Biyernes, Oktubre 12, 2012

9 - 4 - 12


SPIDER MAN
ni Wilma Hermogenes

        “Great power comes with great responsibilities!” Iyan ang sikat na linya ni  Peter Parker o mas kilalang Spider Man. Ngunit ang mga nakilala kong Spider Man ito ang litanya “TO GET POWER IS OUR MAIN RESPONSIBILITY.”

          Madalas patagong makikita sa mga nagtataasang pader itong taong nababalutan ng mga sapot at ang mga Spider Man ng Tondo patago ring umaakyat sa mga hagdang nakadikit sa mga pader na may mga nakapalupot na kawad ng kuryente sa kanilang katawan at karagdagan sa kanilang mga sandata ang plais at electrical tape. Kilala rin sila sa lugar bilang mga Jumper / Meralco Boys.

Jumper
            Hindi na tago sa mga residente ang Jumper Boys dahil nakahihigit sa lugar ang nakikinabang sa kanilang gawain at pagpapatunay ang poste sa tapat ng kanilang eskinita kung ilan lamang ang may kontador o legal ang konsumo ng suplay ng kuryente.

            Ayon kay Prof. Juvert Valentino ng TUP, Physics Department tinawag ang illegal na koneksyon na ito ng Jumper dahil sa paraan ng pagkakabit ng mga ito sa kawad na tila Jumper na pantaloon. Dagdag pa niya “Kapag nagkakabit ng kuryente dapat series connected sila para makuha ang voltage, ginagawa nilang Jumper style para parehas lang ang boltahe na makuha nila which is playing within 210 - 260 volts.”

Ang sistema sa kalakarang ito ng Jumper Boys, kapag nawalan ng kuryente ay bibili sila ng kurdon at bahala na sila sa pagkabit nito sa kawad ng kuryenteng malapit sa transformer. Nagsisilbing look-out ang ilang residente at nag-aantabay kung may mga darating na kaban (pulis at Meralco).

            Pagkaraan nito’y isa-isang babaybayin ng mga Jumper Boys ang mga bahay na kailangan nilang bigyan ng serbisyong may katapat na halaga.

BILLING STATEMENTS
            Kung ang mga residenteng may kontador ay nagrereklamo sa taas ng singil sa kuryente particular ang System loss ng MERALCO na batid nilang isa sa mga dahilan ay ang mga illegal na koneksyon sa kanilang lugar, pikit-mata naman ang mga parokyano ng Jamper Boys sa kanilang bayarin.
            Si Aling Clara, aminadong naka-Jumper sa loob ng sampung taon. Nagulat sila taong 1992 ng magbahay-bahay ang Meralco at nahulihan sila ng jumper kaya kinumpiska ang kanilang kuntador at malaki ang ipinataw na penalty na kailangan nilang bayaran. Ayon sa ginang “mga 26 mil ang sinisingil samin nun, wala akong ganong pambayad kaya tinuloy na lang namin ang jumper.” Dagdag pa niya halos lahat sila sa kanilang baranggay ay naka-jumper at may kanya-kanya silang Spider Man na tagapagligtas pero kinalaunan hindi na nakayanan ni Aling Clara ang bayarin kaya’t gumawa siya ng paraan para maibalik ang legal na koneksyon ng kanilang kuryente.
            Ang kapitbahay naman niyang si Aling Ely ay nagpatuloy sa paggamit ng Jumper. Kwento niya “ Okey pa dati ang bayaran, kung magkano nagastos sa wire paghahati-hatiin namin tapos kanya-kanyang bayad sa nagkabit. Ngayon iba na, minsan may arawang singil na 20/30 tas lingguhan na 100 pataas,may bwanan pa at iba pa yung bayad kapag naputulan mas malaki yun.” Aminado si Aling Ely na nahihirapan siya sa pagbabayad ngunit wala naman siyang ibang opsyon dahil wala siyang pambayad sa Meralco para makabitan muli ng kontador.
            Ang masaklap pa sa kalagayan nilang ito kapag hindi ka makabayad sa hinihinging bill, walang disconnection notice sa mga ito putol kagad ang kurdon mo.

TEKNIKS
Hindi maikakailang tila negosyo na ito sa Jumper Boys at malaki ang kita bagamat delikado kaya naman pinag-iigihan nilang makakuha ng paraan para magampanan ang kanilang trabaho. Napag-alaman ko rin na hindi bababa sa limang bahay ang hawak na parokyano ng isang Jumper Boys at ang isa pa nga sa kanila ay mahigit sa 20 at ngayo’y may sarili na siyang Computer Shop.

Mataas ang demand ng kanilang kalakaran kaya hindi dapat sila maubusan ng suplay kaya’t iba’t ibang teknik na ang kanilang isinagawa para tuloy-tuloy ang negosyo. Sabi nga ni King na isa sa mga Jumper Boys “Dati kinakabit naming yung wire sa poste eh madaling makita ng Meralco kaya maya’t maya putol. Nung my kamera (CTV) na yung kinukuhanan namin nagkalawit naman kami kaso sobrang delikado muntik ng mamatay yung kasama ko noon tulpet siya tas nakakangawit pa at matagal.”

Ang kalawit na tinutukoy niya ay paggamit ng mahabang patpat na kung saan ikakawit nila ang kurdon sa transformer para makakuha ng kuryente, delikado ito dahil tantyahan ang kilos kapag namali ka ng kabit ng bakal sa wire maaaring higupin ng katawan mo ng dumadaloy na kuryente o  tumalsik ka. Sinubukan din diumuno nila ang paggamit ng mga kawad na tulad ng sa Meralco para di mahalata at ipadaan/itago ang wire sa mga streets lights. Sa ngayon meron silang bagong teknik na ginagamit ngunit hindi na nila ibinahagi dahil pinakaektibo ito at ayaw nilang mabuko.

PELIGRO
Buhay ang nakataya sa mga Jumper Boys at wala silang gamit pamproteksyon sa paghawak ng mga kawad at pag-akyat ng poste (madalas wala silang damit pang itaas) kaya ganoon na lamang kalaki ang halaga sa kanilang sinisingil. Nalalagay din sa panganib ang buong lugar dahil maaari itong pagmulan ng sunog dahil sa kumpol-kumpol na wiring na akala mo’y noodles na  nakabandera kapag tumingala ka sa poste. Dahil nga hindi ganun kaligtas ang mga kurdon na ginagawa nila kung minsan natatanggal ito at maaaring makakuryente ng mga dumaraang tao. Idagdag mo pa na abusado sa paggamit ng kuryente ang mga nakakabit ditto at Octopus pa ang mga saksakan nila na sadyang delikado.

SOLUSYON
Matagal na ngang suliranin ito ng kumpanya ng Meralco at hindi sila tumitigil para masugpo ito. Sa katunayan, makailang ulit na binabalik-balikan ng mga kawani nito ang lugar at madalas may kasama pa silang mga sundalo dahil hindi minsan maiwasan na magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga residente.
Sa pagputol ng Meralco ng mga nakakabit na kuryente ay nakamasid lamang ang mga Jumper Boys sa tabi-tabi. Kapag nakaalis na ang kalaban muling kikilos ang mga ito upang sagipin ang mga kababayang nawalan ng kuryente.
Bukod dito may dalawa ng kinasuhan sa mga Jumper Boys nang aktong nahuli silang nagkakabit ng illegal na kuryente at kasalukuyan itong dinidinig. Nagbigay na rin ng Warning ang kumpanya sa mga Kapitan ng Baranggay para sila na mismo ang magpatigil ng ganitong kalakaran.
Ang masasabing epektibong ginagawa ng Meralco sa lugar na ito ay ang Sub-metering ng kuryente. Ngayon malaki ang ibinababa ng bilang ng jumper dahil nakumbinsi silang gumamit ng Sub-meter. Kailangan lamang magbayad ng Php 2,000 at bumili ng sariling metro at wire bago magkaroon ng Sub-meter.Legal ang kuryente na kung saan bawat bahay ay mayroong sariling metro at kung magkano ang konsumo nilang lahat ay paghahati-hatian ang bayarin na ibabatay pa rin sa kanilang metro.

Patuloy pa rin ang kalakaran ng Jumper Boys bagamat nabawasan na ang kanilang mga parokyano at ayon nga sa kanila hanggat may mga bahay na madilim sila ang mga taong nakahanda para magbigay liwanag sa mga ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento