PAMBANSANG PAMILIHAN NG PINAS
- SPECIAL REPORTS
- SUNDAY, 01 DECEMBER 2013 06:13
- WILMA HERMOGENES
ISA sa pinaka-busy na lugar sa Pilipinas sa buong taon ang pamilihan sa Divisoria, Maynila. Sa kahit na anong okasyon ay ito ang tinatakbuhan ng karamihan na nagnanais na makabili ng mura subalit may mataas na kalidad na produkto.
Sa nalalapit na kapaskuhan ay mas naging maingay at aktibo ang kalakalan sa kahabaan ng Claro M. Recto sa Maynila at mararamdaman na ang matinding trapik simula sa Rizal Avenue na naghuhudyat na bumubuhos na ang mga tao na pumupunta ng Divisoria upang makapamili.
OPEN FOR ALL SEASONS
Noon pa man ay kinilala na ang Divisoria na isa sa mga sentro ng kalakalan sa buong bansa.
Walang pahinga ang transaksiyon sa lugar na ito dahil aktibo ang mga tindahan sa buong taon mula umaga hanggang gabi, tag-init man o tag-ulan.
Higit na dinudumog ito ng mga parokyano kapag may mga natatanging okasyon sa ating bansa tulad ng Pasko, Bagong Taon, Valentine’s Day at maging ang Araw ng Patay.
Sinasabing lumuluwas pa ang mga iba nating kababayan mula sa kani-kanilang probinsya upang dito bumili ng mga kagamitan na kanilang kailangan.
Ang ilan naman ay bumibili ng pakyawan upang gamitin sa negosyo na naibebenta sa mataas na halaga. Pabalik-balik lamang sa lugar na ito ang mga mamimili na nanirahan sa Kalakhang Maynila na kung saan ay mayroon na silang kani-kaniyang suki na kinukuhaan ng kanilang mga produkto.
Kaya naman masasabi nating ang Divisoria ang lugar na walang pahinga at walang pinipiling panahon.
SPOT THE RIGHT PLACE
Sa laki ng sakop ng Divisoria ay kinakailangang alam mo ang eksaktong lugar na pupuntahan upang hindi maubos ang oras sa paghahanap ng pagbibilhan ng kailangan mong produkto.
Narito ang mga pangalan ng kalye kung saan nakapuwesto ang iba’t ibang kalakal.
Kung ang hanap mo ay mga souvenir item, iba’t ibang tela at school supplies ay magtungo ka sa Tabora St.
Sa kahabaan ng Juan Luna St. naman nakapuwesto ang mga pakyawan ng t-shirts, towels, panyo, sando, mga gamit sa pananahi, laruan, linelium at mga kagamitang gawa sa plastik.
Ang mga punda, foam sa kama, folding bed, gamit sa bahay at kusina ay magkakatabing makikita sa Soler St.
Maaari ka ring magtungo sa Padre Rada St. kung ang hanap mo ay mga electronic appliances, cabinet, upuan, glass wares at mga kalan.
Matatagpuan naman sa Carmen Planas St. ang mga bagsakan ng gulay, prutas, dry foods na isda at lamang dagat at sa ilang tindahan ang mga karne ng baboy, manok at isda.
Tahakin din ang Ylaya St. sa mga bargain na damit, sapatos, tsinelas at iba pang accessories na hanap mo.
Matatagpuan din sa mga bangketa (kahabaan ng C. M. Recto) ang tabi-tabing tindahan ng mga accessories sa gadgets at mga pirated DVD’s.
Kung ayaw mong mapagod na puntahan ang mga kalyeng ito ay maaari kang mamili sa masayang night market sa Divisoria dahil halos magkakasama at magkakadikit ang iba’t ibang produkto sa kalye ng C. M. Recto at tapat ng Tutuban Mall.
CHINA INVADES DIVI
Hindi lamang mga taong nagtitipid ang makikitang namimili ngayon sa Divisoria. Nakikipagsabayan na rin ang lugar na ito sa mga sikat at naglalakihang malls sa ating bansa. Sunod-sunod na naitayo ang malalaking mall at halos magkakarugtong ang mga ito. Nariyan ang 168 Mall, 999 Mall at ang pinakabagong naitayo ang China Town Mall.
Sa mga gusaling ito ay makabibili ka rin ng lahat ng produktong hinahanap sa Divisoria. Higit na komportable ang pamimili rito dahil airconditioned at madali mong mahahanap ang mga gusto mong bilihin dahil magkakasama sa bawat palapag ang mga magkakaparehas na produkto. Kapansin-pansin sa mga mall na ito na ang karamihan sa mga nagmamay-ari ng mga tindahan ay mga dayuhan na hirap magsalita ng Filipino at ang kanilang mga tindera ay mga Pinay.
Ayon nga kay Rona (isang tindera) “Kung minsan akala mo wala ka na sa Pinas kasi ang madalas na maririnig mo ay kanta at palabas na Chinese.” Dagdag pa niya, mababa lamang magpasahod ang mga ito at wala pa sa minimum wage pero pinagtitiyagaan nila kaysa walang trabaho. Ang isa pang suliranin nila sa kanilang kalagayan ay nararamdaman nila ang kawalang tiwala ng mga amo nila sa kanila. Todo ang inspeksyon sa kanilang mga gamit sa pag-uwi at pakiramdam nila kung minsan ay pinagdududahan sila. Pagtatapos pa niya “Sana tayong mga Pilipino ang may mga ganitong puwesto rin na nagpapayaman sa ‘tin (Pilipinas).”
Sa mga bagong tayong gusali na ito ay hindi pa rin nagpapahuli ang Tutuban Center Mall at Cluster Building II na mga kauna-unahang naitayong mall sa Divisoria na kakakitaan ng pagka-Pinoy sa arkitektura na kung saan karamihan sa mga negosyante rito ay mga Pilipino.
TIPS PARA STRESS-FREE SA PAGPUNTA NG DIVI
Pangunahing dahilan ng mga mamimili sa pagpunta ng Divisoria ay upang makatipid. Ngunit alalahanin natin na nagkalat rin sa lugar na ito ang mga nakaabang na may masasamang balak sa mga mamimili lalo’t alam na alam ng mga ito na may mga dalang salapi ang mga parokyano. Kaya isaalang-alang ang mga sumusunod sa pagpunta ng Divisoria:
· Gumawa ng listahan ng mga produktong bibilhin upang hindi maubos ang oras sa pamimili.
· Magdamit ng simple at iwasang magsuot ng alahas upang hindi takaw pansin sa mga mandurukot.
· Hangga’t maaari huwag ng magdala ng mamahaling cellphone o gadget nang makabawas rin ng mga dalahin at alalahanin.
· Gumamit ng katamtamang body bag sa pamimili, siguraduhing nakadikit ito sa inyong katawan at pakaingatan.
· Umiwas sa mga lumalapit na mga tindero na nagpipilit na bilhin ang kanilang produkto, hangga’t maaari huwag pansinin kung ‘di ka interesado sa produkto upang hindi ka na sundan.
· Huwag basta-bastang iwan ang mga gamit.
· Pakinggang mabuti ang sinasabi ng tindero lalo’t tungkol sa presyo nito.
· Bilangin ang pera/sukli bago umalis at kilatising mabuti ang mga ito upang maiwasang malinlang.
· Mas maiging bumili ng pakyawan upang higit na makamura.
· Kilatising mabuti ang mga produktong binibili bago bayaran.
· Kung masyadong mura ang presyo, magduda at subukang magtanong sa ibang tindahan na may katulad na ganoong produkto.
· Matutong makipagtawaran, kalimitan ang orihinal na presyo ng produktong binibili ay kalahati ng naka-display na presyo.
· Maging mapanuri at alerto sa lahat ng pagkakataon.
nasa magkanu po ba ang halaga ng isang box ng ponkan na maliit at apple..yung mababang presyo po..salamat
TumugonBurahinnasa magkanu po ba ang halaga ng isang box ng ponkan na maliit at apple..yung mababang presyo po..salamat
TumugonBurahinGaling ng post na to. Very informative! Mararming salamat!
TumugonBurahin