. Alba (Grade V – 4)
-Para siyang si Mam Rodriguez – mataba, nakakatakot at laging may bitbit na kung ano-ano. Hekasi ang itinuturo ni Mam pero para magka-ekstra points ka bili ka muna sa paninda niya. YEAH RIGHT maagang ipinamulat samin ni Mam ang Ekonomiks hahahaha. Kaasar yung kapitbahay namin na kaklase ko dahil mapera pinapakyaw tinda ni Mam, kaya sakanya lagi ang points kaya no wonder hanggang ngayon di ko kabatian iyon (hahahaha halos 2 dekada na pala kami magkaaway). Naalala ko rin si Ruth, yung best friend ko na sobrang tahimik at iyakin na laging inaaway ng mga kaklase ko pero maganda iyon kutuhin nga lang siya nun.Nasaan na kaya siya???
Ø Grade VI
-Hindi ko maalala adviser ko….. sorry Mam. Wala rin naming espesyal nung nagtapos ako ng elementarya maliban sa natatandaan ko na ako ang may pinakamataas na iskor sa Hekasi kaya pinatabi sa akin iyong mahihina sa subjek na iyon para pakopyahin ko raw… si Sotero Dulay nga iyong katabi ko nun eh hahahahah Sotsaybay PEACE. Tanong ko nga sakanya sa Fb sino yung adviser naming baka natatandaan pa niya …
Sila ang mga pangalawang magulang ko sa Mababang Paaralan ngunit isa man sa kanila hindi ko na nakita sa aking pagbabalik sa tahanan kung saan nila ako kinanlong at inaruga. May mga nakikilala pa rin naman ako ngunit sa katagalan hindi ko na rin matandaan ang mga pangalan nila (gaya na lang ng huling tagapayo ko). Itong tagapayo na aking anak na tinatawag ng mga magulang na katabi ko na si Marian, natatandaan ko siya pero hindi ako sigurado kung naging guro ko ba siya. Nagmasid din ako sa mga katabi ko sa mga oras na iyon… tila magkakaedad lamang kami at may mga mukhang pamilyar ngunit marahil sa katagalan ng panahon hindi na magkatandaan o marahil nahihiya na lamang sa isa’t isa kaya mas piniling tumahik at kunwaring hindi magkakakilala.
Sa gitna ng seremonya panaka-nakang humihikbi ang panginoorin.. magpaparamdam pero maya-maya nawawala ngunit hindi nito natinag ang disiplinang ipinakita ng mga tao roon at patuloy lamang ang palatuntunan. Sa wakas nakaisa na ako… kahit na malayo tanaw na tanaw ko an g kanyang pagkakimi ng kanyang kilos hanggang sa pagkapanaog at pagtungo sa kanyang luklukan hindi nagbago ang kanyang anyo, nagbabakasakali akong mangitian ngunit sadyang nakatuon siya sa tangan-tangan ng kanyang kamay. Ilang saglit pa bumingo na ako… kakaiba talaga siya, alam niya kasing nakatuon ang pansin ko sa kanya kaya ang anghel kong ito akala mo artista. Mula sa pag-abot ng sisidlan na kaytagal nilang pinag-ensayuhan hanggang sa kanyang luklukan di nawala ang kanyang ngiti at ng makapwesto sabay lingon sa likuran at iwinawagayway ang premyong kanyang nakamtan.
Ilang saglit pa nagpakitang gilas pa ang mga protagonist basta sila ang nasa eksena walang hindi maganda. Nakakatuwa kahit na ang iba tila iba ang ginagawa kaaya-aya pa rin itong panoorin. Siyempre sa palabas di pwedeng walang agaw-eksena, may dumating akala mo pulitiko patapos na programa humaharipas at halos makaladkad na ang kanyang dala. Meron pang gusto ng umalis (walk-out ba ang tirada) dahil sa kaunting problema pero pagkatapos ng programa daig pa si Mara sa pag-iyak. Sabagay nanay kasi siya eh…
Akala ko kanina BINGO na ako pero namumuro pa lang pala ako dahil ang pinakamalaki kong premyo ay sa huling bahagi pa ng palatuntunan. Alam ko madrama ako pero hindi ko maiwasang maiyak ng senyasan ng tagapagsalita ang mga bata na tumayo at isa-isang lumapit ang mga ito sa pwesto kung saan kami naroon. PAG-AALAY NG SERTIPIKO SA MGA MAGULANG. Umiiyak talaga ako ng iaabot sa akin iyon ng mga anghel ko. Wala man silang karangalan pero hindi matatawaran ang pag-aalay na iyon at sa akin dalawa pa dib a? Habang umiiyak ako yung mga katabi ko naman ang iingay, hindi nila nararamdaman iyong nararamdaman ko at may ilan pa nga pinapagalitan ang mga bata. Sabay sabi sa akin ng katabi ko “Hay babalik na sila dun, bilisan nyo na.” Saka ko naalala ako lang pala ang
walang alam sa kung anong magaganap at sila praktisado na. Hindi ko tuloy alam kung swerte o malas ba ako sa mga oras na iyon pero ang sigurado hindi matatawaran ang gantimpalang ipinagkaloob ng mga anghel ko sa mga oras na iyon. Sa huli, kakaiba pa rin sa pakiramdam na muling mapakinggan at makisaliw sa isang awiting bahagi na ng iyong buhay. Hindi ako nahihiyang mangibabaw ang tinig ko mga naroon dahil kaytagal na rin ng huli kong ikoplas ang himno na iyon at iba talaga sa pakiramdam….
Sa kabuuan, masasabi ko lamang sa karanasan kong ito KAHIT NA SAAN TAYO DALHIN NG ATING MGA PAA, BABALIK AT BABALIK KA RIN KUNG SAAN KA NAGSIMULA...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento