Hindi na Maglo-London si Mami!
Nakalakihan na naming magkapatid na
wala sa aming tabi ang aming ina. Siya ang tumayong padre de pamilya habang si Dadi ang naiwan sa bahay. Iyon ang
kanilang napagkasunduan dahil higit na praktikal di umano kung si Mami ang
magtatrabaho dahil sa mas matutugunan ang pangangailangan ng aming pamilya at
ayaw nilang ipagkatiwala sa iba ang pagpapalaki sa aming magkapatid. Kahit na
ganoon ang sitwasyon, hindi ito naging isyu sa pamilya dahil ipinaliwanag ito
sa amin at hindi sila nagkulang bilang mga magulang.
Ang araw-araw naming senaryo,
magigising at matutulog kaming hindi nakikita si Mami. Mababasa na lamang namin
ang mensahe niyang nakasulat sa screen
ng aming laptop na hinding-hindi niya
nakakaligtaang gawin.
“Mga anak, mag-iingat kayo, mag-aral
ng mabuti. Mahal na mahal ko kayo.” Iyan ang madalas niyang mensahe sa amin.
Minsan naman, sinusurpresa niya
kami. Walang nakasulat pero kapag pinindot na namin ang screen magugulat kami sa naka-record
niyang video habang siya ay
kumakanta at mag-iiwan pa siya ng request
na kailangan naming kabisaduhin ang bago niyang komposisyon para sasabayan naming
siyang kumanta sa susunod naming pagkikita. Sa lahat ng nagawa niya, ang
pinakapaborito namin ay ang nilikha niya noong ikapitong kaarawan naming
magkapatid. Hindi niya matapos-tapos ang pagkanta sa kaiiyak namin at sa tuwing
nami-miss namin siya ay ito ang
inaawit naming magkapatid.
♪♪♪ Bunso
kong mahal,
Ate
kong mahal,
Mahal
na mahal kayo ni Nanay,
Kayo
ay kambal,
Biyaya
ng Maykapal
Habambuhay ko kayong minamahal.
Huwag
sana kayong lumaki na nag-aaalitan,
Kayo
ay magkapatid laging magkatuwang,
Sa
puso at isipan ay nagdadamayan
Iisa
ang inyong pinagmulan
Bunso
kong mahal,
Ate
kong mahal,
Mahal
na mahal kayo ni Nanay,
Kayo
ay kambal,
Biyaya
ng Maykapal
Habambuhay ko kayong minamahal. ♪♪♪
May mga pagkakataong parehas kami ng
libreng oras sa tanghali kaya nakakapag-Skype
kami habang kumakain. Aakalain mo magkalapit lamang kaming nagkukwentuhan,
hindi siya nauubusan ng sasabihin. Natatapos ang aming pag-uusap sa pagdidikit
na aming mga mukha sa screen at
mag-iiwan siya ng pang-araw-araw niyang tagubulin.
“Isulat na ninyo ang mga dapat
nating bayaran ha. Paalala mo sa Dadi mo, alam mo naman yun makakalimutin.
Kanina napag-usapan na namin iyan bago ako pumasok para makasigurado ipaalala
ninyong magkapatid.”
“Sige na po Mami, magpahinga na muna
kayo at papasok na kami sa klase namin.”
Sa tuwing bakasyon ni Mami na natataon
din sa aming bakasyon, hinding-hindi kami nawawalan ng lakad. Nagpupunta sa
probinsya at talagang inilibot niya kami sa magagandang lugar sa Pilipinas.
Lagi niyang sinasabi kung gaano kaganda ang Pilipinas kaya bago di umano namin
pangarapin na magpunta sa ibang bansa dapat makapamasyal muna kami sa mahigit
7,000 isla sa bansa. Ganyan si Mami, bukod sa may pagkamakata ay sadyang
makabayan.
Kwento pa nila Dadi, noong nakatira
pa kami kila Nanay, doon sila nagsimulang magplano ng husto lalo’t dalawa
kaagad kami. Dahil sa nagsisimula pa lamang sila at parehas silang nagtatrabaho,
talagang kinausap siya ni Mami na kailangan na niya kumilos. Ayaw nilang doon
kami lumaki at magkaisip kaya sa totoo lang pakiramdam naming magkapatid,
mayaman kami lalo’t kung ikukumpara sa mga pinsan naming lumaki sa lola namin.
“Kuya, sasabihin ko kay Mami na
bilhan ka ng bagong damit at sapatos kasi may award ka. Matutuwa iyon.”
Talagang naibibigay niya ang lahat
ng pangangailangan ng buong pamilya at kung tutuusin higit pa sa inaasahan ang
ipinagkakaloob sa amin ni Mami. Busog na busog kami sa materyal na
pangangailangan at hindi rin nila pinabayaan maging ang pagkalinga nila bilang
mga magulang. Wala talagang problema kaya hindi talaga kami naniwala noon na
pangalan lamang ang perpekto. Nakikipagtalo pa ako noon na meron perpekto at
iyon ang pamilya namin.
Dahil sa kambal kaming magkapatid
madalas na napagkukumpara kami ng mga tao. Naiinis ako noon kasi laging bida si
bunso. Siya ang malambing, ako ang masungit. Hindi siya inuutusan, ako lagi ang
tumatakbo sa tindahan kapag may kulang sa kusina. Mahilig mag-drawing si bunso at lagi niyang dino-drawing ang mga bagay na nais niyang bilhin
para kila Mami paglaki niya at lagi siyang may sulat kay Mami. Habang ako
mahilig magbasa, umarte at kumanta. Isang pagkakataon, naramdaman kong angat
ako kay bunso. Napili ako noon na maging kinatawan ng seksyon namin para sa Ms. United Nations, tuwang-tuwa ako pero
si bunso nag-iiyak kasi gusto niya na kaming dalawa ang kasali. Nagtigil lamang
siya sa kakaiyak ng kinausap na siya ni Mami.
“Anak, hindi kasi pwede na dalawa
kayo ang sasali. Sa susunod na taon, malay mo ikaw naman ang pipiliin. Kapag
nagparada si Ate, huwag kang mag-alala at bibilhan din kita ng damit at kasama
kang paparada.”
Hindi maiiwasan na makaramdam ako ng
selos kay bunso kahit pa pinalaki kaming pantay sa lahat ng bagay at pinamulat
sa amin na wala kaming dapat na pag-awayan. Laging bilin nila Dadi “Ikaw ang
Ate kaya lagi mong babantayan ang kapatid mo.” Kaya ng minsang nadisgrasya si
bunso, naitulak ng kalaro namin at tumama ang noo sa isang kahoy, pinagalitan
akong husto ni Dadi.
“Bakit kasi hindi ka nakikipaglaro
sa kapatid mo at ayaw mo siyang isama sa mga kaibigan mo. Hindi ba sabi ko na
huwag kayong maghihiwalay.Ayan, tingnan mo nangyari sa kambal mo.”
Sa ganitong pagkakataon ang laging
bilin ni Mami, huwag sasagot sa magulang at makinig na lamang sa sasabihin at
saka na magpaliwanag kapag humupa na ang init ng ulo. Kaya nag-iiyak na lamang
ako kwarto. Bakasyon noon at may inasikaso si Mami sa Maynila. Pagdating niya,
pinuntahan niya ako sa kwarto.
“Anong nangyari?”
Lalo lang ako nag-iiyak.
“Halika ka nga Ate at mag-usap
tayo.”
Pinunasan niya ang mukha ko at
tinitigan niya ako.
“Alam mo ba nakita kita minsan,
sinusungitan mo si bunso at pinalo mo pa siya.”
“Eh ang kulit kasi niya at ayaw
makinig sa akin eh.”
“Nagtatampo ka samin ni Dadi no,
kasi ikaw lagi ang inuutusan at pinapagalitan kaya naiinis ka kay bunso.”
Nagulat ako noon kung bakit alam ni
Mami eh hindi naman ako nagkwento sa kanya kaya lalo akong napaiyak. Pero bigla
akong niyakap ni Mami.
“Di ba sabi namin sayo, Ate ka, kaya
dapat aalagaan mo si bunso. Alam mo ba kung bakit ikaw ang laging inuutusan
kasi malaki na ang tiwala namin sayo na kaya mo ng gawin ang inuutos namin at
nagagawa mo naman talaga. Isa pa, tandaan mo hindi namin kayo madalas na kasama
pero kayong magkapatid laging magkasama kaya ikaw lang ang inaasahan namin na
mag-aalaga sa kanya kapag wala kami.”
“Eh minsan kasi sobrang kulit ni
bunso.”
“Ganun talaga. Parehas nga tayo eh,
di ba Ate rin ako. Alam mo ba, ako rin laging inuutusan at pinapagalitan ni
Nanay kaya naiinis ako noon kila Tita at Tito mo.”
Napatawa na ako ni Mami sa pahayag
niyang iyon at nakatulong para mas maintindihan ko ang sinasabi niya.
Naramdaman ko na mahal na mahal kami ni Mami.
Sabi pa niya “Anak, ito pa ang
tatandaan mo, matuto kang mangarap.Libre lang mangarap kaya dapat ngayon pa
lamang alam mo na ang mga gusto mo.”
Nasabi iyon ni Mami kasi madalas
kapag tinatanong niya ako kung ano ang pangarap ko ay lagi kong sagot “Wala,
hindi ko pa po alam.” Pero kapag si bunso na ang sasagot napakarami niyang
nasasabi at talagang nakasulat pa at itinago pa nila Mami ang listahang ito
para ipakita kay bunso sa takdang panahon.
Kaya naman sinundan ko ang yapak ni
Mami sa sobrang paghanga ko sa kanya. Nakatapos na kami sa kolehiyo ni bunso,
natupad niya ang pangarap niya na maging doktor samantalang ako ay nagtuturo sa
pampublikong paaralan kung saan matagal na nanilbihan si Mami bago pa siya
makapagretiro.
Higit akong namulat sa sakripsyo ni
Mami sa amin. Marami akong kwentong narinig sa kanya na ikinagulat ko dahil
hindi niya iyon nabanggit sa amin.
“Akalain mo at ikaw pala ang papalit
sa Mami mo. Kwento niya lagi sa amin na hinihintay niya na marinig sa iyo kung
ano ang pangarap mo dahil ang sigurado pa lamang niya noon ay ang dapat niyang
paghandaan na anak niyang magiging doktor.”
Sabi pa ng isa “Naku, kuratsa ang
bansag namin sa Mami mo. Babaeng walang pahinga at napakasipag talaga. Biruin
mo, walang kapaguran sa pagtuturo. Pagkatapos dito ay may turo pa sa kolehiyo.”
“Hindi rin nagpapigil na matapos ang
kanyang Masteral hanggang sa maging Doktor. Di ba kahit Sabado, matatandaan mo
iha, wala siya sa inyo kasi nag-aaral siya. Araw-araw na aalis sa inyo ng
napakaaga at uuwi na wala na halos tao sa kalsada.”
“Kaya nga po kapag tanghalian,
usapan namin na mag-Skype kami kasi
tulog po kami kapag umaalis at dumarating siya.”
“Natatawa nga kami sa inyo kasi daig
pa ninyong mag-iina ang nasa magkaibang bansa. Kaya isa iyan sa pang-asar namin
sa kanya.”
Sabay-sabay na nagtawanan ang mga
guro at kaibigan na matagal na nakasama ni Mami.
“Naalala ko pa noon wala ng natitira
sa sweldo niya dahil sa kaka-London.”
“London? Hindi naman po umaalis si
Mami ng hindi kami kasama at hindi po niya pinangarap na magpunta riyan.”
Tawanan uli.
“Iha, London, as Loan dito, Loan
don. In short utang. Diyan kami nabuhay sa liit ng sweldo ng mga guro at dyan
karamihan kumukuha para makapagpatapos ng pag-aaral ang mga anak.”
“Buti na lang at masipag talaga si
Mami mo, kaya kahit said na ang sweldo niya dito ay may sideline siya sa college
kaya malaking tulong sa inyo. Hanggang sa ma-promote na siya.”
“Maganda ang pagpapalaki sa inyo ng
magulang ninyo kahit yang si Dadi ninyo nasa bahay di kayo pinabayaan para
punan ang ‘di nagagawa ng Mami nyo. Kaya napakaswerte talaga ninyong kambal.”
“Mahirap nga lamang maging anino ng
Mami mo at baka mapagkumpara kayo pero sa tingin ko hindi problema iyon kasi like mother, like daughter kayo sa sobrang close ninyo. Hindi ba iha?”
“Oh, okey ka lang ba anak? May
masama ba kaming nasabi?”
Hindi na ako nakapagsalita sa mga
narinig ko at hindi ko na rin napigilang umiyak. Nagbalik sa alaala ko ang mga
panahong wala si Mami habang nasa isip namin na mayaman kami. Ngayon na nalaman
ko kung paanong nagsakrisyo si Mami para sa aming pamilya.
Kung iisipin, parang nangibang bansa
rin si Mami dahil halos wala siya buong araw sa tabi namin. Tulad ng mga nasa
ibang bansa, kailangan nilang magtiis at isakripisyo ang oras sa kanilang anak
para sa kapakanan nila at maibigay ang lahat ng pangangailangan ng pamilya. Ang
kaibahan lamang ni Mami sa kanila, nandito lang siya sa Pilipinas ngunit halos
magkatulad ang sakripisyo na pinagdadaanan nila. Karamihan sa nangibang bansa
na kakilala ko, nasira ang pamilya. Si Mami, hindi niya hinayaang mangyari sa
amin iyon. Bagkus binigkis pa kaming lalo para matutuhan ang kalagahan ng
pamilya. Pawa silang mga bayani na hindi gaanong nabibigyang pansin ng ating pamahalaan
at sana lahat ng ina ay tulad niya kung mag-isip para hindi mabalewala ang lahat
ng kanilang pinaghirapan.
Gusto ko ng umuwi sa mga oras na
iyon, gusto ko ng yakapin at pasalamatan si Mami. Gusto kong ulit-uliting
awitin ang himig na kanyang nilikha.
♪♪♪
Bunso kong mahal,
Ate kong mahal,
Mahal na mahal
kayo ni Nanay,
Kayo ay kambal,
Biyaya ng
Maykapal
Habambuhay ko kayong minamahal.
Gusto
ko siyang yayain at ipasyal sa kung saan niya gustong puntahan. Lagi niyang
sinasabi kung gaano kaganda ang Pilipinas kaya bago di umano namin pangarapin
na magpunta sa ibang bansa dapat makapamasyal muna kami sa mahigit 7,000 isla
sa bansa.
Gusto
kong maulit at muling marinig ang mga panahong kinakausap niya kami ng
masinsinan. “Anak, ito pa ang tatandaan mo, matuto kang mangarap. Libre lang
mangarap kaya dapat ngayon pa lamang alam mo na ang mga gusto mo.”
Sa pagkakataong ito, mauulit ang
lahat ngunit sinusuguro kong “Hindi na
kailan man maglo-London si Mami!”
***Alay sa
lahat ng pampublikong guro ng ating bayan.