Martes, Oktubre 18, 2016

ASPEKTO NG PAG-IBIG: NAGMAHAL, NANANALIG, MAGPAPATAWAD



ASPEKTO NG PAG-IBIG: NAGMAHAL, NANANALIG, MAGPAPATAWAD

Ang pagsisimula kong ito ay isang pagtatapos
Ang pagtanggap kong ito ay isang paglimot
Ang pagbabahagi kong ito’y matagal ng pinagdamot
Papakawalan ang damdamin na ikinulong ng pag-iimbot
Magpapatawad kahit na ang nanakit umurong ang dilang nanlambot

Kung sadyang ang maling akala’y nakamamatay
Malamang marami sa atin ang matagal ng nakahimlay
Hindi ako na-friend-zone , na-fall o na-DTR kaya nalulumbay
Gusto ko lang magpatawad at napakatagal ko itong hinihintay
Nang ibinigay ang pagkakataon, hindi pa rin nagtagumpay
Sapagkat inaasam na kataga’y pinagkait niyang tunay

Upang maunawaan pakinggang mabuti ang aking pagsasalaysay
Isang pagbabalik-tanaw sa pag-ibig na inakalang panghabambuhay
Pagkapit sa pananalampatayang sa ninanasa’y magtatagumpay
Pagharap sa kinabukasang  punong-puno ng pag-asa at matiwasay…

PAGBABALIK-TANAW: NAGMAHAL

Ibinahagi mo sa akin ang iyong mundo
Pinakita mo ang natatago nitong paraiso
Noong una sadyang nakakalito
Kasi nang minsang lumalangoy ako
Sumisid at di namalayang napalayo
Paglutang ko nawala ka sayong pwesto
Napaluha tuloy ng isang baso
Pakiwari ko’y nalunod ang aking puso
Sa paghampas ng along nagdidiliryo
Lumitaw kang nakawak sa aking braso
Sabay bulong  “nandito lang ako”

Utak at puso ko noo’y nagkasundo
Pawa silang nakasisiguro
Na anomang ating pinaplano
Natitiyak na magkakatotoo

Pero ang pundasyon na ating binuo
Winasak ng napalakas na bagyo
Napasubsob ako’t napaupo
Naipit ang iyong mga paa’t hindi na ako naitayo
Dumilim ang paligid at nabalot ng aso
Hanggang sa tuluyan na itong gumuho

Dahil sa bakas na iniwan nito
Hindi man natin ginusto
Nagkusang magpakalayo-layo
Tinakpan ang tenga sa iyong kwento
Hinayaan ang mga luha na tumulo
Hinintay na ubanin ang bahagi mo sa aking puso…

Ito pa ang nagpahirap sa delubyong ito
Inampon na ako ng iyong mundo
Kaya’t di makaiwas na di pumarito
Bagama’t naitali na ang ating mga puso
Aaminin ko, presensya’y mo’y nagpapatuliro
Bumabalik ang huli nating pagtatagpo
Nabubuhay ang sakit at pagsiphayo
Hindi maunawaan at sadyang nalilito
Batid kong naibaon na ang damdamin sa nitso
Ngunit di pa rin nakalimot sa dulot na pagkabigo
Sa tuwing maghaharap ipinapalagay ka lamang na multo...


KASALUKUYAN: NANANALIG

Mahigit isang dekada na ang lumipas
Mukhang nainip na sa atin ang landas
Lagi tayong pinagtatagpo, lagi ring umiiwas
Dumating na rin marahil ang tamang oras
Upang magpatawad at maliwanagan ang utak
Subalit parang napipi at ayaw mag-usap
Humiram pa ng lakas sa alak bago pumutak
Nangamusta at nagtanong sa buhay na hinarap
Sabay sabing “Ikaw naman di ba ang naunang tumalikod at naghanap?”

Napahinto ang lahat at labis na nagulat
Hindi pa rin ako nagpatinag at nangusap
“Ilan taon na ba ang iyong mga anak?”
“Sampung taon, kasintada ng iyong paghuhudas.”
Isa-isang tumayo  ang mga kasama at nagsipaglayas
Sabay-sabay na gustong pumunta sa kasilyas
Hanggang sa dalawa kaming natira sa may salas
Katahimikan ng paligid ay kaniyang binasag
“Ako pala talaga ang naunang kumalas,
kalimutan na  lang natin ang nakalipas.”

Iniabot ang kamay bilang pagwawakas
Nagpaalam at ibiniling maayos na samin ang lahat
Sinundan nang tingin ang kaniyang paglalakad
Nanariwa ang panahong magkasama kami sa daang tinatahak
Tila iisa ang tumatakbo sa aming mga utak
Siya’y huminto, lumingon, kumaway na aking kinagulat
Tumulo ang luha ngunit nakangiting tumango sa kausap…

Hihintay kong salita’y di man lamang niya binigkas
Nanalig akong babanggitin sa ating pagwawakas
PATAWAD ang hangad ko sa aming paghaharap
Katahimikan ng puso ang inaasahang magiging katumbas
Ngunit di narinig kahit inudyukan na siya ng lahat….


HINAHARAP: MAGPAPATAWAD sapagkat MAY PAG-ASA

Sadyang napakahirap masaktan
Ngunit napagtanto ko sa aking karanasan
Hindi lahat ng nakapanakit, alam na sila’y may kasalanan
Kapag ganito ang sitwasyon, kapayapaan ng puso’y katatandaan
Dulot lang di’y kaguluhan ang pagkapit sa nakaraan

Sapagkat ang salitang “TAPOS NA” hindi lamang pinakinggan
Upang tuluyang bumitiw at pangyayari ay matuldukan
Gamitin din ang iba pang pandama upang mamulat sa katotohanan

Mata nati’y nagpapakita ng buhay na masaya,
            bagamat hindi na siya ang kasama
Labi’y nagpapalasap ng tamis ng mga panibagong alaala,
            nagpapawi ng asim at pakla na siyang may likha
Ilong na nagpaamoy ng halimuyak ng bulaklak mula sa bagong sinisinta,
            maging masangsang na amoy ngayo’y natitiis basta kapiling siya
Kamay na nagpapadamang mayroong kasanggga sa tuwina,
            hinding-hindi ka bibitiwan sa hirap man o ginhawa

Kaya sa iyo na hinintay kong humingi ng aking kapatawaran
Maluwag na ang puso kong tanggapin ang iyong pamamaraan
Sa muli nating pagtatagpo ay mayroong ng kapayapaan
Maibabalik na sa normal ang ating pagkukumustahan
Mga tao sa ating paligid ay hindi na rin mahihirapan
Makukuha na nating harapin ang isa’t isa ng walang ilangan
Higit sa lahat, sinarado na natin kwento ng ating pagmamahalan

 
Kahapon man ay dumilim,
naglaban  puti at itim
Kakapak pa rin ang bitwin
kahit pa nga makulimlim
kaya’t huwag maninimdim
araw ay lilitaw pa rin

Tingnan ang punong nakatindig
‘di halatang naliligalig 
kapag daho’y biglang nanginig
isa-isang nagsipagkabig
kawan ng ibong umaawit
lilipad ng magkakalapit
payapang puso ang papalit
liliwanag maging ang isip
matapos na sila’y marinig

Itong buhay ay  mahabang paglalakbay
May dumarating upang magbigay saysay
Ang ilan ay maaaring magpalumbay
Ngunit ang mahalagang matira’y tunay
Na siyang makakapiling  habambuhay

Ito ay lahok sa sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph.

\






Biyernes, Oktubre 7, 2016

Ang Fillenials at Inaasahan sa Bayan



Ang Fillenials at Inaasahan sa Bayan

             Iniulat ng Population Division of Department of Economic and Social Affairs ng United Nation na 72 taong gulang ang maaaaring itagal ng buhay ng isang Pilipino sa kasalukuyan. Kung ikaw ay kabilang sa tinatawag na Generation Y na 15 – 35 taong gulang o higit na kilala bilang Millenials marami ka pang panahon upang maging makabuluhan ang iyong kinabukasan. Marahil, nakatatak na rin sa iyong isipan ang iniatang ni Rizal sa kabataan idagdag pa ang isang pahayag sa Time Magazine sa pabalat nito noong Mayo 2013 na “The millenials will save us all.” Pagpapatunay na malaki ang nakaatang sa henerasyong ito at maiging harapin ng Fillenials ang mga inaasahan sa bayan.

            Nabuo ang salitang Millenials noong 1987 nina William Strauss at Neil Howe. Ito ang mga ipinanganak noong 1982 at nasa yugto ng young adulthood sa taong 2000. Sa taon ring ito nagsimulang makilala ang media na maiuugnay sa bagong milenyo na akmang-akma sa pumapagitang taon ng Millenials. Sa Pilipinas, tinawag na Fillenials ang mga kabataang sumasakop sa naturang henerasyon.

            Dagdag pa nina Strauss at Howe, taglay ng Millenials ang matinding kamalayan sa komunidad sa loob at labas ng kanilang bansa. Ayon naman ay David Burstein taglay ng mga ito ang pragmatikong idealismo na may malalim na pagnanasa na maging maayos at payapa ang mundo. Kakiitan din ng positibong pananaw, pakikisangkot at nababalanse ang trabaho at pagsasaya sa buhay batay kay Andy Furlong. Sa artikulo ng Primer inilarawan ito na  social-media dependent, selfie generation, mapanghamon, maikling ang panahon sa mga bagay-bagay, nakikisangkot sa politikal at sosyolohikal na talakayan. Para sa mga ito, ang paghahanapbuhay ay katumbas ng pagkilala sa sarili kaya’t karamihan sa mga ito mahilig magpalit ng hanapbuhay.

            Sa mga nabanggit na katangian ng Millenials, hindi na nakapagtataka na 1/3 ng populasyon sa ating bansa ang bumubuo nito at kalahati ng nagparehistrong botante nitong nakalipas na eleksyon na umabot sa 24.73 milyon ang nagmula sa edad 17-34 batay na rin sa ulat ng Commission on Election (COMELEC). Ikinabit na rin sa ating bansa ang “Selfie Capital of the World” noong 2014. Sa pamamagitan ng Social Media ay nagkakaroon ng ganap na kamalayan ang kabataan sa mga nangyayari sa loob at labas ng ating bansa at karamihan sa mga ito ay pinipiling makisangkot sa pinakamalikhaing pamamaraan sa pagpapaskil ng saloobin at opinyon sa mga isyu ng ating bayan. 

            Sa kabila ng katapangang ipinapakita ng Millenials, nararapat na magabayan ang mga ito sa kanilang mga naiisip na gawin at edukasyon pa rin ang pangunahing susi upang higit na maging kapaki-pakinabang ang mga hangaring nais nilang maisakatuparan. Sapagkat kakambal ng mga ito ang media, kailangang mapaigting ang Multimedia Education sa ating bansa. Sa isang pananaliksik, tinalakay ni Indyer (2014) sa ikalawang Catholic Media Summit sa Nigeria na kinakailangan umano na isama sa kurikulum sa buong mundo ang Media Education dahil na rin sa isa ito sa kasanayan na kailangang hubugin sa mag-aaral. Ang silid-aralan ang tamang lugar upang maituro sa kabataan ang wastong paggamit ng multimedia. Sinabi pa niya na dapat tuluran ang bansang Australia dahil ito ang kauna-unahang bansa na mandatoryong nagtalaga ng Media Education sa kurikulum. Habang sa Asya, nakatutuwang isipin na Pilipinas ang unang bansa na nagpatupad ng integrasyong ito sa larangan ng edukasyon. 

Nabanggit din sa isang kumperensya ni Eros Atalia noong 2011 ang konsepto ng anarconomy at postmodernismo sa pagtuturo sa mag-aaral sa kasalukuyan. Batay sa kaniyang nasasaliksik sa Copenhagen Institute for Future Studies ang anarconomy ay makabagong alternatibong mapagkukunan ng mga produkto at serbisyo na hindi komersyal. Ipinapapamahagi sa isang network na walang bayad tulad ng mga nasa internet at social media. Samantalang ang postmodernismo ay pagkuwestyon sa mga doktrina ng mga institusyong hinahanapan ng kabuluhan ng mamamayan. Sa paglalapat nito sa edukasyon, nabibigyang-bihis ang mga lumang konsepto sa makabagong pamamaraan. Nagreresulta umano ito sa mag-aaral ng ibang pananaw sa virtual world na isang lugar ng pagbabahaginan at mga impormasyon ay bumabaha, nagpapatampisaw at nagpapakalunod sa mga kabataan. 

            Kaugnay ng mga nabanggit na pag-aaral, makatutulong sa Millenials ang panukala ng Partnership for 21st Century Skills (P21) ang isang balangkas na naglalaman ng mga kasanayang dapat hubugin sa mag-aaral sa ika-21 siglo. Ito ang “Communication Skills,” “Information, Media and Technology Skills,” “Learning and Inovation Skills” at “Life and Carrer Skills.” Ang mga kasanayang ito ang inaasahan na mahubog sa sa mag-aaral sa ika-21 siglo. Sa pagsisimulang ito ng P21, malaki ang naging kapakinabangan nito sa larangan ng edukasyon at ginagamit na ito sa buong mundo (Bilbao&Corpuz, 2012).

Ang “Communication Skills” o Kasanayang Komunikatibo ay mga pamamaraan kung paano kikilos ang mag-aaral tungo sa pagkatuto. Hinahasa sa mga ito pakikiisa, kolaborasyon, kasanayang interpersonal, kaalamang lokal, nasyonal o global at interaktibong pakikipag-ugnayan. Inaasahan sa mag-aaral na makapagbibigay ng sariling kaalaman bago simulan ang mga aralin. Nakapagpapahayag ng kaalaman at saloobin na isinasaalang-alang ang wastong paggamit ng gramatika. Naipahayag ng buong linaw ang sariling opinyon sa mga paksang tinalakay. Nadebelop ang paggamit ng iba’t ibang makrong kasanayan. Naipapamalas ang lokal, pambansa at pandaigdigang kamalayan sa aralin. Nakabubuo ng mga output mula sa mga aralin.

Ang “Information, Media and Technology Skills” ay mga kagamitan sa pagkatuto. Hinuhubog sa mag-aaral ang literasing biswal na kakayahang ipaliwanag at bigyang interpretasyon ang mga imaheng nakikita. Media literasi na kakayahang maanalisa ang mga mensaheng nagbibigay kaalaman, nanlilibang at nagagamit araw-araw. Pangkaalamang literasi na kakayahang mapili ang mahahalagang detalye, pinakamabisang hanguan ng impormasyon at pagbabahagi ng mga ito. Inaasahan sa mag-aaral na mauunawaang mabuti ang mga aralin sa pamamagitan ng mga imahe/larawan. Nagagamit ng buong husay ang teknolohiya sa pagtalakay ng aralin. Nakapagbabahagi ng kaalaman gamit ang iba’t ibang mapagkukuhanan ng impormasyon. Naipapabatid ang mga natutuhan sa ibang tao gamit ang teknolohiya.

Ang “Learning and Innovation Skills” ay mga kagamitang pampag-isip. Hinuhubog sa mag-aaral ang pagkamalikhain, mapanuring pag-iisip, paglutas ng suliranin, matalinong pagpapasya at kahandaan at kalakasan ng loob. Sa bahaging ito, naipapamalas ng mag-aaral ang pagkamalikhain sa aralin. Nagagamit ang mapanuring pag-iisip. Nabibigyan ng wastong impormasyon sa paglutas ng suliranin. Nakapagpapasya sa mga isyung tinatalakay sa aralin. Nakahanda at malakas ang loob na gawin ang lahat para sa aralin.  

Ang “Life and Carrer Skills” ay mga kasanayang magagamit upang maisabuhay ang mga natutuhan sa mga araling tinalakay. Hinuhubog sa mga ito na makaangkop at makibagay sa kapaligiran. Makapagpamalas ng kahusayan sa pamumuno at pagiging responsible sa gawain. Mapahalagahan ang lipunan at multi-kultural na kasanayan. Maipakita ang pagkukusa at hindi umaasa sa iba. Magtaglay ng etikal, moral at espiritwal na pag-uugali.

Kaakibat ng mga kasayanayang ito ang kanilang pagiging digital natives batay sa paglalarawan ni Pancho (2012) na nakapag-iisip at kumikilos gamit ang mga makabagong teknolohiya, nakasanayan ang sabay-sabay na paggawa (multi-tasking) at maiksi ang panahon sa pagtuon sa mga bagay-bagay. Nasa bahagi di umano tayo ng Imformation Age kaya isang paglalakbay ang paghuhubog sa kasanayang pagkatuto ng mga ito at kinakailangang tingnan ang mag-aaral na isang bukas na kahon na nakahandang mapunan ng kaalaman. Dahil sa higit na nakikita ng mga ito ang hinaharap ay binuo ang konsepto ng Digital Media Classroom na naglalaman ng makabagong teknolohiya na makatutulong sa pag-aaral ng mga bata, paghubog sa pagkamalikhain at kritikal na pag-iisip ng mag-aaral kasabay ang pagpapahalaga sa integridad at pagtanggap ng responsibilidad sa epektibong paggamit nito. Kaya kinakailangan na bihasa ang mga guro para maisakatuparan ang mga layuning ito. Binigyang-diin sa konseptong ito na ang digital media ay isang midyum ng pagtuturo na maaaring magamit sa hindi tamang pamaaran kaya’t mahalaga na maging maingat sa paggamit nito. 

Ayon din kay Paraluman R. Giron, ang Millenials ay na nasa panahon ng paggamit ng teknolohiya at ang paraan ng kanilang pagkatuto ay nasa paraang biswal, interaktib at kinababagutan ang tradisyunal na pagtuturo. Idiniin niya na ang pagamit ng teknolohiya ay isang pambihirang kagamitang panturo sa kasalukuyan ngunit hindi kailanman man nito mapapalitan ang mga guro para sa mas mataas na kalidad ng edukasyong matutuhan ng mag-aaral.

            Kinakailangang ang mga guro ay makaagapay sa mag-aaral sa kasalukuyan dahil ang mga ito ay mabilis na mapunta ang tuon sa ibang mga bagay lalo’t kung hindi nila gusto ang pamamaraang kanilang nakikita at ang paggamit ng teknolohiya ang pinakamabisang paraan upang makuha natin ng buo ang kanilang atensyon sa pag-aaral (Nevid, 2011).

            Bilang pagtatapos, makikita mula sa mga paglalarawang nabanggit sa Millenials ang kanilang mga mithiin at inaasahan sa bayan. Ang maging malaya, mapakinggan ang kanilang tinig, makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran at maging kapaki-pakinabang na mamamayan. Ang pangunahin at pinakamabisang kasangkapan sa pagsasakatuparan nito ay ang pagsandig sa makabagong teknolohiya. Positibo at punong-puno ng pag-asa ang ipinapakita ng mga ito kaya’t hindi na rin dapat pang pagdudahan ang pahayag na “The millenials will save us all.”


SANGGUNIAN

Atalia, E (2011). Ang Anarconomy at Postmodernismo: I-Like at I-tag sa mga Wall ng Pagtuturo ng Wika at Panitikan. University of Sto. Tomas.

Bilbao & Corpuz (2012). The Teaching Profession. USA: Lorimar Publishing Inc.
Nevid, J. S. (2011). Teaching the Millenials. Observer, Volume IV, Number 25.
Giron, P. (2015) Teaching the Millenials: Making their Learning Environment A Living Organism. Quezon City:The Teacher ProfessiojnVol. VI, No. 1.
Horovitz, B. (2012). "After Gen X, Millennials, what should next generation be?". USA Today. Retrieved 24 November 2012.


Ito ay kalahok sa Saranggola blog awards 8 at nakalink sa www.sba.ph.

Ilagay din ang logo ng ating sponsors (gamitin ang code) sa ibaba ng inyong blogpost entry/ sidebar upang maging opisyal ang inyong lahok.