Huwebes, Setyembre 20, 2012

KFC :)

kayrikit man na ipinta
kung lutang ang kaluluwa
saglit kang mahahalina
ngunit kusang mawawala

pagkain na nabilasa
ilublob mo sa harina
pag-aho'y matatakam ka
nakubli ang lansa niya

itlog na napakasarap
sa umaga'y laging hangad,
Ilan ay sadyang nabugok
Kinubli ng puting balat.

palamuti sayong ulo,
koronang tinik ba ito?
litaw sayong pagkatao
paghihirap mong totoo!

inayawan na nang mundo,
iyan pa rin ang 'yong gusto!
kakaiba pa rin ba 'to?
O tigas na 'yan ng ulo?

kung ang puso'y sadyang tapat
walang dapat ipangilag
iisa ang ating hangad
makamit tuwid na landas!

Linggo, Setyembre 9, 2012

Ika-2 isinumite!



WIKA, BALA SA TALA!

                   Natatanging buwan muli ng ating wikang pambansa. Sa panahong ito napapaalalahanan ang lahat partikular ang sektor ng edukasyon sa gampanin at kahalagahan ng Wikang Filipino. Higit na napapalitaw ang isang isyu na sa tingin ng iba ay hindi naman mahalaga kumpara sa napakaraming suliraning dapat ayusin sa ating bansa.
                   Batid ng lahat na tayong mamamayang isinilang sa bansang Pilipinas ay mga Pilipino ngunit ng tanungin ko ang sampung tao kung ano ang kanyang pambansang wika lima sa mga ito ang nagsabing Tagalog, dalawa ay Filipino samantalang ang natitira ay hindi sigurado sa kanilang kasagutan at nangiti na lamang. Sa resultang nabanggit, hindi pa rin ba maituturing na malaking suliranin na ang isang Filipino ay hindi batid ang kanyang wika? Hindi ba’t sinasabing ang wika ang nagsisilbing kalulumwa ng isang lahi, instrumento sa ganap na pagkakaunawaan at susi sa kaunlaran ng bansa.

TAGALOG, PILIPINO o FILIPINO?
                   Bilang paglilinaw sa mga kasagutan ng sampung taong aking nakapanayam at sa kabatiran na rin ng lahat ng Pilipino ang Tagalog ang kauna-unahang wikang pambansa (1937); naging Pilipino noong 1940 na ibinatay sa Tagalog (nagsilbing isa sa mga dayalekto muli) at Filipino noong 1987 hanggang sa kasalukuyan na ibinatay sa lahat ng dayalekto ng bansa. Nagsisilbi naming pantulong na wika ang mahigit 150 na dayalekto o bernakular na wika.

LINGUA FRANCA
                   Ang mga wikang palasak na ginagamit sa isang pook ay tinatawag na Lingua Franca. Tulad sa Metro Manila at Central Luzon,Tagalog ang Lingua Franca; Ilokano sa Ilocos Region at Bisaya sa Visaya at ilang bahagi ng Mindanao. Ito ang isinusulong ngayon na pagtibaying gamitin sa kalakaran ng edukasyon sa programang MTB-MLE (Mother-Tongue-Based-Multilingual Education) ng Kagawaran ng Edukasyon.Magsisilbing wikang panturo ang kanilang unang wika para sa ganap na pagkatuto ng mga bata kasunod ang unti-unting pagpapakila at paggamit ng Filipino at Ingles.  Mapapadali ang pag-aaral ng mga mag-aaral dahil mas mauunawaan nila ang mga aralin gamit ang wikang kanilang kinalakhan. Sa ganitong pamamaraan naniniwala ang DepEd na tataas ang literasi ng mga mag-aaral sa ating bansa.

REPLEKSYON NG WIKA
                   Malinaw na inilahad sa naunang paksa na ang wika ang magsisilbing behikulo sa pagtatagumpay ng isang mag-aaral. Ngunit bago ito makamit kailangang tingnan ng maigi ang balang ito sa pagkamit ng kanilang mga tala. Ganap na bang matatag ang balang ito na hindi kakayaning buwagin upang maging pundasyon ng isang indibidwal. O higit nating alamin kung ano nga ba ang naging papel ng wika sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino? May kinalaman ba ang wika sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa? Pagiging Top Notcher  sa isang pagsusulit? Sa pagkakatuklas ng mga makabagong tenolohiya?  O sa pagkapanalo ni Pacquio?

                   Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang isang bahagi ng papel ni James Soriano na ang Filipino ay pang-yaya  at kalye lamang. Negatibo ang naging dating  sa karamihan ng kanyang artikulo pero sa kabuuan ipinamulat lamang niya ang katotohanan. Kahit saan ka tumingin, nangingibabaw ang unibersal na wika. Sa malalaking pagsusulit ingles ang midyum ng pagtatanong, ang  mga batas karamihan hindi sa sariling wika nakasulat, sa karaniwang pakikipag-usap o panayam sa mga kilalang personalidad kung hindi code-switching (Taglish) ay tunog kano kung magsalita. Ngayon natin limiin kung gaano na katatag ang wika. . .

ISANG HAMON
                   Panahon na para higit na pagtuunan ng pansin ang wastong paggamit ng ating wika. Nagsimula ng humakbang ang Kagawaran ng Edukasyon at ito ang magsisilbing ugat upang mapalaganap ang adhikaing ito. Tularan sana natin ang Japan na isa sa susi ng kaunlarang tinatamasa nila ay ang wika. Ordinaryo o propesyunal na mamamayan batid ang tungkulin ng kanilang wika kaya hindi sila pumapayag na isantabi ito. Litaw na litaw din sa kanilang mga produkto ang kanilang pagkatao gamit ang baling ito kayat isa sila sa natatanging tala na nagniningning sa mundo.

                   Lahat tayo’y gustong magtagumpay at handang gawin ang lahat upang maisakatuparan ito. Sa dami na ng estratehiya nasubukan hindi kaya ang kulang sa pormula ng pagkamit ng tagumpay ay ang ganap na pagpapatatag ng ating wika. Marahil ito ang magsisilbing bala upang maraming tala ang magningning. Sa huli, kapag nagawa natin ito lalakas an gating pwersa tungo sa pedestal na magbibigkis sa ganap nating PAKA-PILIPINO.

                   Ayon nga sa tema ng Buwan ng Wika sa taong ito ‘Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng  pagka-Pilipino. Tatapusin ko ang papel na ito na may iiwang magandang pahayag at nawa’y makintal sa isipan “Ang taong  bihasa sa  Wikang Filipino, maihahambing sa isang henyo.”   

Poster-Islogan na nalikha patungkol sa Kasaysayan ng Wika

Lunes, Agosto 20, 2012

Lumang Kwaderno 2002

  Igan (Pebrero 14, 2002)

Nagsimula ang lahat don sa paaralan,

Minsan tayong nagkausap at nagkwentuhan,
Hindi nagtagal lubos na nagkakilanlan,
At nang lumao'y nakabuo ng samahan.

Tila dula ang ating naging barkadahan
Sa tuwina'y komedyang laging may kasiyahan
Minsa'y melodrama kung mayroong tampuhan
at nagiging trahedya kung nagbabangayan.

Ngunit hindi maiaalis ang pangamba
Sa pagdating ng panahon na itinakda
May panahong tayo ay magkakahiwalay 
Upang harapin bagong hamon ng buhay.

'yan ang kwento ng ating pagkakaibigan
Na sadyang hindi ko na kayang kalimutan
Na aking dadalhin hanggang katandaan
at buong ipagmamalaki kanino man :)

 ==========================================================================
Bayang Pangako (Hunyo 27, 2002)

Halina't dumayo sa bayang pangako,
Pangako'y kaligayaha't kasaganaan,
Kasaganaang makakamtan habambuhay,
Habambuhay nawang mapasakamay!

Ilang taon sa dayuha'y naging alipin
Alipin sa sariling bayan pa man din!
Bayan na sadyang kaakit-akit
Kaakit-akit na lapastanganin!

Ngunit hindi hindi nagpagapi ang magigiting na bayani,
Bayaning gulok at panulat ang nagsilbing gamit,
Gamit na ating iningata't ipinagmalaki
Ipinagmalaki hanggang sa sila'y masawi!

Pagkaraan ng digmaa'y umusbong ang kasarinlan
Kasarinlang inabuso ng ilang kapwa natin Pilipino
Pilipinong tiwala't naging sakim,
Sakim sa kapangyariha't kayamanan na nais makamit.

Ito ang bayang pangako,
Pangako na tila napako,
Napako sa dayuha't Pilipinong ganid,
Ganid sa natatanging yaman ng bayang kaakit-akit!

==========================================================================

Nahalukay sa Baul (2001)

Hinagpis (April 2001)

Dagundong ng kulog sa kalangitan
Sa tuwina'y aking napapakinggan
Hagupit ng kidlat sa kalawakan
Kaakibat ng abang katauhan.

Sa pagmumuni-muni't pag-iisa
Pilit hinahanap ang kasagutan
Sabay tanong sa Amang Maylikha
Kalutasa'y kailan makakamtan?

Wika Nya'y mapalad ang naaapi
Sapagkat Siya ang iyong kakampi
Ngunit hanggang kailan magtitimpi
Ang wasak na puring isinantabi!

Oh Ama! huwag sanang magdaramdam
Sa laman ng puso't isipan
Na sadyang hindi ko na makayanan
At nawa'y mawaglit na nang tuluyan !

==========================================================================

Kapangyarihan (April 2001)

Ang puso ng tao'y sadyang
makapangyarihan 
Isipa't  damdami'y kaniyang
nadidiktahan
Na sa tuwina'y hindi natin
maunawaan
Sapagkat busilak ang
pagpapakahulugan.

Kakaibang karanasan iyong
makakamtan
Kapag puso'y tumibok at matutong
magmamahal
Kaligayaha't kalungkuta'y sadyang
nariyan
Na dapat paghandaa't matutong
ipaglaban.

Giliw kong mangingibig inyong
pakatandaan
Itong munting payo ng makatang
nagmamahal
Upang kaligayahan sa puso'y walang
hanggan
Tapat na pag-ibig ang ialay sayong
mahal!

=============================================================
Tulang nalathala sa Advocate (FEU SCHOOL PAPER) 

Dampa  

Doon sa dampang aming ginagalawan
Samo't saring mukha ang iyong daratnan
Mga ngiti't tangis sa tuwinay nariyan
Na mayroong tinatagong kahulugan.

Sa tingin ng iba tila kami dumi,
Kinukutya't pilit isinasantabi
Sapagkat buhay nila'y taliwas samin
at sa lipuna'y  laging nagmamagaling.

Paalala lamang mga kaibigan
Kayong nagmamagaling kayang buwagin
Nitong maliliit na nakakapuwing
Na sa huli'y inyong dakilain!

Wika nga ng tinuran ng kasabihan
"habang may buhay ay mayroong pag-asa'
Sabayan lamang ng ng sipag at tiyaga
Kami'y makakaahon dito sa dampa!

=============================================================

BAKIT?  (Hunyo 24)


BAKIT? 
              Ang tanong ng mga taong
              tila nawawala sa katinuan.


BAKIT? 
              Ang bulalas ng bibig
              ng naghahanap ng kasagutan?


BAKIT? 
             Ang salitang pampagulat
             sa tulalang katauhan.


BAKIT? 
              Ang aksyong nagpupumiglas
              sa ating naliltong damdamin.


BAKIT? 
             Oh buhay!
             Oh BAKIT?
 


Martes, Agosto 14, 2012

Agham Panitikan :)

Panunuring Pampanitikan

Ø  Isang uri ng pagtalakay na nagbibigay-buhay at diwa sa isang sa isang likhang sining. Isang kaisipang hindi tapos.
(Ramos at Mendiola)

Ø  Isang agham ng teksto na inuugnay sa Gawain ng isang kritiko na may pinaghahanguang iba’t ibang teorya.

Ø  Isang esensyal na Gawain sa pagsasanay na ginugulan ng oras at panahon sa pagsusulat ng mapanuring pagpapahayag.

Ø  Hindi lamang nagsusuri o nagbibigay kahulugan sa mga nagaganap sa daigdig kundi ito’y isang paraan ng pagsusuri sa kabuuan ng tao.

Katangian ng isang mahusay na Kritiko:

1.        Malawak ang kaalaman sa paksa.
2.       Matapat sa sariling itinuring ang panunuri ng mga akdang pampanitikan bilang isang sining.
3.       Handang kilalanin ang sarili bilang manunuri ng akdang pampanitikan at hindi manunuri ng lipunan, manunulat, mambabasa o idelohiya.
4.      Laging bukas ang pananaw sa mga pagbabagong nagaganap sa panitikan.
5.       Iginagalang ang desisyon ng ibang kritiko na patuloy na sumasandig sa ibang disiplina.
6.      Matapat na kumikilala sa akda bilang isang akdang sumasailalim sa paraan ng pagbuo o konstruksyon batay sa sinusunod na alituntunin o batas.
7.       Kailangan ang tigas ng damdaming naninindigan upang maging tiyak na kapakinabangan ng panitikan ang kanyang pagmamalasakit.
8.      May kakayahang ipakita ang pagkakaiba ng isang obra sa iba pang likhang sining.
 
Paraan sa Pagsusuri ng Akdang Pampanitikan :
1.        Pagbabasa ng akda.
2.       Pag-unawa sa teksto.
3.       Pagsusuri ng mga elementong taglay ng isang akdang pampanitikan.
4.      Pagpapabasa sa iba.

Teoryang Pampanitikan

A.      Realismo – katotohanan ang mahalaga kaysa sa    kagandahan
B.      Bayograpiya – tumutuklas sapilosopiya ng manunulat
C.      Feminismo – nakatuon sa pagtuklas ng muling pagtaya sa mga isinulat ng kababaihan bilang ekspresyon ng karanasang pangkababaihan. Pinapantay ang babae sa mga lalaki sa iba’t ibang larangan.
D.     Historikal – nakabatay sa impluwensya  nagpapalutang sa isang akda, ang sitwasyong politikal at tradisyon na nakapaloob sa akda.
E.      Humanismo – naniniwalang tao ang sukatan ng lahat ng bagay.
F.       Klasismo – pinapahalagan ang paglikha ng kagandahan at hindi angkop ang paggamit ng mga salitang balbal at labis na emosyon
G.      Sosyolohikal – tumutalakay sa kalagayang panlipunan
H.     Imahismo - gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.
I.        Formalismo/Formalistiko - kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang.
J.       Saykolohikal/Sikolohikal - Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.
K.      Romantisismo - ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan.
L.      Kultural - Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi
M.   Moralistiko - ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali.
N.     Arkitaypal - ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo.

Mga Kritikong Pilipino sa Panitikang Filipino :

1.        Alejandro G. Abadilla 

2.       Teodoro A. Agoncillo

3.       Virgilio S. Almario

4.      Lope K. Santos 

5.       Ponciano B.P. Pineda 

6.      Lamberto E. Antonio

Kahalagahan ng Pagsusuri :

1.        Maibigay ang magandang bagay na likha ng sining.

2.       Matukoy ang kahinaan at kalakasan ng isang sining na magpapakilala sa huli ng kabutihan nito.

Balangkas ng Pagsusuri:


 

Panunuring Pampanitikan

(Tula)
I. Pamagat :
II.  May-akda :
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.       Tema :
2.       Paksa :
3.       Sining ng pagpapahayag:
4.       Layon:
5.       Persona:
6.       Banghay /detalye:
7.       Argumento:
B.      Istruktura
1.       Anyo:
2.       Sukat :
3.       Tugma
4.       Pamamaraan:
5.       Himig :
6.       Teoryang Pampanitikan:
C.      Kariktan
1.       Antas ng wika:
2.       Imahe/Simbolismo:
D.      Pangkaisipan
1.       Bisa (ISIP at DAMDAMIN) at Kaukulan:
2.       Bahaging gustung-gusto:
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:


 Halimbawa:

Panunuring Pampanitikan
(Tula)
I. Pamagat : Sa Tabi ng Dagat
II.  May-akda : Ildefonso Santos
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.        Tema : Pag-ibig
2.       Paksa : Ironiya ng pagpasok sa isang relasyon
3.       Sining ng pagpapahayag: Pasalaysay at paglalarawan
4.      Layon: Mapaglarawan at mapagpanuto
5.       Persona: Kasintahang lalaki o binata
6.      Banghay /detalye:
a.       Unang saknong
Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig na sila’y tatakas. Inilarawan ng may-akda ang paa ng babae.
b.      Ikalawang saknong
Dumaan sila sa pilapil at may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat.
c.       Ikatlong saknong
Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat.
d.      Ikaapat na saknong
Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang stamis at sakit ng kanilang pag-iibigan.
7.       Argumento: Ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad.
B.      Istruktura
1.        Anyo: May tiyak na sukat at tugma
2.       Sukat : Mayroon itong apat na taludtod at lalabinwaluing pantig sa bawat taludtod.
3.        Tugma:
Gumamit ang may-akda ng tugmang  karaniwan sa tatlong saknong maliban sa ikatlong saknong na  tugmang ganap.
4.      Pamamaraan:
Masigasig, makatotohanan at imahinistiko ang tulang ito.
5.       Himig :
Nakakakilig sa simula ngunit natapos ito ng malungkot.
6.      Teoryang Pampanitikan: Imahenismo
C.      Kariktan
1.        Antas ng wika:
Matalinghagang pananalita ang ginamit ng may-akda na kung saan ay pareho niyang ginamit ng idyoma at tayutay:
a.       Paang binalat sibuyas – makinis
b.      Sakong wari’y kinuyom na rosas –mapula
c.       Damong may luha ng mga bituin – hamog               
2.        Imahe/Simbolismo:
Ang ikatlo at ikaapat na taludtod sa unang saknong ng tula ay naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.
D.     Pangkaisipan
1.        Bisa  at Kaukulan:
Replektibo ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na Masaya at masakit ang umibig.
2.       Bahaging gustung-gusto:
Ikatlong saknong ng tula dahil ito ang pinamasayang sandal sa piling ng isa’t isa.
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:
Maganda ang tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig. 
 



Tula-Suri
Pag-aaral ng Isang  Likhang Sining

                        Isa sa pinakamagandang naisatitik ni ildefonso Santos ay ang tulang Sa Tabi ng Dagat. Sa istilong mayroon ang makatang ito inaasahan na mapag-iisip ng malalim ang mambabasa nito sa pagtukoy ng kahulugan ng kanyang nga kataga at pagpalutang ng mga ideya sa larawang guhit na maglalaro sa ating imahinasyon.

                        Likhang sining ang tulang ito na may kakaibang istilo sa istruktura na kung titingnan ay malayang taludturan ngunit sa pagbabaybay ng mga taludtod mapapansing tradisyunal ang pagkakabuo nito. Sa unang tingin tila napakadali lamang at payak ang tulang may sukat at tugma na ito ni G. Santos dahil sa napaiksi nito ngunit ang apat na saknong na ito na mayroong lalabinwaluhing pantig ay kinakailangan basahin ng makailang ulit dahil sa ang pagsasalaysay na kanyang ginawa ay masining na paglalarawan. Makatotohanan ang nilalaman nito dahil ang tema nito ay pag-ibig, masasalamin ng mga kabataan ang kanilang karanasan sa tamis at pait ng pagpasok sa isang relasyon. Masigasig na nailarawan ng makata ang pangyayari sa tula na may hangaring magpayo sa mga mambabasa nito.

                        Ang kasintahang lalaki ang persona sa tula na nagsalaysay ng mga kaganapan sa kanila sa buong araw. Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig sa simula na tila sila’y tatakas. Dumaan sila sa pilapil na may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat. Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat. Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang saya at sakit ng kanilang pag-iibigan. Sa pangyayari, pinalutang ng makata ang argumento  nito na ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad. Dapat malaman ng mga kabataan ang kanilang limitasyon at nakahanda sa magiging resulta ng kanilang ginawa, kung handa kang masaktan kailangan ay nakahanda ka ring masaktan. Madadama sa tula ang himig na nakakakilig sa simula at sa huli ay nakakalungkot na nagpatibay sa paksa ng kanyang tula.
       
                           Teoryang imahismo ang ginamit ng may-adka  dahil sa mga imahen na naghahayag ng mga damdamin at kaisipan na layong ilantad ang totoong kaisipan sa loob ng akda. Ang unang saknong ay nagtataglay ng imahe na naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.

di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat sibuyas,
ang daliring aring
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Nagpalitaw din sa kariktang taglay ng tula ang matatalinghagang pananalita na kung saan ay parehong  ginamit ng may-akda ang idyoma at tayutay tulad ng mga sumusunod na parirala - paang binalat sibuyas, sakong wari’y kinuyom na rosas  at damong may luha ng mga bituin.

            Matimpi at pigil ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Ang ikatlong saknong ng tula ang bahaging nakapukaw ng aking kamalayan dahil ito ang pinamasayang sandali sa mga tauhan ng tula. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na masaya at masakit ang umibig. Maganda ang kabuuan ng  tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig.
                                                                                   
Pagsusuri ni :
Gng. Wilma E. Hermogenes