KAHARIAN NG TUNDUN
Bandila ng Kaharian ng Tundun |
Kinikilala na
isa sa pinakamatandang pook sa Maynila.
Isa sa mga kaharian sa Pilipinas at pinakamatatag na Imperyo sa Luzon. Pinagmulan
ng mahuhusay at matatapang na mga maharlikang Pilipino na huling napabagsak ng mga
Kastilang sumakop sa ating bansa.
Maringal ang
pamumuhay ng mga naninirahan sa pook na ito na nakikipagkalakan sa mga karatig
na bansa tulad ng Malay, Borneo at Tsina. Kinalaunan maliban sa
pakikipagkalakan ay napamahal din ang mga ito sa mga mamamayan ng Tundun kung
kaya’t ang ilan sa kanila ay nakaisang dibdib ng ilang pinuno nito. Kaya’t
hindi nakapagtataka na ang mga naninirahan sa kahariang ito ay multikultural na
pinaghalo-halong lahi ng ating mga ninuno at dayuhang napadpad sa kaharian.
Kakabit ng mga
pangalan ng namuno sa imperyong iyo ang “LAKAN” o “RAJAH” na nangangahulugang pinuno o hari at “DAYANG”
para sa mga reyna. Sa isang Platong Tanso na itinuturing na pinakamatandang
dokumento sa Pilipinas naitala ang kapatawarang ibinigay ng Hari ng Tundun kina
Dayang Angkatan at Namwaran sa kanilang pagkakautang ng 926.4 na gramo ng ginto.
Platong Tanso na Pinakamatandang Dokumento sa Pilipinas |
Sa makulay at
marangya nitong kasaysayan tila naglahong parang bula ang aystetiko nitong
taglay at kabaligtaran ang paglalarawan nito sa kasalukuyan…
Ang marangyang kaharian sa kasalukuyan ay
kinikilalang isa sa pinakamahirap na lugar sa ating bayan.
Ang kalakakan ay
masisilayan ngunit ang dayuhan ang siyang namumuhunan at alipin ang mamamayan.
Wala na ang
kaharian bagkus naglalakihang gusali ang masisilayan.
Kung noo’y
pinapatawad ang nagkakautang ngayo’y halos lahat ay mayroong pagkakautang na
hindi mabayaran na kadalasa’y nauuwi sa paggawa ng kapahamakan.
Katawagang LAKAN
at RAJAH pangalan na lamang ng paaralan o kalsada sapagkat ang higit na kilala ay
si Ayong Salonga na hari ng masa.
Hiling ko sa
Maykapal kung ako’y mapagbibigyan, hanapin ang pamilya na nagkautang at
singilin ang halaga ng ginto na makatutulong sa aking kababayan. Ngunit ako’y
anak sa kasalukuyang panahon na walang karapatan na baliin ang utos ng ninunong
mapag-unawa sa kapwa. Sana tulad nila ang mga nakaupo sa luklukang ipinagkaloob
sa kanila ng madla.
Kung mayroong
natitirang pamana ng nakaraan ay ang taglay na katapangan ng mga mamamayan na
likas sa mga taong nananahan sa lugar. Katapangan na hindi lamang sa
pakikipaglaban ngunit maging sa pakikibaka sa buhay. Sa kabila ng hirap ng
nararanasan ay hindi kailanman sumusuko sa mga hamong kinakaharap araw-araw.
Nawala man materyal na kamayanan
ng aming kaharian ay maipagmamalaki pa rin na kami’y mga anak
ng ninuno naming matatapang!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento