Sabado, Nobyembre 29, 2014

Ang Laro sa Dunya’y Di Biro



Ang Laro sa Dunya’y Di Biro
ni Wilma E. Hermogenes

          Espesyal ang araw ng Sabado sa magkakaibigang Effie at Kitter, bukod sa walang pasok ay binigyang kalayaan sila ng kanilang mga magulang na magbabad sa kompyuter ng buong araw. Bagamat nakakapag-online sila ng higit sa isang oras kada araw ay swerte ng makatatlo kung sasabihin nilang may i–re-research na asaynment.
        Sinisiguro nilang makapag-status, like, comment at share. Hindi nagpapahuli sa mga trending at ang pinakakinababaliwan nila’y mga online games.
            “Effie, bagong laro oh, astig.”
            Sabay tingin, “ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO.”
            “Dunya, mundong ginagalawan nina Lambanag, Iraya at Badaw.”
            Klik…
            “Lambanag, tagapangisawa ng laro at taglay ang lakas na makontrol ang liwanag at dilim. Sa sobrang taas, ibayong diskarte ang kailangan upang gantimpala’y makamtan.”
             Klik …           
         “Iraya, sa maamo at berdeng kulay ay nakatago ang lakas na kayang magwasak sa buong Dunya kapag ginalit.”
            Klik…
           “Badaw, may kakayahang bumuo ng iba’t ibang anyo upang magapi ang kalaban.”
           Hindi na nakapaghintay ang dalawa kaya sinumulan nilang basahin ang tuntunin ng laro. Sa simula’y kailangang mabuo ang Dunya at mabuhay ang tatlong karakter, labanan ng isip at diskarte ang puhunan. Kailangan nilang malagpasan ang lahat ng stage nito upang makuha ang BONUS REWARD.
       “Kitter, walang tayuan ito kaya galingan mo. Alalahanin mo bukas banned tayo sa paglalaro, di ako makakatulog pag di natin natapos ito.”
      Padilim na ng halos sabay na napasigaw at napatayo ang magkaibigan, parang nasasaniban sila habang lumiliwanag ang monitor at tila nilalamon sila nito.
             KLIK.. BONUS REWARD.. ENTER…
             VIDEO UPLOADING… ANG LARO SA DUNYA’Y DI BIRO
     Lahat ng nilalang ng Diyos ay may natatanging kakayahan. Kung ang tao ang pinakamatalino sa lahat ay hindi maikukubling naiisahan din ang mga ito ng iba’t ibang espiritung nagkalat sa mundo. Hindi nakikita ngunit kinakatakutan sa kaunti nitong pagpaparamdam. Ang mga nalikha sa natural na pamamara’y labis na pinapakinabangan ng tao na patuloy sa pagbibigay, wala itong reklamo kahit na  minsan’y naaabuso. Kapag hindi na makayanan ang ginagawa ng tao, kumikilos ng hindi inaasahan at walang nakapipigil sa lakas nitong taglay.
           Ito ang pagpapatunay na bago ang tao, Dunya ang inunang binigyang buhay at upang mapalitaw ang aystetikong kaanyuhan isinabay sina Lampanag, Iraya at Badaw. Paikot-ikot lamang itong si Dunya. hindi ito pisikal na nakikita ngunit madadama ang kanyang presensya lalo na sa pagkakataong sila’y naglalaro, nakabantay lamang ito sa kanilang ginagawa.
            “Aray! Bakit tinapakan mo naman ang aking paanan?”
            “Pasensya na, di ko napansin ang dilim pa kasi kaya kailangan na nating gisingin si Lampanag at ang himbing pa ng tulog.”
            Napako ang dalawa sa panginorin. Nabatubalani ang kanilang isip kaya sa lakas ng enerhiya nila’y nagresulta ng iisang pagkilos. Nagtulakan sina Iraya at Badaw na kapwa ayaw magpagapi. Humampas ang tubig at nag-umpukan ang lupa. Sa pagsasalubong ng kanilang lakas, nakalikha ito ng kakaibang ingay. Ilang saglit pa’y nagliwanag na ang kapaligiran.
            “Ano bang pinaggagawa ninyo? Naputol tuloy ang maganda kong panaginip!”
         Nakangiti ito habang nakatingin kay Iraya. Nahalata ito ni Badaw kaya bigla itong kumalas kay Iraya kaya napahampas ang malaking alon.
            “Aray ko! Nananadya ka na talaga Iraya ha.”
            “Bakit mo ba ako biglang kinalasan? Ang sakit no’n ha.”
            “Tumigil na nga kayo at mabuti pa’y simulan na nating maglaro.”
            Si Lampanag ang namumuno ng laro sa Dunya.  Nag-uunahan sina Badaw at Iraya na abutin si Lampanag.
            Bubwelo si Iraya para makaipon ng malaking lakas at magpapaikot-ikot hanggang sa siya’y mabigatan at sabay hihinto. Titilamsik ito pataas at iduduyan ang sarili ng paulit-ulit hanggang sa makakaya niya upang maabot si Lampanag.
        Susunod sa kanya si Badaw. Bubuo muna siya ng matibay na pundasyon at pabloke-bloke niyang pagpapatong-patongin ang sarili hanggang sa makabuo siya ng hugis tatsulok papataas kay Lampanag.
            Hahampas ang tubig ngunit mabilis ding bababa.
            Papataas ng papataas ang lupa ngunit guguho ring bigla.
          Walang gustong sumuko at tila wala itong mga kapaguran hanggang si Lampanag na ang antukin sa kanilang pinggagawa.
         “Tigil na muna natin ito at bukas na natin ituloy.” Sabay ang malakas na paghikab at maya-maya’y magdidilim na ang paligid. Walang magagawa sina Iraya at Badaw kundi ang magpahinga.
         Magkukunwaring tulog si Badaw at sinusuguro muna niyang payapang natutulog na si Iraya. Ilalapit niya ng bahagya ang sarili upang madampian si Iraya na magpapaaliwas ng kanyang pakiramdam at mahimbing nang makatutulog.
         Dito na mapapayapa si Dunya at muling magpapaikot-ikot upang masigurong maayos lahat. Walang ingay na maririnig maliban sa panaka-nakang pagduyan ni Iraya.
          Bago magising sina Iraya at Badaw, nakagawian na ni Lampanag na pagmasdan ang kalmadong si Iraya. Upang hindi siya mahalata, sinisilip lamang niya ito para hindi lumikha ng nakakasilaw na liwanag. Ilang saglit pa’y tuluyan ng didilat si Lampanag at inuuna niyang gisingin si Iraya upang makausap.
     Sa umagang iyon, nagulat si Iraya kay Lampanag kaya humampas ang tubig ng pagkataas-taas na halos makaabot na sa kinalalagyan ng kaibigan.        
           “Naku sayang muntik na kitang maabot, kung nagkataon tulog pa si Badaw!”
         Sa pagkainis nito’y akmang kikilos ito upang gisingin si Badaw ngunit pinigilan siya ni Lampanag.
            “Hayaan mo muna siyang matulog at gusto kitang makausap ng sarilinan.”
            Napahinto si Iraya at pinagmasdan ang kausap sa kakaiba nitong kinikilos.
           “Alam mo Lampanag ang aliwalas mo ngayon kumpara kahapon na malamlam ang iyong kulay.”
          Lalo pang pumuti ang panginorin at sa paggalaw nitong si Lampanag ay bumuo ito ng hugis puso.
            “Pagmasdan mo akong maigi Iraya at magpapakita ako ng mahika.”
            Mula sa pinakamalaking puso bigla itong nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat. Inulit ito Lampanag ngunit dinahan-dahan niya upang maibatid kay Iraya ang mensahe.
            Malaking puso.
            Nahati sa lima, naging dalawa, lima uli at huli’y apat na puso.
            Balik sa malaking puso.         
        “Noon pa man Iraya napansin ko na ang iyong kariktan at hindi ko na mapigilan ang aking sarili na ika’y pagmasdan at bantayan. Kung hindi mo ako maabot sating paglalaro, hayaan mo akong kumapit sa pinakamataas mong pagtalon at makasisiguro kang hindi kita bibitiwan.”
        Nagpaalon-alon si Iraya sa kanyang narinig at hindi alam kung papaanong tatanggapin ang mga narinig. Bago pa siya makapagsalita’y nakarinig siya muli ng isang tinig.
         “Pasensya ka na Lampanag, sa aking narinig mukhang hindi na matutuloy ang naunsyami nating paglalaro at hindi na kailanman mangyayari.”
        Unti-unting lumalamlam ang panginorin at si Badaw ay nagiging agresibo na nagdudulot ng pagkabiyak ng mga lupa.
          “Badaw, magtigil ka! Hayaan mo akong kausapin si Lampanag.”
        Mula sa maliliit na alo’y tumitilamsik at humampas ang tubig bago magpatuloy si Iraya. Dinadama niya ang presensya ni Dunya, kailangan niya ng tulong nito. 
            “Kaibigang Lampanag, bago pa man ang iyong pagtatapat kinausap namin ni Badaw si Dunya. Ngunit dahil sa napagod ka sa ating paglalaro kahapon, nabinbin ang gagawin naming pagbabalita sayo.”
            “Humingi ako ng permiso kay Dunya na pag-isahin kami ni Iraya. Ikaw sana ang gusto naming unang pagsabihan ngunit ito’y paglabag sa kanyang kautasan.”
            Nakatingin lamang si Lampanag sa dalawa ngunit ang totoo ayaw na niyang marinig pa ang sasabihin ng mga ito.
            “Sinaktan ninyo ako kaya’t magtutuos tayo. Ipagpatuloy natin ang ating paglalaro. Abutin ninyo ang aking kapatawaran!”
            Bigla-biglang dumilim ang paligid at nais pakalmahin ng dalawa ang kanilang kaibigan ngunit ang larong kanilang kinaugalia’y naghuhudyat ng panibagong yugto at sa ganitong pagkakataon tulad na rin ng kanilang napagkasunduan ay hindi dapat ipagpaliban lalo’t ipinahayag na ni Lampanag ang pagbubukas ng kanilang gawain. Sa pagkakataong ito, kakaibang laban ang dapat nilang ipanalo.
            “Para sa ikakapanatag ng iyong kalooban at patunayang mahalaga ka sa amin, simulan na natin ang ating paglalaro.”
           Sa unang pagkakataon si Lampanag ay naglabas ng mga tubig na nagpabigat kay Iraya at malalakas na alon ang kasunod nito. Nahihirapan siyang makabwelo ngunit pinilit niyang magpaikot-ikot. Si Banaw naman ay halos matunaw at mabaon sa kanyang pwesto. Ginamit niyang pundasyon ang nabasang lupa at nagpatuloy sa pagtaas kahit gumuguho ang nabiyak niyang bahagi.
          Yumayanig na ang Dunya ngunit nagpatuloy sa paglalaro ang tatlo.                                                  Humampas ang tubig ngunit bigla ring bumaba.
          Tumaas ang lupa ngunit gumuhong bigla.
      Nakadama na ng matinding pagod ang dalawa ngunit hindi nila gustong sukuan ang kanilang kaibigan. Inubos nina Iraya at Banaw ang huli nilang lakas. Inikot-inot ni Iraya ang tubig at hinudyat ang gagawin niyang paghampas upang tumilamsik paitaas. Nakakita ng pagkakataon si Badaw, pinagpatong-patong muli ang lupa mula sa matibay niyang pundasyon.
            Pagbwelo ni Iraya sinalubong ito ni Badaw. Nagtalsikan ang malalaking alon at nagkalat ang mga bahagi ng lupa kung saan-saan,  ang ilang bahagi nito’y umabot kay Lampanag.
         Ilang saglit pa’y kumalma na si Iraya, nabasa ang kabuan ni Badaw at nagliwanag si Lampanag.
    “Patawarin ninyo ako Dunya at nilapastangan ko ang inyong kagustuhan. Ako’y sumasang-ayon na sa inyong kagustuhan.”
      Matapos ang kanyang pahayag ay mabilis na nagpaikot-ikot ang Dunya, nanatili si Lampanag sa panginorin habang sinasaksihan niya paggalaw ng tubig at lupa. Ang dating magkadikit lamang na si Iraya at Badaw ay napag-isa. Nakapalibot sa tubig at ilalim nito ang lupa upang maprotektahan siya.
   Hindi nagtagal ay naglitawan sa iba’t ibang bahagi ng tubig ang mga anyong lupa na mapuputi at maiitim na pinulbos na buhangin. Pagkaraan nito’y sumunod ang mga batong matutulis na sa bawat panahon ay tumataas, lumalawak at nagkaroon ng mga luntiang tanawin.
     Higit na naging masaya sa Dunya, lumawak ang katubigan at nahati ito ng mga kabundukan na siyang naging bunga ng pagmamahalan nina Iraya at Badaw. Nagpatuloy ang paglalaro ng mga ito. Naroon pa rin si Lambanag ngunit kung noo’y napakahirap niyang abutin, halos kasintaas lamang niya ang ilan sa mga bago niyang kalaro.
     Kaya sa pagkakataong nakararamdam ang tao ng hindi inaasayang pangyayari na likha ng kalikasan marahil nakaistorbo tayo sa paglalarong nagaganap sa Dunya at hindi natin mapipigilan ang kanilang ginagawa.
      MUSIC… REPLY… NEXT… PREVIOUS 
   Kakaibang premyo ang natanggap nina Effie at Kitter na nagpamulat sa kanila na makisangkot sa pangyayari sa kapaligiran gamit ang Social Media. Kaya naman bago sila tumayo’y nag-post sila sa kanilang group accounts. Nilagyan ng caption na #angLAROsaDUNYAYdiBIRO upang ito’y maging trending at makakuha ng BONUS REWARD.

Ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6 Kwentong Pambata
www.sba.ph       
 
 
 

Biyernes, Agosto 15, 2014

AMBAG SA PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKA

             Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito ay isang puspusang pakikipaglalaban hindi lamang ng mga guro at tapagataguyod ng ating pambansang wika kundi maging ng lahat ng Pilipino. Higit na nakabubuti kung ang lahat ay makikisangkot sa panawagang aming ipinaglalaban dahil bahagi ito ng ating pagkakakilanlan at ito ay isang pambansang kamalayan. Minabuti ng inyong lingkod na gumawa ng isang pagtatalo patungkol sa usaping ito sa anyo ng Batutian na itatampok sa programa ng aming kolehiyo sa darating na Biyernes.

           Ang Batutian ay isang anyo ng panitikang pagtatalo na ang pangunahing inspirasyon ay ang Makata ng Pag-ibig na si Jose Corazon De Jesus na nakilala sa sagisag panulat na Huseng Batute ng siya ring pinaghanguan ng pangalan nito. Isa itong pagtatalo na layuning ilahad at pangatwiranan ang isang napapanahong paksa sa pamamagitan ng pakikipag-asaran at pagyayabangan na sa huli'y nauuwi sa pagkakasunduan at uruyan o awitan.

           Ito ang gagamiting piyesa na mga magsisiganap sa Batutian:

Piyesa para sa Batutian

Paksa: Artikulo XIV,Seksyon 6 laban sa CHED Memo No.20

Klasismong Pananaw sa Kalagayan ng Asignaturang Filipino sa Antas Tersarya (lalabindalawahing pantig)

Pamagat:
Tunggalian ng mga kalatas, alin ang dapat na umatras: Artikulo ng Saligang batas  o Memorandum ng Ahensyang Magpapatupad?
ni Wilma E. Hermogenes

(Pagpapatugtog ng awitin habang pumapasok ang Lakandiwa at mga magtatalo)

Lakambini:
                Magandang hapon giliw kong kabababayan
                Bigyan akong masigabong palakpakan! (Huminto at ngumiti sa manonood)
                Muling tumatayo sa inyong harapan
                Itong Lakan na wagas ang kagandahan
                Upang pamunuan ang balitaktakan
               
                Ngunit bago ko ito pasinayanan
                Marapat na kayo’y paalalahanan
                Baka magpadala sa nararamdaman
                At bigla mo akong kunin sa tanghalan    
                Upang maiuwi sa inyong tahanan

                Ang magtatalo’y kapwa pinasakitan
                Inisip na sila ay magugustuhan
                Mantakin mo ang kanilang kahambugan
                Maging hangin ginapi sa kayabangan      
                Kaya’t magsikapit sa inyong upuan!
               
                Hindi naman hangal ang mapapakinggan 
                Marami rin sa kanlang matututuhan
                Kailangan nila na pangatwiranan
                Mainit na isyu sa kasalukuyan
                Upang lahat tayo ay maliwanagan!

                Ang wika na ating pagkakakilanlan
                Itinakdang ituro sa paaralan
                Sa lahat ng antas ay matutunghayan
                Upang ito ay patuloy na malinang
                Intelektwalisasyo’y ating makamtan .

                Ngayon ay nanganganib ang kalagayan
                Sa kolehiyo ito’y pinapalisan
                CHED ay naglabas ng isang kautusan
`               Memo 20 Filipino’y iiklian
                Hanggang hayskul na lang mapag-aaralan.

                Ito ay isang pambansang talakayan
                Nararapat natin itong kasangkutan
                Suriin kung ano ang may kabisaan
                Ang Saligang Batas na pinasinayan
                o Memorandum na isang kautusan?

                Ito na ang mga makata ng bayan
                Pagpapakilala’y silang naatasan
                Tiyak na dadalhin sariling bangkuan
                Sila’y pansamantalang magbabangayan
                Kakalimutan munang magkaibigan!

(Pagpapatugtog ng Pinoy Ako Intro, instrumental)

Percival:
                Itong pagngiti ang una kong sandata
                Nang mapabatid ideyang mahalaga
                Tiyak kong gigisingin inyong haraya
                Habang ibinubulalas itong paksa
                Tuon sa akin ay hindi mawawala 

                Percival ang pangalan nitong makata
                Sa bayan ng Bulacan ako nagmula
                Sa  Caloocan, papakadalubhasa
                Sa bansa’y magiging sikat na artista
                Huwarang guro sa lahat ng eksena

                Tungkulin ko ngayo’y sadyang naiiba
                Ipagtatanggol batas ng itinakda
                Itaguyod, linangin wikang pambansa
                Ang Filipino bilang asignatura
                Nararapat ituro hanggang tersarya!

(Pagpapatugtog ng Dooobedooodoo/Boom Panes)

Bryan:
                Higit sa pagngiti ang aking pambungad
                Upang tuon ng madla’y sakin ilagak
                Tingnan mo at lahat pa ay napaindak
                Wala pa naman akong isinasaad
                Hanggang sa huli kayo ay magagalak !

                Kabataang punong-puno ng pangarap
                Sa sarili’y pinangakong magsisikap
                Diploma sa kamay ko’y mailalapat
                Maiaahon ang pamilya sa hirap
                Bryan, katuwang ng bayan sa pag-unlad!
               
                Upang maisakatuparan ang hangad
                Kalidad ng pagkatuto ay iangat
                Sa isang kautusan ay inilahad
                Filipino’y hindi naman winawasak
                Ililipat lamang kung san nararapat!

Percival:
                Pagsulong ng baya’y wala sayong palad
                Kahangalan kautusang inilahad
                Na sa iyong pananaw ay nararapat
                Wika nga ay hindi ninyo winawasak        
                Ngunit ito nama’y inyong niyuyurak!
               
                Mahiya ka sa kulay ng iyong balat
                Buhay mo ay hindi pa man umaangat
                Iyong pagmamarunong ay walang puknat
                ‘Di ka henyo upang ika’y  makisabat
                Huwag magpanggap, hindi ka naman sikat!

Bryan:
                Kaibigan ikaw ay maghinay-hinay
                Baka puso’y bumigay, ika’y mahimlay
                Winika’y pakinggan bago ka mangisay
                Napakarami ng iyong sinalaysay               
                Ito naman ay walang kabuhay-buhay

                Balat natin diba’t iisa ang kulay
                Ngunit utak mo ay sinliit ng palay
                Sa pag-unawa ikaw ay sumasablay
                Wasak at yurak ay magkaibang tunay
                Di ako sikat, san naman iyong husay?

Lakambini:
                Pasintabi bago pa magkapikunan             
                Mukhang kayo ay may pinaghuhugutan
                Huwag muna ninyo akong pag-agawan
                Ang paksa ang dapat na pangatwiranan
                Ito’y pagtatalo, walang personalan!

                Nasimulan na ninyong magkayurakan
                Nasambit pangunahin ninyong dahilan
                Ipagpatuloy na ang inyong huntangan
                Saligang batas o isang kautusan
                Alin ang  higit na pakikinabangan? 

Percival:
                Marapat muna na ika’y maturuan
                Nang sa gayon ikaw ay maliwanagan 
                Huwag mag-alala walang kabayaran
                Sapat nang makita kang mahimasmasan
                Kaya’t buong husay mo akong pakinggan!

                Artikulo labing-apat , Seksyon anim
                Filipino ang wika na itinanim 
                Ugat nito’y  sadyang walang kasinlalim  
                Hanggat hindi napapalitan ang talim
                Ihasik optimistiko nitong lagim
               
                Ikaw ngayon ay nasa antas tersarya  
                Ika’y tumingin sa aking mga mata
                Buong puso mong sagutin ang kataga
                ‘Di mo ba kaylangan sayong pagtatasa
                Ang paggamit ng ating pambansang wika?

Bryan:
                Tila ako’y iyong pinaparatangan
                Na mulala sa wika na kinagisnan 
                Batid ko ang lahat ng iyong tinuran
                Wala akong dapat na sayo’y bayaran
                Di ako natinag saking katayuan

                Ang aking tugon sa tanong mong nabinbin
                Taas noo  ko pa itong sasagutin
                Wika’y hindi maiiwasang gamitin
                Mas madaling magbulalas ng damdamin
                Kung wikang Filipino ang pairalin

                Ang memorandum na aming inihain 
                Wika ay di intensyong balewalain
                Ililipat sa hayskul upang linangin
                Sa tersyarya ito ay pagyayamanin
                Wikang panturo sa maraming aralin

Percival:
                Damang-dama ko na ang aking tagumpay
                Ikaw talaga’y kaibigan kong tunay           
                Ikaw na mismo ang siyang nagpatibay
                Filipino ay hindi dapat mahimlay
                Sa kolehiyo tuloy ang pagpupugay

                Itong si James na dati kong kaalitan
                Sa tuwing siya ay aking pakikinggan  
                Mantakin mong ilong ko’y laging duguan
                Ngayon kami ay nagkakaintindihan
                Wika ay kanya ng napahalagahan

                Gamit ng wika noo’y sadyang praktikal
                Sa kolehiyo nya nabigyang parangal
                Natutuhan niya taglay nitong dangal
                Hiling nya ngayon sa tulad ninyong hangal
                Filipino gawing wikang propesyonal

Bryan:
                Paalala katoto kong nahihibang
                Ika’y kalahok at hindi inampalan
                Upang ariin ang aking karangalan
                Mamaya pupulutin ka sa kangkungan
                Tangay pa ang marilag na kasintahan 

                Baka si Pepe ay iyo pang banggitin
                at palasak na tinuran ay sambitin
                Sapagkat maging siya kung tutuusin
                Sasang-ayon sa aming mga hangarin
                Maninindigan siya sa panig namin!

                Sa pagtatamo niya ng karungan
                Kahit pa sa kanyang mga katitikan
                Ginamit ba niya ang wikang kinagisnan?
                Syang kumakatawan sa kabayanihan
                Sa ibang wika natamong kahenyohan !

Percival:
                Di ka lang hangal, isa pang lapastangan
                Maging si Pepe’y  iyong pinaratangan

Bryan:
                Ang winika ko’y pawang katotohanan
                Pagtitibayin ito ng kasaysayan

Percival:
                Wala naman tayong dapat pagbangayan
                Pagkat ako nama’y sinasang-ayunan

Bryan:
                Ikaw nama’y wala sa iyong higaan 
                Baka sa panaginip iyang tiruran!

Percival:
                Susupilin na ang masama mong asal
                Ibasura ang kautusang niluwal  
                Tanungin mo maging di nakapag-aral
                Saligang batas ang dapat na umiral!

Bryan:
                Batas ay hindi ko kayang talikuran
                May kaakibat itong kaparusahan
                Bawat ahensya’y mayron ding karapatan
                Bumuo ng atas sating kabutihan 
               
Percival:
                Kabutihan bang ibaba itong wika
                Ipagpalagay na di pandalubhasa?

Bryan:
                Uulitin ko ito’y hindi nilagas
                Lilipat  lamang sa ikalawang antas

Percival:
                Filipino’y ituro hanggang tersarya
                Susi sa pag-unlad at pagkakaisa


Bryan:
                Globalisasyo’y paano matutugunan
                Huwag ng pairalin ang kadramahan

Percival:
                Wika’y ipakilala ng maging global
                Hanggang Filipino’y maging unibersal

Bryan:
                Kaisa mo ako sa naturang pangarap
                Ngunit harapin muna ang reyalidad
               
Lakambini:
                Tigilan na ang mainit na huntangan
                Sapagkat ako ang syang nahihirapan
                Luha’y tumulo habang pinakikinggan
                Ang wika na ating pagkakakilanlan
                Ito ay kapwa pinapahalagahan 

                Magkaiba lamang sa kadahilanan
                Sa pagtaguyod iba-ibang paraan
                Tayong lahat ang syang magiging talunan
                Kung wika’y di magamit sa paaralan        
                Hiling ko sana’y huwag malimitahan

                Sa puntong ito dapat kong pagsisihan
                Kayo ay pinagsarhan ko ng pintuan 
                Gayong hanap sa kasuyo’y makabayan
                Halina kayo’y maglapit, magkamayan
                ‘di matatawaran inyong kahusayan  
               
                Kung sino man ang nagwagi at talunan
                Ang pagpapasya’y nasa kamay ng bayan
                Percival… sa batas ay naninindigan 
                Byan… memorandum ay may kabutihan
                Bigyan silang masigabong palakpakan

                Filipino’y wika ng pagkakaisa
                Payayabungin natin ng sama-sama 
                Katulong nang iba pang wika sa bansa
                Bago ipinid ang masayang programa
                Makisaliw sa uruyang inihanda.

Pag-awit ng “Ako’y Isang Pinoy”