Sa taong ito ay ipinagdiriwang ang ika-150 kaarawan ni Apolinario Mabini ang ating dakilang lumpo. Kaya naman isa sa pinakatampok na gawain sa LIRA ay ang paglikha ng Diona tungkol sa kabayanihan ng Utak ng Himagsikan.
Mula Pebrero hanggang Hunyo ay nagkaroon ng patimpalak ng pagsulat ng maiikling tula tungkol kay Mabini at bawat buwan ay namimili ang kinatawan ng LIRA ng limang malilikhaing Diona na pagpipilian ng pinakamahusay na likha at bibigyan ng karampatang premyo at pagkilala.
Noong nakaraang taon ay lumahok na rin sa patimpalak na ito patungkol naman kay Andres Bonifacio at sa taong ito ay muli akong sumubok. Ito ang lahat ng aking ipinadalang Diona para sa paligsahang ito.
PAKPAK NG KALAYAAN
Ikinahon ang paa
Utak ang pinagana
Lumipad ang pag-asa
BATAS
Hindi man makatayo
Lahat sumasaludo
Kahit kanlang pinuno
DEKALOGO
Diyos ang syang inuna
Bayan ang ikalawa
Sarili’y napalaya
BAGSIK NG KALATAS
lakas ay nasa utak
batas ay naitatak
pangahas ay nasindak
TUNAY NA PANGULO
Tanungan ng Supremo
Konseho ni Emilio
Pawang naging pangulo!
KATAAS-TAASANG KATUNGKULAN SA KATIPUNAN
Guro ng katitikan
Abogado’t tanggulan
Utak ng Himagsikan
KATALINUHAN ANG NAGHARI
Laurel kanyang korona
kawal niya’y nahasa
kampon nya’y nagkaisa
WALANG KATULAD, SAAN MAN MAPADPAD
Mula papel na luma
Inilipat sa barya
Halaga'y naiiba
ALAS
Diskarte nya'y pinili
Pinangatog ang hari
Inalipi'y bumawi
DIREKTOR NG KATIPUNAN
Nang puso'y inasinta
Isip ang pinagana
Nitong sikretong bala
AMA NG MGA TUNTUNIN
Dekalogo’y nilikha
Konstitusyo’y pinasa
Batas nya’y kinilala
DAKILANG ENERHIYA
Siya’y may kapansanan
Ngunit sa kapantasan
Lumiyab katapangan
SINTENSYADOR
paa ma’y naitali
kapingkia’y nabigti
sa sundang nyang matindi
MANANAYAW
Naglindi sa tugtugin
Tigib sa sasayawin
Bayan ang iindakin
BOMBILYA NG BAYAN
Di na nga makalakad
Pinilit makaladkad
Husa’y nya’y tamong palad
GANTIMPALA NG HIMAGSIKAN
Pinagbakasyon sa Guam
Pinangko siyang paham
Lupa pa ri’y inasam
TAGUMPAY NG PARALITIKO
katas ng kapahaman
pamanang iniwanan
bayang nagkapangalan
Siya ang nagtaguri
kakainggitang lahi
landas na natatangi
BISYON NG PARALITIKO
haraya nya’y nagwika
sa kanlang naipunla
lupa’y mananagana
LAKAS NI APO
Di na nga makalad
Nakuha pang magbuhat
Gamit ang kanyang utak
SANDATA NG BAYAN
Laman sa paa'y hungkag
Utak nama'y di basag
Katauha'y kalasag
Dikta ng Haraya
Tubig kanyang nilakad
Panginorin ay nilipad
Bago magtamong palad
TANONG NG KALABAN
Sya ba’y paralitiko?
Ba’t hagibis ang takbo?
Ni hindi maipangko!
lumpo man na tinuran
saklay di kinaylangan
tanglaw pa syang sinundan
TUMINDIG NA LAMAN
Paa man ay lumagpak
Isip ay kumakapak
Sa paggapi ng tugak
NEGOSYANTENG MANLULUPIG
pinuhunan ang isip
lahat ay nakikabig
nang tubo ay nakamit
AMBASADOR NG
KATIWAYASAN
batas sa ating bansa
si Apo ang lumikha
nang baya’y mapayapa
tuindig bayang ito
sa husay niring lumpo
na ang ngalan ay Apo
NAGTAYO NG BANDILA
Paa ma'y nabaldado
Hindi hungkag ang ulo
Tindig sa pagbabago
KATAS NG BUAK
tindig ma'y tila bubot
halimuyak nasambot
layak sa namimingot
KAPANSANAN NG BAYAN
napilay kanyang paa
nabingi silang siga
di nabulag sa laya
Nuno'y nag-isip noon
Anak malaya ngayon
Bukas apo'y susulong!
BAHAGI NG PANANALITA
Mabini ang PANGALAN
PANG-URI'y kapahaman
PANDIWA ay lumaban
PORMULA NI APO
nabawasan ang tikas
dinagdag nama'y lakas
produkto'y pag-aaklas
Sa pagkakataong ito, pinalad ako sa buwan ng Mayo at napili ang aking likhang Diona. Walang pagsidlan ang aking nadama at pakiwari ko'y nagwagi na ako sa buong patimpalak. Kaya't salamat sa lahat ng pamunuan ng LIRA sa pambihirang pagkaataon na ito.
Ang aking nagwaging entri sa buwan ng Mayo. |
Premyong aklat :) |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento