Miyerkules, Mayo 8, 2013


10 natatanging mga Guro 2012

Nagkakaiba lamang ang mga ito sa pamamaraan at dedikasyong magampanan ang kanilang tungkulin. Nakamamangha ang mga gurong buong puso ang dedikasyon sa pagtuturo, higit na hinuhubog ang kakayahan para sa sarili’t kapakinabangan ng  kanyang mag-aaral at may panahong maglingkod hanggang sa labas ng paaralan.
Natatanging Guro 2012
Sa mga kadahilanang nabanggit sa itaas, taon-taon ay isinasagawa ang Metrobank Foundation Search for Outstanding Teachers. Dumaraan sa napakahabang proseso ang pagpili sa mga natatanging indibidwal na ito sa kani-kanilang larangan. 
Sa taong ito ang sampung natatangi at pinakamahuhusay na guro na sina Dr. Roberto D. Santos, Jr. (Sta. Rita Elementary School Capas, Tarlac); Nueva P. Mangaoang (Man-it Integrated School Passi City); Rizal M. Vidallo ( Anabu II Elementary School Imus, Cavite) at Mariam B. Rivamonte (Santa Cruz South Central School, Marinduque) para sa Mababang Paaralan.
Sa Mataas na Paaralan naman ay sina Dr. Annie I. Rodriguez (Phi­lippine Science High School-Southern Minda­nao Campus Davao City); Bonifacio D. Caculitan, Jr.  (Ernesto Rondon High School Quezon City); Marivi L. Castro (General Santos City SPED Integrated School) at Galcoso C. Alburo (Concepcion Integrated School-Se­condary Marikina City). Habang sa Kolehiyo naman ay sina  Dr. Hilda C. MontaƱo (West Visayas State University Iloilo City) at  Dr. Catherine P. Vistro-Yu ( Ateneo de Manila University Quezon City). 
Ang sampung ito ay nakatanggap ng prestihiyosong parangal noong Setyembre 5, 2012 kasabay ng pormal na pagbubukas ng National Teacher’s Month sa Shangri-la Hotel Makati.
MGA BUHAY NA BAYANI
SI RIZAL 
Isa sa pinakabatang pinarangalan bilang isa sa pinakamahusay na guro ng ating bansa si Rizal M. Vidallo. Nagmula sa Anabu II Elementary School sa Imus, Cavite at nagtuturo ng asignaturang Science sa loob ng 11 taon. Kapiling ang kanyang asawa na kapwa guro at biniyayaan ng dalawang anghel na kasalukuyang nag-aaral sa elementarya.
Nakahahanga ang kanyang mga nakamit na tagumpay bilang isang guro at sadyang hindi matatawaran ang naging kontribusyon nito sa lipunan. Naging 2011 Outstanding Science Club Adviser of the Philippines, delagado sa Japan International Cooperation Agency’s Training Program for Young Leaders sa Osaka, Japan noong 2010. Natatanging Imuseno ng Gen. Pantaleon Garcia Award 2008, Gawad Parangal, 2009 & 2010, Finalist in Search for Honorees The Many Faces of the Teacher of Bato Balani Foundation, Inc., Guro of the Year in 2008 at ang pinakabago niyang natanggap ay ang Metrobank Ten Outstanding Teachers 2012.
Bukod sa mga naturang parangal ay aktibo rin siya sa mga gawaing pangkomunidad tulad ng pagiging Volunteer Teacher sa ALS (Alternative Learning System) ng Rotary 3010. Tuwing Miyerkules naglilingkod siya sa mga Out-of-school Youth at kung Huwebes ay sa BJMP Imus. Kung minsan ay Volunteer Sunday School Teacher siya  at tuwing bakasyon ay tumutulong sa DVBS (Daily Vacation Bible School) sa  kanyang bayang sinilangan sa Bendita, Magallanes, Cavite. Siya rin ang Pangulo ng Samahan ng mga guro sa Cavite.
Ang Pilosopiya sa edukasyon ng kanyang  katukayong bayani ay makikita sa kanyang mga gawain. Ayon sa kanya, “Naniniwala ako na lahat ng tao ay may karapatan na magtamasa ng edukasyon. Ang pagiging malaya ay ‘di lamang pagkawala sa rehas na bakal, kundi pagkawala sa kamangmangan, edukasyon ang tunay na nagpapalaya sa bawat tao.” Dagdag pa niya, ang kailangan na guro ngayon ay: gumagabay sa katotohanan at kabutihan para sa kaluguran ng Diyos, umaakay sa mga taong nangangailangan at mahihina, rumirespeto sa kalinisan at katatagan ng kalikasan.
Ipinagmamalaki niyang maging guro dahil kahit na hindi siya pulitiko ay nakapaglilingkod siya sa bayan, bagama’t ‘di siya doktor ay nagagamot niya ang sakit ng lipunan higit na ang kamangmangan, wala man siyang tabak ni Bonifacio at panulat ni Rizal ay siya ang bagong bayani sa mga bata na sandigan ng karunungan, ugat ng kagandahang asal, alagad ng kalikasan at instrumento ng biyaya ng Panginoon. 
Sa huli sinabi niyang nais niyang maaalala siya ng mga tao bilang “Guro,” sapagkat ang guro ay isang ama na kumakalinga sa mga anak, nagbibigay ‘di ng salapi kundi karunungan, haligi ng katotohanan, pagbabago, at pag-asa tungo sa kaunlaran, kasarinlan, at kabanalan. Hindi ko rin pinalagpas na malaman kung bakit Rizal ang kanyang pangalan at natatawa niyang sinabi na paborito kasi ng kanyang ina ang ating pambansang bayani.
Si Bonifacio
Tahimik, mapagkumbaba at laging naka­ngiti, ibang-iba sa katangian ng bayani ng Katinunan. Iyan ang mga katangiang nakita ko sa isa sa pinakamahusay na guro ng ating bansa na si G. Bonifacio D. Caculitan, Jr.  ng Ernesto Rondon High School sa Quezon City. Nagtuturo ng Physics sa kanyang paaralan maging ng Math at Mandarin sa Philippine School of Business Administration sa Quezon City. 
Dalawampu’t apat na taong serbisyo sa pagtuturo at butihing ama sa tatlo niyang anak at sa kanyang asawa na isa ring guro sa elementarya. Bukod sa pagtuturo ay ipinagpapatuloy niya ang kanyang adbokasiya sa pangangalaga ng ating inang kalikasan at aktibo sa mga gawain ng Kiwanis International. 
Ang pagpili sa kanya bilang Metrobank Foundation Outstanding Teacher ay nakabase sa lahat ng aspeto at tumutugon siya sa kanyang tungkulin bilang guro na iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Dagdag pa niya, ang gurong walang pag-iimbot na gampanan ang kanyang tungkulin ang kailangan ng mga kabataan ngayon. Nais niyang makilala bilang ama hindi lamang sa kanyang mga anak kundi pati na rin sa lahat ng mag-aaral na kanyang naturuan. Wika nga niya, “Ipinagmamalaki kong maging guro dahil marami akong natutulungan. Bilang isang guro sa simpleng pamamaraan ay nakapag-aambag ako sa ikabubuti ng ating lipunan.”
Si Galcoso
Makailang ulit siyang ipinakilala sa akin na si Apolinario, iyon pala’y bahagi ito ng kanilang mga biruan dahil na rin sa kanyang mga kaibigang sina G. Rizal at G. Bonifacio. Sabi nga ni G. Galcoso C. Alburo ng Concepcion Integrated School-Secondary sa Marikina City  na isa sa kinilalang Outstanding Teacher 2012, “Si Apolinario Mabini ay ibang-iba sa aking pagkatao at aking kakayahan bilang isang guro at ordinaryong tao.” Walong taon na rin siyang kasal sa kanyang kabiyak at nabiyayaan sila ng dalawang anak.
Nagpa­kadalubhasa sa pagtuturo ng Filipino, Values, Journalism at nagtapos ng kanyang MA sa UP at kasalukuyang tinatapos ang kanyang disertasyon para sa kanyang  PhD.  Labinlimang taon na siyang nagtuturo at walang pag-aalinlangan niyang ibinahagi ang ilan sa mga teknik niya sa pagtuturo na isa sa mga naging basehan sa pagkakapili sa kanya ng Metrobank. 
Ayon sa kanya, “Marami akong atake sa pagtuturo na laging may Oo nga ano!-factor sa mga bata. Demokratiko ang approach ko at iba-iba depende sa klase ng learner. Taon-taon ay may gimik ako na iba sa mga nauna ko ng mga estudyante, binabagay ko ang personality ko sa paksang pinag-uusapan. Dagdag pa niya, “Mas ok sa akin na gamitin ang sarili ko bilang visual kaysa traditional na mga visual aids. I use ICT normally hindi ‘yung makagamit lang ng powerpoint lang ok na. Lahat ng bata nabibigyan ko ng pagkakataon na magsalita sa klase. Ginagamit ko ang fb as extension virtual classroom.”  
Sa madaling sabi, hindi boring ang kanyang klase at kakaiba talaga ang kanyang atake. Siya ay napasasaya, napaiiyak, napahahanga, at napapagalit ng kanyang  klase kung gusto niya.
Nang tanungin siya tungkol sa iba pa niyang karangalan na nakamit ay napahanga ako sa kanyang kababaang loob. Hindi niya inisa-isa ang mga ito dahil para sa kanya ang mga karangalan na nahahayag sa mga tao ay yaong maaaring maka-inspire sa kanila at makatulong sa kanila na sabihin nila sa kanilang sarili na kaya rin nila. Ibinabahagi lamang niya ang kanyang mga tagumpay kung makatutulong ito sa pagdaragdag ng tiwala sa kanya at nakatulong ito sa pag-angat niya bilang guro. Sabi nga niya, “Human recognition is good but God’s recognition is the great recognition.” Ibinahagi pa niya na ang kanyang serbisyo ay hindi lamang sa loob ng klase kundi ma­ging sa komunidad. Miyembro siya ng isang Non-Government Organization na Coalition for Better Education (CBE) at kasama rin dito ang Globe Telecom na nakabase sa Cebu. 
Kabilang sa adbokasiya niya ang ICT Integration in Teaching at Project Based Learning (PBL) kung saan ito ay kapaki-pakinabang sa mga bata, guro at sa lipunan. Volunteer ang Alternative Learning System (ALS) na nagsasagawa ng mga Medical Missions. May sari­ling mga iskolar, PTA Officer, nagsasagawa ng bible studies at inaasikaso ang mga evacuee sa iskul kapag may baha at sa tulong ng mga kapwa guro, alumni, gobyerno, NGO’s at iba pa. Sa pagtatapos ng talakayan ay higit pang naging makahulugan ang kanyang mga pahayag. Pana­langin niya gumawa sana ang tao ng mabuti sa kanyang kapwa at higit sa lahat kilalanin nila ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. 
Hiling din niya na sana maalala ng kanyang pamilya na ingatan ang pangalan na ibinigay niya sa kanila.  Dagdag pa niya dalawang bagay lamang ang alam niyang mahirap gawin sa mundo, “Una ang gumawa ng mabuting pangalan at ang ikalawa, ay papaano iingatan ang mabuting pangalan.”

Justice to my Copyright!!! I am a victim of Plagiarism or just a Typo Error



ATM Pawnshop: Pagsasanla ng ATM card, bagong paraan ng pangungutang

Isa sa nauusong paraan ng pagpapautang ngayon ay ang pagsasanla ng Automated Teller Machine (ATM) Card. Karamihan sa mga gumagawa nito ay mga em­pleyado, isinasanla nila ito sa malaking halaga.
Ang proseso nito, ibibigay mo sa pagsasanlaan ang iyong ATM card pati ang Personal Identification Number (PIN) kung saan pumapasok ang suweldo mo at sila ang makatatanggap ng suweldong pinagpaguran mo bilang kabayaran sa inutang. 
Kung iisipin, ang pe­rang pinag­paguran ay una pang mahahawakan ng ibang tao.

Malaki umano ang nauutang na pera kapag isinasanla ang ATM card. Umaabot ito ng 10,000 piso at may 20% interes, depende sa laki ng sinisuweldo mo. 
Halimbawa nito ay ang empleyado na sumasahod ng P5,000 kada kinsenas, kung uutang siya ng P15,000, ang magiging kabayaran niya rito ay P18,000 na babayaran niya sa loob ng tatlong buwan. 
Sa madaling salita may interes na P3,000 mula sa inutang niya. Kaya’t babawasan siya ng P3,000 mula sa ATM card kada sahuran at ang matitira sa kaniya ay P2,000 piso na lamang.
EKSTRA: DAGDAG UTANG
Ang P2,000 na natira sa kaniya ay malabong magkasya dahil sa iba pang bayarin at pangangailangan. Kaya ang mangyayari ay mangungutang pa itong muli ng karagdagang halaga, na kung tawagin nila ay “Extra.” 
Tulad ng unang pag-utang, kinsenas din ang pagbabayad nito at may karagdagang interes din. 
Kaya naman mas lalong nababaon sa utang ang mga taong nagsasanla ng kanilang ATM card. 
Maaari mong bayaran ang interes kada suweldo. Kaya kung umutang ka ng ekstrang P5,000, kailangan mo itong bayaran kada sahod ng P1,000. 
Sa ganitong paraan, lalo namang lumiliit ang natitira sa’yo kaya wala kang magagawa kundi ipagpatuloy ang pangungutang.
Kung kulang pa rin ang kaniyang nautang ay mapipilitan siyang humiram muli ng mas malaking halaga sa nauna niyang inutang na tinatawag nilang Buwelta.
Nasaksihan ng Pilipino MIRROR ang ganitong uri ng pangungutang. Sa araw ng suweldo ay nakaabang na sa tapat ng bahay ng nagpapautang ang mga empleyadong nagsanla ng kanilang ATM card para kunin ang natitira nilang suweldo. 
Naka-stapler ang kanilang pera kalakip ang resibo. 
Mistulang nasa palengke ang mga ito dahil nakikipagtawaran at nakikiusap na dagdagan ang natira sa kanilang pinagtrabahuan.
NEGOS­YONG PAGPAPAUTANG
Isa si Marilou sa gumanda ang pamumuhay dahil pa pagpapautang. 
Ang kanyang asawa ay em­pleyado ng pamahalaan, kumuha umano sila ng iba’t ibang loan sa gobyerno, pinagsama-sama nila ito at ginamit na panimula. 
Pinaikot nila ang perang ito hanggang sa kanilang napalago at nagtuloy-uloy na ang kanilang suwerte. 
Ngayon nga ay  nakapagpundar na sila ng sasakyan, bahay at napag-aaral ang mga anak sa pribadong paaralan. 
Huminto na rin ang kanyang asawa sa pagtatrabaho at ipinagpapatuloy na lamang ang kanilang negosyo. 
Ngunit ayon sa kanya, kahit lumago ang kanilang negosyo hindi pa rin nila maiwasan na mag-alala sa posib­leng mangyari, “Malaki kung sa malaki ang kinikita namin ngunit nakatatakot minsan dahil may mga nagtatangkang magnakaw saka may mga hindi rin nakapagbabayad sa amin lalo na ‘yung mga natatanggal sa trabaho,” ani ni Marilou. 
Naranasan  na rin nilang matakbuhan ng ha­lagang P100,000 na pagkatapos umanong mapautang ay naglaho na lang na parang bula. 
Bukod sa pagpapautang ng pera ay pinasok na rin nila ang  iba pang negos­yo, gaya ng paupahan at arkilahan ng side car.  
Marami na rin ang pumapasok sa ganitong negosyo na nagpapasanla ng ATM card, mayroon nang nakapagpatayo ng parlor at lotto outlet  na naging bunga ng pagpapautang.
LEGALIDAD NG NEGOSYO
Base sa nakapana­yam ng Pilipino Mirror na negos­yanteng nagpapautang kapalit ng atm card, masuwerte din umano sila dahil wala silang kaila­ngang business permit para sa kanilang negosyo, wala ring pormal na opisina para sa mga transaksyon at kahit sa bahay lamang ay puwede na. 
Bukod pa riyan ay  walang  binabayarang buwis kaya buong-buo nilang nakukuha ang kinikita.
May aspetong nakatutulong sila sa mga taong nanga­ngailangan ngunit naghihirap pa rin sila. 
NEGOSYOng
PANG­KABUHAYAN
Pagnenegosyo ang isa sa maaaring makatulong upang matugunan ang mga kakulangang pinansyal ng mga karaniwang manggagawa. Sa halip na isanla ang ATM ay maaari kang umutang sa bangko. 
Ayon sa Bureau of Small & Medium Enterprise Development ng  Department of Trade and Industries (DTI)  sa kanilang aklat na “Gusto mo bang magnegosyo 2010 Edition” ay may tatlong klase ng pautang na maaari nilang pagpilian upang makapagsimula ng negosyo.                                                           
Ang (1) Short-term loans  na  pautang na dapat bayaran agad  sa loob ng ilang buwan hanggang isang taon. 
Karaniwan sa mga pautang na ganito ay self-liquida­ting, na ang ibig sabihin ay magagamit mo ang iyong inutang sa negosyo upang kumita, at ang kitang ito ang siya ring pamba­yad sa inutang. 
Nariyan rin ang (2) Intermediate na pautang na mula isa hanggang limang taon ang pagbabayad. Kinakailangan dito na magprenda ng collateral at magbayad nang hulugan o ins­tallment. 
Ang huli ay (3) Long-term loans  o pautang na matagal ang pagbabayad na maaaring umaabot nang 10 taon, kung minsan ay higit pa. 
Ngunit makauutang ka lang kung maipapakita mo sa bangko na tunay na matatag ang iyong negosyo at kikita nang pangmatagalan. 
Ang alinmang inutang ay kailangang bayaran ngunit dapat ay naaayon sa kakayahan at hindi dapat isakripisyo ang ibang pangangailangan. 
Isapat ang pangangailangan sa kinikita at iwasan ang maging maluho o pagkuha ng bagay na hindi kailangan. 
Maraming paraan upang makaahon sa kahirapan at makamit ang pinapangarap nating buhay.

Ang Patok na Piso Net

http://www.pilipinomirror.com.ph/index.php/special-reports/2094-piso-net


Piso Net

Hindi mabubuo ang sampung piso kung wala ang piso. Sa rami ng bilang ng salapi sa bansa, dito napiling ilagay ang larawan ng ating pambansang bayani. Lahat ng halaga ng ating pera ay nagtatapos sa piso.
Ang batang paslit ‘pag humingi ng pera, kahit piso lamang ang matanggap ay tuwang-tuwa na. Ilan lamang ang mga ito na magpapatunay kung gaano kahalaga ang piso. Ngayon, mas lalong natutuwa ang mga bata sa pisong mapupulot nila o mahihingi, dahil sa halagang ito makapag-i-internet na sila ng limang minuto.
Hindi ba’t tinatawag na Information Technology Age ang panahon ngayon, kung saan mulat ang mga kabataan sa tinatawag na social network service. Ito ay ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya upang mas lalong bumilis ang pakikipagkomunikasyon saan mang dako sa mundo.
PISONG INTERNET USONG-USO
Tinatayang halos lahat ng mga Pilipino ay mayroong cellphone, ngunit marami pa rin ang walang sariling kompyuter o laptop. Kung mayroon man ay wala namang internet connection. Tinatawag na “superhighway” ng pakikipagtalastasan ang internet dahil ito ang nagsisilbing tulay upang malayang makipag-u­sap sa mga mahal sa buhay. Ginagamit din ito upang makapagsagawa ng mga aktibidad na kinagigiliwan ng mga kabataan gaya ng Twitter, Facebook, Blogging at paglalaro ng online games.
Bagama’t naglipana na ang iba’t ibang unlimited promos ng cellphone networks, hindi pa rin ito abo’t kaya para sa iba.  
Kaya naman kasabay ng pagsikat ng social media ay ang pagsulpot ng iba’t ibang internet shop sa bawat lugar na talaga namang pumapatok sa kabataan. Kung minsan nga ay ginagawa na nila itong tambayan.
Ang paglaganap ng internet shops sa kasalukuyan ay isang solusyon sa malaking demand ng paggamit ng internet sa bansa.
Ang internet ay hindi lamang isang libangan, ginagamit ito para makapag-research ang mga estudyante.
COMPUTER SHOP,
PATOK NA NEGOSYO
Isa sa pinapasok ng mga negosyante sa ating bansa ang pagtatayo ng mga internet shop.  Kung saan nakahanda na ang kompyuter para sa paggamit mo ng internet. Ang ilan sa shops na ito ay maaliwalas at komportable. Madalas pa nga ay airconditioned ang mga ito.
Kaya hindi masisisi ang mga kabataan kung dito nila pipiliing maglibang o gumawa ng asaynment.  
Dahil nga ang karaniwang suki ng mga negosyante sa mga  ganitong lugar ay mga kabataan at mga estudyante, may pagkakataon na nakapagdudulot ito ng masamang epekto. Halimbawa, dahil sa sobrang pagkaaliw ay mas pinipili ng ilan na hindi na pumasok sa eskuwela. Dagdag pa riyan, naiimpluwensiyahan din ang mga parokyano nito na magsugal habang naglalaro. At kung minsan ay naaabuso ang paggamit ng internet connection dahil hindi nababantayan ang mga ito tulad na lamang ng panonood ng malalaswang palabas. 
Bunsod ng mga naturang pangyayari ay muling ipinaalala ng Department of Education (DepEd) sa pamahalaang lokal ang pagpapatupad ng DepEd Order 86, Series 2010 na nagbabawal sa pagpapapasok sa computer shop ng mga estudyante sa oras ng klase lalo na kung sila ay nakauniporme. Ipinaubaya na rin ng DepEd sa mga Mayor ng bawat lungsod ang pagtatalaga ng distansya ng pagtatayo ng mga computer shop at dapat ito ay malayo sa mga paaralan. Kaya naman sa Maynila ay ipinag-utos na ipaskil sa lahat ng computer shop ang memorandum na ito ng DepEd.
PISO NET
Naging mainit ang usapin na ipinatupad sa ating bansa na Cyber Crime Law ngunit  hindi nito napigilan ang mga kabataan sa patuloy na paggamit ng internet at ‘tila hindi sila natatakot sa banta ng  naturang batas. Lalo na ngayon na mas abot kaya na ang pag-i-internet o ang PISO NET. Isang patunay na talaga namang madiskarte ang mga Pinoy.
Kinuha ang katawagang ito sa mga salitang  Piso at Internet. Sa bar­yang hawak at kahit na halagang piso lamang ay maaari ka nang makapag-internet. Aakalain mong ito ay mga kubon sa video karera na naglipana sa bawat tahanan. Hindi tulad sa mga computer shop na kahit sa labas ng bahay ay makakakita ka ng piso net. Higit itong mura dahil sa piso mo ay ma­kagagamit ka na ng internet sa loob ng 5-7 minuto. Kaya naman ang kalaha­ting oras na pagpasok mo sa computer shop ay katumbas ng isang oras sa piso net. Sa serbisyo ay hindi pahuhuli ang piso net dahil mabilis din ang internet access dito. Maging ang ingay at senaryo sa mga computer chop ay makikita mo rito. Bagama’t hindi ka­singkomportable ang lugar dahil sa init. Ito ang ilan lamang sa dahilan kung bakit mas pinupuntahan ngayon  ng mga kabataan ang piso net kaysa sa tipikal na computer shop.
Sa ganitong negosyo, nakadepende sa mga naipong barya sa kahon ang kita. Lingo-linggo itong binubuksan na tinatawag nilang “Coins Out.” Paghahatian ng may-ari ng bahay at ng piso net ang lahat ng barya. Ayon kay Aling Carmen, mayroong apat na piso net, “60/40 ang hatian, sa akin ang 40.”  Dagdag pa niya, kumikita siya ng hindi bababa sa P2000 kada coins out.
Inuupahan ang kaniyang bahay para maging puwesto ng mga piso net. Mula sa 40% na kita niya kada linggo ay rito niya rin kukunin ang pambayad ng kuryente. Samantalang sa may-ari naman ng piso net shop ang wifi connection na ginagamit sa kanilang negosyo.
Malaking tulong sa inuupahan ng piso net ang kita mula rito dahil natutustusan nito ang pangangailangan ng pamilya. Ang i­ngay, gulo at sikip sa kanilang bahay ay kanilang pinagtitiyagaan at sila na rin ang nagkokontrol ng di’ magagandang gawain ng mga pumapasok sa kanilang tahanan. Dahil nga karaniwan ay mga kabataan ang nagpupunta ay hindi rin maiiwasan na sila’y inirereklamo ng ilan sa kanilang kapitbahay. Kapag ganito ang nangyari, ani Aling Carmen, pinagsasabihan nila ang mga bata at ibinabalik na lamang nila ang pera  ng mga ito.
Karaniwang walang business permit ang mga ganitong negosyo. Ngunit ang ilan ay humihingi ng permit sa kanilang barangay upang mapahintulutan ang paglalagay ng piso net. Samantalang ang mga kalapit na puwesto na may-ari ng mga computer shop ay napipilitang ibaba ang kanilang singil upang maengganyong muli ang iba na sa kanila pumasok. Hindi nila kakayaning ipantay ang singil na tulad ng sa piso net dahil malu­lugi sila. Kaya tanging pagbibigay ng mga promo ang ipinantatapat ng mga ito.
DEKADA MABENTA
Sa kalagayan ng pamumuhay ng karamihan sa mga pamil­yang Pilipino ay masasabi ngang marami pa rin ang naghihirap. Ngunit sa kabila nito, nakatutuwang isipin na nakahahanap tayo ng paraan upang makaalpas sa pang-araw-araw na pangangaila­ngan. Nariyan ang pagkakaroon ng tingi sa lahat ng produkto upang makayanan itong bilhin ng mga tao. At ngayon, ultimong paggamit ng internet na isa sa kinagigiliwang libangan ng mga tao ay abot-kaya na sa halagang P1 lamang. 
Hindi nakapagtataka na sa mga susunod na panahon ay tingi mo na ring mabibili ang ilan sa mga mamahaling produkto. Malay mo ang isang pobreng Juan ay magkaroon ng kotse, alahas, sariling lupa’t bahay sa hinaharap kapag nagpatuloy ang ganitong kalakaran.
Lahat ng tao ay nagnanais na makatipid upang maisapat sa pangangailangan ang hawak na salapi. Ngunit huwag sana nating isantabi ang kalidad ng mga ito. Lagi nating isaalang-alang ang magiging epekto nito sa kabuuang aspeto ng buhay.

Araw ng Kagatingan Article :)

http://www.pilipinomirror.com.ph/index.php/special-reports/3816-paglalakbay-patungo-sa-hukay


Paglalakbay patungo sa hukay

SUMIKLAB ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939 at nangibabaw ang lakas ng mga Hapon sa buong Asya.  Isa ang Pilipinas sa sinakop ng tropang Hapones kabilang ang pwersa ng mga Amerikano. Maraming buhay ang  ibinuwis para lang makamit ang kalayaan ng mga Pilipino mula sa mga dayuhan.
Tinatayang mahigit  70,000 sundalong Amerikano at Pilipino ang bumagsak sa kamay ng mga Hapon na tinawag na Prisoners of War (POW) at noong Abril 9, 1942, nagsimula ang  Death March. Ang sapilitang pagmartsa ng mga POW, kabilang ang mga maysakit, mahihina at sugatan mula Mari­veles, Bataan hanggang San Fernando, Pampanga na tinatayang mahigit 80 kilometro. Walang tigil silang pinaglakad sa gitna ng matinding sikat ng araw kasabay ng matinding pagkauhaw at pagkagutom. Kagimbal-gimbal ang kanilang sinapit, panis na pagkain ang ipinanglalaman-tiyan, pinainom sa imburnal at ang mga gustong magpahinga ay ibinibilad sa araw. Marami ang nagtangkang tumakas ngunit karamihan sa mga nahuli ay binaril at ang mga ayaw nang maglakad ay  binayoneta.
Pagsapit sa San Fernando, Pampanga, isinakay ang mga natitirang POW sa isang tren patungong Himpilang O’Donell sa Capas, Tarlac. Siksikan sa loob nito kung kaya’t ang ilan sa kanila ay namatay dulot ng kawalan ng sapat na hangin. Umabot ng anim na araw ang Death March at tinatayang nasa 5,000 ang namatay sa naturang martsa ng kamatayan.
Kasunod ng pagpapakahirap na ito ay bumagsak na ang Bataan at ang kahuli-hulihang kuta ng USAFFE sa Corregidor ay sumuko na rin sa kamay ng mga Hapon na naghudyat ng pagwawakas ng pakikipaglaban sa mga Hapones. Isinuko ni Hen. Wainwright ang natitirang 12,000 sundalong Pilipino at Amerikano ngunit marami pa ring Pilipinong sundalo ang hindi sumunod sa utos na ito kung kaya sila’y tumakas at namundok. Nagtatag ang mga sundalong Pilipino ng mga pang­kat ng gerilya sa buong kapuluan na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor at patuloy na nakipaglaban sa mga Hapon. Kinalaunan ay nakamit nila ang kalayaan ng bansa sa pagbabalik ni Hen. Mc Arthur na sumalakay sa mga kuta ng Hapon hanggang sa sila ay mapabagsak sa loob ng tatlong linggo.
Paggunita
at Pagbibigay Katarungan
Ngayong araw na ito ay ginugunita ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino sa naganap na digmaan. Sa bisa ng Executive Order No. 23, Series of 1987 and Proclamation No. 466, series of 1989 ay ipinagdiriwang ang Philippine Veterans Week at ika-71 na pag-alala sa Araw ng Kagitingan na may temang “Ang Beterano: Sigla at Inspiras­yon ng Kabataan Tungo sa Tuwid na Daan.” Layunin nito na maipabatid sa mga Pilipino, partikular sa mga kabataan ang kabayanihang ginawa ng mga bayaning beterano at maipamalas ang nasyonalismo sa ating bansa.
May iilan pang nabubuhay na sundalo sa panahon ng digmaang Hapon at patuloy silang nakipaglaban para sa kanilang mga karapatan at benepisyo lalo’t sila ay may edad na. Ang ilan sa mga beterano ay kinilala at  kinanlong ng pamahalaang Amerika na siyang nagbibigay ng benepisyo maging sa kanilang  pamilya ngunit ang ilan sa kanila ay hindi na makauwi sa ating bansa dahil na rin sa katandaan at doon na binabawian ng buhay. Dito sa Pilipinas, ang PVAO (Philippine Veterans Association Organization) ang ahensiya na namamahala para sa benepisyo ng mga ito na nagbibigay ng old age pension, death pension, disability pension, hospitalization, educational benefit, burial assistance at total administrative disability. 
PENSYON NG BETERANO
Bukod sa pagkilala,  mahalaga rin na makatanggap ng sapat na benepisyo ang mga bayani noong panahon ng Hapon. Matatandaang hinihiling sa administrasyon ang pagpapasa ng batas sa pagdaragdag ng pensyon ng mga beteranong Pilipino.
Inihahain ni  Gen. Ernesto Carolina ng Philippine Vete­rans Affairs Office na  doblehin ang financial assistance sa mga benepesaryo nito.
Ngunit sa kabila nito, tila hindi pa rin nakukuha ng mga ito ang tamang benepisyo para sa pinaghirapang serbisyo.
Sa isang ulat, ilang buwang hindi nakatatanggap ng pensyon ang mga beterano makaraang hilingin ng nasabing ahensiya ang pagpapalit nila ng bangko ngunit sa kabila ng sagabal at dagdag pabigat dulot ng pag-aasikaso ng papeles ay ginawa pa rin nila ito para sa pensyon. Ilang beses umanong paulit-ulit nilang tinatanong ito sa ahensiya subalit wala silang napapala bagkus ay pinapasa lamang sila sa ibang departamento na hindi sumasagot sa kanilang katanungan.
BETERANO SA AMERIKA
Para sa mga beteranong Pinoy sa Ame­rika ay tila hindi pa rin natitigil ang kanilang pakikipaglaban dahil patuloy nilang inilalaban ang kanilang karapatan na makatanggap ng benepis­yo.
Matatandaang umakyat na sa Korte Suprema ng Amerika ang usapin na animo’y diskriminasyon sa mga beterano. Ayon sa kanila, ang mga pensyon at benepisyong pangkalusugan na kanilang natatanggap ay mas mababa kumpara sa mga ‘Kanong beterano.
Tinatayang 250,000 Pinoy na nakipaglaban para sa Amerika ang pinangakuan ng pantay na benepisyo para sa serbisyong ito. Subalit noong 1964  ay tinanggalan sila ng benepisyo.
Ngunit noong 2009, alinsunod sa FVEC Act  ay pagkakalooban sila ng onetime payment na nagkakahalaga ng  $15,000 at $9,000 naman para sa mga naninirahan sa Pilipinas.
Bunsod nito ay nagbigay ng liham ang isang Pinoy na beterano na si Felino Punsalan, 96, kay US President Barrack Obamma para pansinin ang kanilang hinaing, “As veterans, we do not beg for entitlement. We simply ask [for] the recognition that we earned with our sacrifice,” nakasaad sa liham.
Sumisigaw na sila ng hustisya bago pa man mawala ang huling henerasyon ng mga beterano na unti-unti nang nangamamatay. Noong Enero 20, 2013 ay isang beterano ang napaulat na namatay nang wala man lang natatanggap na  benepisyo mula sa Amerika.  
LIBRENG SAKAY
Isa naman sa pamamaraan ng pagkilala ng gobyernong Pilipinas sa mga beterano ang paggunita sa Veterans week. Kasabay nito ay magbibigay  ng libreng sakay  sa mga beterano sa  Light Rail Transit at Metro Rail Transit (MRT) mula Abril 5 hanggang  11, 5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi. Ipakikita lamang umano ng beterano ang kanilang identification card mula sa PVAO para sa libreng sakay. 
Maaari ring makalibre ang isa nilang kasama, abisuhan lamang ang guard sa istasyon kasabay ng pagpapakita ng ID nito.
Ito ay isang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa kanilang mga naging sakripisyo para sa bansa.
Hindi matatawaran ang sakripisyo at pagpapakasakit na ginawa ng ating mga beterano para makamit ang kalayaan ng ating bansa. Naranasan nilang mabuhay nang tila mga patay kaya naman nararapat na sila ay ating bigyang-buhay sa simpleng pagpapahalaga sa kanila. Mabuhay ang lahat ng beteranong Pilipino!

American Tounge ng Asya

http://www.pilipinomirror.com.ph/index.php/special-reports/3898-husay-sa-pag-iingles-ni-juan-lumipas-na-ba


Husay sa pag-iingles ni Juan lumipas na ba?

MAY kalahating milyong  estudyante ang nagsipagtapos ngayong taon at tiyak na daragsa   na naman ang mga aplikante sa iba’t ibang kompanya. Bukod sa bitbit na diploma, isa sa maituturing na armas sa paghahanap ng trabaho ay ang kahusayan sa pagsasalita ng Ingles.
Kilala ang mga Pilipino na isa sa mga pinakamahusay pagdating sa pag-iingles. Maituturing na isang kasanayan na dapat matutunan at mapaunlad ang paggamit at pagsasalita nito. Tinatawag itong unibersal na lengguwahe ng mundo dahil isa ito sa behikulo ng pakiki­pag-ugnayan ng tao sa daigdig. Kung minsan, isa itong batayan ng kakayahan at pinag-aralan ng isang indibidwal.
Ngunit sa kasalukuyan, ang Pilipinas na kinilala na isa sa pinakamahusay sa pagsasalita at paggamit ng wikang ito sa buong Asya ay unti-unti na umanong napag-iiwanan.
ENGLISH-SPEAKING COUNTRY SA ASYA
Ang Pilipinas ay isang multilingual at multicultural na bansa dahil sa magkahalong kultura at paniniwala na nakuha ng mga Pinoy mula sa mga dating mananakop.  Nang naging kolonya ng Amerika ang bansa ay ipinamana nila ang Formal Education System dahilan para maraming Pilipino ang mahusay mag-ingles at sa pagtagal ay nakilala na ang Pilipinas bilang English-speaking country sa Asya.
Ang pagkilalang ito ay nagbukas ng maraming oportunidad at napaunlad ang kalagayan ng mga Pilipino. Subalit sa paglipas ng panahon, tila lumipas na rin ang pagkilalang ito nang mapaulat ang pagbaba ng lebel ng kasanayan ng mga Pinoy sa paggamit ng Ingles.
Sa isinagawang survey ng SWS patungkol dito, lumalabas na 19% ng mga Pilipino ang hindi na gumagamit ng Ingles kumpara sa 7%  noong nakaraang 12 taon.
ENGLISH PROFICIENCY LEVEL NG PILIPINAS
Ayon sa isang pahayag, “Philippines is the American tongue of Asia.”
Sinasabing ang Ingles na ginagamit ng mga Pilipino ay pinaghalong American at British English. Bagama’t may pagkakaiba sa konteksto at paraan ng pagsasalita nito, ito ay kapwa nakasanayang gamitin sa bansa.
Sa isinagawang pag-aaral, nanati­ling nasa ikalimang pwesto ang Pilipinas bilang largest English-speaking country in the world. Nangunguna rin ang ating bansa sa 2012 Business English Proficiency Survey sa taunang Business English Index (BEI) na inilabas ng Global English Corporation na kung saan nakakuha ang Pilipinas ng  7.11 na marka.
Isinagawa ang pag-aaral na ito sa 108,000 empleyado sa 76 na bansa. 
Ayon sa pahayag ni G.Tom Kahl (Global English President): “Addressing English skills gaps and ensuring that employees can immediately perform at the necessary proficiency level should be viewed as a strategic imperative for multinational businesses as Enterprise Fluency, the ability to seamlessly communicate and collaborate within global organizations, can deliver significant financial upside.”
Nangangahulugan na mas malaki ang tsansa na umunlad ang ekonomiya ng bansa partikular ang pagbuo ng mas maraming trabaho sa bansa kung pag­huhusayin pa at hindi pababayaan ng mga Pinoy ang pagsasalita ng Ingles.
Taliwas naman ito sa naging resulta ng isinagawang pag-aaral ng Education First English Proficiency Index (EF EPI) na kung saan hindi nakasama ang Pilipinas sa mga nakatalang bansa na English Proficient Country. 
Ayon sa EFEPI,  ang pag-aaral na ito ay online survey  na kung saan mayroong 2,368,730 na respondents sa iba’t ibang panig ng mundo. Sagot nila, hindi umano napabilang ang Pilipinas dahil sa hindi umabot sa 400 ang kumuha ng natu­rang pagsusulit na isa sa mga kailangan upang mapasama sa kanilang pag-aaral.
KAHUSAYAN NG MGA MAG-AARAL 
Isa sa pinagtitibay ng Department of Education sa pagbabago ng kurikulum sa bansa ay  ang paggamit ng mother tounge o ang pagpapalakas  ng ating pambansang wika subalit sinasabing kapalit nito ay ang pagbaba pa lalo ng kasanayan ng mga estudyante sa Ingles.
Sa isinagawang pag-aaral ng London-based Research and Ratings Firm na Quacquarelli Symonds (QS), nakapasok ang tatlong unibersidad ng Pilipinas mula sa mga nangungunang 50 unibersidad ng mundo sa larangan ng pagtuturo ng Ingles. Nasa ika-24 na pwesto ang Ateneo de Manila University, ika-32 ang University of the Philippines at ika-44 ang De La Salle University. Ayon pa sa IBM, na nagsasagawa rin ng ganitong pag-aaral, ang mga unibersidad sa ating bansa ay nakapaghuhubog ng hindi bababa sa 500, 000 na English-speaking graduates taon-taon.
Base sa resulta ng National Achievement Test ng mga sekondarya, lumalabas na mababa ang nakukuhang marka ng mga mag-aaral sa English sa loob ng apat na taon. Marami sa mga mag-aaral ang hirap sa pagsasalita at pagsusulat ng Ingles dahil mababa ang kanilang mastery level sa naturang asignatura.
DAHILAN NG PAGHINA SA INGLES
Ayon kay Maria Lourdes DC. Ramirez ng DepEd, ilan sa mga itinuturing na dahilan ng paghina ng mga mag-aaral sa Ingles ay ang hindi tamang paggamit nito. Tulad na lamang ng pag-iimbento ng slang at ang hilig sa pagte-text kung saan naapektuhan ang grammar at spelling skills ng mag-aaral. 
Ikalawa, aniya, kahit ang mga guro na imbes na Ingles ang midyum sa pagtuturo ay Filipino ang ginagamit. Ikatlo, ang ilan umano sa mga guro na nagtuturo ng English ay mayroon lamang average english proficiency level na kung minsan ay hindi sapat para makapagturo ng wastong Ingles. Kaya ang ilan ay bigo sa pagmulat sa mga mag-aaral na sanayin ang kanilang kasanayan sa wikang ito.
 Sa pananaliksik naman na ginawa ng isang pangkat ng mga mag-aaral sa hayskul sa Caloocan na pinamagatang “Gender Comparison on Grammatical Competence” ay inalam nila ang kakayahan ng mga magtatapos sa hayskul sa paggamit ng wikang Ingles. Gamit ang isang sagutang papel na naglalaman ng mga tanong tungkol sa “Subject-Verb Agreement” ay lumalabas na hindi  nagkakalayo ang kakayahan ng dalawang kasarian ngunit lumalabas pa rin na hindi mataas ang nakuhang iskor ng mga mag-aaaral.
  Ayon sa kanilang guro sa Ingles na si Ms. Mika (‘di tunay na pangalan),  hindi na siya nagulat sa naging resulta nito bagama’t dalawang taon umano niyang naturuan ang mga naturang mag-aaral. Ipinaliwanag niya na mahalaga ang “formative years” ng estudyante sa elementarya kung doon pa lamang ay hindi na sila matuturuan ng tama at maayos sa asignaturang Ingles ay mahihirapan ang mga guro kapag tumuntong ang mga ito ng hayskul. Dagdag pa niya “The curriculum and economic status of the family may consider as a factor.”
PAGPAPANATILI NG KASANAYANG KOMUNIKATIBO SA INGLES
Lumalabas na ang problema ay nasa Basic Education (elementarya at sekondarya) kaya naman ang DepEd ay nagsasagawa ng mga hakbang upang maresolbahan at mabawasan  ang pagbaba ng kakayahang makipag-usap ng mga mag-aaral sa wikang Ingles.
Payo ng mga eksperto, huwag matakot o mahiyang magsalita ng Ingles, piliting makabuo ng pahayag na hindi gumagamit ng code-switching o taglish.
Ang ilan din umano sa mga Pilipino ay masyadong iniisip kung tama ang kanilang grammar at accent ngunit hindi inisip na higit na mahalaga na maunawaan ka ng iyong kausap dahil sa pagtagal ay unti-unti ring masasanay na i-express ang sarili gamit ang wikang ito.
Sa huli, malaki pa rin ang ginagampanan ng mga guro at mga magulang sa paglinang ng kakayahang ito.
Ngunit sa kabila nito, huwag din sanang isantabi ang ating pambansang wika. Kung magagawa nating mapaunlad sa ating bansa ang paggamit ng unibersal na wika ay isabay natin ang wikang Filipino sa pag-unlad na ito.