Linggo, Hulyo 27, 2014

LAKAS NG TAMA SA BYAHENG PANULAT




 Pambihirang pagkakataon na magsama-sama ang mga batikang manunulat na ito kaya hindi ko talaga pinaglagpas ang araw na ito! Ngunit sa totoo lang hindi na sana ako pupunta pero ng malaman kong darating si Lualhati Bautista hindi na ako nag-alinlangan.

Ano ngayon kung lumiban ako? Atleast sa dami ng taong dumalo advantage ang pagiging guro ko dahil nakapasok ako kahit pa late ako at nakapwesto pa ako sa harap kahit na hindi ako nakaupo. Abot-tanaw at dumadaan sa harapan ko ang mga kabyahe ko….

Nakabyahe namin at lakas ng tama! Ricky Lee, Don Abay, Dr.Bienbenido Lumbera, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reye, Eros Atalia, Lourd De Veyra, Manix  
 Sa mga mag-aaral kong nagsasabi na patay na si Lualhati Bautista, ito ang litrato naming at itim na itim pa ang buhok niya at napakalakas pa niya. Nakakatuwang malaman na medyo komedyante rin itong seryosong manunulat na simple lang ang pagbanat pero sobrang nakatutuwa. Tulad halimbawa ng tinanong siya tungkol sa kanyang mga akda (di ko na matandaan ang eksaktong tanong basta tungkol sa kanyang mga isinulat) at ang sagot niya “Ang mga kwento ko ay wala lang.” Tawanan ang lahat dahil hindi iyon ang inasahang sagot sa kanya ngunit napakasinsero ng kanyang pahayag at makikita mo pa sa ekpresyon ng kanyang mukha na nakatatawa talaga ang naging pagtugon niya. Dagdag pa niya ang lakas niyang makatyamba, sumuli siya sa Palanca para sumubok at iyon nakatyamba, nakatyambang muli at nakaulit pa pero di na raw niya muling sinubukan baka di na raw makatyamba.

Ngunit sa daloy ng kwentuhan naibahagi niya ang pangunahing dahilan sa pagsulat niya ng una niyang akda. Sa kanyang Dekada 70, pagkukwento niya ay gusto niyang malaman ang puso ng mga babae dahil na rin sa nakikita niya sa kanyang ina at may malaki siyang pagtataka sa pagitan ng lalaki at babae. Tumatak sa aking isipan ang winika ng kanyang ina “Maliit pa ang anak mo kaya paa pa lang ang natatapakan sayo, hintayin mong lumaki iyan at puso mo na ang matatapakan.”


Pambihirang pagkakataon kasama si Lualhati Bautista
Maliban kay Ine (kung tawagin ng kanyang mga kaibigang manunulat) marami rin akong natutuhan sa iba pang mga nakaupong manunulat  lalo na kay G.Jun Cruz Reyes "Sabihin mo sa akin kung anong binabasa mo at sasabihin ko sayo kung anong dangal ng bayan mo." Payo niya kailangang maging boses tayo ng ating bayan at panitikan ang boses ng ating bayan. Sa pagsulat ng tula sinabi niyang “salita ang ang gamit sa tula ngunit ang tula ay hindi salita.” Makwela rin itong si G.Jun dahil ayon sa kanya ang original emo ay si Lualhati Bautista dahil noon pa man bigla-bigla na lamang itong umiiyak kapag may naiisip siyang isulat na malungkot o di kaya nama’y biglang tatawa kapag may naisip na nakakatawa.  Dagdag pa niya, ang pagsusulat karaniwang nagsisimula sa pagtanga, yun di umano ang simula ng literary process at maraming sinasahuran at kumikita sa pagtanga at isa na ang mga manunulat.

Siyempre, pahuhuli bas i G.Eros Atalia na sadyang taas-noo ako sa kanya ngunit pasensya na po dahil sa mga oras na iyon prioridad kong malapitan si G.Bautista hehehe bagamat dala ko rin ang mga aklat niya na papipirmahan ko sana sa kanya. Pagbabahagi niya “Ang sinusulat ko ay ang aking mundo.”  Sa pagsulat mas maiging isaisip kung ano ang gusto mong sabihin bago paano mo ito sasabihin. Muntik ko ng makalimutan naroon din pala si Lourd De Veyra na makailang nanlait este nangulit kay BFF niyang si Eros Atalia na nagsilbing tagapagdaloy ng buong programa.

Maliban sa batikang manunulat na nabanggit ko sa itaas ay maraming naibahaging kalaman itong si Manix Abrera tungkol sa pagguhit sa komiks. Ayon pa sa kanya iba ang atake ng social media tulad ng FB sa print media dahil on the spot ang mga reaksyon at komento pero nakakatawa lang daw talaga kayat di na dapat pinapatulan. Dahilan din niya ito kung bakit 30 minuto lamang siyang naglalagi sa FB dahil ayaw niyang maadik sa pagbabad ditto tulad ng kinakagawian ng iba.

Isa rin sa di ko malilimutang natutuhan sa byaheng ito ay ang pahayag ni Ricky Lee, isang nobela lamang niya ang aking nabasa at nabigyan niya ako ng malaking inspirasyon sa huling pananalita niya. Sabi niya, “Ang kabobohan para sa akin ay isang gift.” Inaamin niya sa kanyang sarili na medyo may pagkatanga siya dahil sa lagi siyang nagkakamali sa pagbubukas ng kanyang sasakyan. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit siyang nagbukas ng sasakyan ng hindi sa kanya at may pagkakataon pa ngang kinailangan niyang magpagabi sa mall para kaunti na lamang ang sasakyan na pagpipilian niya sa pagbubukas ng tama niyang kotse. May isang pangyayari pa siyang ibinahagi na bigla siyang sumkay sa isang bukas ng kotse na kung saan ang nagmamaneho ay isang dayuhang babae at pagkaraan ng ilang saglit ay sumakay ang asawa nitong lalaki at napagitnaan siya. Hindi niya kakilala ang mga ito ngunit nagpatuloy siya paglalakbay kasama ang mga taong ito at maging ang mga kasama niya ay hindi man lamang siya pinaalis. Pagkaraan ng ilang bloke ay nagpababa siya sa mga ito ng parang walang nangyari. Minsan din umano ay sumakay siya ng taxi pauwi sa kaniyang tahanan at pagdating sa bahay ay saka niya maaalala na may dala siyang kotse.Idiniin niya na “Hindi ako natatakot na gawin ang mga bagay na imposible at hindi ako natatakot na magbukas ng maling pinto at magkamali.” Huwag matakot sa pagbubukas ng pinto at huwag isipin kung ano ba ang nasa dulo nito.

Kaya’t sa mga nakabyahe ko sa gawaing ito, isabuhay ang tama ng kanilang mga salita. BUKSAN MO NA ANG IYONG PINTO!

Diona para kay APO






 Sa taong ito ay ipinagdiriwang ang ika-150 kaarawan ni Apolinario Mabini ang ating dakilang lumpo. Kaya naman isa sa pinakatampok na gawain sa LIRA ay ang paglikha ng Diona tungkol sa kabayanihan ng Utak ng Himagsikan.


Mula Pebrero hanggang Hunyo ay nagkaroon ng patimpalak ng pagsulat ng maiikling tula tungkol kay Mabini at bawat buwan ay namimili ang kinatawan ng LIRA ng limang malilikhaing Diona na pagpipilian ng pinakamahusay na likha at bibigyan ng karampatang premyo at pagkilala.

Noong nakaraang taon ay lumahok na rin sa patimpalak na ito patungkol naman kay Andres Bonifacio at sa taong ito ay muli akong sumubok. Ito ang lahat ng aking ipinadalang Diona para sa paligsahang ito.




PAKPAK NG KALAYAAN
Ikinahon ang paa
Utak ang pinagana
Lumipad ang pag-asa

BATAS
Hindi man makatayo
Lahat sumasaludo
Kahit kanlang pinuno

DEKALOGO
Diyos ang syang inuna
Bayan ang ikalawa
Sarili’y napalaya

BAGSIK NG KALATAS
lakas ay nasa utak
batas ay naitatak 
pangahas ay nasindak 


TUNAY NA PANGULO

Tanungan ng Supremo
Konseho ni Emilio
Pawang naging pangulo!

KATAAS-TAASANG KATUNGKULAN SA KATIPUNAN
Guro ng katitikan
Abogado’t tanggulan
Utak ng Himagsikan

KATALINUHAN ANG NAGHARI
Laurel kanyang korona
kawal niya’y nahasa
kampon nya’y nagkaisa

WALANG KATULAD, SAAN MAN MAPADPAD
Mula papel na luma
Inilipat sa barya
Halaga'y naiiba

ALAS
Diskarte nya'y pinili
Pinangatog ang hari
Inalipi'y bumawi

DIREKTOR NG KATIPUNAN
Nang puso'y inasinta
Isip ang pinagana
Nitong sikretong bala

AMA NG MGA TUNTUNIN
Dekalogo’y nilikha
Konstitusyo’y pinasa
Batas nya’y kinilala

DAKILANG ENERHIYA
Siya’y may kapansanan
Ngunit sa kapantasan
Lumiyab katapangan

SINTENSYADOR
paa ma’y naitali
kapingkia’y nabigti
sa sundang nyang matindi

MANANAYAW
Naglindi sa tugtugin
Tigib sa sasayawin
Bayan ang iindakin

BOMBILYA NG BAYAN
Di na nga makalakad
Pinilit makaladkad
Husa’y nya’y tamong palad

GANTIMPALA NG HIMAGSIKAN
Pinagbakasyon sa Guam
Pinangko siyang paham
Lupa pa ri’y inasam

TAGUMPAY NG PARALITIKO
katas ng kapahaman
pamanang iniwanan
bayang nagkapangalan

Siya ang nagtaguri
kakainggitang lahi
landas na natatangi

BISYON NG PARALITIKO
haraya nya’y nagwika 
sa kanlang naipunla
lupa’y mananagana

LAKAS NI APO
Di na nga makalad
Nakuha pang magbuhat
Gamit ang kanyang utak

SANDATA NG BAYAN
Laman sa paa'y hungkag
Utak nama'y di basag
Katauha'y kalasag

Dikta ng Haraya
Tubig kanyang nilakad
Panginorin ay nilipad
Bago magtamong palad

TANONG NG KALABAN
Sya ba’y paralitiko?
Ba’t hagibis ang takbo?
Ni hindi maipangko!

GABAY NG BAYAN
lumpo man na tinuran
saklay di kinaylangan
tanglaw pa syang sinundan

TUMINDIG NA LAMAN
Paa man ay lumagpak
Isip  ay kumakapak
Sa paggapi ng tugak

NEGOSYANTENG MANLULUPIG
pinuhunan ang isip
lahat ay nakikabig
nang tubo ay nakamit

AMBASADOR NG KATIWAYASAN
batas sa ating bansa
si Apo ang lumikha
nang baya’y mapayapa

SALAMAT APO
tuindig bayang ito
sa husay niring lumpo
na ang ngalan ay Apo

NAGTAYO NG BANDILA
Paa ma'y nabaldado
Hindi hungkag ang ulo
Tindig sa pagbabago

KATAS NG BUAK
tindig ma'y tila bubot
halimuyak nasambot
layak sa namimingot

KAPANSANAN NG BAYAN
napilay kanyang paa
nabingi silang siga
di nabulag sa laya

PANAHON
Nuno'y nag-isip noon
Anak malaya ngayon
Bukas apo'y susulong!

BAHAGI NG PANANALITA
Mabini ang PANGALAN
PANG-URI'y kapahaman
PANDIWA ay lumaban

PORMULA NI APO
nabawasan ang tikas
dinagdag nama'y lakas
produkto'y pag-aaklas



Sa pagkakataong ito, pinalad ako sa buwan ng Mayo at napili ang aking likhang Diona. Walang pagsidlan ang aking nadama at pakiwari ko'y nagwagi na ako sa buong patimpalak. Kaya't salamat sa lahat ng pamunuan ng LIRA sa pambihirang pagkaataon na ito.

Ang aking nagwaging entri sa buwan ng Mayo.





Premyong aklat :)