Sa mga nakalipas na araw ay nakararanas na tayo ng panaka-nakang pag-iyak ng langit, hudyat na nalalapit na ang tag-ulan at nabibilang na ang nalalabing araw ng ating pagbabakasyon. Sa pagtatapos ng buwang ito ay PASUKAN NA NAMAN SA ESKWELA at sadyang hindi na ito mapipigilan.
Dalawang linggo bago ang pasukan ay naging abala na ang mga guro sa paghahanda ng pagbubukas ng taong-panuruan na ito. Nagsimula ang Brigada Eskwela habang ang ilang mga guro ay dumalo sa iba't ibang palihan para sa pagsasanay ng bagong kurikulum lalo na sa ikatlong taon nito sa Gra 3 at 9.
Ang palihan ay ang malakihang talakakayan sa isang paksa o higit na sanay na tawaging seminar. Bagamat bitin pa ako sa bakasyon ay kinailangan kong magpaalam na sa paglalakwatsa dahil tawag ng tungkulin ang aking kinaharap. Nangangahulugan din ito ng pagiging abala sa araw-araw at mababawasang muli ang aking oras kapiling ang aking pamilya. Higit sa panahong ito na sa ako'y magbabyahe araw-araw, aalis akong tulog ang aking kambal at babalik sa ganoong kalagayan.
Sa isang linggong palihan na aking dinaluhan ay kinailangan naming manatili sa BSP Hotel, sabi nga ng mga nag-organisa maraming gawaing inihanda at kadalasang matatapos ito ng gabing-gabi na kaya mas mabuting manatili sa naturang tulugan. Isa pa libre naman dahil sinagot ito ng gobyerno kaya sulitin na...
Maganda at naging makabuluhan ang mga paksang tinalakay bagamat hindi na bago sa aking pandinig ay nadagdagan aking kaalaman lalo na sa usapin ng kurikulum sa Senior High School Program. Nakatutuwa ang mga talakayan dahil napakarami naming gawain. Nakakilala ng mga bagong kaibigan mula sa iba't ibang paaralan at nakapagpabahagi ng kaalaman sa mga nakasama ko ng limang araw.
Ang pinakamagandang karanasan ko sa palihang ito ay ang mapili bilang isa sa magpapakitang turo bagamat muntikan ng hindi ito matuloy. Nakatataba ng puso ng ako ang itinuturo nila na maging kinatawan ng mga guro sa Maynila ngunit noong sinasabi na nila na ako ang kanilang napili ay mayroong isang guro na nagpresinta ng sarili na siya di umano ang magde-demo. Nagulat ang lahat at napatahimik na lamang kami lalo na noong sinabi niya ang dahilan kung bakit gusto niyang magpakitang turo. Dahil sa siya ay nagkusa at bilang respeto na rin at mas matagal na siya sa serbisyo ay nagpaubaya ako. Nagkataon na kinakailangan na apat ang magpapakitang turo at naibigay ang dalawang slot sa aming dibisyon kaya napasama pa rin ako :)
Aminado ako na hinahangad ko ang pagkakataong iyon kaya ipinagdasal ko ito at ipinagkaloob ng Panginoon. Hindi naman mahirap sa akin ang pagpapakitang turo bukod sa malakas talaga ang aking loob ay may kakayahan naman akong isagawa ito lalo na ang aking mga naging mag-aaral ay mga guro rin sa Filipino. Sa itinakdang araw ay naging matagumpay ako at nagpapasalamat ako sa feedback na ibigay ng aking kritiko at kapwa ko mga guro kaya umuwi akong tuwang-tuwa hanggang sa ibalita ko ito sa aking pamilya.
Matapos ang matagumpay na palihan noong nakaraang linggo ay muli kaming dumalo sa tatlong araw na Pantag-init na Pasanayan sa Filipino. Nakakapagod man at di tulad noong nakaraang linggo na siksik sa kaalaman at walang gastos ay kailangan naming pagtyagaang dumalo hehehehe. Kumpara noong nakaraang linggo masyadong magulo ito at napakainit pa kaya wala sa pokus ang mga guro.
Kapansin-pansin din ang pulitika sa palihan na ito. Ang mga kapit sa patalim para makuha ang kanilang hangad na promsyon ayun paulit-ulit mong makikita sa harap kahit na ayaw na silang pakinggan ng mga guro. Nakadismaya lamang kasi lantaran ang pamumulitika. Ipinamumukha ng ilan na kung gusto ninyong marating ito kailangan ninyo ako at nangangahulugan ito na magsunod-sunoran sa kanila.Muli kong nakita ang kasabihan sa public "It's not what you know, it's who'm you know." Pero naniniwala pa rin ako na kaya naming iangat ang aming sarili na di nakadenpe sa iba. Kung ayaw kang bigyan ng pagkakataon ay ikaw na mismo ang gumawa ng paraan para sa sarili mong landas na tinatahak. Wala ka pang utang na loob.
Sa pangkalahatan, maliban sa kaalamang inihahatid ng palihan ay higit na karanasan ang makasalamuha sa mga kapwa mo guro sa iba't ibang paaralan na nagiging kaibigan at naghahatid ito ng kasabikan ng muli ninyong pagkikita-kita para sa isa na namang makabuluhang gawain kapiling ang isa't isa.
HANGGANG SA MULING PALIHAN!