Sabado, Nobyembre 29, 2014

Ang Laro sa Dunya’y Di Biro



Ang Laro sa Dunya’y Di Biro
ni Wilma E. Hermogenes

          Espesyal ang araw ng Sabado sa magkakaibigang Effie at Kitter, bukod sa walang pasok ay binigyang kalayaan sila ng kanilang mga magulang na magbabad sa kompyuter ng buong araw. Bagamat nakakapag-online sila ng higit sa isang oras kada araw ay swerte ng makatatlo kung sasabihin nilang may i–re-research na asaynment.
        Sinisiguro nilang makapag-status, like, comment at share. Hindi nagpapahuli sa mga trending at ang pinakakinababaliwan nila’y mga online games.
            “Effie, bagong laro oh, astig.”
            Sabay tingin, “ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO.”
            “Dunya, mundong ginagalawan nina Lambanag, Iraya at Badaw.”
            Klik…
            “Lambanag, tagapangisawa ng laro at taglay ang lakas na makontrol ang liwanag at dilim. Sa sobrang taas, ibayong diskarte ang kailangan upang gantimpala’y makamtan.”
             Klik …           
         “Iraya, sa maamo at berdeng kulay ay nakatago ang lakas na kayang magwasak sa buong Dunya kapag ginalit.”
            Klik…
           “Badaw, may kakayahang bumuo ng iba’t ibang anyo upang magapi ang kalaban.”
           Hindi na nakapaghintay ang dalawa kaya sinumulan nilang basahin ang tuntunin ng laro. Sa simula’y kailangang mabuo ang Dunya at mabuhay ang tatlong karakter, labanan ng isip at diskarte ang puhunan. Kailangan nilang malagpasan ang lahat ng stage nito upang makuha ang BONUS REWARD.
       “Kitter, walang tayuan ito kaya galingan mo. Alalahanin mo bukas banned tayo sa paglalaro, di ako makakatulog pag di natin natapos ito.”
      Padilim na ng halos sabay na napasigaw at napatayo ang magkaibigan, parang nasasaniban sila habang lumiliwanag ang monitor at tila nilalamon sila nito.
             KLIK.. BONUS REWARD.. ENTER…
             VIDEO UPLOADING… ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO
     Lahat ng nilalang ng Diyos ay may natatanging kakayahan. Kung ang tao ang pinakamatalino sa lahat ay hindi maikukubling naiisahan din ang mga ito ng iba’t ibang espiritung nagkalat sa mundo. Hindi nakikita ngunit kinakatakutan sa kaunti nitong pagpaparamdam. Ang mga nalikha sa natural na pamamara’y labis na pinapakinabangan ng tao na patuloy sa pagbibigay, wala itong reklamo kahit na  minsan’y naaabuso. Kapag hindi na makayanan ang ginagawa ng tao, kumikilos ng hindi inaasahan at walang nakapipigil sa lakas nitong taglay.
           Ito ang pagpapatunay na bago ang tao, Dunya ang inunang binigyang buhay at upang mapalitaw ang aystetikong kaanyuhan isinabay sina Lampanag, Iraya at Badaw. Paikot-ikot lamang itong si Dunya. hindi ito pisikal na nakikita ngunit madadama ang kanyang presensya lalo na sa pagkakataong sila’y naglalaro, nakabantay lamang ito sa kanilang ginagawa.
            “Aray! Bakit tinapakan mo naman ang aking paanan?”
            “Pasensya na, di ko napansin ang dilim pa kasi kaya kailangan na nating gisingin si Lampanag at ang himbing pa ng tulog.”
            Napako ang dalawa sa panginorin. Nabatubalani ang kanilang isip kaya sa lakas ng enerhiya nila’y nagresulta ng iisang pagkilos. Nagtulakan sina Iraya at Badaw na kapwa ayaw magpagapi. Humampas ang tubig at nag-umpukan ang lupa. Sa pagsasalubong ng kanilang lakas, nakalikha ito ng kakaibang ingay. Ilang saglit pa’y nagliwanag na ang kapaligiran.
            “Ano bang pinaggagawa ninyo? Naputol tuloy ang maganda kong panaginip!”
         Nakangiti ito habang nakatingin kay Iraya. Nahalata ito ni Badaw kaya bigla itong kumalas kay Iraya kaya napahampas ang malaking alon.
            “Aray ko! Nananadya ka na talaga Iraya ha.”
            “Bakit mo ba ako biglang kinalasan? Ang sakit no’n ha.”
            “Tumigil na nga kayo at mabuti pa’y simulan na nating maglaro.”
            Si Lampanag ang namumuno ng laro sa Dunya.  Nag-uunahan sina Badaw at Iraya na abutin si Lampanag.
            Bubwelo si Iraya para makaipon ng malaking lakas at magpapaikot-ikot hanggang sa siya’y mabigatan at sabay hihinto. Titilamsik ito pataas at iduduyan ang sarili ng paulit-ulit hanggang sa makakaya niya upang maabot si Lampanag.
        Susunod sa kanya si Badaw. Bubuo muna siya ng matibay na pundasyon at pabloke-bloke niyang pagpapatong-patongin ang sarili hanggang sa makabuo siya ng hugis tatsulok papataas kay Lampanag.
            Hahampas ang tubig ngunit mabilis ding bababa.
            Papataas ng papataas ang lupa ngunit guguho ring bigla.
          Walang gustong sumuko at tila wala itong mga kapaguran hanggang si Lampanag na ang antukin sa kanilang pinggagawa.
         “Tigil na muna natin ito at bukas na natin ituloy.” Sabay ang malakas na paghikab at maya-maya’y magdidilim na ang paligid. Walang magagawa sina Iraya at Badaw kundi ang magpahinga.
         Magkukunwaring tulog si Badaw at sinusuguro muna niyang payapang natutulog na si Iraya. Ilalapit niya ng bahagya ang sarili upang madampian si Iraya na magpapaaliwas ng kanyang pakiramdam at mahimbing nang makatutulog.
         Dito na mapapayapa si Dunya at muling magpapaikot-ikot upang masigurong maayos lahat. Walang ingay na maririnig maliban sa panaka-nakang pagduyan ni Iraya.
          Bago magising sina Iraya at Badaw, nakagawian na ni Lampanag na pagmasdan ang kalmadong si Iraya. Upang hindi siya mahalata, sinisilip lamang niya ito para hindi lumikha ng nakakasilaw na liwanag. Ilang saglit pa’y tuluyan ng didilat si Lampanag at inuuna niyang gisingin si Iraya upang makausap.
     Sa umagang iyon, nagulat si Iraya kay Lampanag kaya humampas ang tubig ng pagkataas-taas na halos makaabot na sa kinalalagyan ng kaibigan.        
           “Naku sayang muntik na kitang maabot, kung nagkataon tulog pa si Badaw!”
         Sa pagkainis nito’y akmang kikilos ito upang gisingin si Badaw ngunit pinigilan siya ni Lampanag.
            “Hayaan mo muna siyang matulog at gusto kitang makausap ng sarilinan.”
            Napahinto si Iraya at pinagmasdan ang kausap sa kakaiba nitong kinikilos.
           “Alam mo Lampanag ang aliwalas mo ngayon kumpara kahapon na malamlam ang iyong kulay.”
          Lalo pang pumuti ang panginorin at sa paggalaw nitong si Lampanag ay bumuo ito ng hugis puso.
            “Pagmasdan mo akong maigi Iraya at magpapakita ako ng mahika.”
            Mula sa pinakamalaking puso bigla itong nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat. Inulit ito Lampanag ngunit dinahan-dahan niya upang maibatid kay Iraya ang mensahe.
            Malaking puso.
            Nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat na puso.
            Balik sa malaking puso.         
        “Noon pa man Iraya napansin ko na ang iyong kariktan at hindi ko na mapigilan ang aking sarili na ika’y pagmasdan at bantayan. Kung hindi mo ako maabot sating paglalaro, hayaan mo akong kumapit sa pinakamataas mong pagtalon at makasisiguro kang hindi kita bibitiwan.”
        Nagpaalon-alon si Iraya sa kanyang narinig at hindi alam kung papaanong tatanggapin ang mga narinig. Bago pa siya makapagsalita’y nakarinig siya muli ng isang tinig.
         “Pasensya ka na Lampanag, sa aking narinig mukhang hindi na matutuloy ang naunsyami nating paglalaro at hindi na kailanman mangyayari.”
        Unti-unting lumalamlam ang panginorin at si Badaw ay nagiging agresibo na nagdudulot ng pagkabiyak ng mga lupa.
          “Badaw, magtigil ka! Hayaan mo akong kausapin si Lampanag.”
        Mula sa maliliit na alo’y tumitilamsik at humampas ang tubig bago magpatuloy si Iraya. Dinadama niya ang presensya ni Dunya, kailangan niya ng tulong nito. 
            “Kaibigang Lampanag, bago pa man ang iyong pagtatapat kinausap namin ni Badaw si Dunya. Ngunit dahil sa napagod ka sa ating paglalaro kahapon, nabinbin ang gagawin naming pagbabalita sayo.”
            “Humingi ako ng permiso kay Dunya na pag-isahin kami ni Iraya. Ikaw sana ang gusto naming unang pagsabihan ngunit ito’y paglabag sa kanyang kautasan.”
            Nakatingin lamang si Lampanag sa dalawa ngunit ang totoo ayaw na niyang marinig pa ang sasabihin ng mga ito.
            “Sinaktan ninyo ako kaya’t magtutuos tayo. Ipagpatuloy natin ang ating paglalaro. Abutin ninyo ang aking kapatawaran!”
            Bigla-biglang dumilim ang paligid at nais pakalmahin ng dalawa ang kanilang kaibigan ngunit ang larong kanilang kinaugalia’y naghuhudyat ng panibagong yugto at sa ganitong pagkakataon tulad na rin ng kanilang napagkasunduan ay hindi dapat ipagpaliban lalo’t ipinahayag na ni Lampanag ang pagbubukas ng kanilang gawain. Sa pagkakataong ito, kakaibang laban ang dapat nilang ipanalo.
            “Para sa ikakapanatag ng iyong kalooban at patunayang mahalaga ka sa amin, simulan na natin ang ating paglalaro.”
           Sa unang pagkakataon si Lampanag ay naglabas ng mga tubig na nagpabigat kay Iraya at malalakas na alon ang kasunod nito. Nahihirapan siyang makabwelo ngunit pinilit niyang magpaikot-ikot. Si Banaw naman ay halos matunaw at mabaon sa kanyang pwesto. Ginamit niyang pundasyon ang nabasang lupa at nagpatuloy sa pagtaas kahit gumuguho ang nabiyak niyang bahagi.
          Yumayanig na ang Dunya ngunit nagpatuloy sa paglalaro ang tatlo.                                                  Humampas ang tubig ngunit bigla ring bumaba.
          Tumaas ang lupa ngunit gumuhong bigla.
      Nakadama na ng matinding pagod ang dalawa ngunit hindi nila gustong sukuan ang kanilang kaibigan. Inubos nina Iraya at Banaw ang huli nilang lakas. Inikot-inot ni Iraya ang tubig at hinudyat ang gagawin niyang paghampas upang tumilamsik paitaas. Nakakita ng pagkakataon si Badaw, pinagpatong-patong muli ang lupa mula sa matibay niyang pundasyon.
            Pagbwelo ni Iraya sinalubong ito ni Badaw. Nagtalsikan ang malalaking alon at nagkalat ang mga bahagi ng lupa kung saan-saan,  ang ilang bahagi nito’y umabot kay Lampanag.
         Ilang saglit pa’y kumalma na si Iraya, nabasa ang kabuan ni Badaw at nagliwanag si Lampanag.
    “Patawarin ninyo ako Dunya at nilapastangan ko ang inyong kagustuhan. Ako’y sumasang-ayon na sa inyong kagustuhan.”
      Matapos ang kanyang pahayag ay mabilis na nagpaikot-ikot ang Dunya, nanatili si Lampanag sa panginorin habang sinasaksihan niya paggalaw ng tubig at lupa. Ang dating magkadikit lamang na si Iraya at Badaw ay napag-isa. Nakapalibot sa tubig at ilalim nito ang lupa upang maprotektahan siya.
   Hindi nagtagal ay naglitawan sa iba’t ibang bahagi ng tubig ang mga anyong lupa na mapuputi at maiitim na pinulbos na buhangin. Pagkaraan nito’y sumunod ang mga batong matutulis na sa bawat panahon ay tumataas, lumalawak at nagkaroon ng mga luntiang tanawin.
     Higit na naging masaya sa Dunya, lumawak ang katubigan at nahati ito ng mga kabundukan na siyang naging bunga ng pagmamahalan nina Iraya at Badaw. Nagpatuloy ang paglalaro ng mga ito. Naroon pa rin si Lambanag ngunit kung noo’y napakahirap niyang abutin, halos kasintaas lamang niya ang ilan sa mga bago niyang kalaro.
     Kaya sa pagkakataong nakararamdam ang tao ng hindi inaasayang pangyayari na likha ng kalikasan marahil nakaistorbo tayo sa paglalarong nagaganap sa Dunya at hindi natin mapipigilan ang kanilang ginagawa.
      MUSIC… REPLY… NEXT… PREVIOUS 
   Kakaibang premyo ang natanggap nina Effie at Kitter na nagpamulat sa kanila na makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran gamit ang Social Media. Kaya naman bago sila tumayo’y nag-post sila sa kanilang group accounts. Nilagyan ng caption na #angLAROsaDUNYAYdiBIRO upang ito’y maging trending at makakuha ng BONUS REWARD.

Ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6 Kwentong Pambata
www.sba.ph       
 
 
 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento