KABIYAK
Kaluluwa akong ligaw ng unang masilayan
Nakalutang at gunita ay nasa kawalan
Nagkubli ang espiritu nitong katauhan
Ngunit walang nasindak sa aking kaabahan
Nakabaon ang paa at tila napilayan
Nanuyo ang labi’ t pagbuka’y kinatamaran
Karamay ang buwan at araw ay tinalikuran
Bigat ng pasang kalungkuta’y walang pagsidlan
Naratay ang kalahati ng aking katawan
Namanhid kahit na bahagi’y naggagalawan
Namaga sa itinagong lamig ng kalamnan
Hanggang nanigas ang dugo’t walang madaluyan
Biglang napabuwal, nawala ang kamalayan
Simbilis ng kidlat sa pagsalo’y naagapan
Sinagip itong naghihingalong kalagayan
Kaluluwang naligaw nanumbalik sa katawan
Kinubling hamog sa mata’y iyong dinampian,
hindi tinigilan hanggang palaba’y masilayan
Inakay ako sa landas ng kaligayahan
Bukambibig karanasan na pinagsaluhan
Saan ba nagmula taglay na kapangyarihan?
Walang kapa ngunit nilipad sa kalawakan
Pagkukubli sa maskara’y ‘di kinailangan
Sandata ang presensya upang maliwanagan!
Katanungan sa isip ngayo’y naunawaan
Kinaylangang maglakbay nang ika’y matagpuan
Nawala kong bahagi’y nasa ‘yong katauhan
Ikaw ang syang Kabiyak ng aking kabuuan !
Iniaalay sa kabiyak ng aking puso. Unang pagkakataon na makalikha ng tula para sa kanya. Ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na siya ang itinadhana sa akin. Marami pang pagsubok ang aming pagdadaanan ngunit sa tiwala at pagmamahal batid kong lahat ng ito'y aming malalagpasan. Mahal na mahal kita <3
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento