Linggo, Disyembre 15, 2013

ILANG BAGONG GURO, NA-NAPOLES! PEI IPINAGKAIT...





HIBIK NG MGA BAGONG GURO
ni Wilma E. Hermogenes

Tagapunla ng kaalaman
humuhubog ng kakayahan
ipinapamulat ang katotohanan
upang pangarap ay maisakatuparan.

Mula sa pribadong paaralan
Nahimok makipagsapalaran
Hindi biro ang pinagdaanan
Upang aytem ay makamtan

Seguridad ang naging dahilan
Kaya’t kayrami ang naglipatan
Benipisyo na inilalaan
Sadyang hindi matatawaran

Nanibago man sa sistemang kinasadlakan
Natutong nakisabay bagama’t minsa’y nahihirapan
Bawat araw ay isang matinding hamon
Nang kabuuang daloy ay maunawaan

Dumarating din ang mga pagkakataon
Humaharap sa mas matinding hamon
Sa kamay ng mga nagmamarunong
Sinusubok  kung sa kanila’y magpapagumon

Dahil bago sa kanilang paningin
Ang Ilan sa kanila ika’y iismolin
Kung minsan pa nga’y susubukin
Mapaglalaruan at kakawawain

Kaya’t sa mahihina ang damdamin
Nagsasawalang-kibo at nagiging iyakin
Bow sa lahat ng kanilang sasabihin
Kahit pa tutol ang prinsipyo’t saloobin

Kaya’t ang tanong ng karamihan sa kasalukuyan,
Karapatan ba ng bagong guro ay kaiba sa mga datihan?
Diskriminasyon ang nararamdaman at pag-aalinlangan
Nagkakaiba-iba sa interpretasyon at pamantayan.

Klasipikasyon at pamantayan ay malinaw na nasilayan
Karapatan naming magtanong upang magkaunawaan
Sadyang hindi makatwiran kung hindi matutugunan
Desisyong iba-iba gayong iisa naman ang kinabibilangan.  


Totoo nga ang matandang kasabihan
Kapatid ng sinungaling ang magnanakaw
Magkatulong silang nagbubulaan
Upang atensyon nami’y hindi mapukaw!

Ang benipisyong sa aming inilaan
Ipagkaloob hindi lamang sa iilan
Ang panloloko’y hindi pahihintulutan
Kailangang supilin nang di na muling maranasan!
_______________________________________________________________________________

Upang lubos na maunawaan, puntahan ang link na ito:



Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Ririz

Si Ririz at Ako :)
Mahiyaing dalaga’y aking nakilala
Ni’ di ko siya napapansin sa simula
Tahimik sa klase at di nagsasalita
Siya’y maramdamin kung kayat minsa’y wala.

At dumating ang araw na siya’y napansin
Siya’y parang bata na napakaiyakin
Balat sibuyas at lahat ay dinaramdam
Kaya’t kaibigan ay mahirap matagpuan.

Ramdam kong siya’y may tinatagong kalungkutan,
Labis na pang-unawa’y sa kanya nilaan.
Dumating samin ang isang pagkakataon,
Kami ay nagkasama’t nagkamabutihan.

Ito ang simula ng pagkakaibigan
Nilihim sa lahat upang ‘wag matuklasan
Kami’y nagkikita upang sya’y matulungan
Ngunit ng tumagal kayraming natuklasan.

Sandali mang oras na kami’y magkapiling
Ngiti sa kanyang mukha’y aking nasilayan
Kataga sa kanya bibig aking narinig
Tinatagong katauha’y aking nabasag

Sinikap kong ipakilala siya sa iba
Nang sya’y maunawaan at may makasama
Ngunit sa tuwina di siya nakakatagal
Sa isip niya’y kayraming sumasagabal

Alam kong di habambuhay na magkasama
Sa ngayo’y lahat gagawin para sa kanya
Kahit na minsa’y ako’y binabalewala
Pagmamahal ko sa kanya’y di mawawala

                             Tulang nilikha para sa kanya kung hindi ako nagkakamali ay anim na taon na ang nakakaraan. Anim na taon simula ng siya ay dumating sa aking buhay. Ang isang batang nagmula sa lalawigan, hindi napapansin dahil madalas na siya'y wala ngunit kinalaunan ay naging sentro ng atensyon ng lahat dahil sa madalas na siya ay umiiyak na tila isang mag-aaral sa elementarya (FIRST YEAR HS siya noon at pansinin siya kung tutuusin). Naalala ko pa ang isang eksena niya noon, nasa tapat kami ng faculty room at iyak siya ng iyak sa upuan habang pinapakalma namin siya ng kanyang yagapag-alaga. Biglang dumaan ang mga grade school sabi ng mga bata "Teacher, teacher bakit siya umiiyak?" Kahit na lahat ay nakatingin na sa amin ay patuloy pa rin siya sa pag-iyak at napakahirap talaga niyang patahanin kaya ang ending iuuwi na lamang siya ng kaniyang tagapag-alaga upang sa bahay na patahanin. 

                                  Ngunit marahil sa kakaibang gawi niyang iyon, ito ang naging batubalani (magnet) upang magkaroon kami ng malalim na ugnayan. Isa siya sa mga natatanging bata na dumaan sa akin na masasabi kong pinakaespesyal at hindi kailanman mawawala sa aking puso. Saan man siya mapunta lagi ko siyang naaalala. Kaya sa tuwing mababatid ko na masaya siya at malaki ang pagbabago sa kanya ay  higit akong natutuwa. Ngunit kapag nababatid kong bumabalik ang mga panahong nag-iisp siya ng husto at walang naiisip na maganda labis ang aking pag-aalala dahil ako mismo ang nakasaksi noon kung paano siya halos sumuko at mawalan ng pag-asa. Maski sinong makakita noon wala ng iba pang iisipin kundi paaano siya matutulungan, papaano siya mapapasaya..

                                 Naalala ko pa nga noon kasa-kasama ko si Michelle (isa pa niyang guro na malapit din sa kanya), lagi namin siyang inaalala kaya kapag kasama namin siya ay puro kami kainan, kwentuhan at tawanan para kaming magbabarkadang walang iniintinding oras. Ang pinakamahirap pang bahagi kapag kami magkakasama ay ang pag-uwi, ihahatid pa niya kami sa sakayan pero asahan mo ang isang oras bago pa ako makauwi. Magkukwentuhan uli bago sumakay kapag may dumating na dyip hindi paparahin, sasabihin niya "Yung kasunod na lang na dyip." Hanggang sa di mabilang na sasakyan na ang dumaan bago ako tuluyang sumakay. Magpapaalam at kakaway pero nakikita ko siyang malulungkot habang nakatingin sa akin at kung minsan pa nga naluluha siya kapag nasa loob na ako dyip. Madudurog na ang puso ko noon kapag nasa ganoong eksena na kami, kung wala pa siguro akong pamilya noong mga panahon iyon malamang sa kanila na ako nakatira.

                                  Sa ngayon, hindi na kami madalas na nagkikita dahil nilisan ko na rin ang lugar kung saan kami parehong naglalagi. Sa maliit na kahon na lamang kami nakakapag-usap at inaantabayan ang mga nangyayari sa kanya sa bawat katagang ibabahagi niya sa kanyang FB. Kung minsan akala niya hindi ko siya pinapansin at nakakaistorba siya sa akin pero alam ko na naman na miss na miss lang niya talaga ako at higit pa ang nararamdaman ko roon. Hindi masusukat ang pagpapahalaga at pagmamahal na iniiaalay ko sa kanya. Lagi ko siyang isinasama sa aking panalangin at hangad kong matupad ang mga pangarap niya lalo na ang ultimate dream niya. Basta gusto ko lang sabihin sa kanya MAHAL NA MAHAL KO SIYA at ISA SIYA SA MGA BIYAYANG IPINAGKALOOB SA AKIN NG MAYKAPAL. 


Tara, Bili na, Murang-mura!

PAMBANSANG PAMILIHAN NG PINAS

ISA sa pinaka-busy na lugar sa Pilipinas sa buong taon ang  pamilihan sa Divisoria, Maynila. Sa kahit na anong okasyon ay  ito ang tinatakbuhan ng karamihan na nagnanais na makabili ng mura subalit may mataas na kalidad na produkto.
Sa nalalapit na kapaskuhan ay mas naging maingay at aktibo ang kalakalan sa kahabaan ng Claro  M. Recto sa Maynila at mararamdaman na ang matinding trapik simula sa  Rizal Avenue na naghuhudyat na bumubuhos na ang mga tao na pumupunta ng Divisoria upang makapamili.
OPEN FOR ALL SEASONS
Noon pa man ay kinilala na ang Divisoria na isa sa mga sentro ng kalakalan sa buong bansa.
Walang pahinga ang transaksiyon sa lugar na ito dahil aktibo ang mga tindahan sa buong taon mula umaga hanggang gabi, tag-init man o tag-ulan.
Higit na dinudumog ito ng mga parokyano kapag may mga natatanging okasyon sa ating bansa tulad ng Pasko, Bagong Taon,  Valentine’s Day at maging ang  Araw ng Patay.
Sinasabing lumuluwas pa ang mga iba nating kababayan mula sa kani-kanilang probinsya upang dito bumili ng mga kagamitan na kanilang kailangan.
Ang ilan naman ay bumibili ng pakyawan upang gamitin sa negosyo na naibebenta sa mataas na halaga. Pabalik-balik lamang sa lugar na ito ang mga mamimili na nanirahan sa Kalakhang Maynila na kung saan ay mayroon na silang kani-kaniyang suki na kinukuhaan ng kanilang mga produkto.
Kaya naman masasabi nating ang Divisoria ang lugar na walang pahinga at walang pinipiling panahon.
SPOT THE RIGHT PLACE
Sa laki ng sakop ng Divisoria ay kinakailangang alam mo ang eksaktong lugar na pupuntahan upang hindi maubos ang oras sa paghahanap ng pagbibilhan ng kailangan mong produkto.
Narito ang mga pangalan ng kalye kung saan nakapuwesto ang iba’t ibang kalakal.
Kung ang hanap mo ay mga souvenir item, iba’t ibang tela at school supplies ay magtungo ka sa Tabora St.
Sa kahabaan ng Juan Luna St. naman nakapuwesto ang mga pakyawan ng t-shirts, towels, panyo, sando, mga gamit sa pananahi, laruan, linelium  at mga kagamitang gawa sa plastik.
Ang mga punda, foam sa kama, folding bed, gamit sa bahay at kusina ay magkakatabing makikita sa Soler St.
Maaari ka ring magtungo sa Padre Rada St. kung ang hanap mo ay mga electronic appliances, cabinet, upuan, glass wares at mga kalan. 
Matatagpuan naman sa Carmen Planas St. ang mga bagsakan ng gulay, prutas, dry foods na isda at lamang dagat at sa ilang tindahan ang mga karne ng baboy, manok at isda.
Tahakin din ang Ylaya St. sa mga bargain na damit, sapatos, tsinelas at iba pang accessories na hanap mo.
Matatagpuan din sa mga bangketa (kahabaan ng C. M. Recto) ang tabi-tabing tindahan ng mga accessories sa gad­gets at  mga pirated DVD’s.                   
Kung ayaw mong mapagod na puntahan ang mga kal­yeng ito ay maaari kang mamili sa masayang night market sa Divisoria dahil halos magkakasama at magkakadikit ang iba’t ibang produkto sa kalye ng C. M. Recto at tapat ng Tutuban Mall.                       
CHINA INVADES DIVI
Hindi lamang mga taong nagtitipid ang makikitang namimili ngayon sa Divisoria. Nakikipagsabayan na rin ang lugar na ito sa mga sikat at naglalakihang malls sa ating bansa. Sunod-sunod na naitayo ang malalaking mall at halos magkakarugtong ang mga ito. Nariyan ang 168 Mall, 999 Mall at ang pinakabagong naitayo ang China Town Mall.
Sa mga gusaling ito ay makabibili ka rin ng lahat ng produktong hinahanap sa Divisoria. Higit na komportable ang pamimili rito dahil airconditioned at madali mong mahahanap ang mga gusto mong bilihin dahil magkakasama sa bawat palapag ang mga magkakaparehas na produkto. Kapansin-pansin sa mga mall na ito na ang karamihan sa mga nagmamay-ari ng mga tindahan ay mga dayuhan na hirap magsalita ng Filipino at ang kanilang mga tindera ay mga Pinay.
Ayon nga kay Rona (isang tindera) “Kung minsan akala mo wala ka na sa Pinas kasi ang madalas na maririnig mo ay kanta at palabas na Chinese.” Dagdag pa niya, mababa lamang magpasahod ang mga ito at wala pa sa minimum wage pero pinagtitiyagaan nila kaysa walang trabaho. Ang isa pang suliranin nila sa kanilang kalagayan ay nararamdaman nila ang kawalang tiwala ng mga amo nila sa kanila. Todo ang inspeksyon sa kanilang mga gamit sa pag-uwi at pakiramdam nila kung minsan ay pinagdududahan sila. Pagtatapos pa  niya “Sana tayong mga Pilipino ang may mga ganitong puwesto rin na nagpapayaman sa ‘tin (Pilipinas).”
Sa mga bagong tayong gusali na ito ay hindi pa rin nagpapahuli ang Tutuban Center Mall at Cluster Building II na mga kauna-unahang naitayong mall sa Divisoria na kakakitaan ng pagka-Pinoy sa arkitektura na kung saan karamihan sa mga negosyante rito ay mga Pilipino.  
TIPS PARA STRESS-FREE SA PAGPUNTA NG DIVI
Pangunahing dahilan ng mga mamimili sa pagpunta ng Divisoria ay upang makatipid. Ngunit alalahanin natin na nagkalat rin sa lugar na ito ang mga nakaabang na may masasamang balak sa mga mamimili lalo’t alam na alam ng mga ito na may mga dalang salapi ang mga parokyano. Kaya isaalang-alang ang mga sumusunod sa pagpunta ng Divisoria:
· Gumawa ng listahan ng mga produktong bibilhin upang hindi maubos ang oras sa pamimili.
· Magdamit ng simple at iwasang magsuot ng alahas upang hindi takaw pansin sa mga mandurukot.
· Hangga’t maaari huwag ng magdala ng mamahaling cellphone o gadget nang makabawas rin ng mga dalahin at alalahanin.
· Gumamit ng katamtamang body bag sa pamimili, siguraduhing nakadikit ito sa inyong katawan at pakaingatan.
· Umiwas sa mga lumalapit na mga tindero na nagpi­pilit na bilhin ang kanilang produkto, hangga’t maaari huwag pansinin kung ‘di ka interesado sa produkto upang hindi ka na sundan.
· Huwag basta-bastang iwan ang mga gamit.
· Pakinggang mabuti ang sinasabi ng tindero lalo’t tungkol sa presyo nito.
· Bilangin ang pera/sukli bago umalis at kilatising mabuti ang mga ito upang maiwasang malinlang.
· Mas maiging bumili ng pakyawan upang higit na makamura.
· Kilatising mabuti ang mga produktong binibili bago bayaran.
· Kung masyadong mura ang presyo, magduda at subukang magtanong sa ibang tindahan na may katulad na gano­ong produkto.
· Matutong makipagtawaran, kalimitan ang orihinal na pres­yo ng produktong binibili ay kalahati ng naka-display na presyo.
· Maging mapanuri at alerto sa lahat ng pagkakataon.