Martes, Marso 27, 2012

Kalinisang-budhi

Panibagong taong-panuruan ang nagdaan
Tila kaylan lang ng una silang masilayan
Mga paslit na animo’y di makabasag pinggan
Ngayo’y  huling kataga sakanla’y bibitiwan.

Kalinisang budhi ay muling inalagaan
Pagtanggap sa kanila’y sadyang pangkaraniwan 
Hindi tulad ng mga dating nakagawian
Ano pang espesyal, tradisyon ng naturingan?

Tungkulin sa kanla’y buong pusong ginampanan
Tagatala na kanilang pagkakakilanlan,
Tagapagbalita ng kanlang mga kailangan
at tagapaunla ng kaisipa’t kaalaman.

Sa simula pa lang, nilagyan na ng hangganan
Ikinukubli  ang tunay na nararamdaman
Binabalewala kung iyon ang kailangan
Upang sa pagbitiw sa kanla’y di mahirapan .

Minasid ang natatangi nilang katangian
Ito’y ilan lamang sa aking paglalarawan,
Kalambingan nila ay hindi matatawaran
Di pinapaalpas pagsumbong sa kamalian .

Kinakayamot ang kanilang mga kadaldalan,
Higit ang di matigil-tigil na kaharutan
Idagdag pa’ng  paulit-ulit na kalokohan
Sinagad pa sa huli ang kanlang katamaran.


Batid kong nais nilang labis na mapalapit
Ngunit aking hinadlanga’t sakanla’y nagsungit
Di uubra ang bawal kahit na pinipilit
Wala saakin kahit na sila ay magalit.

Sa iba sila’y nakahanap ng kalayaan
Ibinibigay ang kanilang mga kagustuhan
Hindi maikukubli ang kanilang kagalakan
Sa tuwing sila’y nagsasama’t nagrarambulan.

Labis na pagkukulang ang siyang naramdaman
Iniisip ano ang nagawang kamalian?
Ang hangad lamang ay ang kanilang kabutihan
Sila’y nalilihis sa panggulong kabuktutan.

Nadudurog aking puso sa tuwing nakikita
Kaiba ang kilos kapag iba ang kasama
Kunwaring masaya kahit naiinis na
Kung maaari nga lang lumayo na sa kanla.

Paumanhin kung kayo’y aking napahirapan
Patawad kung may panahong kayo ay nasaktan
Kung ang  bala sa bibig puso’y napuruhan
Pagkamulat ng isipan ang tanging dahilan.

Pagmamahal sa inyo ay walang katapusan
Sa simula pa lang ay imbing pinagsigawan
Tanging sa mga tapat na puso mapapakinggan 
Litaw sa mga walang takot na ako’y lapitan.

Ngayon sa inyo ay aking ipagsisigawan
Salamat sa lahat ng mga pinagsamahan
Tandaan na hindi pa ito ang katapusan
Ito ay simula ng samahang walang hanggan.   (3-27-12)


Lunes, Marso 26, 2012

Tarangkahan :)


Noon itinatapak ko ang aking mga paa sa naturang tarangkahan upang pumasok at magsunog ng kilay. Ngayon hindi matatawaran ang aking naramdaman ng muli akong salubingin ng parehong tarangkahan ngunit sa pagkakataong ito ako'y bumalik bilang isang magulang na dadalo sa pagtatapos ng aking mga anak. Hindi matatawaran ang seremonyang naganap, ibang-iba sa anim na taon ko ng nadadaluhan na seremonya... naisip ko ganito rin kami noon at hinahanap ko ang mga sulok na kung saan ako nakapwesto. Nagunita ko rin ang aking mga unang naging guro,iniikot ko ang aking mga mata ngunit mabibilang mo na lamang sa daliri ang mga mukha na kasama-kasama ko noon sa naturang tagpuan. Naisip ko nasaan na kaya ang aking mga tagapayo…
Ø  Gng. Quiwag (Kinder-Goldilocks)

– naalala ko naiiwan ako lagi sa klase niya kasi natutulog ako gigisingin na lang ako kasi nariyan na sundo ko at ayun papagalitan ako dahil sa ginawa ko. Pero mahal na mahal ko ang guro ko na iyan, sa kabila ng napakirap niyang kalagayan tinataguyod niya mga anak niya. Nakakaawa ang itsura niya kahit na noong huli kaming nagkita, walang pagbabago bakas pa rin sa mukha niya ang paghihirap. Marami kasi siyang anak kaya marahil iyong pag-aalaga niya sa mga anak niya damang-dama naming mga mag-aaral niya. Ang isa pang dahilan kung bakit hindi ko siya makakalimutan crush ko noon yung anak niya na kaklase ko dahil sobrang talino si Richard hahahahaha ang aga kong namulat sa kalandian este sa puppy love. Pagkatapos noon wala na akong balita sa kanya pero hanggang ngayon hindi ko nakakalimutan si Mam Quiwag.

Ø  Bb. De Castro ( Grade I-2)
-Ito ang guro ko na napakaganda at laging nakapustura. Naalala ko lagi siya naka- make-up at balingkinitan ang pangangatawan (seksi). Namulat kami sa kanya na kailangan mag-aral ng mabuti para pag-uwi marami kaming “Chocolates”.  Sabi kasi may budget noon ang gobyerno para rito, binibigyan ang mga estudyante araw-araw ng isang bar ng  tsokolate (akala namin noon regalo ni Mam)at kung sino ang pinakamabit at pinakamataas ang iskor basta iyong nakagawa ng kakaiba sa araw na iyon (Alam nyo na Grade I, medaling bolahin) may karagdagang tsokolate. Hindi ko alam kung hindi ba ako madalas bilhan ng tsokolate ng mga magulang ko (siguro nga dahil hanggang hayskul ang ganda ng ngipin ko hehehe) at ganun ako kapursigidong makakuha ng karagdagang tsokolate. Sabi nga diba “Ang paghahangad ng kagitna sansalop ang nawala” iyan ang nangyari sa akin noon. Biruin mo dahil sa paghahangad ko na makakuha ng isa pang tsokolate hindi ko nagawa iyong iniutos sa akin ng guro ko, nasa isaisip ko kasi noon kailangan kong matapos ang pinapasulat niya pero pinapagwalis niya ako noon at sabi ko raw sa kanya “mamaya na Mam.”  Wala naman sa akin iyon eh syempre bata pero malaking bagay pala iyon sa nakakatanda. Ikinuwento lang kasi sa akin ito ng nanay ko, dapat daw nasa Top 10 ako pero inalis ako ni Mam dahil sa ginawa ko. Noong sumunod na taon, hindi ko na nakita si Mam gusto ko pa naman itanong sa kanya kung totoo yung sinabi ni Mama sa akin.

Ø  Gng. Vinuya (Grade II – 4 )
-Ang napakabait na guro ko, maganda at payat siya. Ang natatandaan ko lang sa kanya kaklase ko noong hayskul iyong anak niya na kamukhang-kamukha niya. Ang alam ko nasa Top 10 ako noon eh. 

Ø  Bb. Rodriguez  (Grade III-2)
-Hindi ako sigurado kung dalaga ba siya pero para ligtas Binibini na lamang (patawad Mam) . Sobrang taba niya at laging may dalang Cool Man. Kapag tinawag ka niya dapat makasagot ka kasi nakakatakot talaga siya at kapag inutusan ka niya na kumuha ng tubig niya ay iba ang pakiramdam (ngayon ko lang naisip, pinagkatiwalaan pala ako ni Mam noon). Ito ang taon na humanga uli ako sa kaklase ko si Adrian hehehehe ampogi naman kasi niya at napakabait pa parang close kami noon kasi sa Aplaya sila nakatira malapit lang sa amin at nagkakasabay kami minsan umuwi. Ito rin yung taon na akala ko napakayaman naming, sunod-sunod kasing dumating iyong mga tita ko mula sa abroad, sabi paborito nila ako kaya andami kong alahas noon (pero unti-unti nawala dahil isinanla ng nanay ko hehehehe), madaming bagong gamit, papasok akong kakaiba ang itsura at laging mabango hahahaha akala tuloy ng mga kaklase ko (maging ako na rin) mayaman talaga kami. Mabagsik talaga itong si Mam, naalala ko pa sobra niya akong pinagalitan dahil nagreklamo ang lola ko sa kanya, ayaw niya kasing ipahiram yung Card ko eh kailangan sa Scholarship ko sa HBI, di niya kinaya ang Kakulitan Powers ni Lola kaya taob siya pero ako naman ang pinagalitan niya.Pakiramdam ko pinersonal ako ni Mam kasi nawala ako bigla sa Honor kahit na ako yung isa sa pinakamagaling sa klase (totoo..walang halong bola, tanong nyo pa sa mga klasmeyt ko nun na di ko alam kung nasaan na sila hehehehe).

Ø  Gng.Salem (Grade IV – 4)
-Hayysss ito yung pinakaayaw kong adviser, mas mamahalin mo pa si Mam Rodrigiuez. Dahiil wala akong Honor bumaba ang seksyon ko napunta tuloy ako sa kanya. Sa totoo lang siya iyong p****k na guro sa paningin naming (pasensya na sa salita pero iyon talaga tingin ko sa kanya). Laging galit, nagmumura, naninigarilyo sa harap naming at  di talaga namin maintindihan ang mga trip niya kaya lagi kaming takot. Parang sa kanya ko rin naranasan na unang mag-cutting (Cutting Classes – alam ng magulang na pumasok ka pero nasa labas ka lang ng paaralan naghahanap kung saan ka pwedeng tumambay ng walang makakakita sayo na kakilala mo). May nakaaway yata akong kaklase ko nun tipong sabunutan ang eksena hahahaha  at di kami tatanggapin hanggat wala magulang naming. Syempre takot ako mapagalitan kaya iyon na lang ginawa ko pero nabuko ako may nakakita sakin na kapitbahay naming kaya inuwi ako at to the rescue uli si Grandma siya nakipag-usap sa teacher ko J

Ø  Gng. Alba  (Grade V – 4)
-Para siyang si Mam Rodriguez – mataba, nakakatakot at laging may bitbit na kung ano-ano. Hekasi ang itinuturo ni Mam pero para magka-ekstra points ka bili ka muna sa paninda niya. YEAH RIGHT maagang ipinamulat samin ni Mam ang Ekonomiks hahahaha. Kaasar yung kapitbahay namin na kaklase ko dahil mapera pinapakyaw tinda ni Mam, kaya sakanya lagi ang points kaya no wonder hanggang ngayon di ko kabatian iyon (hahahaha halos 2 dekada na pala kami magkaaway). Naalala ko rin si Ruth, yung best friend ko na sobrang tahimik at iyakin na laging inaaway ng mga kaklase ko pero maganda iyon kutuhin nga lang siya nun.Nasaan na kaya siya???

Ø  Grade VI
-Hindi ko maalala adviser ko….. sorry Mam. Wala rin naming espesyal nung nagtapos ako ng elementarya maliban sa natatandaan ko na ako ang may pinakamataas na iskor sa Hekasi kaya pinatabi sa akin iyong mahihina sa subjek na iyon para pakopyahin ko raw… si Sotero Dulay nga iyong katabi ko nun eh hahahahah Sotsaybay PEACE. Tanong ko nga sakanya sa Fb sino yung adviser naming baka natatandaan pa niya …

                                Sila ang mga pangalawang magulang ko sa Mababang Paaralan ngunit isa man sa kanila hindi ko na nakita sa aking pagbabalik sa tahanan kung saan nila ako kinanlong at inaruga. May mga nakikilala pa rin naman ako ngunit sa katagalan hindi ko na rin matandaan ang mga pangalan nila (gaya na lang ng huling tagapayo ko). Itong tagapayo na aking anak na tinatawag ng mga magulang na katabi ko na si Marian, natatandaan ko siya pero hindi ako sigurado kung naging guro ko ba siya. Nagmasid din ako sa mga katabi ko sa mga oras na iyon… tila magkakaedad lamang kami at may mga mukhang pamilyar ngunit marahil sa katagalan ng panahon hindi na magkatandaan o marahil nahihiya na lamang sa isa’t isa kaya mas piniling tumahik at kunwaring hindi magkakakilala.

                                Sa gitna ng seremonya panaka-nakang humihikbi ang panginoorin.. magpaparamdam pero maya-maya nawawala ngunit hindi nito natinag ang disiplinang ipinakita ng mga tao roon at patuloy lamang ang palatuntunan. Sa wakas nakaisa na ako… kahit na malayo tanaw na tanaw ko an g kanyang pagkakimi ng kanyang kilos hanggang sa pagkapanaog at pagtungo sa kanyang luklukan hindi nagbago ang kanyang anyo, nagbabakasakali akong mangitian ngunit sadyang  nakatuon siya sa tangan-tangan ng kanyang kamay. Ilang saglit pa bumingo na ako… kakaiba talaga siya, alam niya kasing nakatuon ang pansin ko sa kanya kaya ang anghel kong ito akala mo artista. Mula sa pag-abot ng sisidlan na kaytagal nilang pinag-ensayuhan hanggang sa  kanyang luklukan di nawala ang kanyang ngiti at ng makapwesto sabay lingon sa likuran at iwinawagayway ang premyong kanyang nakamtan.
                                Ilang saglit pa nagpakitang gilas pa ang mga protagonist basta sila ang nasa eksena walang hindi maganda. Nakakatuwa kahit na ang iba tila iba ang ginagawa kaaya-aya pa rin itong panoorin. Siyempre sa palabas di pwedeng walang agaw-eksena, may dumating akala mo pulitiko patapos na programa humaharipas at halos makaladkad na ang kanyang dala. Meron pang gusto ng umalis (walk-out ba ang tirada) dahil sa kaunting problema pero pagkatapos ng programa daig pa si Mara sa pag-iyak. Sabagay nanay kasi siya eh…

                                Akala ko kanina BINGO na ako pero namumuro pa lang pala ako dahil ang pinakamalaki kong premyo ay sa huling bahagi pa ng palatuntunan. Alam ko madrama ako pero hindi ko maiwasang maiyak ng senyasan ng tagapagsalita ang mga bata na tumayo at isa-isang lumapit ang mga ito sa pwesto kung saan kami naroon. PAG-AALAY NG SERTIPIKO SA MGA MAGULANG. Umiiyak talaga ako ng iaabot sa akin iyon ng mga anghel ko. Wala man silang karangalan pero hindi matatawaran ang pag-aalay na iyon at sa akin dalawa pa dib a? Habang umiiyak ako yung mga katabi ko naman ang iingay, hindi nila nararamdaman iyong nararamdaman ko at may ilan pa nga pinapagalitan ang mga bata. Sabay sabi sa akin ng katabi ko “Hay babalik na sila dun, bilisan nyo na.”  Saka ko naalala ako lang pala ang
walang alam sa kung anong magaganap at sila praktisado na. Hindi ko tuloy alam kung swerte o malas ba ako sa mga oras na iyon pero ang sigurado hindi matatawaran ang gantimpalang ipinagkaloob ng mga anghel ko sa mga oras na iyon. Sa huli, kakaiba pa rin sa pakiramdam na muling mapakinggan at makisaliw sa isang awiting bahagi na ng iyong buhay. Hindi ako nahihiyang mangibabaw ang tinig ko mga naroon dahil kaytagal na rin ng huli kong ikoplas ang himno na iyon at iba talaga sa pakiramdam….

                Sa kabuuan, masasabi ko lamang sa karanasan kong ito KAHIT NA SAAN TAYO DALHIN NG ATING MGA PAA, BABALIK AT BABALIK KA RIN KUNG SAAN KA NAGSIMULA...



Sabado, Marso 24, 2012

Halimbawa ng proyektong ipinapagawa :)




                              Hiwaga 
                              Likha ni Espiritu

       Ibon na napakakulay                                  Juana at Leonora
       Sa ami’y nagbigay kulay                             Unang napaibig niya
       Mula sa Pamilyang Bughaw                       Ngunit dahil sa Adarna
       Isipan nami’y napukaw!                             Pinahanap si Maria.

       Bundok Tabor ay narating                          Kahariang de los Crystal
       Upang Ama’y mapagaling                           Nilakad niyang matagal
       Bagama’t may pagtataksil                            Agila na naparawal
       Pag-ibig ay di tumigil.                                  Nagdala sa kanyang mahal!
           
       Natunton bundok Armenya                         Limang pagsubok hinarap
       Pook n napakaganda!                                   malugod niyang tinanggap
       Balong natagpuan nila                                  bagama’t silay naghirap
       Pag-ibig ang siyang dala!                              Kaligayaha’y nalasap .

       Kay Don Juan biglang nainis                        Marami man ang humadlang
       Puso’y kayraming tiniris                               puso nila’y napakinggan
       Ngunit sadyang di maamis                           sa huli’y  nagkatuluyan
       Higante’t ahas  nagahis!                                Sa reyno’y naging huwaran.

Salamat sa iyong Likha :)

Isang proyektong ang aking ipinagawa at nakakatuwang mabasa ang mga ganitong pag-aalay na likha ng isang mag-aaral. Ito ang mga hindi matatawarang kaligayan ang aming nararanasan bilang guro.. napasimple ngunit napakalaking bahagi ng aming buhay ang naitataas. Ito ang mga di matatawarang regalo na hindi kayang pantayan ng kahit na anong materyal na bagay.

Muli salamat..salamat... salamat ng marami :)



Ito ang kanyang likha:

Himig Adarna

Alay ko ang tulang ito
Sa ibong tumuka sa puso ko
Siyang sa aki'y nagpabakla
Dahil sa taglay na hiwaga.

Sa bawat kwentong naririnig
Tunay, akong nahihindig
Kababalaghang katangi-tangi
Ako tuloy napapangiti.

Sa aking sobrang galak
Ang imahinasyon ko'y kumakapak
Sa bawat gawaing ibinibigay
Parang may premyo na tinapay.

Gusto kong ipatong sa kanyang ulo
Magandang diyadema na ito
Pagkat alam kong binigay niyang buo
Ang kanyang puso sa pagtuturo.

Para kang serafin na hinulog
Upang ako ay mahubog
Pagkatao'y muli pang mabago
Sa tulong ng isang tulad mo...

Inihahandog kay Gng.WEH 
ni Cygrid Antonio ng I- Charity

Linggo, Marso 11, 2012

BATANG MAYNILA :)

Sobrang nakakatuwa na muli kong nakadaong-palad ang aming butihing ama. Naglakas loob akong salubungin siya para magpakuha ng litrato kasama siya (Certified HAMPS talaga). Higit sa lahat nagkaroon ako ng pagkakataong personal na magpasalamat sa kanya sa itunulong niya sa aming pag-aaral at kung hindi rin dahil sa kanya hindi ko mararanasan ang kabuluhan ng  "Field Trip" iyon ang una at huli kong lakbay-aral na nadaluhan dahil sa pagkakapili niya sa mga natatanging mag-aaral na pinadalo roon at isa ako roon :)

Salamat sa iyo aming ama 
Sa lahat ng bigay na biyaya
Mula kwaderno, bag at meryenda
Hanggang sa kami'y makatapos na.

Edukasyon ay pahalagahan
Ikinintal nya saming isipan
Ehemplo sa mga kabataan
Tiningala't nagsilbing huwaran.

Kaya't sa twing ikay nakikita
Abot-abot ang aking ligaya
Sadyang aking ikinagagalak 
Personal sayong magpasalamat.

Hanggang sating muling pagkikita 
Habambuhay kang tintingala
Kahit na ako ay tumanda na 
NANATILING BATANG MAYNILA :)

Marso 11, 2012
Villado, Tondo Manila


Martes, Marso 6, 2012

Espiritu :)

Proyekto ng isang mag-aaral at nakakataba ng puso na ako ang Protagonista ng papel niya :) Salamat...

Ang kanyang mga katanungan :
Michael Arellano
  • 1. Sino ang nagudyok at ano ang dahilan ng pagkuha ng iyong kurso?
  • 2. Masasabi mo bang may mga matagumpay ka ng natamo sa iyong larangan ng trabaho?
  • 3.Bakit niyo po naisipan ang pagpasok sa ganitong larangan ng trabaho?
  • 4. Naranasan niyo po bang magbigay ng konsiderasyon sa mga estudyanteng babagsak
  • 5.May pinagsisihan po ba kayo na bagay bago maging guro? Ano po iyon at bakit?
  • 6. bakit sa MCU ang paaralang iyong napili?
  • 7. Kung ika'y muling mabubuhay guro parin ba ang iyon nais na larangan ng trabaho?

    Ang aking kasagutan :

     1. Ang isa sa pinakamatalik kong kaibigan noong ako'y nasa kolehiyo ang nag-udyok sa akin na kunin ang kursong BSED EDUCATION. Naaalala ko pa noon umiiyak akong pumunta sa booth ng Education para magtanong tungkol sa kursong ito at pinapakalma nila ako't kinukumbinsi na maganda ang kursong iyon. Tapos ang ending, yung taong nagyayaya at nagkumbinsi sa akin para hindi kami magkahiwalay ay lumipat ng ibang kurso kaya lalo akong nalungkot sa pag-eenrol ko ng mag-isa kaya nung tinanong ako kung saan ako magpopokus ng pag-aaralan (Majorship) dahil ang nag-interbyu sa akin ay Tagapayo ng Kagawaran ng Filipino iyon na lamang ang kinuha ko kahit na alam kong mahusay ako sa Sipnayan (Math).

    2. (Magulo ang tanong hehehehe) Masasabi kong ako'y matagumpay sa larangang ito sa kadahilanang kahit na sa una ay hindi ko gusto ang kursong kinuha ko ay minahal ko ito dahil sa husay ng isang Propesor ko sa Major na naging inspirasyon ko at sa huli sa 99 na nagtapos sa aming batch ako lamang ang binigyang parangal at nagtapos ng may karangalan bilang Cum Laude.Sa ngayon marami pa akong gustong gawin tulad ng pagpapatuloy ng pag-aaral at maging Doktor ngunit sa tingin ko hindi matatawaran ang dedikasyon ko sa pagtuturo at husay na pinapakita ko

    3. Muli, impluwensya lamang ng isang matalik na kaibigan nunit kinaluna'y aking naibigan at labis na minahal.

    4. Oo naman.. nanay din kasi ako naaawa sa magulang at kapag napairal ko na ang aking puso lumalambot ako. Ngunit syempre bago ko sila ipasa paghihirapan nila iyon. Sa ngayon, mula sa isang pangyayari noong nakaraang taon napagtanto kong hindi dapat pinapairal ang puso kasi meron akong isang estudyante na ipinasa na labis kong pinagsisihin hanggang ngayon kaya dahil sa kanya pasensya na lamang ang mga estudyante ko ngayon... BAGSAK kung BAGSAK

    5. Siguro iyon ang hindi ko natupad ang pangarap ko na maging Certified Public Accountant pero masaya na ako bilang guro't di ko pinagsisihan na narito ako.

    6. Hahahahaha bakit nga ba???? Tulad ng pagiging guro mukhang sa paaralang ito ako naitadhana ng Diyos. Naalala ko pa noon pasok na rin ako sa isang paaralan at pipirma na lamang ako ng kontrata pero nung sinabihan ako ng kumare ko na may bakante sa MCU nag-apply pa rin ako ayun natanggap ako at mas pinili ko ito. Tapos may pagkakataon na rin na dapat nasa Public School na ako at pipirma na lang din pero nag-back-out ako. Siguro para talaga ako sa MCU hehehehe.

    7. Sa totoo hindi ko alam... kung ito pa rin ang itatadhana bakit hindi pero ipinagmamalaki kong guro ako, isang GURO NA MAY PUSO sa LARANGAN NG PAGTUTURO  :)


    Ang kanyang papel na ipinasa :


    ARELLANO, MICHAEL Q.
    EN 3B
    ESPIRITU
                           "Ang pagiging guro ay hindi isang propesyon ito ay bokasyon at pinakamalapit sa puso ng ating Panginoon." Ito ang karaniwang pagpapakahulugan ng mga pangalawa nating magulang sa paaralan sa tuwing sila'y tatanungin sa kanilang bokasyon Wika pa nga ng ilan sa kanila,walang pera sa pagtuturo, walang gurong yumayaman ngunit ang hindi matatawaran ay ang kayamanan nila sa pagmamahal ng kanilang mga mag-aaral.Kaya naman ikinalulugod kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga impormasyong aking nakalap sa isa sa maituturing kong pangalawang ina ng aking buhay.
                          "FueWeh" nangangahulugan itong mabuting espiritu samantalang ang protagonist ng aking papel ay tinatawag naming Mom WEH dahil sa inisyal ng kanyang pangalan (Wilma Evangelista Hermogenes) at mula dito ay masasabi kong nababagay din ang naturang katawagan sa kanya.
                          Nagkakilala kami noong ako ay nasa Mataas na Paaralan bagamat hindi ako kabilang sa kanyang seksyon na hinahawakan ay nagging malapit ako sa kanya.Mayroon akong mga alam tungkol sa kanya ngunit sa pakikipanayam kong ito lubusan kong nalaman kung papaano siya nagging guro. Hindi niya pinangarap na mapasok sa ganitong larangan,sabi pa nga niya pinagtatawanan niya ang mga kaklase niya na kukuha ng kursong ito pero kinain niya ang lahat ng kanyang sinabi ng madala siya rito. Wika nga niya tadhana niya marahil na magingg uro at kahit iniwan siya ng taong nagyaya sa kanya sa pagkuha ng kursong ito ay hindi naman niya pinagsisihan dahil minahal niya ito at siya ay nagtagumpay. Maging sa paaralang kanyang pinaglilingkuran ngayon sinasabi niya na tadahana rin ito ng Diyos sa kanya. Makailang ulit na siyang nagkaroon ng oportunidad sa ibang paaralan na higit siyang mapapaunlad sa kanyang pagiging guro (higit sa pinasyal na speto ) ay tinalikuran niya ito at sa ngayon siya ay nanatili roon upang ipagpapatuloy ang kanyang sinumpaang tungkulin. Marami pa siyang gusting gawin sa kanyang buhay, ang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral hanggang sa maging Doktor at maging ang pinangarap niyang kurso ay nais pa rin niyang tuparin kung mabibigyan ng pagkakataon.Nalaman ko tuloy na hindi natatapos ang pag-aaral ng mga guro sa pagkuha ng diploma sa kolehiyo kailangan nilang mag-aral pa  ng ilan ng taon. Higit na nakapukaw sa aking pansin ang huling katanungan ko sa kanya, hindi niya direktang sinagot pero alam kong itinadhana talaga siya sa amin na maging guro namin. Sabi nga niya "ipinagmamalaki kong guro ako, isang GURO NA MAY PUSO sa LARANGAN NG PAGTUTURO" kaya naman napakaswerte namin at nabigyan kami ng pagkakataon na makilala naming siya.

                                          Siya talaga si Fue WEH... mabuting espiritu na ipinadala sa amin ng Panginoon. Pakamahalin natin ang lahat ng ating mga nagging guro dahil kung hindi dahil sa kanila hindi makukupleto ang ating pagkatao. Salamat FUE WEH.https://s-static.ak.facebook.com/images/blank.gif