Si Ririz at Ako :)
Mahiyaing dalaga’y aking nakilala
Ni’ di ko siya napapansin sa simula
Tahimik sa klase at di nagsasalita
Siya’y maramdamin kung kayat minsa’y wala.
At dumating ang araw na siya’y napansin
Siya’y parang bata na napakaiyakin
Balat sibuyas at lahat ay dinaramdam
Kaya’t kaibigan ay mahirap matagpuan.
Ramdam kong siya’y may tinatagong kalungkutan,
Labis na pang-unawa’y sa kanya nilaan.
Dumating samin ang isang pagkakataon,
Kami ay nagkasama’t nagkamabutihan.
Ito ang simula ng pagkakaibigan
Nilihim sa lahat upang ‘wag matuklasan
Kami’y nagkikita upang sya’y matulungan
Ngunit ng tumagal kayraming natuklasan.
Sandali mang oras na kami’y magkapiling
Ngiti sa kanyang mukha’y aking nasilayan
Kataga sa kanya bibig aking narinig
Tinatagong katauha’y aking nabasag
Sinikap kong ipakilala siya sa iba
Nang sya’y maunawaan at may makasama
Ngunit sa tuwina di siya nakakatagal
Sa isip niya’y kayraming sumasagabal
Alam kong di habambuhay na magkasama
Sa ngayo’y lahat gagawin para sa kanya
Kahit na minsa’y ako’y binabalewala
Pagmamahal ko sa kanya’y di mawawala
Tulang nilikha para sa kanya kung hindi ako nagkakamali ay anim na taon na ang nakakaraan. Anim na taon simula ng siya ay dumating sa aking buhay. Ang isang batang nagmula sa lalawigan, hindi napapansin dahil madalas na siya'y wala ngunit kinalaunan ay naging sentro ng atensyon ng lahat dahil sa madalas na siya ay umiiyak na tila isang mag-aaral sa elementarya (FIRST YEAR HS siya noon at pansinin siya kung tutuusin). Naalala ko pa ang isang eksena niya noon, nasa tapat kami ng faculty room at iyak siya ng iyak sa upuan habang pinapakalma namin siya ng kanyang yagapag-alaga. Biglang dumaan ang mga grade school sabi ng mga bata "Teacher, teacher bakit siya umiiyak?" Kahit na lahat ay nakatingin na sa amin ay patuloy pa rin siya sa pag-iyak at napakahirap talaga niyang patahanin kaya ang ending iuuwi na lamang siya ng kaniyang tagapag-alaga upang sa bahay na patahanin.
Ngunit marahil sa kakaibang gawi niyang iyon, ito ang naging batubalani (magnet) upang magkaroon kami ng malalim na ugnayan. Isa siya sa mga natatanging bata na dumaan sa akin na masasabi kong pinakaespesyal at hindi kailanman mawawala sa aking puso. Saan man siya mapunta lagi ko siyang naaalala. Kaya sa tuwing mababatid ko na masaya siya at malaki ang pagbabago sa kanya ay higit akong natutuwa. Ngunit kapag nababatid kong bumabalik ang mga panahong nag-iisp siya ng husto at walang naiisip na maganda labis ang aking pag-aalala dahil ako mismo ang nakasaksi noon kung paano siya halos sumuko at mawalan ng pag-asa. Maski sinong makakita noon wala ng iba pang iisipin kundi paaano siya matutulungan, papaano siya mapapasaya..
Naalala ko pa nga noon kasa-kasama ko si Michelle (isa pa niyang guro na malapit din sa kanya), lagi namin siyang inaalala kaya kapag kasama namin siya ay puro kami kainan, kwentuhan at tawanan para kaming magbabarkadang walang iniintinding oras. Ang pinakamahirap pang bahagi kapag kami magkakasama ay ang pag-uwi, ihahatid pa niya kami sa sakayan pero asahan mo ang isang oras bago pa ako makauwi. Magkukwentuhan uli bago sumakay kapag may dumating na dyip hindi paparahin, sasabihin niya "Yung kasunod na lang na dyip." Hanggang sa di mabilang na sasakyan na ang dumaan bago ako tuluyang sumakay. Magpapaalam at kakaway pero nakikita ko siyang malulungkot habang nakatingin sa akin at kung minsan pa nga naluluha siya kapag nasa loob na ako dyip. Madudurog na ang puso ko noon kapag nasa ganoong eksena na kami, kung wala pa siguro akong pamilya noong mga panahon iyon malamang sa kanila na ako nakatira.
Sa ngayon, hindi na kami madalas na nagkikita dahil nilisan ko na rin ang lugar kung saan kami parehong naglalagi. Sa maliit na kahon na lamang kami nakakapag-usap at inaantabayan ang mga nangyayari sa kanya sa bawat katagang ibabahagi niya sa kanyang FB. Kung minsan akala niya hindi ko siya pinapansin at nakakaistorba siya sa akin pero alam ko na naman na miss na miss lang niya talaga ako at higit pa ang nararamdaman ko roon. Hindi masusukat ang pagpapahalaga at pagmamahal na iniiaalay ko sa kanya. Lagi ko siyang isinasama sa aking panalangin at hangad kong matupad ang mga pangarap niya lalo na ang ultimate dream niya. Basta gusto ko lang sabihin sa kanya MAHAL NA MAHAL KO SIYA at ISA SIYA SA MGA BIYAYANG IPINAGKALOOB SA AKIN NG MAYKAPAL.
|
Mundo ng manlilikha, maharlika at matapang sa pagkatha (Kalipunan ng mga tula, sanaysay, maikling kwento at iba pang naisipan)
Miyerkules, Disyembre 4, 2013
Ririz
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento