Biyernes, Abril 25, 2014

Koreo

POST OFFICE 





Kanina dumaan ako sa Lawton binalak kong magpadala ng koreo at sa totoo lang hindi ko pa talaga naiaapak ang mga paa ko sa lugar na ito na lagi ko namang dinadaanan. Noon pa man gandang-ganda ako sa lugar na iyan lalo na kapag gabi kaso dahil hindi naman talaga iyan ang dapat kong puntahan ay tinitingnan ko na lamang ito sa abot ng aking tanaw. 

Tumatakbo pa nga ako papunta sa gusali at kung saan-saan ako nagsuot bago pa makita ang tamang daan. Naglakad-lakad muna ako para basahin ang mga nakasulat sa mga bintana at naghahanap din ako ng malaking karatula kung papaano magpadala ng sulat. Tanghaliang tapat kaya kakaunti lamang ang bukas nabintana . 


(Ang loob ng Post Office)

Sa loob inaabot ako ng ilang minuto, pinapunta ako sa Window 21 at kinuha ang sobre ko tapos tinimbang. Umuwi akong bigo sa aking adhika. Nakalimutan ko na kasi kung saang bahagi ng sobre ilalagay yung pangalan at tirahan ng taong pagdadalhan/nagpadala kaya mali ang aking nagawa. Sunod nito, tinanong ako kung registered ba o hindi, tagal ko bago makasagot kaya tinanong ko pa ang pagkakaiba ng dalawa. Tinanong ko rin kung gaano katagal bago matatanggap ang aking sulat sabi ng kausap ko mga dalawang linggo siguro at tsaka hindi naman daw siya ang kartero (NGAYON KO LANG NAISIP NAGPAPATAWA SIGURO SI MANANG pero dahil nalilito ako walang dating sa akin). Binawi ko na lamang ang sobre at napagpasyahan kong hindi na ituloy ang pagpapadala ng koreo.

Napagtanto ko, magandang imungkahi na magkaroon ng lakbay-aral ang mga mag-aaral sa lugar na ito. Iparanas sa kanila hindi lamang ang pagsulat ng personal na liham kundi maging ang hakbang ng pagpapadala ng sulat. Masarap kaya sa pakiramdam yung ikaw mismo ang naglalagay ng selyo sa sobra tapos ihuhulog mo sa malaking "Mail Box." Nag-aaral  pa ako sa FEU noong magawa ko ito. 

Maliban pa sa nabanggit, may ibang atraksyon ding makikita sa loob nito tulad ng kanilang arkitektura at museo, Maging ang ilang katawagan na ginagamit ay kinakailangan nilang malaman tulad ng kartero na tagahatid ng sulat. Sa kabilang banda, may katagalan pa rin talaga ang pagpapadala ng sulat sa ating bansa kaya mas marami ng mga Pilipino lalo na ang mga kabataan ang hindi na gumagamit nito o HINDI PA NARARANASANG gumamit nito...

Nawa'y maisipan ito ng mga paaralan <Y>

(Ang ilan sa makikita sa Post Office)

Hanggang gabi ay marami pang mga tao na naglalagi sa lugar dahil na rin sa fountain na makikita sa harap ng gusali at sadyang maliwanag ang lugar na ito lalo pa kung magpapasko.






Lunes, Abril 21, 2014

KAWANGIS NG AKING UGAT

BULAKAN 
ni Wilma E. Hermogenes
4/21/2014

Bulaklak na makulay ay nanghahalina
Bulak na mapuputi dito’y masagana
Burak sa kapaligiran ay makikita
Bayan ng Bulakan kakabit  na salita

Mga lungsod ay mayrong  dalawang dosena
Bayan ng Malolos ang siyang kabisera
Hindi kaluyaan sa Kalakhang Maynila
Kanugnog ang Nueva Ecija at Pampanga 

Tinaguriang bayan ng mga makata.
Ang Ama ng Panulaan dito nagmula
Maging ang mga dakilang propagandista
Sa panulat napalaya ang ating bansa

Bayang bihasa sa pinagbatayang wika
Taal  na Tagalog maririnig sa twina
Salitang hitik at napakagandang musika
Namumutawi sa bibig ng matatanda

Sa kasaysayan marami ang naitala 
Dito unang winagawayway ang bandila
Naisulat unang kontisyonsyon sa Asya
Napasakamay ang hangad na demokrasya

Nagkalat mga simbahang makaluma
Itinindig noong panahon ng Kastila
 Hindi matatawaran aystetikong dala
Kahit lumipas na ang maraming dekada

Maging sa mga produkto ay mariwasa
Inaaning palay at iba’t ibang bunga
Baboy, manok at baka na kanlang alaga
Naibabahagi sa mababang halaga

Sa bayang ito’y Angat ang isa sa bida
Isang malaking dam ang rumaragasa
Pinag-iimbakan ng tubig sating bansa
Dumadaloy ang suplay sa bandang Hilaga

Sa kasalukuya’y  higit na nakilala 
Malalaking paliguan na kakaiba
Samo’t saring mga Resort ang naglipana
Dagat sa probinsya’y  nalalapit sa madla

Kumukupkop din ng mga pagala-gala
Nagtatayo ng bahay sa kanilang lupa
Upang ang mga bisita’y maging kaisa
Sa pabahay na abot-kaya ang halaga!

Hindi maitatangging mayroong nag-iba
May  mga nalimot nagiba at nawala
Ngunit mananatili pagtatamong-pala
Nitong bayan na sadyang napakahalaga!



Huwebes, Abril 17, 2014

TAGLAGAS

DAHON 
ni Wilma E. Hermogenes

ang isang halaman habang namumunga
hindi maiwasang  may dahong malanta
maging bulaklak na nakakahalina
kung minsan halimuyak ay nawawala

patuloy na lumalabas kanyang  katas
lumalapad at patuloy sa pagtaas
ngunit kung minsay hindi nakaliligtas
mapaglaruan, mabangga at mapitas

kung maisipan ng araw na magbantay
itong ulan hagibis sa paglalakbay
tiyak na kasunod nito’y pagkalumbay
hamog na dala’y kasawian sa buhay  

matitigang sa labis na pagkauhaw
manghihina na tila nalulusaw
hanggang sa wala na itong mapalahaw
ngunit bukang liwayway ay natatanaw
  
ang isang halamang makapit ang ugat
matindi man pagkalanta’t pagkasugat
hanggang sa mayrong  tubig na malalasap
hindi matitinag nang hangi’y malanghap

hindi lahat ng dahon na nalalagas
walang pakinabang kung ito’y  bumagsak
mayrong natuyo’t sa ulo nakalapat

daig pa ang tala sa ningning at singkad!




                               Kung ilalarawan ako sa panahong ito, ang mga imaheng iyan ang pinakaakmang larawan para sa akin. Isang puno na naglalagasan ang mga dahon... mga tuyo't at patuloy lamang na hinahangin! LUTANG SA KUNG ANO BA NAIS GAWIN!

                       Pakiwari ko inililipad ako papalayo sa aking puno. Namumunga ako ngunit tila hindi nararapat sa mga kinalalagyan ng iba pang mga puno ngunit tulad ng idinidikta ng aking puso'y doon ako nakaugat! Ang inaakala kong malagong puno ay malayo pa sa katotohanan at kailangan ko pang maghintay para tuluyan akong yumabong.

                       Kahit sobrang sakit ang paulit-ulit na paglagas ng aking mga bunga kailangan kong magpatuloy. Wika nga ni WEH sa kanyang pagninilay "Kapag may nalagas tiyak may bagong mamumukadkad kayat patuloy lamang sa pagliyab ." Sa tamang panahon ang inaasam kong dahon ay maisasakamay ko rin at marahil ito ang isa mga dapat kong mapagdaan.