Paglalakbay patungo sa hukay
- SPECIAL REPORTS
- TUESDAY, 09 APRIL 2013 05:29
- WILMA HERMOGENES
SUMIKLAB ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939 at nangibabaw ang lakas ng mga Hapon sa buong Asya. Isa ang Pilipinas sa sinakop ng tropang Hapones kabilang ang pwersa ng mga Amerikano. Maraming buhay ang ibinuwis para lang makamit ang kalayaan ng mga Pilipino mula sa mga dayuhan.
Tinatayang mahigit 70,000 sundalong Amerikano at Pilipino ang bumagsak sa kamay ng mga Hapon na tinawag na Prisoners of War (POW) at noong Abril 9, 1942, nagsimula ang Death March. Ang sapilitang pagmartsa ng mga POW, kabilang ang mga maysakit, mahihina at sugatan mula Mariveles, Bataan hanggang San Fernando, Pampanga na tinatayang mahigit 80 kilometro. Walang tigil silang pinaglakad sa gitna ng matinding sikat ng araw kasabay ng matinding pagkauhaw at pagkagutom. Kagimbal-gimbal ang kanilang sinapit, panis na pagkain ang ipinanglalaman-tiyan, pinainom sa imburnal at ang mga gustong magpahinga ay ibinibilad sa araw. Marami ang nagtangkang tumakas ngunit karamihan sa mga nahuli ay binaril at ang mga ayaw nang maglakad ay binayoneta.
Pagsapit sa San Fernando, Pampanga, isinakay ang mga natitirang POW sa isang tren patungong Himpilang O’Donell sa Capas, Tarlac. Siksikan sa loob nito kung kaya’t ang ilan sa kanila ay namatay dulot ng kawalan ng sapat na hangin. Umabot ng anim na araw ang Death March at tinatayang nasa 5,000 ang namatay sa naturang martsa ng kamatayan.
Kasunod ng pagpapakahirap na ito ay bumagsak na ang Bataan at ang kahuli-hulihang kuta ng USAFFE sa Corregidor ay sumuko na rin sa kamay ng mga Hapon na naghudyat ng pagwawakas ng pakikipaglaban sa mga Hapones. Isinuko ni Hen. Wainwright ang natitirang 12,000 sundalong Pilipino at Amerikano ngunit marami pa ring Pilipinong sundalo ang hindi sumunod sa utos na ito kung kaya sila’y tumakas at namundok. Nagtatag ang mga sundalong Pilipino ng mga pangkat ng gerilya sa buong kapuluan na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor at patuloy na nakipaglaban sa mga Hapon. Kinalaunan ay nakamit nila ang kalayaan ng bansa sa pagbabalik ni Hen. Mc Arthur na sumalakay sa mga kuta ng Hapon hanggang sa sila ay mapabagsak sa loob ng tatlong linggo.
Paggunita
at Pagbibigay Katarungan
Ngayong araw na ito ay ginugunita ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino sa naganap na digmaan. Sa bisa ng Executive Order No. 23, Series of 1987 and Proclamation No. 466, series of 1989 ay ipinagdiriwang ang Philippine Veterans Week at ika-71 na pag-alala sa Araw ng Kagitingan na may temang “Ang Beterano: Sigla at Inspirasyon ng Kabataan Tungo sa Tuwid na Daan.” Layunin nito na maipabatid sa mga Pilipino, partikular sa mga kabataan ang kabayanihang ginawa ng mga bayaning beterano at maipamalas ang nasyonalismo sa ating bansa.
May iilan pang nabubuhay na sundalo sa panahon ng digmaang Hapon at patuloy silang nakipaglaban para sa kanilang mga karapatan at benepisyo lalo’t sila ay may edad na. Ang ilan sa mga beterano ay kinilala at kinanlong ng pamahalaang Amerika na siyang nagbibigay ng benepisyo maging sa kanilang pamilya ngunit ang ilan sa kanila ay hindi na makauwi sa ating bansa dahil na rin sa katandaan at doon na binabawian ng buhay. Dito sa Pilipinas, ang PVAO (Philippine Veterans Association Organization) ang ahensiya na namamahala para sa benepisyo ng mga ito na nagbibigay ng old age pension, death pension, disability pension, hospitalization, educational benefit, burial assistance at total administrative disability.
PENSYON NG BETERANO
Bukod sa pagkilala, mahalaga rin na makatanggap ng sapat na benepisyo ang mga bayani noong panahon ng Hapon. Matatandaang hinihiling sa administrasyon ang pagpapasa ng batas sa pagdaragdag ng pensyon ng mga beteranong Pilipino.
Inihahain ni Gen. Ernesto Carolina ng Philippine Veterans Affairs Office na doblehin ang financial assistance sa mga benepesaryo nito.
Ngunit sa kabila nito, tila hindi pa rin nakukuha ng mga ito ang tamang benepisyo para sa pinaghirapang serbisyo.
Sa isang ulat, ilang buwang hindi nakatatanggap ng pensyon ang mga beterano makaraang hilingin ng nasabing ahensiya ang pagpapalit nila ng bangko ngunit sa kabila ng sagabal at dagdag pabigat dulot ng pag-aasikaso ng papeles ay ginawa pa rin nila ito para sa pensyon. Ilang beses umanong paulit-ulit nilang tinatanong ito sa ahensiya subalit wala silang napapala bagkus ay pinapasa lamang sila sa ibang departamento na hindi sumasagot sa kanilang katanungan.
BETERANO SA AMERIKA
Para sa mga beteranong Pinoy sa Amerika ay tila hindi pa rin natitigil ang kanilang pakikipaglaban dahil patuloy nilang inilalaban ang kanilang karapatan na makatanggap ng benepisyo.
Matatandaang umakyat na sa Korte Suprema ng Amerika ang usapin na animo’y diskriminasyon sa mga beterano. Ayon sa kanila, ang mga pensyon at benepisyong pangkalusugan na kanilang natatanggap ay mas mababa kumpara sa mga ‘Kanong beterano.
Tinatayang 250,000 Pinoy na nakipaglaban para sa Amerika ang pinangakuan ng pantay na benepisyo para sa serbisyong ito. Subalit noong 1964 ay tinanggalan sila ng benepisyo.
Ngunit noong 2009, alinsunod sa FVEC Act ay pagkakalooban sila ng onetime payment na nagkakahalaga ng $15,000 at $9,000 naman para sa mga naninirahan sa Pilipinas.
Bunsod nito ay nagbigay ng liham ang isang Pinoy na beterano na si Felino Punsalan, 96, kay US President Barrack Obamma para pansinin ang kanilang hinaing, “As veterans, we do not beg for entitlement. We simply ask [for] the recognition that we earned with our sacrifice,” nakasaad sa liham.
Sumisigaw na sila ng hustisya bago pa man mawala ang huling henerasyon ng mga beterano na unti-unti nang nangamamatay. Noong Enero 20, 2013 ay isang beterano ang napaulat na namatay nang wala man lang natatanggap na benepisyo mula sa Amerika.
LIBRENG SAKAY
Isa naman sa pamamaraan ng pagkilala ng gobyernong Pilipinas sa mga beterano ang paggunita sa Veterans week. Kasabay nito ay magbibigay ng libreng sakay sa mga beterano sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit (MRT) mula Abril 5 hanggang 11, 5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi. Ipakikita lamang umano ng beterano ang kanilang identification card mula sa PVAO para sa libreng sakay.
Maaari ring makalibre ang isa nilang kasama, abisuhan lamang ang guard sa istasyon kasabay ng pagpapakita ng ID nito.
Ito ay isang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa kanilang mga naging sakripisyo para sa bansa.
Hindi matatawaran ang sakripisyo at pagpapakasakit na ginawa ng ating mga beterano para makamit ang kalayaan ng ating bansa. Naranasan nilang mabuhay nang tila mga patay kaya naman nararapat na sila ay ating bigyang-buhay sa simpleng pagpapahalaga sa kanila. Mabuhay ang lahat ng beteranong Pilipino!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento