Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Kathambuhay


HIMIG NG BUHAY

            “PINILI KO ANG SINABI MONG TAMA PERO HINDI AKO NAGING MASAYA.” Ang sabi ni Roger kay Emily. Habang nakatutok kami sa mga makulay na kahon ay  hindi ko namamalayan gumaagos na ang mga krystal na tubig sa aking mga mata.  Tulad nila, halos isang dekada na rin ang nakalipas ng mangyari ang naturang eksana sa yugto ng aking buhay. Gaya ng kanyang naging desisyon, PINILI KO RIN KUNG ANO ANG TAMA . Nagparaya kahit na tila pasan ang daigdig matapos na talikuran ang isang mundong pinangarap kasama siya at dumaloy ang batis ng kapighatian sa aking puso na unti-unting nagparupok sa matatag na pundasyon na kapwa namin binuo.
            Madaming katanungan ang hanggang ngayo’y hinahanapan ng kasagutan matapos mawasak ng napalakas na bagyo ang aming paraiso, nagmistula itong pulo na nilamon ng karagatan at tuluyan ng lumubog. Makailang ulit ring lumitaw ang naturang pulo na nagdadala ng kuryente ngunit hindi naging sapat ang mga linya nito upang maiparating sa ang mga mensahe. Sa pagkakataong iyon, ang pinakamabisang paraan sa pagkalugmok na iyo’y lumayo at hayaang ang panahon ang humilom sa malalim na sugat na dulot ng naturang pangyayari. Hindi naiwasang maging marupok at pilit mang ikubli ang nararamdaman ay hindi mapapabulaan ang lungkot sa mga mata na simbilis ng metro ang pagdaloy ng mga tubig.
            Muling nagliwanag ang aking buhay at nakabuo ng panibagong paraiso na taliwas sa pinangarap ko noon. Nagniningning muli ang aking mga mata dahil sa kaagad na may nagpawi ng kalungkutan ng aking puso at higit pa itong tumingkad nang pinagkalooban kami ng magkawangis na anghel na bumuo sa aking pagiging babae.
            Ngunit hindi naging madali ang lahat at may mga panahong nakalimutan ko ang aking sarili. Wala na akong ibang inisip kundi ang ginagalawan naming mundo na parang kami lamang ang tao sa paligid. Hanggang sa makaramdam ako ng pagkaawa sa aking sarili, muli matinding kalungkutan ang aking naramdaman. Tumingin ako ang salamin, nakita kong muli ang babaeng marupok at ikinukubli ang tunay na nararamdaman. Hanggang sa masabi nito sa sariling hindi sapat na sila lamang ang iyong pinapasaya kailangang mapasaya at mahalin muna ang sarili upang maisakatuparan ang minimithing buhay para sa kanila.
            Kaya mula sa tila sariling mundo ay nilakbay ko ang iba’t ibang panig nito. Binalikan ko ang mga pinangarap ko noon, binuksan ko ang sarili sa nakakarami, pinalaya ko ang sarili mula sa de kahong gawain sa araw-araw at hinayaang gawin ang higit pa sa hinihingi ng pagkakataon. Higit kong nakita ang kabuluhan ng paligid kaya naman ibinigay ko ang aking kakayahan upang mapaunlad ang sarili, upang mapasaya ang mga tao sa aking paligid at natuto  na rin akong makipaglaro sa tadhana na nagpalawak pa ng aking ginagalawan. Nadagdagan ang aking mga tungkulin, nakilala, naging abala at muling nangarap!
               Natutuhan kong balensehan ang oras upang mapasaya ang aking sarili at maipasa ang kaligayang iyon sa mga tao sa aking kapaligiran. Panandalian mang nabinbin ang mga plano ay sunod-sunod na paghakbang na aking inakyat sa pagtahak ng aking landas. Tila ako musmos na nagsimulang gumapang palabas ng aking kuna at inakay ng mga taong nagpakita sa akin ng kagandahan ng mundo. Nilakad ang mga daan na ninais naming mapuntahan na nagdulot sa amin ng kaligayahan. Kung minsa’y nadarapa ngunit bumabangon, kung minsan rin nama’y napipilitang tumakbo sa mga pagkakataong habulin ang mga bagay na noon pa sana nasimulan.
            Nabigyan din ako ng pagkakataong isatitik ang mga kwento ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang sarili upang mailathala ang kanilang mga natatanging karanasan. Tinubuan na rin ng pakpak ang aking mga anghel at ngayo’y nagsisimula na silang lumipad habang sila’y nakatingin sa akin. 
            Sabi nga ni Emily  “Hindi na dapat tingnan kung ano ang nawala sa atin,dapat kung ano na ang meron tayo ngayon.” Hindi pa naman huli, kung kailan ang itinakdang panahon at sa pagpupursige sa buhay ay makakamit ang lahat ng mithiin.
            Sa kabuuan, pinaniniwalaan kong lahat tayo’y narapat na magpasalamat sa nagbigay ng buhay natin. Sa mga taong naging instrumento upang mailuwal tayo sa mundo. Pakatandaan nangarap tayo sa ating sarili dahil nangarap tayo para sa mga taong pinagkakautangan ng ating buhay. Natatandaan ko pa, ipiilit kong makapasok sa pribadong paaralan noong kolehiyo bagamat alam kong ang aking ama ay mangwawalis sa mga kalsada at malaki pa ang halaga ng matrikula ko sa kanyang buwanang sweldo. Ngunit napapayag ko sila, pinangutang nila ako para makapasok ako sa unibersidad na iyon at sinabi ko sa aking sarili iyon na ang una at huling pagbabayad nila ng matrikula at sa pagtatapos ko may bonus akong ibibigay sa kanila. Iyon ay aking tinupad at tandang-tanda ko pa ng ipatid ko sa kanila ang balita ilang araw bago ang aking pagtatapos na kailangan nila akong samahan na umakyat sa entablado ay bukambibig ako ni tatay sa lahat ng kanyang kaharap at isa iyon sa pinakamasayang bahagai ng aking buhay.

             Kaya naman, ano mang landas ang ating tatahakin ay huwag nating kakaligtaan mapagpasalamat sa ating mga magulang dahil sa bawat yugto ng ating buhay sila ang ating makakasama sa hirap man o ginhawa at ugat kung sino tayo sa kasalukuyan…

Lunes, Nobyembre 11, 2013

Huling araw sa Kalendaryo

      Natatanging araw ngayon ng aking buhay ngunit wala akong maramdaman na dapat may espesyal na kaganapan para ito gunitain at iagdiwang. Unang-una naniniwala ako na para lamang sa mga bata ang "party". Higit sa lahat nakakahiyang magwaldas ng pera habang ang iba nating kababayan ay naghihirap. Sa katunayan, hindi ko matagalan ang mga ibinabalita sa telebisyon. sa bawat pag-uulat tumutulo ng kusa ang aking mga luha at nanlulumo akong pakinggan kung gaano naghihirap ang mga kababayan natin sa Bisayas. Madami tuloy pumapasok sa aking isipan, tilagusto ko biglang magabago ng karera at magtungo sa mga lugar na kinakailangan ng tulong. Ngunit syempre mapapaisip ka rin ng husto dahil may mga umaasa rin sakin na nangangailangan ng aking presensya.

      Kaya sa labis kong pag-iisip sanaturang sitwasyon bigla ko na lamang nakita ang aking sarili na nagbibiling ng mga pantig upang maisatitik ang aking kahilingan sa Poong Maykapal sa aking kaarawan. Ito ang aking nabuo:


          Mas magiging makabuluhan ang araw kong ito kung iisipin ang nakakarami sa simpleng HILING na idudulog ko sa Kanya kasabay ng pagpapasalamat sa lahat ng biyayang natanggap ko sa buong buhay ko.

          Bigla ko tuloy naisip magtala ng 31 biyaya na nakamit ko sa pananatili ko sa mundo:

1. Mga magulang na bumuo sa akin
2. Mga kapatid na una kong mga naging kaibigan
3. Kamag-anak natumulong na mag-alaga sa akin
4. Mga kaibigang nakalaro at nakasama ko sa aking paglaki
5. Mga guro na naghubog sa aking pagkatao
6. Kabarkada at kaklaseng nagbigay kulay sa buhay estudyante
7, Pagtatapos sa elementarya at sekundarya
8. Pagtuklas ng aking mga kakayahan noong aking kabataan
9. Nakakilala ng mga inspirasyon sa buhay.
10. Nakapag-aral sa pribadong paaralan.
11. Nakapasok sa kursong itinadhana ng Maykapal.
12. Naging iskolar.
13. Nakapunta ng libre sa iba't ibang lugar.
14. Natagpuan ang mga matatalik na kaibigan habambuhay.
15. Nakapagtapos ng may karangalan.
16. Nakakilala ng inspirasyong nagpatatag saking pgkatao.
17. Nakahanap ng isang paraiso na aming binabalik-balikan.
18. Nakapag-review ng walang bayad para sa Board exam
19. Naging propesyonal na guro.
20. Nagkaroon kaagad ng hanapbuhay.
21. Nakilala ang magiging katuwng sa buhay.
22. Nabiyayaan ng kambal.
23.Nakapasok sa mas magandang hanapbuhay.
24. Nakakilala muli ng mga matatalik na kaibigan.
25. Nakapamsyal taon-taon sa mgagandang lugar sa Pilipinas.
26. Nabigyan ng pagkakataong maipamalas ang kakayahan.
27.  Nakapag-aral ng Masteral.
28. Nakapagsulat sa pahayagan.
29 Nakasamaat nakilla ng personal ang lan at namanunulat.
30. Nakapasok sa pambulikong paaralan
31. Nakabili ng sariling bahay

At marami pang iba at may mga paparating pa :) Kaya aming Ama, salamat po ng walan hanggan.Kahitna medyo malungkot ako kasi hindi ko kasama lahat ng taong gusto kong kapiling sa araw na ito.