Huwebes, Enero 30, 2014

PANITIKAN SA SUMAGUING CAVE

Mga Kwento sa Loob ng Kweba
ni WEH

Tatlong yugto ang kailangang mapagdaan
Hindi mabilang na hakbang bago matunghayan
Akyat-baba, pasikot-sikot ang hahantungan
Ngunit di alintana sayong masasaksihan

Maharlikang pamilya sa loob nananahan
Iba pang nilalang iyo pang masisilayan
Imahinasyon ay paganahi’t iyong  buksan
Upang ang mga kwento nito ay iyong malaman

Unang babaybayin ang matarik na hagdanan
Sunod na tatahakin, landas ng kadiliman
Nariyang tatapakan madulas na batuhan
Kaya’t ibayong pag-iingat ang kailangan

Sa unang yugto ng pakikipagsapalaran
Tradisyunal na babayunan ang mabubungaran
Hindi makalabas sa kanyang kinalalagyan
Mag-inang  elepante sa kanya’y nakatangan

 Ilang hakbang lamang at  ‘di naman kalayuan
Reynang nagdadalang tao ang masisilayan
‘di na makagalaw sinlaki ng kweba ang tyan
Hinihintay mailuwal ang sinapupunan

Nakaantabay sa kanya haring mapitagan
Nakatanaw sa  marilag niyang kagandahan
Pagsilang ng kanyang  anak  kinasasabikan
Pinakadakilang biyaya at karangalan

Sa trono ng hari ilalim pakatitigan
Munting pagong ay nagkukubli sa may tubigan
Tila kawal na nagbabantay sa kaharian
Kapag hindi napansin iyong pagsisihan 



Sa ikalawang yugto nitong  kahiwagahan
Lakas pag-ibayuhin sa mga batong kakapitan
Kung di’y  babagsak sa tubig na may kalaliman
baka ika’y malunod nang ‘di namamalayan

Lamig ng tubig pampatanggal ng kapaguran
Kumakapak sa pagdaloy kung mapagmamasdan
Maiwawaksi sa isip ang kapahamakan
Sapagka’t  mahirap na bahagi’y nalagpasan

Kailangang babain makitid na lagusan
Doo’y nagkukubli kurtina ng kaharian
Nguni’t mag-ingat sa ahas na may kalakihan
Nakahimlay doon sa may bahaging laylayan


Kasunod nito’y huling bahagi ng kabuan
Di tulad ng sinundan ito’y may kadalian
Ilang hakbang lamang mula sa pinanggalingan
Masisilayan ay iyo ring kamamanghaan

Nakabukang talim ng hayop na mapanlinlang
Kaya kang lunukin kung ito’y may kamalayan
Hagdang-hagdang palayan dito ay pangkariwan
Nakagugulat meron din dito ang tubigan

Isa pang prinsesa ang iyong masisilayan
Nakalubog sa mababaw na katubigan
Kay layo sa magulang tila naparusahan
O di kaya nama’y doon siya’y naiwanan

Ilang lamang dagat nakayakap sa batuhan
Katunayang ito’y bahagi ng karagatan
Ngunit sa hindi malaman na kadahilanan
Naging kweba at paraiso ng kabundukan

Matapos nito ay kailangan mong balikan
Lahat ng tinahak na batuhan at lagusan
Upang makabalik sa iyong pinanggalingan
Baon ang kwentong  kinubli sa kailaliman!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento