Miyerkules, Mayo 8, 2013

Ang Patok na Piso Net

http://www.pilipinomirror.com.ph/index.php/special-reports/2094-piso-net


Piso Net

Hindi mabubuo ang sampung piso kung wala ang piso. Sa rami ng bilang ng salapi sa bansa, dito napiling ilagay ang larawan ng ating pambansang bayani. Lahat ng halaga ng ating pera ay nagtatapos sa piso.
Ang batang paslit ‘pag humingi ng pera, kahit piso lamang ang matanggap ay tuwang-tuwa na. Ilan lamang ang mga ito na magpapatunay kung gaano kahalaga ang piso. Ngayon, mas lalong natutuwa ang mga bata sa pisong mapupulot nila o mahihingi, dahil sa halagang ito makapag-i-internet na sila ng limang minuto.
Hindi ba’t tinatawag na Information Technology Age ang panahon ngayon, kung saan mulat ang mga kabataan sa tinatawag na social network service. Ito ay ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya upang mas lalong bumilis ang pakikipagkomunikasyon saan mang dako sa mundo.
PISONG INTERNET USONG-USO
Tinatayang halos lahat ng mga Pilipino ay mayroong cellphone, ngunit marami pa rin ang walang sariling kompyuter o laptop. Kung mayroon man ay wala namang internet connection. Tinatawag na “superhighway” ng pakikipagtalastasan ang internet dahil ito ang nagsisilbing tulay upang malayang makipag-u­sap sa mga mahal sa buhay. Ginagamit din ito upang makapagsagawa ng mga aktibidad na kinagigiliwan ng mga kabataan gaya ng Twitter, Facebook, Blogging at paglalaro ng online games.
Bagama’t naglipana na ang iba’t ibang unlimited promos ng cellphone networks, hindi pa rin ito abo’t kaya para sa iba.  
Kaya naman kasabay ng pagsikat ng social media ay ang pagsulpot ng iba’t ibang internet shop sa bawat lugar na talaga namang pumapatok sa kabataan. Kung minsan nga ay ginagawa na nila itong tambayan.
Ang paglaganap ng internet shops sa kasalukuyan ay isang solusyon sa malaking demand ng paggamit ng internet sa bansa.
Ang internet ay hindi lamang isang libangan, ginagamit ito para makapag-research ang mga estudyante.
COMPUTER SHOP,
PATOK NA NEGOSYO
Isa sa pinapasok ng mga negosyante sa ating bansa ang pagtatayo ng mga internet shop.  Kung saan nakahanda na ang kompyuter para sa paggamit mo ng internet. Ang ilan sa shops na ito ay maaliwalas at komportable. Madalas pa nga ay airconditioned ang mga ito.
Kaya hindi masisisi ang mga kabataan kung dito nila pipiliing maglibang o gumawa ng asaynment.  
Dahil nga ang karaniwang suki ng mga negosyante sa mga  ganitong lugar ay mga kabataan at mga estudyante, may pagkakataon na nakapagdudulot ito ng masamang epekto. Halimbawa, dahil sa sobrang pagkaaliw ay mas pinipili ng ilan na hindi na pumasok sa eskuwela. Dagdag pa riyan, naiimpluwensiyahan din ang mga parokyano nito na magsugal habang naglalaro. At kung minsan ay naaabuso ang paggamit ng internet connection dahil hindi nababantayan ang mga ito tulad na lamang ng panonood ng malalaswang palabas. 
Bunsod ng mga naturang pangyayari ay muling ipinaalala ng Department of Education (DepEd) sa pamahalaang lokal ang pagpapatupad ng DepEd Order 86, Series 2010 na nagbabawal sa pagpapapasok sa computer shop ng mga estudyante sa oras ng klase lalo na kung sila ay nakauniporme. Ipinaubaya na rin ng DepEd sa mga Mayor ng bawat lungsod ang pagtatalaga ng distansya ng pagtatayo ng mga computer shop at dapat ito ay malayo sa mga paaralan. Kaya naman sa Maynila ay ipinag-utos na ipaskil sa lahat ng computer shop ang memorandum na ito ng DepEd.
PISO NET
Naging mainit ang usapin na ipinatupad sa ating bansa na Cyber Crime Law ngunit  hindi nito napigilan ang mga kabataan sa patuloy na paggamit ng internet at ‘tila hindi sila natatakot sa banta ng  naturang batas. Lalo na ngayon na mas abot kaya na ang pag-i-internet o ang PISO NET. Isang patunay na talaga namang madiskarte ang mga Pinoy.
Kinuha ang katawagang ito sa mga salitang  Piso at Internet. Sa bar­yang hawak at kahit na halagang piso lamang ay maaari ka nang makapag-internet. Aakalain mong ito ay mga kubon sa video karera na naglipana sa bawat tahanan. Hindi tulad sa mga computer shop na kahit sa labas ng bahay ay makakakita ka ng piso net. Higit itong mura dahil sa piso mo ay ma­kagagamit ka na ng internet sa loob ng 5-7 minuto. Kaya naman ang kalaha­ting oras na pagpasok mo sa computer shop ay katumbas ng isang oras sa piso net. Sa serbisyo ay hindi pahuhuli ang piso net dahil mabilis din ang internet access dito. Maging ang ingay at senaryo sa mga computer chop ay makikita mo rito. Bagama’t hindi ka­singkomportable ang lugar dahil sa init. Ito ang ilan lamang sa dahilan kung bakit mas pinupuntahan ngayon  ng mga kabataan ang piso net kaysa sa tipikal na computer shop.
Sa ganitong negosyo, nakadepende sa mga naipong barya sa kahon ang kita. Lingo-linggo itong binubuksan na tinatawag nilang “Coins Out.” Paghahatian ng may-ari ng bahay at ng piso net ang lahat ng barya. Ayon kay Aling Carmen, mayroong apat na piso net, “60/40 ang hatian, sa akin ang 40.”  Dagdag pa niya, kumikita siya ng hindi bababa sa P2000 kada coins out.
Inuupahan ang kaniyang bahay para maging puwesto ng mga piso net. Mula sa 40% na kita niya kada linggo ay rito niya rin kukunin ang pambayad ng kuryente. Samantalang sa may-ari naman ng piso net shop ang wifi connection na ginagamit sa kanilang negosyo.
Malaking tulong sa inuupahan ng piso net ang kita mula rito dahil natutustusan nito ang pangangailangan ng pamilya. Ang i­ngay, gulo at sikip sa kanilang bahay ay kanilang pinagtitiyagaan at sila na rin ang nagkokontrol ng di’ magagandang gawain ng mga pumapasok sa kanilang tahanan. Dahil nga karaniwan ay mga kabataan ang nagpupunta ay hindi rin maiiwasan na sila’y inirereklamo ng ilan sa kanilang kapitbahay. Kapag ganito ang nangyari, ani Aling Carmen, pinagsasabihan nila ang mga bata at ibinabalik na lamang nila ang pera  ng mga ito.
Karaniwang walang business permit ang mga ganitong negosyo. Ngunit ang ilan ay humihingi ng permit sa kanilang barangay upang mapahintulutan ang paglalagay ng piso net. Samantalang ang mga kalapit na puwesto na may-ari ng mga computer shop ay napipilitang ibaba ang kanilang singil upang maengganyong muli ang iba na sa kanila pumasok. Hindi nila kakayaning ipantay ang singil na tulad ng sa piso net dahil malu­lugi sila. Kaya tanging pagbibigay ng mga promo ang ipinantatapat ng mga ito.
DEKADA MABENTA
Sa kalagayan ng pamumuhay ng karamihan sa mga pamil­yang Pilipino ay masasabi ngang marami pa rin ang naghihirap. Ngunit sa kabila nito, nakatutuwang isipin na nakahahanap tayo ng paraan upang makaalpas sa pang-araw-araw na pangangaila­ngan. Nariyan ang pagkakaroon ng tingi sa lahat ng produkto upang makayanan itong bilhin ng mga tao. At ngayon, ultimong paggamit ng internet na isa sa kinagigiliwang libangan ng mga tao ay abot-kaya na sa halagang P1 lamang. 
Hindi nakapagtataka na sa mga susunod na panahon ay tingi mo na ring mabibili ang ilan sa mga mamahaling produkto. Malay mo ang isang pobreng Juan ay magkaroon ng kotse, alahas, sariling lupa’t bahay sa hinaharap kapag nagpatuloy ang ganitong kalakaran.
Lahat ng tao ay nagnanais na makatipid upang maisapat sa pangangailangan ang hawak na salapi. Ngunit huwag sana nating isantabi ang kalidad ng mga ito. Lagi nating isaalang-alang ang magiging epekto nito sa kabuuang aspeto ng buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento