Miyerkules, Oktubre 30, 2013

U ARE HERE: HOME  SPECIAL REPORTS  GABAY PARA SA ELEKSIYONG PAMBARANGAY

GABAY PARA SA ELEKSIYONG PAMBARANGAY

SA NAKALIPAS na pambansang halalan ay tinatayang 52,014,648 botante ang lumahok ayon sa Commission on Elections  at ito ay nadagdagan pa at naging 54,051,626 para sa darating na Halalang Pambarangay.
Ang mga botanteng ito ay maghahalal ng 42,028 barangay chairmen at 294,196 na konsehal.
Ilang araw ang itinaya upang manuyo at manligaw ang mga kandidato  ng barangay positions.  Sa kabila ng kontrobersiya sa pagkaantala sa SK elections ay tuloy pa rin ang barangay  elections sa bansa. 
Sa Bohol at Zamboanga nga lamang ay ipinagpaliban muna ito bunsod na rin ng trahedyang sinapit ng mara­ming kababayan.
Ang barangay elections ay isinasagawa tuwing hu­ling Lunes ng Oktubre at bawat tatlong taon pagkatapos noon, alinsunod sa Republic Act No. 9340. Ngayong taon ay nakatakda ang araw ng halalan bukas, Oktubre 28, 2013.
PINAKAMAKAPANGYARIhaNG LUKLUKAN
Ang barangay ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan. Nagsimula ang pamahalaang ito sa mga barrio na siyang unang katawagan sa mga barangay. 
Hinango ang salitang barangay sa balangay na isang uri ng bangka na sumisimbolo sa mga pinunong   nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng Asya. 
Noon ay mga datu ang karaniwang namumuno sa bawat barangay at sinasabing hindi matatawaran ang paraan ng pamumuno ng mga ito.
Kung noong panahon ng Kastila ay taga-kolekta lamang ng buwis ang mga cabeza de barangay (kapitan ng bawat barrio na itinalaga ng pamahalaan) at ang ta­nging pribilehiyong kanilang nakukuha ay proteksiyon sa pamahalaan, hindi naman biro ang ginagampanan nilang tungkulin sa kasalukuyan.
Ayon pa sa mga political analyst, maituturing na pinakamakapangyarihan na pulitiko ang mga kapitan dahil saklaw nito ang tatlong sangay ng pamahalaan ang Ehekutibo, Lehislatibo  at Hudikatura.
Bagama’t maliit ang pamahalaang nasasakupan ng mga ito ay hindi maipagkakailang malaking responsibilidad ang nakaatas sa mga ito at sinasabing ito ang ginagamit na simula o “stepping stone” ng mga pulitikong naghahangad ng mas mataas na posisyon sa pamahaalan dahil nagsisilbi nila ito “training ground.”
KAYA BA ITO NG CHAIRMAN KO?
Upang higit na makapili ng karapat-dapat na pinuno ng sariling barangay ay maiging alamin ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga kapitan at analisahin ang mga kandidato sa inyong lugar.
Nakatala sa Local Government Code (RA7160) ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng mga barangay opisyal. Para sa mga Punong Barangay ay nakatala ito sa Sec.389 ng RA7160 at ito ang kanilang mga tungkulin:
- Pagtiyak  ng pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo- nagtataguyod ng pangkalahatang kagalingan ng barangay; naghahanda ng taunang badyet; at inaaprubahan ang mga voucher patungkol sa mga pinagkagastahan o pinagkagastusan ng pondo ng barangay.
- Nag-oorganisa at pinamumunuan ang isang emergency group-kapag ito’y kinakailangan para sa pagpa­panatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng kagipitan o sakuna sa barangay.
- Pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa barangay - ipinatutupad ang mga batas at ordinansa ng barangay at ang mga batas kaugnay ng pagbibigay ng proteksiyon sa paligid.
- Pamumuno sa Sangguniang Barangay- nagpapatawag at pinamumunuan ang sesyon ng sanggunian, nakikipag-negosasyon, at may kapangyarihang pumasok sa isang kontrata na napagkasunduan ng Sangguniang Barangay, may kapangyarihan din na humirang o palitan ang barangay trea­surer, secretary, at mga barangay tanod ayon sa pag-apruba ng sangguniang barangay.
- Pinamumunuan ang Lupong Tagapamayapa- mayroong kapangyarihan na pangkalahatang superbis­yon sa Sangguniang Kabataan.
Naglabas rin ang  NAMFREL  (National Citizen’s Movement  for  Free Election) ng  mga gabay sa pagpili ng mga iboboto sa kanilang website para makatulong sa pagpili ng kandidato. 
Ayon sa ilustrasyon ni Edward Torcuato, gawing batayan ang utak, kakayahan at tiyaga hindi lamang ang laman ng pitaka. Piliin ang mabuting ehemplo at marunong sumunod sa mga simpleng patakaran ng nasasakupan.
SAGRADONG PAPEL
Sa darating na Lunes, ang balota ang pinakamaha­lagang bagay na ating hahawakan na kung saan itatala ang mga pangalan ng mga kandidatong mapupusuan. Tandaan ang mga sumusunod upang hindi ito mawalan ng saysay:
- Isang balota ang nakalaan sa bawat botante.
- Bawal itong markahan ng kahit na ano maliban sa pangalan ng napiling kandidato.
- Bawal itong ilabas o dalhin kung saan-saan, sulatan lamang ito sa voting area.
- Ikaw lamang ang may karapatang magsulat sa papel na ito, sulat kamay at hindi maaaring idikit ang anumang papel. Kung may kapansanan o hindi marunong bumasa at sumulat, humingi lamang ng tulong sa mga BET (Board of Election Tellers).
- Ihulog sa ballot box ang iyong balota, huwag itong ipagawa sa iba.
PAGSULAT NG PANGALAN
Mahalaga ring malaman ng mga botante ang maingat na pagsusulat ng mga pangalang itatala sa balota. 
May mga pagkakataong magkakamag-anak ang tumatakbo sa iba’t ibang posisyong kaya naman mahalagang maisulat ng malinaw ang mga pangalan ng taong napiling iboto upang hindi ito masayang o mapunta sa iba.
 Ito ang ilan sa mga dapat ninyong tandaan:
- Kung apelyido lamang ang isusulat ay siguraduhing wala itong ibang kalaban na kanyang kapangalan dahil kapag nagkataon ay mapupunta ang inyong boto sa INCUMBENT na  kandidato na may kaparehong apelyido. (SUPREMACY OF SURNAME)
- Tatanggapin ang botong pangalan lamang ang isinulat basta wala silang kalaban na ganoon din ang pangalan.
- Kung magkakamali sa spelling ng pagsulat ng pa­ngalan ang pinakamalapit na pangalan ang paglalaanan ng naturang boto (sounds like).
- Tinatanggap ang mga alyas at daglat na pantawag (Sir, Ma’am, Gng.) kung sila lamang ang gumagamit nito at wala ng iba.
- Huwag pagsamahin ang pangalan at apelyido ng magkaibang kandidato.
oOo
Sa kabuuan MATALINONG PAGPAPASYA ang nararapat upang maihalal ang mga pinunong karapat-dapat na tayo’y pag­lingkuran. 

Sabado, Oktubre 26, 2013

TULAAN SA FB

fbicon-sponsors

Ngayong taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ibinabalik ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang proyektong "Tulaan sa Facebook."

Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa taong ito, itatampok ng mga lahok sa timpalak ang anyong "diyona"—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.

Bukas ang timpalak mula 15 Hunyo hanggang 15 Nobyembre 2013 sa lahat ng mga Filipinong naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa.  Bago maglahok ng tula, kailangang i-"Like" ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: "Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo." Dito rin ipapaskil tuwing katapusan ng linggo ang limang pinakamagagaling na diyona na makakalap.

Kaya naman naisipan kong lumahok at magbakasakali na palarin sa naturang patimpalak. Ito ang mga naipasa kong entri:

BAYANI NG BAYAN

Tondo ang kinalakhan
Pinas ang pinaglaban
Mundo’y nagpalakpakan

PAYAK NA BUHAY

Mulat sa kaapihan
Sugod sa mga kalaban
Bunga ay kasarinlan

HIMIG NG BAYAN

Humaginit ang sumpak
Winasiwas ang tabak
Tumaghoy ang nasibak

TABAK 


Pinanghiwa ng palad
Pinangtaga ng salat
Baboy sana'y nabiyak!


SIMBOLO NG KABALINTUNAAN


Taguig na masagana 
Makati na maalwa
Si Boni nama'y dukha.


HINAMON NG PANAHON 


Noon hanggang sa ngayon
Abang pagkakataon
Dangal di matatapon!

      Isa na naman itong makabuluhang karanasan na aking pinagkaabalahan :) 





Karapatan ni Bagets

 SABI nila kung nais mong makita ang kabuluhan ng buhay, tumingin ka sa mga inosenteng bata. Mga mukha ng walang bahid ng pagkukunwari. Sa pagtitig sa kanila ay sasariwa sa iyo ang mara­ming magagandang alaala na gusto mong balik-balikan. Ito na marahil ang ilan sa mga kadahilanan kung bakit ang ilan sa atin ay humihiling na bumalik sa pagkabata kung saan simple lamang ang kahulugan ng kasiyahan.
Ang mga tsikiting ang isa sa yaman ng anumang bansa dahil sila ang magpapaunlad ng susunod na henerasyon.
Sa pagpapahalagang ito sa mga paslit sa ating bansa ay itinakda ang buwan ng Oktubre bilang National Children’s Month sa bisa ng Presidential Proclamation No. 267, na layuning maipamulat ang mahalagang tungkulin ng mga bata sa pamilyang Pilipino at bilang pinakamakabuluhang kalakasan ng ating bansa.
Sa ika-21 pagdiriwang nito ay nagkakaisa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Council for the Welfare of Children (CWC), na isabuhay ang tema nito na “Kahirapan ay Wakasan, Karapatan ng Bata Ipaglaban.”
KARAPATANG PAMBATA
Ayon nga sa isang awitin ng Apo Hiking Society “Bawat bata sa mundo ay may pangalan, may karapatan.”
Mga karapatang nararapat nilang maranasan na magpapatibay sa kanilang pagkatao, katulong ang komunidad at pamilyang kanilang kinabibilangan.
Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF)  ang mga karapatang pambata ay ang mga sumusunod:
1.Karapatan na maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad;
2.Karapatan na maging malaya at magkaroon ng pamilyang mag-aaruga;
3.Karapatan na mabigyan ng sapat na edukasyon;
4.Karapatan na mapaunlad ang kasanayan;
5.Karapatan na magkaroon ng sapat na pagkain at tirahan at may malusog at aktibong katawan;
6.Karapatan na matutuhan ang mabuting asal at kaugalian;
7.Karapatan na mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro at makapaglibang;
8.Karapatan na mabigyan ng proteksiyon laban sa pagsasamantala, panganib at karahasang bunga ng mga paglala­ban;
9.Karapatan na manirahan sa isang tahimik na pamayanan;
10. Karapatan na maipagtanggol at ma­tulungan ang pamahalaan; at
11. Karapatan na makapagpahayag ng sariling pananaw.
Mahalagang maipabatid ito sa mga magulang at maging sa mga bata upang kanilang ma­ging gabay at makaiwas sa kapahamakan na sinisimulang ipamulat sa loob ng tahanan at kanilang dadalhin sa pamayanan.
SULIRANIN NG MGA BATANG PASLIT
Tahanan, paaralan at palaruan ang maituturing na mahahalagang lugar sa mga bata. Mga lugar na kung saan malayang maisasagawa ng mga ito ang mga karapatang ipinagkakaloob sa kanila. Ngunit nakababahalang isipin na maraming kabataan ngayon ay matatagpuan sa mga peligrosong lugar at kinakailangang makipagsabayan sa mga nakatatanda upang maghanapbuhay.
Sa huling ulat ng National Statistics Office, tinatayang 5.492 million  bata na may edad 5 to 17  ay ang kabilang sa mga batang naghahanapbuhay batay sa 2011 Survey on Children (SOC). Tatlo sa sampung bata sa nasabing edad ang nagtatrabaho sa Northern Mindanao (29.6%) habang isa sa sampung bata naman sa National Capital Region at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon pa sa kanilang ulat, sa bilang na ito 3.210 million (41.6%) ang masasabing Child Labor. Sa kanilang pagpapakahulugan “Child labor in this report refers to children who reported to have worked in hazardous work environment regardless of the number of hours they spent at work, or those who have worked for long hours, that is, more than 20 hours a week for children 5 to 14 years old and more than 40 hours a week for children 15 to 17 years old.”
Ang ugat sa patuloy na pagdami ng mga menor na nag­hahanapbuhay sa ating bansa ay ang pagiging iresponsable ng mga magulang at ang matinding kahirapan na kanilang nararanasan.
Dahilan para mapilitan ang ilan sa mga bata na hindi pumasok sa paaralan at kailangang magbanat na lamang ng buto upang sila’y mabuhay. Maliban pa sa mga nabanggit ay tumataas din ang mga insidente na kung saan nasasangkot ang mga bata sa mga krimen dahil sa walang gu­magabay na magulang. Kung hindi magkahiwalay ang mga magulang ay nasa ibang bansa ang mga ito.
PROTEKSIYON PARA SA MGA BATA
Nakasalalay sa mga bata ang pag-asa ng ating bansa at sila ang magsisilbing lakas sa mga kahaharaping pagsulong ng Pilipinas. Dahil sa laki ng inaatas sa kanilang responsibilidad ay nararapat lamang na sila’y maproteksiyonan at huwag kahinayangang maglagak ng malaking puhunan sa kanilang kinabukasan.
Sa problema ng kahirapan na nagiging sanhi ng sapilitang paghahanapbuhay ng mga ito ay malaking tulong ang programng Pantawid Pamilyang Program (4P’s). Sa isang pahayag ni Secretary Corazon Juliano-Soliman “It is significant to note that the theme for the children’s month is aligned with DSWD’s efforts in investing in children’s future through the government’s flagship poverty reduction program, Pantawid Pamilyang Pilipino or the Conditional Cash Transfer (CCT). Breaking the intergenerational cycle of poverty is one way to uphold the rights of children.”
Maliban pa rito ay maraming mga batas ang ipinatupad para mabigyang proteksiyon ang mga bata tulad ng Republic Act No. 7610 (AN ACT PROVIDING FOR STRONGER DETERRENCE AND SPECIAL PROTECTION AGAINST CHILD ABUSE, EXPLOITATION AND DISCRIMINATION, AND FOR OTHER PURPOSES) para sa mga naabusong bata sa ating bansa. Inilabas rin ng DepEd noong Mayo ang “The DepEd’s Policies and Guidelines on Protecting Children in School from Abuse, Violence, Exploitation, Discrimination, Bullying, and Other Forms of Abuse” upang magsilbing gabay sa lahat ng paaralan sa a­ting bansa bago magbukas ang mga paaralan noong Hunyo. 
Kamakailan lamang noong September 12, 2013 ay ni­lagdaan ni PNoy ang Republic Act 10627 “Anti-Bullying Act of 2013.” Layunin nitong higit na maproteksiyunan ang mga batang inaabuso o tinatakot ng mga kapwa nila mag-aaral.
Minsan lamang tayo magiging bata kaya naman higit natin itong mapapahalagahan kung mararanasan natin ang lahat ng karapatang pambata na magpapatatag sa buo na­ting pagkatao at sa hinaharap ay higit na magiging kapaki-pakinabang na indibidwal ng ating bansa. Kung iisipin natin ang pahayag na sinabi ni Dr. Jose Rizal “Ang Kabataan ang pag-asa ng ating bayan.” Kaya’t masasabing lahat tayo ay kabilang dito dahil lahat ng tao ay naging bata at may gampaning dapat gawin sa itinakdang panahon. Mabuhay ang lahat ng mga BATANG PILIPINO!

PYESA na IPINITAK :)

ISTATISTIKS MONTH

 “ESTADISTIKA NA MAHALAGA SA BAWAT PILIPINO” ito ang isinusulong na tema sa pagdiriwang ngayong buwan ng Oktubre ng National Statistics Month.
Sa bisa ng  Proklamasyon Bilang 647 ay itinakda ng batas ang pagdiriwang nito taon-taon at pagsasagawa ng mga makabuluhang programa sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang maipamulat sa mga mamamayan ang kahalagahan ng datos na inilalabas sa bayan.
Itinuturing ng agham na ang istatistika ay isang anyo ng sining na nangangalap, nagsasaayos, nagsusuri, nagpapaliwanag at nagpapakita ng mga tala o datos. Sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Ito ang nagsisilbing batayan at nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa mahahalagang isyung panlipunan. Kaya naman higit na nagi­ging matibay ang mga ulat sa ating bayan sa tulong ng istatistika.
KAPANGYARIHAN NG DATOS
Ang datos ay maihahalintulad sa piso, kung walang piso hindi mabubuo ang malalaking halaga. Kaya naman importante ang mga pigurang inilalabas sa ating bansa na maaaring magpasaya, magpadismaya o hindi kaya’y magpakilos sa mga tao na gumawa ng hakbang tungkol sa mga ulat na inilalabas. Sa madaling salita, isa itong repleksiyon ng estado ng bansa.
Sa mainit na usapin ngayon ng PDAF o Pork Barrel, isa sa nakapukaw ng pansin sa taumbayan ay ang mga nakalululang datos tungkol sa mga halagang pinaglagakan ng kaban ng bayan na nagtulak sa isang panawagan na magsagawa ng iba’t ibang kilos protesta. Dahil sa datos na ito ay lalong bumugso ang damdamin ng mga Pilipino, patunay na malaki ang epekto nito sa mga Pinoy.
Ang istatistiks na ito ay nagsisilbing katibayan ng isang akusasyon.
Ang mga ahensiyang itinalaga para sa paglalabas ng mga pag-aaral tungkol sa istatistiks ng ating bansa ay ang National Statistics Office (NSO) kaagapay ang National Statistical Coordination Board (NSCB). Ito ang nag-uulat sa kalagayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang aspeto upang makuha ang pulso ng mamamayan. Ba­gama’t batid ng mga ahensiyang ito na mara­ming tutuligsa sa magiging resulta ng kanilang pag-aaral, tiniyak ang kredibilidad ng ginawang pag-aaral.
ALAM MO BA…
Upang higit na maintindihan ang kahalagahan ng istatistiks ay kinalap ng Pilipino Mirror ang mahahalagang datos tungkol sa Pilipinas batay sa pag-aaral na isinagawa ng iba’t ibang ahensiya sa loob at labas ng bansa. 
Narito ang ilan sa mga datos na dapat mong malaman:
- Kabilang ka sa tinatayang 98,456,573 populas­yon sa ating bansa sa huling ulat ng Commission on Population (POPCOM) at Central Intelligence Agency (CIA). Bunsod nito ay kasama ang Pilipinas sa 20 bansa na may pinakamalaking populasyon at nasa ika-12 puwesto.
- Ang Pilipinas ang may pinakamataas na pag-angat sa lagay ng ekonomiya sa buong mundo. Ayon sa inilabas ng Grant Thornton International, pumuwesto ang Pilipinas sa ika-21 (mula ika-46 na puwesto) na bansa na may pinakamataas na bahagdan sa larangan ng Global Dynamism Index (GDI).
- Karamihan sa mga Pilipino ngayon ay netizens (pangkat ng mga taong mahilig gumamit ng Social Media). Sa pag-aaral na isinagawa ng Local Measure Starbucks Social Index, nakakuha ang Pilipinas ng 90% at lumalabas na pang-apat ito sa mga  bansang mahilig sa paggamit ng Social Media. Idagdag pa rito na mayroong 100 milyong Pilipino ang gumagamit ng cellphone sa a­ting bansa.
- Sa ulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakalikom ng P1.057 trilyong buwis ang ahensiya sa taong 2012 at tumaas ito ng 14.48% kumpara noong 2011. Kaya naman sa laki ng kaban ng bayan na iniambag ng mga Pilipino ay napakainit ng mga protesta upang magamit ito ng tama.
- Lumalabas na halos tatlo sa bawat sampung Pilipino ay kapus-palad noong 2012. Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB) at isinagawang pag-aaral ng National Statistics Office noong Hulyo 2012. Sa kanilang paglalarawan ang isang pamilyang Pilipino na binubuo ng limang katao ay dapat kumikita ng halagang P7,821  kada buwan upang makamit ang pangunahing panga­ngailangan.
- Ayon kay PNoy sa kaniyang huling SONA, 8,581 na ang sitiong napailawan, 28,398 na informal settlers na nailipat sa disenteng lugar, mayroon ng 81% benipisyaryo ng PhilHealth, 9,502 ang ipinatatayo at isinasaayos na silid-aralan at 4,518 na ospital o pook-pagamutan sa buong bansa.
- Lumabas sa pag-aaral ng Reuters na ang Pilipinas ay ikasiyam sa Most Disaster Prone Country. Samantalang  pag-aaral naman ng Brussels sa The World Disaster Report 2012 ay pangatlo ang Pilipinas sa pinakapeligrosong bansa sa daigdig batay sa mga kalamidad na ating naranasan at iba pang pandaigdigang isyu na iniulat na naganap sa ating bayan.
-  Itinuturing na ang Pilipinas ay isa sa may “Highest Positive Emotions Worldwide” base sa pag-aaral na isinagawa ng  US Based Polling Firm Gallup Inc. na kung saan nakakuha ang ating bansa ng 82% at nasa ikaapat na puwesto sa pinakapositibong bansa sa mundo.
- Sa inilabas ng Forbes.com sa pag-aaral na isinagawa ng Legatum Institute Prosperity Index ika-67 ang Pilipinas sa may pinakamasayahing mamamayan sa 142 na bansa sa buong mundo. Ayon sa pag-aaral, “An overwhelming 93 percent of surveyed Filipinos said they believe that people are treated with respect in the country, higher than the global average of 85.1%.”
Ilan lamang ang mga estatistikang nabanggit sa mahahalagang datos na nakalap sa naging kalagayan ng bansa sa iba’t ibang larangan. Kung iisiping mabuti, ang kahalagahan ng estatistika sa bawat Pilipino ay nagsisimula sa pagsilang ng mga tao dahil kinakaila­ngang iparehistro ang mga bagong panganak na sanggol.


Hanggang sa huling bahagi ng kaniyang buhay ay ito ang magtatakda kung hanggang saan ang itinagal ng pananatili niya sa mundo ngunit mananatiling buhay ang mga pangyaya­ring naganap sa  bawat Pilipino sa loob at labas man ng ating bansa gamit ang estatistika.