Huwebes, Setyembre 27, 2012

RESIKLO



RENOBASYON NG SALAMIN NG LAHI!
Ni Wilma E. Hermogenes


                        PAGBABAGO … PAGSULONG! Kambal na salitang hindi dapat paghiwalayin upang higit na maging makahulugan. Ito rin ang isinusulong ni P-Noy sa pagtahak bg tuwid na landas. Kaya naman iba’t ibang hakbang na ang naisagawa upang matugunan ang panawagang ito.

                        Kung bibigyang konotasyon ang pagbabago ito ay isang salitang ginagamit sa paglalarawan ng paraan kung paano nagbabago ang isang nilalang na may buhay sa loob ng mahabang panahon. Sa ibang katawagan ebolusyon o renobasyon ang ginagamit. Kapag ikinabit na ang salitang ito sa bahay, ugali, salita o iba pa nagreresulta ito ng bagong bihis, anyo o porma. Ngunit ito ay maaring magbunga ng maganda o panget na impresyon batay sa panlasa ng mga taong makakakita nito.

SALAMIN NG LAHI
                        Ang mga babasahing tulad ng mga kwento, nobela, komiks at tula ay ilan lamang sa mga nakasulat na nagpapakita ng ating pagkatao,masasalamin sa mga ito ang ating kultura na habang binabaybay mo ang mga pahina masasabi mong “ parang ako ito ha” o di kaya”y “pamilya lang naman ito ah.” Ito ay mga halimbawa ng panitikan na nagpapatunay kung bakit tinatawag itong salamin ng lahi.
                        Marami tayo nito na naisulat panahon pa ng ating kanuno-nunuan na nakaimbak sa mga silid-aklatan o sapilitang pinapagamit sa loob ng silid-aralan bilang paksa sa talakayan. Hindi rin maitatangging ang babasahing ito ay hindi na klik sa modernong pag-uugali ng mga kabataan at sa bilis ng takbo ng panahon. Imbes na magbasa mas pipiliin ng bata ngayon ang manood o kung sila’y pinapatula mas gaganahan silang mag-rap na lamang. Obligahin silang magsuri ng pelikula kanilang ipipilit ang Twilight o Harry Potter kaysa sa Dekada 70 o Tanging Yaman.
              Ito ba ang repleksyon ng ating lahi? Kaya bago pa man tayo lubusang malamon ng buo ng  kolonyal na pag-iisip ay pigilan natin ito at ibigay ang kanilang hilig gamit ang ating panitik.

UKAY-UKAY HINALUKAY, BINIGYANG BUHAY, SAYSAY HIGIT NA MAKULAY!
                        Ang panitikan nayon ay TILA (hindi ganap,pagtutulad lamang) ukay-ukay na gamit at pinapakinabang ng iilan na lamang. Dahil sa medyo mahina ang hatak nito sa mga parokyano hinalukay ito ng maigi, sinuri at nakakita ng paraan upang mabigyang buhay nang ang saysay ay higit na makulay.
                        Sa isang kumperensya na aking dinaluhan isa ito sa mga paksang tinalakay. Inilahad ni G. German V. Gervacio ang bagong bihis ng panitikan sa panahong ito na pinamagatan niyang “Lumang tinapay,Bagong palaman;  Bagong Tinapay, Lumang Palaman”.

 Bagtasan noon, Fliptop na Ngayon!
                Ang balagtasan ay pagtatalong patula may pagkakahawig sa Fliptop na pumatok sa mga kabataan noong nakaraang taon.  Parehas na may paksang pinagtatalunan at nagkakaiba lamang sa gamit na salita. Seryoso at matalinghaga sa balagtasan habang may biruan,pikunan, payak na may tugma ang mga salita at hindi maiwasan ang pagmumura o balbal na wika sa Fliptop.

Bugtong at  Pick-up-Lines
                                Noon ang bugtong ay isang uri ng libangan na kung saan pinapahulaan ang isang bagay at karaniwang ginagamit sa lamay ng patay. Sa Pick-up-lines naman nauuna ang salitang tinutukoy saka ito ilalarawan. Nagkakahawig ang dalawa sa paraang patanong ang pagpapahayag.

Dyornal o Facebook
                    Sa mga taong sentimental hilig nilang isulat ang lahat ng kanilang nararamdaman o naiisip sa isang dyornal, palihim at napakahaba ng pagsulat dito.  Ngayon napakaliit ng bahagdan ang walang FB Account at ang lagi nitong tanong sa pagbukas mo “What’s on your mind?”

                   Kaya naman lahat ng maisip ITINA-TYPE, KLIK at POST kaagad. Maiksi kung minsan pero maya’t maya nagbabago at bukas sa lahat ang isinulat. Pagsama-samahin mo ang kanyang FB Status katumbas nito’y dyornal!

Libro at Sulatin o Blog?
                        Sanaysay, tula at maikling kwento nakaimprenta sa libro, mabigat na bitbitin at sapilitang ipapabasa sa mga mag-aaral at kinakabagutan. Ngunit kung Laptop o E-pad ang ipalabas 100% lahat may dala. Sabihin ang URL o link na kailangang bisitahin walang reklamo. Sa paggamit ng blog nagiging interaktib ang talakayan, mga aralin at proyekto dito inilalagay at kahit nasa labas na ng paaralan pwedeng ituloy ang talakayan. Mahaba man ang nakasulat sa blog ng kilalang personalidad,  puro larawan karamihan ang nakalagay at iniindorsong produkto ang laman tatapusin itong basahin dahil patok sa kabataan. Kaya’t ngayon karamihan sa mga manunulat sikat na blogger na rin ngayon.

Karagdagan sa mga naibahagi ni G. Gervacio sa kanyang tinalakay,narito ang ilan pang bagong anyo ng panitikan:

Suso o Sobre?
                        Liham ang isa sa pinakaunang paraan ng pagpapadala ng mensahe na ngayon ay tinatawag na Snail Mail dahil sa tagal ng pagtanggap nito na inaabot ng ilang araw depende sa layo ng lugar na pagdadalhan nito. Ngayon ilang segundo lang maari mo ng ipadala ang iyong  mensahe gamit ang E-mail.Sa pagpapakilala ng mga bagong akdang panitikan, isa sa pinakamabilis na behikulo ang E-mail.

Katahimikan o Sinuswerte Ako?
                        Ipasaliksik ang isang paksa o ipahanap ang isang akda asahan mo kaysa magtungo sa silid-aklatan na kinapapaguran nilang gawin si Google ang kanilang tatanungin. Isusulat ang paksa sa kahon,klik ang hanapin na buton presto higit isanlibo ang  pagpipiliin mo at Wikepedia madalas sasagot sa tanong mo. Ang nakakalungkot pa, Copy-Paste ang ipapasang takda.

Entablado o You Tube?
                        Marami ring likas na artista sa mga Pinoy dahil sa husay         sa pag-arte at paborito itong gawain sa mga paaralan. Ayaw na kung misan ng mga mag-aaral ang aktwal na pag-arte lalo’t sa harap ng klase ito gagawin. Ngayon aarte sila sa harap ng kamera at upload video sa You Tube ang gusto nila at ang iba paramihan pa ng likes ang labanan para makakuha ng mataas na marka kahit na pag-arte ay sablay at gawa’y katawa-tawa.

Estatwa o Anime ?
                        Mahilig din tayong mga Pilipino sa mga kwento ng kabayanihan na paksa sa mga epiko tulad ni Lam-ang, si Panday na nagmula sa komiks hanggang sa isapelikula ito at ang kwento ng pakikipagsapalaran sa koridong Ibong Adarna. Ngayon maari na silang bigyang buhay at irampa sa entablado habang isinasalaysay ang kanilang kwento. Konseptong kinuha sa Cosplay na kung saan nakadamit ng Anime Character ang mga indibidwal nahihilig dito at rumarampa sa entablado.
                        Si Natsuki JiroPogi (di tunay na pangalan), isang Cosplayer  ay tinanong ko kung makabagong anyo ba ng panitikan ang kanyang hilig at ayon sa kanya  “masasabi ko naring bahagi ng panitikan un dahil sa patanghal mam, pag nag-cosplay. kailangan ng mga dayalogo at iarte ung karakter mo sa harap ng mga tao”. Sumasang-ayon siya na mauuri bilang makabagong anyo ng panitikan ito bagamat dayuhan ang nagpakilala nito sa bansa at magagamit sa ating sariling panitikan. 

MODELO AT PATOTOO
                                Higit dibang nabigyang kulay ang ating panitikan sa pagbabagong bihis nito na akma sa kasalukuyang  panahon. Kumbaga sa pagsusulat makinilya noon at laptop na nayon ngunit iisa ang hangaring makabuo ng istorya para sa mambabasa. Isa pang matibay at konkretong pagpapatunay ng pagbabagong bihis ng panitikan ay ang pahayagang PILIPINO MIRROR, ang mga seksyon ng pahayagan ay naririto at dinagdagan. Layuning maghatid ng pinakabagong balita at maging salaminn ng katotohanan na naglalayong ipasok ito sa mga paaralan at simbahan upang maging isa sa kagigiliwang babasahin. Higit na malaki ang sukat kumpara sa ibang tabloid at hitik sa nilalaman. Ang pinakakaiba rito ay ang pagkakaroon ng dalawang headline.
                        Asahan pa natin sa mga susunod na araw ang mga pagbabago sa ating patinikan na patuloy nating pagyayamanin at kagigiliwan.