Biyernes, Abril 10, 2015

GINTO 2015



PAGKAMULAT (Nang Makilala ko si Kiko, Naniwala na ako kay Pepe)

Panahon ng elektroniko nagbagong-bihis kaanak ni Kiko
Paroon at parito sa loob at labas ng bayang makabago
Tanang nasasaklaw ‘di na malilinlang at mahirap na masilo
Sa mga katoto’y batid na ang totoo sa ngumingiting aso
Kalasag na taglay simbangis ng Leon na handang-handang mangsilo!

Panimula ma’y tila Segismundo ang himig ika’y ‘wag magalit
Walang balak paalatin ang berso ng makatang walang kaparis
Hangad kong pag-ugnayin tinalastas niya sa panahong sinapit
Nabatid sa kanyang kaalaman ihahambing sa aking namasid
Maipaabot sa tanan at tulad ng gawa nya nawa’y mahasik

Pagtuturo ng mga obra maestra ay pinagtibay ng batas 
Kaya walang kabataang mag-aaral ang syang makabibilokas
Naisulat na kalatas patungkol sa baya’y hindi magwawakas
Pagpapasidhi ng pinag-ugatang lahi na paalalang wagas
Lalo’t kayraming iniluwal na mulato sa pananaw at angas

Laksa-laksang nagbabagongtao nalumpo sa landas na dinahik
Kumakapak yaring putong sa ulo bagamat gawain ay bilik
Nakikipaghabulan sa ikot ng mundo nahungkag kanlang isip
Kapantasa’y sa makinarya nakasandig yamot sa piping silid
Ni ayaw nila itong tanawin sapagkat ‘di madama ang langit

Inatasang pag-asa ng bayan kayrami sa kanla’y laki sa layaw
Dinaig pa nito ang langaw na mataas pa kaysa sa kalabaw
Sikmuka ay kaytapang, dibdib ay hindi tinatablan ng balaraw
Katuwaan madaling nakakamtan,sa kaunting barya ay nasisilaw
Walang pinapakinggan kahit pa ang magulang na pumapalahaw

Inuban ang isipan kaya nang pagmasdan daig pang nakahubad  
Tinitigan ang salamin at hinulmang katauhan ay taliwas
Nanlamig ang buong katawan at inakalang multo ang kaharap 
Inaglahi ang sarili sa kaligayahan na iyong hinangad

Napangko ang sarili yaring haraya ay malayang pinalipad
Alaala ng kamusmusan di mapigilang lumindi sa galak
Tagubilin ng mapagkandiling magulang ay inalalang lahat
Talastas nilang nagpaganyak upang mangarap kaya’t nagsumikap
Kinabaka lahat ng hirap, tigib sa sugat na sidhi ang antak
Pinag-ibayong mabuti ang mithiin nang tagumpay ay malasap

Akda ng manlilikha pangitain sa kasalukuyan ang saysay
Bingas ang labi nitong makata sa karanasan ng ating buhay
Sinibsiban nang araw, kanyang pangaral ay ‘di nabaon sa hukay
Bawat pahinang isinulat napalimi’t kataga’y pinagnilay
Iginapos ng pagsubok ngunit ang binlit iniyakis na tunay   

Bawat kabataang dumaan sa hirap, nagtagumpay at nangarap
Umibig, nabigo’t nagpatuloy na makatagpo ng nililiyag
Piniling makalikha kahit pa ang katauhan ay winakawak
Bahagi ng narating mo ay nagmula sa pangaral ni Balagtas 
Sa guro na nagpamulat nito’y labis akong nagpapasalamat
Kinurot ang puso at pinagyaman ang isip kaya’t naging pantas 

Kataga ng makata’y ginapi ang kapangyarihan ng pag-ibig
Sinaklawan nito ang muwang na isipan at nadama ang langit  
Pinasok ang puso na nagpadama ng tunay na ligaya’t sakit
Hahamakin ang lahat upang maisabuhay kanyang inihirit

Pagtitiwala ni Pepe na kabataan ang pag-asa ng bayan
Sa panulat ni Kiko tila hinugot kaya higit  nawatasan
‘Di makaliligtas sa pangaral at tungkulin mga inatasan
Salamat sa obrang nilikha bagamat sakit ang syang pinuhunan
Hindi magtatagal tulad mo’y makakarating sa aming luklukan!

Linggo, Abril 5, 2015

BAKASYON NA

Unang paskil ko sa blog para sa taong ito. May mga naisulat akong bagonG akda ngunit walang panahon na maipaskil. Maliban sa napakaabala ko sa aking tungkulin at pagod sa araw-araw na pagbyahe (Manila-Bulacan vice versa) ay aaminin kong iniwasan ko ang ilang bagay na ibig kong gawin.

Ilang buwan na di nagparamdam sa malalapit na kaibihan, maraming lakad pero di ako tumutugon kahit nga nunbg kaarawan ko wala akong pinansin hehehe. Sabi ko sa kanila nagpapagaling ako dahil mayroon akong malalang sakit na nakakahawa hahaha. Pakiwari ko nagtampo rin ako sa panulat. Nakaramdam ako ng kawalang hustisya sa mga akdang nais kong ipabatid ngunit kinalaunan hindi ko rin ito natiis dahil mahal ko ang gawaing ito. Bakit kailangan kong talikuran ang mga bagay na nagpapasaya sa akin kaya magpapatuloy ako sa pagkatha...

Ngayong bakasyon dahil marami na akong oras para makapagpahinga, unang-una kong binawi ang pagod at puyat. Nakakatuwa halos buong araw ako tulog.. 13 oras sa unang araw... Halos buong araw sa sumunod na araw... Matutulog, magigising dahil sa tawag ng kalikasan o kaya'y kailangan kumain pero pag nadantay muli sa higaan asahan mo tulog akong muli! Sa mga suminod na araw napagod na akong matulog, OO NAKARAMDAM AKO NG PAGOD SA PAGTULOG kaya ponilit kong ibalik sa dati ang tamang paggulog. Naisip ko rin kasi, may napanood ako sa tv nakalimutan ko lang saang bansa yun, karamihan sa mga mamamayan nila tulog ng ilang araw kaya pinag-aaralan ngayon kung anong klase ito ng sakit. Di ba baka sakit ito at baka di na ako magising kaya tinigil ko na ang trip kong iyon.

Iniisip ko ngayon kung saan mamamasyal dahil nga bakasyon. Maliban sa pupunta kaming Pangasinan dahil sa may dadaluhang kasal ng isang malapit na kaibigan ay gusto kong maglakbay sa iba pa. Sa pagkakataong ito, iba na kasi napagtanto ko na may muwang na ang mga anghel ko kaya dapat sila na ang aking makakasama sa nga SUMMER GATEAWAY ko. Pumasok kasi sa isip ko na pwede na akong pagalitan o mas malala sumbatan nila kambal kapag di ko sila kasama sa mga SG ko kaya FAMILY GATEAWAY na simula ngayon. Iyan ang pangako konsa sarili ko ngayon...

Maliban pa rito ay may matinding hamon pa akong kakaharapin na sana ay aking mapagtagumpayan. Alam ko naman ano mang gagawin ko, nakaantabay SIYA sa akin at ipagkakaloob niya kung anong nararapat....

Sabado, Nobyembre 29, 2014

Ang Laro sa Dunya’y Di Biro



Ang Laro sa Dunya’y Di Biro
ni Wilma E. Hermogenes

          Espesyal ang araw ng Sabado sa magkakaibigang Effie at Kitter, bukod sa walang pasok ay binigyang kalayaan sila ng kanilang mga magulang na magbabad sa kompyuter ng buong araw. Bagamat nakakapag-online sila ng higit sa isang oras kada araw ay swerte ng makatatlo kung sasabihin nilang may i–re-research na asaynment.
        Sinisiguro nilang makapag-status, like, comment at share. Hindi nagpapahuli sa mga trending at ang pinakakinababaliwan nila’y mga online games.
            “Effie, bagong laro oh, astig.”
            Sabay tingin, “ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO.”
            “Dunya, mundong ginagalawan nina Lambanag, Iraya at Badaw.”
            Klik…
            “Lambanag, tagapangisawa ng laro at taglay ang lakas na makontrol ang liwanag at dilim. Sa sobrang taas, ibayong diskarte ang kailangan upang gantimpala’y makamtan.”
             Klik …           
         “Iraya, sa maamo at berdeng kulay ay nakatago ang lakas na kayang magwasak sa buong Dunya kapag ginalit.”
            Klik…
           “Badaw, may kakayahang bumuo ng iba’t ibang anyo upang magapi ang kalaban.”
           Hindi na nakapaghintay ang dalawa kaya sinumulan nilang basahin ang tuntunin ng laro. Sa simula’y kailangang mabuo ang Dunya at mabuhay ang tatlong karakter, labanan ng isip at diskarte ang puhunan. Kailangan nilang malagpasan ang lahat ng stage nito upang makuha ang BONUS REWARD.
       “Kitter, walang tayuan ito kaya galingan mo. Alalahanin mo bukas banned tayo sa paglalaro, di ako makakatulog pag di natin natapos ito.”
      Padilim na ng halos sabay na napasigaw at napatayo ang magkaibigan, parang nasasaniban sila habang lumiliwanag ang monitor at tila nilalamon sila nito.
             KLIK.. BONUS REWARD.. ENTER…
             VIDEO UPLOADING… ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO
     Lahat ng nilalang ng Diyos ay may natatanging kakayahan. Kung ang tao ang pinakamatalino sa lahat ay hindi maikukubling naiisahan din ang mga ito ng iba’t ibang espiritung nagkalat sa mundo. Hindi nakikita ngunit kinakatakutan sa kaunti nitong pagpaparamdam. Ang mga nalikha sa natural na pamamara’y labis na pinapakinabangan ng tao na patuloy sa pagbibigay, wala itong reklamo kahit na  minsan’y naaabuso. Kapag hindi na makayanan ang ginagawa ng tao, kumikilos ng hindi inaasahan at walang nakapipigil sa lakas nitong taglay.
           Ito ang pagpapatunay na bago ang tao, Dunya ang inunang binigyang buhay at upang mapalitaw ang aystetikong kaanyuhan isinabay sina Lampanag, Iraya at Badaw. Paikot-ikot lamang itong si Dunya. hindi ito pisikal na nakikita ngunit madadama ang kanyang presensya lalo na sa pagkakataong sila’y naglalaro, nakabantay lamang ito sa kanilang ginagawa.
            “Aray! Bakit tinapakan mo naman ang aking paanan?”
            “Pasensya na, di ko napansin ang dilim pa kasi kaya kailangan na nating gisingin si Lampanag at ang himbing pa ng tulog.”
            Napako ang dalawa sa panginorin. Nabatubalani ang kanilang isip kaya sa lakas ng enerhiya nila’y nagresulta ng iisang pagkilos. Nagtulakan sina Iraya at Badaw na kapwa ayaw magpagapi. Humampas ang tubig at nag-umpukan ang lupa. Sa pagsasalubong ng kanilang lakas, nakalikha ito ng kakaibang ingay. Ilang saglit pa’y nagliwanag na ang kapaligiran.
            “Ano bang pinaggagawa ninyo? Naputol tuloy ang maganda kong panaginip!”
         Nakangiti ito habang nakatingin kay Iraya. Nahalata ito ni Badaw kaya bigla itong kumalas kay Iraya kaya napahampas ang malaking alon.
            “Aray ko! Nananadya ka na talaga Iraya ha.”
            “Bakit mo ba ako biglang kinalasan? Ang sakit no’n ha.”
            “Tumigil na nga kayo at mabuti pa’y simulan na nating maglaro.”
            Si Lampanag ang namumuno ng laro sa Dunya.  Nag-uunahan sina Badaw at Iraya na abutin si Lampanag.
            Bubwelo si Iraya para makaipon ng malaking lakas at magpapaikot-ikot hanggang sa siya’y mabigatan at sabay hihinto. Titilamsik ito pataas at iduduyan ang sarili ng paulit-ulit hanggang sa makakaya niya upang maabot si Lampanag.
        Susunod sa kanya si Badaw. Bubuo muna siya ng matibay na pundasyon at pabloke-bloke niyang pagpapatong-patongin ang sarili hanggang sa makabuo siya ng hugis tatsulok papataas kay Lampanag.
            Hahampas ang tubig ngunit mabilis ding bababa.
            Papataas ng papataas ang lupa ngunit guguho ring bigla.
          Walang gustong sumuko at tila wala itong mga kapaguran hanggang si Lampanag na ang antukin sa kanilang pinggagawa.
         “Tigil na muna natin ito at bukas na natin ituloy.” Sabay ang malakas na paghikab at maya-maya’y magdidilim na ang paligid. Walang magagawa sina Iraya at Badaw kundi ang magpahinga.
         Magkukunwaring tulog si Badaw at sinusuguro muna niyang payapang natutulog na si Iraya. Ilalapit niya ng bahagya ang sarili upang madampian si Iraya na magpapaaliwas ng kanyang pakiramdam at mahimbing nang makatutulog.
         Dito na mapapayapa si Dunya at muling magpapaikot-ikot upang masigurong maayos lahat. Walang ingay na maririnig maliban sa panaka-nakang pagduyan ni Iraya.
          Bago magising sina Iraya at Badaw, nakagawian na ni Lampanag na pagmasdan ang kalmadong si Iraya. Upang hindi siya mahalata, sinisilip lamang niya ito para hindi lumikha ng nakakasilaw na liwanag. Ilang saglit pa’y tuluyan ng didilat si Lampanag at inuuna niyang gisingin si Iraya upang makausap.
     Sa umagang iyon, nagulat si Iraya kay Lampanag kaya humampas ang tubig ng pagkataas-taas na halos makaabot na sa kinalalagyan ng kaibigan.        
           “Naku sayang muntik na kitang maabot, kung nagkataon tulog pa si Badaw!”
         Sa pagkainis nito’y akmang kikilos ito upang gisingin si Badaw ngunit pinigilan siya ni Lampanag.
            “Hayaan mo muna siyang matulog at gusto kitang makausap ng sarilinan.”
            Napahinto si Iraya at pinagmasdan ang kausap sa kakaiba nitong kinikilos.
           “Alam mo Lampanag ang aliwalas mo ngayon kumpara kahapon na malamlam ang iyong kulay.”
          Lalo pang pumuti ang panginorin at sa paggalaw nitong si Lampanag ay bumuo ito ng hugis puso.
            “Pagmasdan mo akong maigi Iraya at magpapakita ako ng mahika.”
            Mula sa pinakamalaking puso bigla itong nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat. Inulit ito Lampanag ngunit dinahan-dahan niya upang maibatid kay Iraya ang mensahe.
            Malaking puso.
            Nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat na puso.
            Balik sa malaking puso.         
        “Noon pa man Iraya napansin ko na ang iyong kariktan at hindi ko na mapigilan ang aking sarili na ika’y pagmasdan at bantayan. Kung hindi mo ako maabot sating paglalaro, hayaan mo akong kumapit sa pinakamataas mong pagtalon at makasisiguro kang hindi kita bibitiwan.”
        Nagpaalon-alon si Iraya sa kanyang narinig at hindi alam kung papaanong tatanggapin ang mga narinig. Bago pa siya makapagsalita’y nakarinig siya muli ng isang tinig.
         “Pasensya ka na Lampanag, sa aking narinig mukhang hindi na matutuloy ang naunsyami nating paglalaro at hindi na kailanman mangyayari.”
        Unti-unting lumalamlam ang panginorin at si Badaw ay nagiging agresibo na nagdudulot ng pagkabiyak ng mga lupa.
          “Badaw, magtigil ka! Hayaan mo akong kausapin si Lampanag.”
        Mula sa maliliit na alo’y tumitilamsik at humampas ang tubig bago magpatuloy si Iraya. Dinadama niya ang presensya ni Dunya, kailangan niya ng tulong nito. 
            “Kaibigang Lampanag, bago pa man ang iyong pagtatapat kinausap namin ni Badaw si Dunya. Ngunit dahil sa napagod ka sa ating paglalaro kahapon, nabinbin ang gagawin naming pagbabalita sayo.”
            “Humingi ako ng permiso kay Dunya na pag-isahin kami ni Iraya. Ikaw sana ang gusto naming unang pagsabihan ngunit ito’y paglabag sa kanyang kautasan.”
            Nakatingin lamang si Lampanag sa dalawa ngunit ang totoo ayaw na niyang marinig pa ang sasabihin ng mga ito.
            “Sinaktan ninyo ako kaya’t magtutuos tayo. Ipagpatuloy natin ang ating paglalaro. Abutin ninyo ang aking kapatawaran!”
            Bigla-biglang dumilim ang paligid at nais pakalmahin ng dalawa ang kanilang kaibigan ngunit ang larong kanilang kinaugalia’y naghuhudyat ng panibagong yugto at sa ganitong pagkakataon tulad na rin ng kanilang napagkasunduan ay hindi dapat ipagpaliban lalo’t ipinahayag na ni Lampanag ang pagbubukas ng kanilang gawain. Sa pagkakataong ito, kakaibang laban ang dapat nilang ipanalo.
            “Para sa ikakapanatag ng iyong kalooban at patunayang mahalaga ka sa amin, simulan na natin ang ating paglalaro.”
           Sa unang pagkakataon si Lampanag ay naglabas ng mga tubig na nagpabigat kay Iraya at malalakas na alon ang kasunod nito. Nahihirapan siyang makabwelo ngunit pinilit niyang magpaikot-ikot. Si Banaw naman ay halos matunaw at mabaon sa kanyang pwesto. Ginamit niyang pundasyon ang nabasang lupa at nagpatuloy sa pagtaas kahit gumuguho ang nabiyak niyang bahagi.
          Yumayanig na ang Dunya ngunit nagpatuloy sa paglalaro ang tatlo.                                                  Humampas ang tubig ngunit bigla ring bumaba.
          Tumaas ang lupa ngunit gumuhong bigla.
      Nakadama na ng matinding pagod ang dalawa ngunit hindi nila gustong sukuan ang kanilang kaibigan. Inubos nina Iraya at Banaw ang huli nilang lakas. Inikot-inot ni Iraya ang tubig at hinudyat ang gagawin niyang paghampas upang tumilamsik paitaas. Nakakita ng pagkakataon si Badaw, pinagpatong-patong muli ang lupa mula sa matibay niyang pundasyon.
            Pagbwelo ni Iraya sinalubong ito ni Badaw. Nagtalsikan ang malalaking alon at nagkalat ang mga bahagi ng lupa kung saan-saan,  ang ilang bahagi nito’y umabot kay Lampanag.
         Ilang saglit pa’y kumalma na si Iraya, nabasa ang kabuan ni Badaw at nagliwanag si Lampanag.
    “Patawarin ninyo ako Dunya at nilapastangan ko ang inyong kagustuhan. Ako’y sumasang-ayon na sa inyong kagustuhan.”
      Matapos ang kanyang pahayag ay mabilis na nagpaikot-ikot ang Dunya, nanatili si Lampanag sa panginorin habang sinasaksihan niya paggalaw ng tubig at lupa. Ang dating magkadikit lamang na si Iraya at Badaw ay napag-isa. Nakapalibot sa tubig at ilalim nito ang lupa upang maprotektahan siya.
   Hindi nagtagal ay naglitawan sa iba’t ibang bahagi ng tubig ang mga anyong lupa na mapuputi at maiitim na pinulbos na buhangin. Pagkaraan nito’y sumunod ang mga batong matutulis na sa bawat panahon ay tumataas, lumalawak at nagkaroon ng mga luntiang tanawin.
     Higit na naging masaya sa Dunya, lumawak ang katubigan at nahati ito ng mga kabundukan na siyang naging bunga ng pagmamahalan nina Iraya at Badaw. Nagpatuloy ang paglalaro ng mga ito. Naroon pa rin si Lambanag ngunit kung noo’y napakahirap niyang abutin, halos kasintaas lamang niya ang ilan sa mga bago niyang kalaro.
     Kaya sa pagkakataong nakararamdam ang tao ng hindi inaasayang pangyayari na likha ng kalikasan marahil nakaistorbo tayo sa paglalarong nagaganap sa Dunya at hindi natin mapipigilan ang kanilang ginagawa.
      MUSIC… REPLY… NEXT… PREVIOUS 
   Kakaibang premyo ang natanggap nina Effie at Kitter na nagpamulat sa kanila na makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran gamit ang Social Media. Kaya naman bago sila tumayo’y nag-post sila sa kanilang group accounts. Nilagyan ng caption na #angLAROsaDUNYAYdiBIRO upang ito’y maging trending at makakuha ng BONUS REWARD.

Ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6 Kwentong Pambata
www.sba.ph