Lunes, Oktubre 5, 2015

Tayutay




Talinghaga ng Buhay
ni Ma'am WEH  

Pumapalakpak ang tenga sa narinig
Puso ay  tumatalon sa pagkasabik
Sintulin ng tren ang kabog nitong dibdib
Habang ang oras tila pagong pumihit
Hininga’y mapapatid sa pagkainip
Ang humarang titilapon hanggang langit
Kamay na bakal ay aking ipipilit
Kapag angkan ng ahas ay makasingit

Ilang yabag ang bigla kong napakinggan
Hanggang isang ulo’y  nakipagtitigan
Oh Diyos Ama na makapangyarihan
Kasiyahan, salamat ako’y hinagkan
Dalawang anghel ang aking nasilayan
Tawag sakin ngayo’y ilaw ng tahanan!

Dahil sa wala akong makita na akmang padron na akda para sa araling pangwika sa linggong ito, lumikha ako ng isang maikling tula na kinapapalooban ng mga Tayutay upang mas maunawaann ng aking mga mag-aaral. 

Tayutay
v-Sadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita kung kaya’t magiging malalim at piling-pili ang mga salita
v -Palamuti ng tula na nagpapaganda sa pagkakabuo nito

Uri:
A.     Pagtutulad/Simile – paghahambing ng dalawang bagay sa tulong ng mga panulad na salita na gaya, tulad, tila, parang, wari
Halimbawa: Ang kanyang tiyan ay parang kweba.
 
B.     Pagwawangis/Metapora – tuwirang paghahambing ng dalawang bagay
Halimabawa: Siya ay Adonis sa aking paningin. 

C.      Pagtatao / Personipikasyon – paglalapat ng katangian ng tao sa walang buhay na bagay
Halimbawa: Lumuha ang langit sa kaniyang kamatayan.

D.     Pagmamalabis/Hiperbole – sobra sa katotohanan ang binabanggit na pahayag
Halimbawa: Gabundok na damit ang aking nilabhsn. 

E.     Pagpapalit-tawag/Mitonomiya – pagtukoy sa isang salita upang katawanin ang isang bagay
Halimbawa: Si Odin ang haligi ng tahanan.  

F.      Pagpapalik-saklaw/Sinekdoke – tumutukoy sa isang bahagi upang tukuyin ang kabuan
Halimbawa: Ikinagulat niya ang paghingi ng kamay ng kasintahan. 

G.     Pagtawag/Apostropi – ang bagay ay walang buhay at hindi nakikita ay kinakausap na parang buhay at nakikita
Halimbawa: Kaligayahan, kay ilap mo! 

Matutukoy mo ba ang mga ginamit na tayutay sa tula? 
 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento