Sabado, Nobyembre 3, 2012

Panayam sa mga Bayani :)


RIZAL, BONIFACIO AT GALCOSO
BAYANI NG HABAMPANAHON
ni Wilma E. Hermogenes

Iisa ang layunin ng lahat ng guro, ito ang magpunla ng kaalaman at payabungin ang mga ito upang maging kapaki-pakinabang silang mamamayan. Nagkakaiba lamang ang mga ito sa pamamaraan at dedikasyong magampanan ang kanilang tungkulin. Nakakamangha ang mga gurong buong puso ang dedikasyon sa pagtuturo, higit na hinuhubog ang kakayahan para sa sarili’t kapakinabangan ng  kanyang mag-aaral at may panahong maglingkod hanggang sa labas ng paaralan.
Natatanging Guro 2012
Sa mga kadahilanang nabanggit sa itaas, taon-taon ay isinasagawa ang Metrobank Foundation Search for Outstanding Teachers. Dumadaan sa napakahabang proseso ang pagpili sa mga natatanging indibwal na ito sa kani-kanilang larangan.
Sa taong ito ang sampung natatangi at pinakamahuhusay na guro ito ay sina Dr. Roberto D. Santos, Jr. (Sta. Rita Elementary School Capas, Tarlac); Nueva P. Mangaoang (Man-it Integrated School Passi City); Rizal M. Vidallo ( Anabu II Elementary School Imus, Cavite) at Mariam B. Rivamonte (Santa Cruz South Central School, Marinduque) para sa Mababang Paaralan.
Sa Mataas na Paaralan naman ay sina Dr. Annie I. Rodriguez (Philippine Science High School-Southern Mindanao Campus Davao City); Bonifacio D. Caculitan, Jr.  (Ernesto Rondon High School Quezon City); Marivi L. Castro (General Santos City SPED Integrated School) at Galcoso C. Alburo (Concepcion Integrated School-Secondary Marikina City). Habang sa Kolehiyo naman ay sina  Dr. Hilda C. MontaƱo (West Visayas State University Iloilo City) at  Dr. Catherine P. Vistro-Yu ( Ateneo de Manila University Quezon City). Ang sampung ito ay nakatanggap ng prestihiyosong parangal noong Setyembre 5, 2012 kasabay ng pormal na pagbubukas ng National Teacher Month sa Shangri-la Hotel Makati.

Mga Buhay na Bayani

Si Rizal

            Isa sa pinakabatang pinangaralan bilang isa sa pinakamahusay na guro ng ating bansa si Rizal M. Vidallo. Nagmula sa Anabu II Elementary School sa Imus, Cavite at nagtuturo ng asignaturang Science sa loob ng 11 taon. Kapiling ang kanyang asawa na kapwa guro at biniyayaan ng dalawang anghel na kasalukuyang nag-aaral sa elementarya.

Nakakahanga ang kanyang mga nakamit na tagumpay bilang isang guro at sadyang hindi matatawaran ang naging kontribusyon nito sa lipunan. Naging 2011 Outstanding Science Club Adviser of the Philippines, delagado sa Japan Inetrnational Coperation Agency's Training Program for Young Leaders sa Osaka,Japan noong 2010, Natatanging Imuseno ng Gen. Pantaleon Garcia Award 2008, Gawad Parangal, 2009 & 2010, Finalist in Search for Honorees The Many Faces of the Teacher of Bato Balani Foundation, Inc.,Guro of the Year in 2008 at ang pinabago niyang natanggap ay ang Metrobank Ten Outstanding Teachers 2012.

Bukod sa mga naturang parangal ay aktibo rin siya sa mga gawaing pangkomunidad tulad ng pagiging Volunteer Teacher sa ALS (Alternative Learning System) ng Rotary 3010. Tuwing Miyerkules naglilingkod siya sa mga Out-of-school Youth at kung Huwebes ay sa BJMP Imus. Kung minsan Volunteer Sunday School Teacher siya  at tuwing bakasyon ay tumutulong sa DVBS (Daily Vacation Bible School) sa  kanyang bayang sinilangan sa Bendita, Magallanes, Cavite. Siya rin ang Pangulo ng Samahan ng mga guro sa Cavite.


                Ang Pilosopiya sa edukasyon ng kanyang  katukayong bayani ay makikita sa kanyang mga gawain. Ayon sa kanya “Naniniwala ako na lahat ng tao ay may karapatan na magtamasa ng edukasyon. Ang pagiging malaya ay di lamang pagkawala sa rehas na bakal, kundi pagkawala sa kamangmangan, edukasyon ang tunay na nagpapalaya sa bawat tao.” Dagdag pa niya ang kailangan na guro ngayon ay 

Gumagabay sa katotohanan at kabutihan para sa kaluguran ng Diyos,
Umaakay sa mga taong nangangailan at mahihina
Rumirespeto sa kalinisan at katatagan ng kalikasan
Oras ay nilalaan para punan ang kakulangan ng bansa.

            Ipinagmamalaki niyang maging guro dahil kahit na hindi siya politiko ay nakakapaglingkod siya sa bayan, bagamat di siya doktor ay nagagamot niya ang sakit ng lipunan higit na ang kamangmangan, wala man siyang tabak ni Bonifacio at panulat ni Rizal ay siya ang bagong bayani sa mga bata na sandigan ng karunungan, ugat ng kagandahang asal, alagad ng kalikasan at instrumento ng biyaya ng Panginoon.

Sa huli sinabi niyang nais niyang maaalala siya ng mga tao bilang Guro sapagkat ang guro ay isang ama na kumakalinga sa mga anak, nagbibigay di ng salapi kundi karunungan, haligi ng katoohanan, pagbabago, at pag-asa tungo sa kaunlaran, kasarinlan, at kabanalan. Hindi ko rin pinalagpas na malaman kung bakit Rizal ang kanyang pangalan at natatawa niyang sinabi na paborito kasi ng kanyang ina an gating pambansang bayani.


Si Bonifacio

                       Tahimik, mapagkumbaba at laging nakangiti, ibang iba sa katangian ng bayani ng Katinunan. Iyan ang mga katangiang nakita ko sa isa sa pinakamahusay na guro ng ating bansa na si G. Bonifacio D. Caculitan, Jr.  ng Ernesto Rondon High School sa Quezon City. Nagtuturo ng Physics sa kanyang paaralan maging ng Math at Mandarin sa Philippine School of Business Administration sa Quezon City.

                        Dalawampu’t apat na taong serbisyo sa pagtuturo at butihing ama sa tatlo niyang anak at sa kanyang asawa na isa ring guro sa elementarya. Bukod sa pagtuturo ay ipinagpapatuloy niya ang kanyang adbokasya sa pangangalaga ng ating inang kalikasan at aktibo sa mga gawain ng Kiwanis International.

                        Ang pagpili sa kanya bilang Metrobank Foundation Outstanding Teacher ay nakabase sa lahat ng aspeto at tumutugon siya sa kanyang tungkulin bilang guro na iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Dagdag pa niya ang gurong walang pag-iimbot na gampanan ang kanyang tungkulin ang kailangan ng mga kabataan ngayon.

                        Nais niyang makilala bilang ama hindi lamang sa kanyang mga anak kundi pati na rin sa lahat mag-aaral na kanyang naturuan. Wika nga niya “Ipinagmamalaki kong maging guro dahil marami akong natutulungan. Bilang isang guro sa simpleng pamamaraan ay nakakapag-ambag ako sa ikabubuti ng ating lipunan.”

Si Galcoso

                        Makailang ulit siyang ipinakilala sa akin na si Apolinario, iyon pala’y bahagi ito ng kanilang mga biruan dahil na rin sa kanyang mga kaibigang sina G. Rizal at G. Bonifacio. Sabi nga ni G. Galcoso C. Alburo ng Concepcion Integrated School-Secondary sa Marikina City  na isa sa kinilalang Outstanding Teacher 2012 “Si Apolinario Mabini ay ibang-iba sa aking pagkatao at aking kakayahan bilang isang guro at ordinaryong tao.” Walong taon na rin siyang kasal sa kanyang kabiyak at biyayaan sila ng dalawang anak.

                        Nagpakadalubhasa sa pagtuturo Filipino, Values, at Journalism at nagtapos ng kanyang MA sa UP at kasalukuyang tinatapos ang kanyang disertasyon para sa kanyang  PhD.  Labinlimang taon na siyang nagtuturo at walang pag-aalinlangan niyang ibinahagi ang ilan sa mga teknik niya sa pagtuturo na isa sa mga naging basehan sa pagkakapili sa kanya ng Metrobank.

                          Ayon sa kanya “Marami akong atake sa pagtuturo na laging may Oo nga ano!  factor sa mga bata. Demokratiko ang approach ko at iba-iba depende sa klase ng learner. Taon-taon ay may gimik ako na iba sa mga nauna ko ng mga estudyante. binabagay ko ang personality ko sa paksang pinag-uusapan. Dagdag pa niya “Mas ok sa akin na gamitin ang sarili ko bilang visual kaysa traditional na mga visual aids. I use ICT normally hindi yung makagamit lang ng powerpoint lang ok na. lahat ng bata nabibigyan ko ng pagkakataon na magsalita sa klase. ginagamit ko ang fb as extension virtual classroom.”  Sa madaling sabi  hindi boring ang kanyang klase at kakaiba talaga ang kanyang atake . Siya ay napapasaya, napapaiyak, napapahanga, at napapagalit ng kanyang  klase kung gusto niya.

                        Nang tanungin ko siya tungkol sa iba pa niyang karangalan na nakamit ay napahanga ako sa anyang kababaang loob. Hindi niya inisa-isa ang mga ito dahil para sa kanya ang mga karangalan na nahahayag sa mga tao ay yaong maaaring maka-inspire sa kanila at makatulong sa kanila na sabihin nila sa kanilang sarili na kaya rin nila. Ibinabahagi lamang niya ang kanyang mga tagumpay kung makakatulong ito sa pagdaragdag ng tiwala sa kanya at nakatulong ito sa pag-angat niya bilang guro. Sabi nga niya “Human recognition is good but God's recognition is the great recognition".

                        Ibinahagi pa niya na ang kanyang serbisyo ay hindi lamang sa loob ng klase kundi maging sa komunidad. Miyembro siya ng ng isang Non-Government Organization na Coalition for Better Education (CBE) at kasama din dito ang Globe Telecom na nakabase sa Cebu. Kabilang sa adboskasiya niya ang ICT Integration in Teaching at Project Based Learning (PBL) kung saan ito ay kapaki-pakinabang sa mga bata, guro at sa lipunan. Volunter ang Alternative Learning System (ALS) na nagsasagawa ng mga Medical Missions. May sariling mga iskolar, PTA Officer, nagsasagawa ng bible studies at inaasikaso ang mga evacuees sa iskul kapag may baha at sa tulong ng mga kapwa guro, alumni, gobyerno, NGO's at iba pa.

                        Sa pagtatapos ng aming talakayan ay higit pang naging makahulugan ang kanyang mga pahayag. Panalangin niya gumawa sana ang tao ng mabuti sa kanyang kapwa at higit sa lahat kilalanin nila ang Dios na makapangyarihan sa lahat. Hiling din niya na sana maalala ng kanyang pamilya na ingatan ang pangalan na ibinigay niya sa kanila.  Dagdag pa njya dalawang bagay lamang ang alam niyang mahirap gawin sa mundo “Una ang gumawa ng mabuting pangalan at ang ikalawa, ay papaano iingatan ang mabuting pangalan.”

                                Nagpapasalamat ako at nabigyan ako ng pagkakataong makikilala ang tatlong bayani ng ating bansa. Higit sa karanasan ang inspirasyong iniwan nila ang siyang nararapat na tularan upang lumabas ang ilan pang bayani ng ating bansa. IKAW, BAYANI NG ATING BAYAN ANO ANG IYONG IAAMBAG?

1 komento:

  1. Hindi ko lubos na pasasalamatan si Dr EKPEN TEMPLE sa pagtulong sa akin na ibalik ang Kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip sa aking pag-aasawa matapos ang maraming mga isyu na halos humantong sa diborsyo, salamat sa Diyos na ang ibig kong sabihin ay si Dr EKPEN TEMPLE sa tamang oras. Ngayon masasabi ko sa iyo na ang Dr EKPEN TEMPLE ay ang solusyon sa problemang iyon sa iyong kasal at relasyon. Makipag-ugnay sa kanya sa (ekpentemple@gmail.com)

    TumugonBurahin