Himig ng Buhay
Ni Wilma E.
Hermogenes
Tumilaok ang manok
Napahiyaw sa kirot
Impit na tinig
paulit-ulit
Bulahaw ang sumunod
Pag-iyak ang siyang
pumalit
Hinaplos, hinagod
Katawang marupok
Inilapat sa dibdib
Kinalong sa bisig
Napaluha
sa pagtitig
Sa gabing tahimik
Higaa’y lalangitngit
Kapag hikbi’y
naghudyat
Mabilis na kaluskos
Sasaliw sayong lubos!
Oyayi’y maririnig
Sisiyap sa mga bisig
Hanggang sa mapapikit
Makakawala sa
pagkakapit
Hilik ng kaharap ang
papalit
Kampana ng orasa’y
kaybilis
Makailang ulit na
bisig ay naglingkis
Kay tutunog ng mga
halik sa labing kaynipis
Alingawngaw ng
halakhak tila tumatangis
hindi matatawara’t walang
kaparis!
Nakagapang kung
saan-saan
Nakakapit at nakatayo
sa hawakan
Unti-unting binitiwan
hanggang paa’y humakbang
Pagtaybo’y hindi na
mapigilan
Natisod, nadapa’t
nasugatan.
Tumawa, umiyak
Nangulit, nambwisit
Pumalpak, lumagapak
Umahon, umangat
Ibinuka ang mga
pakpak.
Pangala’y
umalingawngaw
Paksa sa mga umpukan
Presensya’y nakakabulahaw
Nakakabingi ang mga
sigawan
Napapaos sa paghiyaw.
.
Humarurot sa mga daan
Kalansing ng bulsa’y
di nauubusan
Inaaksaya ang
sagitsit sa lutuan
Tila daloy ng
swerte’y walang katapusan
Humahaginit sa lahat
ng maisipan. . .
Bumuhos ang malakas na
ulan
Nakuryente sa kidlat
ng kapalaran
Dumagundong ang
mundong ginagalawan
Lumagapak sa pwestong
pinaghirapan
Nabasag ang salamin
ng kagandahan!
Pangala’y muling
umalingawngaw
Paksa sa mga umpukang
sumisingaw
Presensya nila’y
nabubulahaw
Nabibingi sa mga
isinisigaw
Napapaos na sa
pagbulyaw
Baso’y bumagsak mula
sa pagkakahawak
Sumunod ang alulong
na nakakasindak
Bintana’y bumukas sa
hanging humampas
Tumunog ang orasan
upang magkamulat
Ngunit walang pumihit
upang ito’y magwakas…
Tumilaok ang manok
Napahiyaw sa kirot
Impit na tinig
paulit-ulit
Bulahaw ang sumunod
Pag-iyak ang siyang
pumalit.. .
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento