Ang Fillenials at Inaasahan sa
Bayan
Iniulat ng Population Division of Department
of Economic and Social Affairs ng United Nation na 72 taong gulang ang
maaaaring itagal ng buhay ng isang Pilipino sa kasalukuyan. Kung ikaw ay
kabilang sa tinatawag na Generation Y
na 15 – 35 taong gulang o higit na kilala bilang Millenials marami ka pang panahon upang maging makabuluhan ang
iyong kinabukasan. Marahil, nakatatak na rin sa iyong isipan ang iniatang ni
Rizal sa kabataan idagdag pa ang isang pahayag sa Time Magazine sa pabalat nito noong Mayo 2013 na “The millenials
will save us all.” Pagpapatunay na malaki ang nakaatang sa henerasyong ito at
maiging harapin ng Fillenials ang mga
inaasahan sa bayan.
Nabuo ang salitang Millenials noong 1987 nina William
Strauss at Neil Howe. Ito ang mga ipinanganak noong 1982 at nasa yugto ng young
adulthood sa taong
2000. Sa taon ring ito nagsimulang makilala ang media na maiuugnay sa bagong milenyo na akmang-akma sa pumapagitang
taon ng Millenials.
Sa Pilipinas, tinawag na Fillenials ang mga kabataang sumasakop sa naturang henerasyon.
Dagdag pa nina Strauss at Howe,
taglay ng Millenials ang matinding
kamalayan sa komunidad sa loob at labas ng kanilang bansa. Ayon naman ay David
Burstein taglay ng mga ito ang pragmatikong idealismo na may malalim na
pagnanasa na maging maayos at payapa ang mundo. Kakiitan din ng positibong
pananaw, pakikisangkot at nababalanse ang trabaho at pagsasaya sa buhay batay kay
Andy Furlong.
Sa artikulo ng Primer
inilarawan ito na social-media dependent, selfie generation, mapanghamon, maikling
ang panahon sa mga bagay-bagay, nakikisangkot sa politikal at sosyolohikal na
talakayan. Para sa mga ito, ang paghahanapbuhay ay katumbas ng pagkilala sa
sarili kaya’t karamihan sa mga ito mahilig magpalit ng hanapbuhay.
Sa mga nabanggit na katangian ng Millenials, hindi na nakapagtataka na
1/3 ng populasyon sa ating bansa ang bumubuo nito at kalahati ng
nagparehistrong botante nitong nakalipas na eleksyon na umabot sa 24.73 milyon ang nagmula
sa edad 17-34 batay na rin sa ulat ng Commission on Election (COMELEC). Ikinabit
na rin sa ating bansa ang “Selfie Capital
of the World” noong 2014. Sa pamamagitan ng Social Media ay nagkakaroon ng ganap na kamalayan ang kabataan sa
mga nangyayari sa loob at labas ng ating bansa at karamihan sa mga ito ay
pinipiling makisangkot sa pinakamalikhaing pamamaraan sa pagpapaskil ng
saloobin at opinyon sa mga isyu ng ating bayan.
Sa kabila ng katapangang ipinapakita ng Millenials,
nararapat na magabayan ang mga ito sa kanilang mga naiisip na gawin at
edukasyon pa rin ang pangunahing susi upang higit na maging kapaki-pakinabang
ang mga hangaring nais nilang maisakatuparan. Sapagkat kakambal ng mga ito ang media, kailangang mapaigting ang Multimedia Education sa ating bansa. Sa
isang pananaliksik, tinalakay ni Indyer (2014) sa ikalawang Catholic Media
Summit sa Nigeria na kinakailangan umano na isama sa kurikulum sa buong mundo
ang Media Education dahil na rin sa isa ito sa kasanayan na kailangang hubugin
sa mag-aaral. Ang silid-aralan ang tamang lugar upang maituro sa kabataan ang
wastong paggamit ng multimedia.
Sinabi pa niya na dapat tuluran ang bansang Australia dahil ito ang
kauna-unahang bansa na mandatoryong nagtalaga ng Media Education sa kurikulum. Habang sa Asya, nakatutuwang isipin
na Pilipinas ang unang bansa na nagpatupad ng integrasyong ito sa larangan ng
edukasyon.
Nabanggit
din sa isang kumperensya ni Eros Atalia noong 2011 ang konsepto ng anarconomy at postmodernismo sa
pagtuturo sa mag-aaral sa kasalukuyan. Batay sa kaniyang nasasaliksik sa
Copenhagen Institute for Future Studies ang anarconomy
ay makabagong alternatibong mapagkukunan ng mga produkto at serbisyo na hindi
komersyal. Ipinapapamahagi sa isang network
na walang bayad tulad ng mga nasa internet
at social media. Samantalang ang
postmodernismo ay pagkuwestyon sa mga doktrina ng mga institusyong hinahanapan
ng kabuluhan ng mamamayan. Sa paglalapat nito sa edukasyon, nabibigyang-bihis
ang mga lumang konsepto sa makabagong pamamaraan. Nagreresulta umano ito sa
mag-aaral ng ibang pananaw sa virtual
world na isang lugar ng pagbabahaginan at mga impormasyon ay bumabaha,
nagpapatampisaw at nagpapakalunod sa mga kabataan.
Kaugnay ng mga nabanggit na pag-aaral, makatutulong sa Millenials ang panukala ng Partnership
for 21st Century Skills (P21) ang isang balangkas na naglalaman ng mga
kasanayang dapat hubugin sa mag-aaral sa ika-21 siglo. Ito ang “Communication
Skills,” “Information, Media and Technology Skills,” “Learning and Inovation
Skills” at “Life and Carrer Skills.” Ang mga kasanayang ito ang inaasahan na
mahubog sa sa mag-aaral sa ika-21 siglo. Sa pagsisimulang ito ng P21, malaki
ang naging kapakinabangan nito sa larangan ng edukasyon at ginagamit na ito sa
buong mundo (Bilbao&Corpuz, 2012).
Ang
“Communication Skills” o Kasanayang Komunikatibo ay mga pamamaraan kung paano
kikilos ang mag-aaral tungo sa pagkatuto. Hinahasa sa mga ito pakikiisa,
kolaborasyon, kasanayang interpersonal, kaalamang lokal, nasyonal o global at
interaktibong pakikipag-ugnayan. Inaasahan sa mag-aaral na makapagbibigay ng
sariling kaalaman bago simulan ang mga aralin. Nakapagpapahayag ng kaalaman at
saloobin na isinasaalang-alang ang wastong paggamit ng gramatika. Naipahayag ng
buong linaw ang sariling opinyon sa mga paksang tinalakay. Nadebelop ang paggamit
ng iba’t ibang makrong kasanayan. Naipapamalas ang lokal, pambansa at
pandaigdigang kamalayan sa aralin. Nakabubuo ng mga output mula sa mga aralin.
Ang
“Information, Media and Technology Skills” ay mga kagamitan sa pagkatuto.
Hinuhubog sa mag-aaral ang literasing biswal na kakayahang ipaliwanag at
bigyang interpretasyon ang mga imaheng nakikita. Media literasi na kakayahang
maanalisa ang mga mensaheng nagbibigay kaalaman, nanlilibang at nagagamit
araw-araw. Pangkaalamang literasi na kakayahang mapili ang mahahalagang
detalye, pinakamabisang hanguan ng impormasyon at pagbabahagi ng mga ito.
Inaasahan sa mag-aaral na mauunawaang mabuti ang mga aralin sa pamamagitan ng
mga imahe/larawan. Nagagamit ng buong husay ang teknolohiya sa pagtalakay ng
aralin. Nakapagbabahagi ng kaalaman gamit ang iba’t ibang mapagkukuhanan ng
impormasyon. Naipapabatid ang mga natutuhan sa ibang tao gamit ang teknolohiya.
Ang
“Learning and Innovation Skills” ay mga kagamitang pampag-isip. Hinuhubog sa
mag-aaral ang pagkamalikhain, mapanuring pag-iisip, paglutas ng suliranin,
matalinong pagpapasya at kahandaan at kalakasan ng loob. Sa bahaging ito,
naipapamalas ng mag-aaral ang pagkamalikhain sa aralin. Nagagamit ang
mapanuring pag-iisip. Nabibigyan ng wastong impormasyon sa paglutas ng
suliranin. Nakapagpapasya sa mga isyung tinatalakay sa aralin. Nakahanda at
malakas ang loob na gawin ang lahat para sa aralin.
Ang “Life
and Carrer Skills” ay mga kasanayang magagamit upang maisabuhay ang mga
natutuhan sa mga araling tinalakay. Hinuhubog sa mga ito na makaangkop at
makibagay sa kapaligiran. Makapagpamalas ng kahusayan sa pamumuno at pagiging
responsible sa gawain. Mapahalagahan ang lipunan at multi-kultural na
kasanayan. Maipakita ang pagkukusa at hindi umaasa sa iba. Magtaglay ng etikal,
moral at espiritwal na pag-uugali.
Kaakibat
ng mga kasayanayang ito ang kanilang pagiging digital natives batay sa paglalarawan ni Pancho (2012) na
nakapag-iisip at kumikilos gamit ang mga makabagong teknolohiya, nakasanayan
ang sabay-sabay na paggawa (multi-tasking)
at maiksi ang panahon sa pagtuon sa mga bagay-bagay. Nasa bahagi di umano tayo
ng Imformation Age kaya isang
paglalakbay ang paghuhubog sa kasanayang pagkatuto ng mga ito at kinakailangang
tingnan ang mag-aaral na isang bukas na kahon na nakahandang mapunan ng
kaalaman. Dahil sa higit na nakikita ng mga ito ang hinaharap ay binuo ang
konsepto ng Digital Media Classroom
na naglalaman ng makabagong teknolohiya na makatutulong sa pag-aaral ng mga
bata, paghubog sa pagkamalikhain at kritikal na pag-iisip ng mag-aaral kasabay
ang pagpapahalaga sa integridad at pagtanggap ng responsibilidad sa epektibong
paggamit nito. Kaya kinakailangan na bihasa ang mga guro para maisakatuparan
ang mga layuning ito. Binigyang-diin sa konseptong ito na ang digital media ay isang midyum ng
pagtuturo na maaaring magamit sa hindi tamang pamaaran kaya’t mahalaga na
maging maingat sa paggamit nito.
Ayon
din kay Paraluman R. Giron, ang Millenials
ay na nasa panahon ng paggamit ng teknolohiya at ang paraan ng kanilang
pagkatuto ay nasa paraang biswal, interaktib at kinababagutan ang tradisyunal
na pagtuturo. Idiniin niya na ang pagamit ng teknolohiya ay isang pambihirang
kagamitang panturo sa kasalukuyan ngunit hindi kailanman man nito mapapalitan
ang mga guro para sa mas mataas na kalidad ng edukasyong matutuhan ng
mag-aaral.
Kinakailangang ang mga guro ay
makaagapay sa mag-aaral sa kasalukuyan dahil ang mga ito ay mabilis na mapunta
ang tuon sa ibang mga bagay lalo’t kung hindi nila gusto ang pamamaraang
kanilang nakikita at ang paggamit ng teknolohiya ang pinakamabisang paraan
upang makuha natin ng buo ang kanilang atensyon sa pag-aaral (Nevid, 2011).
Bilang pagtatapos, makikita mula sa mga paglalarawang
nabanggit sa Millenials ang kanilang
mga mithiin at inaasahan sa bayan. Ang maging malaya, mapakinggan ang kanilang
tinig, makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran at maging kapaki-pakinabang na
mamamayan. Ang pangunahin at pinakamabisang kasangkapan sa pagsasakatuparan
nito ay ang pagsandig sa makabagong teknolohiya. Positibo at punong-puno ng
pag-asa ang ipinapakita ng mga ito kaya’t hindi na rin dapat pang pagdudahan
ang pahayag na “The millenials will save
us all.”
SANGGUNIAN
Atalia, E (2011). Ang Anarconomy at Postmodernismo:
I-Like at I-tag sa mga Wall ng Pagtuturo ng Wika at Panitikan. University of
Sto. Tomas.
Bilbao & Corpuz (2012). The
Teaching Profession. USA: Lorimar Publishing Inc.
Nevid, J. S. (2011). Teaching the
Millenials. Observer, Volume IV, Number 25.
Giron, P. (2015) Teaching the Millenials:
Making their Learning Environment A Living Organism. Quezon City:The Teacher
ProfessiojnVol. VI, No. 1.
Horovitz, B. (2012).
"After Gen X, Millennials, what should next generation be?". USA
Today. Retrieved 24 November 2012.
Ilagay din ang logo ng ating sponsors (gamitin ang code) sa ibaba ng
inyong blogpost entry/ sidebar upang maging opisyal ang inyong lahok.
Lahok sa Saranggola Blog Awards 8
TumugonBurahinPagsulat ng Sanaysay
http://dayangdunya.blogspot.com/2016/10/ang-fillenials-at-inaasahan-sa-bayan.html