Miyerkules, Mayo 8, 2013

American Tounge ng Asya

http://www.pilipinomirror.com.ph/index.php/special-reports/3898-husay-sa-pag-iingles-ni-juan-lumipas-na-ba


Husay sa pag-iingles ni Juan lumipas na ba?

MAY kalahating milyong  estudyante ang nagsipagtapos ngayong taon at tiyak na daragsa   na naman ang mga aplikante sa iba’t ibang kompanya. Bukod sa bitbit na diploma, isa sa maituturing na armas sa paghahanap ng trabaho ay ang kahusayan sa pagsasalita ng Ingles.
Kilala ang mga Pilipino na isa sa mga pinakamahusay pagdating sa pag-iingles. Maituturing na isang kasanayan na dapat matutunan at mapaunlad ang paggamit at pagsasalita nito. Tinatawag itong unibersal na lengguwahe ng mundo dahil isa ito sa behikulo ng pakiki­pag-ugnayan ng tao sa daigdig. Kung minsan, isa itong batayan ng kakayahan at pinag-aralan ng isang indibidwal.
Ngunit sa kasalukuyan, ang Pilipinas na kinilala na isa sa pinakamahusay sa pagsasalita at paggamit ng wikang ito sa buong Asya ay unti-unti na umanong napag-iiwanan.
ENGLISH-SPEAKING COUNTRY SA ASYA
Ang Pilipinas ay isang multilingual at multicultural na bansa dahil sa magkahalong kultura at paniniwala na nakuha ng mga Pinoy mula sa mga dating mananakop.  Nang naging kolonya ng Amerika ang bansa ay ipinamana nila ang Formal Education System dahilan para maraming Pilipino ang mahusay mag-ingles at sa pagtagal ay nakilala na ang Pilipinas bilang English-speaking country sa Asya.
Ang pagkilalang ito ay nagbukas ng maraming oportunidad at napaunlad ang kalagayan ng mga Pilipino. Subalit sa paglipas ng panahon, tila lumipas na rin ang pagkilalang ito nang mapaulat ang pagbaba ng lebel ng kasanayan ng mga Pinoy sa paggamit ng Ingles.
Sa isinagawang survey ng SWS patungkol dito, lumalabas na 19% ng mga Pilipino ang hindi na gumagamit ng Ingles kumpara sa 7%  noong nakaraang 12 taon.
ENGLISH PROFICIENCY LEVEL NG PILIPINAS
Ayon sa isang pahayag, “Philippines is the American tongue of Asia.”
Sinasabing ang Ingles na ginagamit ng mga Pilipino ay pinaghalong American at British English. Bagama’t may pagkakaiba sa konteksto at paraan ng pagsasalita nito, ito ay kapwa nakasanayang gamitin sa bansa.
Sa isinagawang pag-aaral, nanati­ling nasa ikalimang pwesto ang Pilipinas bilang largest English-speaking country in the world. Nangunguna rin ang ating bansa sa 2012 Business English Proficiency Survey sa taunang Business English Index (BEI) na inilabas ng Global English Corporation na kung saan nakakuha ang Pilipinas ng  7.11 na marka.
Isinagawa ang pag-aaral na ito sa 108,000 empleyado sa 76 na bansa. 
Ayon sa pahayag ni G.Tom Kahl (Global English President): “Addressing English skills gaps and ensuring that employees can immediately perform at the necessary proficiency level should be viewed as a strategic imperative for multinational businesses as Enterprise Fluency, the ability to seamlessly communicate and collaborate within global organizations, can deliver significant financial upside.”
Nangangahulugan na mas malaki ang tsansa na umunlad ang ekonomiya ng bansa partikular ang pagbuo ng mas maraming trabaho sa bansa kung pag­huhusayin pa at hindi pababayaan ng mga Pinoy ang pagsasalita ng Ingles.
Taliwas naman ito sa naging resulta ng isinagawang pag-aaral ng Education First English Proficiency Index (EF EPI) na kung saan hindi nakasama ang Pilipinas sa mga nakatalang bansa na English Proficient Country. 
Ayon sa EFEPI,  ang pag-aaral na ito ay online survey  na kung saan mayroong 2,368,730 na respondents sa iba’t ibang panig ng mundo. Sagot nila, hindi umano napabilang ang Pilipinas dahil sa hindi umabot sa 400 ang kumuha ng natu­rang pagsusulit na isa sa mga kailangan upang mapasama sa kanilang pag-aaral.
KAHUSAYAN NG MGA MAG-AARAL 
Isa sa pinagtitibay ng Department of Education sa pagbabago ng kurikulum sa bansa ay  ang paggamit ng mother tounge o ang pagpapalakas  ng ating pambansang wika subalit sinasabing kapalit nito ay ang pagbaba pa lalo ng kasanayan ng mga estudyante sa Ingles.
Sa isinagawang pag-aaral ng London-based Research and Ratings Firm na Quacquarelli Symonds (QS), nakapasok ang tatlong unibersidad ng Pilipinas mula sa mga nangungunang 50 unibersidad ng mundo sa larangan ng pagtuturo ng Ingles. Nasa ika-24 na pwesto ang Ateneo de Manila University, ika-32 ang University of the Philippines at ika-44 ang De La Salle University. Ayon pa sa IBM, na nagsasagawa rin ng ganitong pag-aaral, ang mga unibersidad sa ating bansa ay nakapaghuhubog ng hindi bababa sa 500, 000 na English-speaking graduates taon-taon.
Base sa resulta ng National Achievement Test ng mga sekondarya, lumalabas na mababa ang nakukuhang marka ng mga mag-aaral sa English sa loob ng apat na taon. Marami sa mga mag-aaral ang hirap sa pagsasalita at pagsusulat ng Ingles dahil mababa ang kanilang mastery level sa naturang asignatura.
DAHILAN NG PAGHINA SA INGLES
Ayon kay Maria Lourdes DC. Ramirez ng DepEd, ilan sa mga itinuturing na dahilan ng paghina ng mga mag-aaral sa Ingles ay ang hindi tamang paggamit nito. Tulad na lamang ng pag-iimbento ng slang at ang hilig sa pagte-text kung saan naapektuhan ang grammar at spelling skills ng mag-aaral. 
Ikalawa, aniya, kahit ang mga guro na imbes na Ingles ang midyum sa pagtuturo ay Filipino ang ginagamit. Ikatlo, ang ilan umano sa mga guro na nagtuturo ng English ay mayroon lamang average english proficiency level na kung minsan ay hindi sapat para makapagturo ng wastong Ingles. Kaya ang ilan ay bigo sa pagmulat sa mga mag-aaral na sanayin ang kanilang kasanayan sa wikang ito.
 Sa pananaliksik naman na ginawa ng isang pangkat ng mga mag-aaral sa hayskul sa Caloocan na pinamagatang “Gender Comparison on Grammatical Competence” ay inalam nila ang kakayahan ng mga magtatapos sa hayskul sa paggamit ng wikang Ingles. Gamit ang isang sagutang papel na naglalaman ng mga tanong tungkol sa “Subject-Verb Agreement” ay lumalabas na hindi  nagkakalayo ang kakayahan ng dalawang kasarian ngunit lumalabas pa rin na hindi mataas ang nakuhang iskor ng mga mag-aaaral.
  Ayon sa kanilang guro sa Ingles na si Ms. Mika (‘di tunay na pangalan),  hindi na siya nagulat sa naging resulta nito bagama’t dalawang taon umano niyang naturuan ang mga naturang mag-aaral. Ipinaliwanag niya na mahalaga ang “formative years” ng estudyante sa elementarya kung doon pa lamang ay hindi na sila matuturuan ng tama at maayos sa asignaturang Ingles ay mahihirapan ang mga guro kapag tumuntong ang mga ito ng hayskul. Dagdag pa niya “The curriculum and economic status of the family may consider as a factor.”
PAGPAPANATILI NG KASANAYANG KOMUNIKATIBO SA INGLES
Lumalabas na ang problema ay nasa Basic Education (elementarya at sekondarya) kaya naman ang DepEd ay nagsasagawa ng mga hakbang upang maresolbahan at mabawasan  ang pagbaba ng kakayahang makipag-usap ng mga mag-aaral sa wikang Ingles.
Payo ng mga eksperto, huwag matakot o mahiyang magsalita ng Ingles, piliting makabuo ng pahayag na hindi gumagamit ng code-switching o taglish.
Ang ilan din umano sa mga Pilipino ay masyadong iniisip kung tama ang kanilang grammar at accent ngunit hindi inisip na higit na mahalaga na maunawaan ka ng iyong kausap dahil sa pagtagal ay unti-unti ring masasanay na i-express ang sarili gamit ang wikang ito.
Sa huli, malaki pa rin ang ginagampanan ng mga guro at mga magulang sa paglinang ng kakayahang ito.
Ngunit sa kabila nito, huwag din sanang isantabi ang ating pambansang wika. Kung magagawa nating mapaunlad sa ating bansa ang paggamit ng unibersal na wika ay isabay natin ang wikang Filipino sa pag-unlad na ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento