Biyernes, Oktubre 12, 2012

9 - 4 - 12


SPIDER MAN
ni Wilma Hermogenes

        “Great power comes with great responsibilities!” Iyan ang sikat na linya ni  Peter Parker o mas kilalang Spider Man. Ngunit ang mga nakilala kong Spider Man ito ang litanya “TO GET POWER IS OUR MAIN RESPONSIBILITY.”

          Madalas patagong makikita sa mga nagtataasang pader itong taong nababalutan ng mga sapot at ang mga Spider Man ng Tondo patago ring umaakyat sa mga hagdang nakadikit sa mga pader na may mga nakapalupot na kawad ng kuryente sa kanilang katawan at karagdagan sa kanilang mga sandata ang plais at electrical tape. Kilala rin sila sa lugar bilang mga Jumper / Meralco Boys.

Jumper
            Hindi na tago sa mga residente ang Jumper Boys dahil nakahihigit sa lugar ang nakikinabang sa kanilang gawain at pagpapatunay ang poste sa tapat ng kanilang eskinita kung ilan lamang ang may kontador o legal ang konsumo ng suplay ng kuryente.

            Ayon kay Prof. Juvert Valentino ng TUP, Physics Department tinawag ang illegal na koneksyon na ito ng Jumper dahil sa paraan ng pagkakabit ng mga ito sa kawad na tila Jumper na pantaloon. Dagdag pa niya “Kapag nagkakabit ng kuryente dapat series connected sila para makuha ang voltage, ginagawa nilang Jumper style para parehas lang ang boltahe na makuha nila which is playing within 210 - 260 volts.”

Ang sistema sa kalakarang ito ng Jumper Boys, kapag nawalan ng kuryente ay bibili sila ng kurdon at bahala na sila sa pagkabit nito sa kawad ng kuryenteng malapit sa transformer. Nagsisilbing look-out ang ilang residente at nag-aantabay kung may mga darating na kaban (pulis at Meralco).

            Pagkaraan nito’y isa-isang babaybayin ng mga Jumper Boys ang mga bahay na kailangan nilang bigyan ng serbisyong may katapat na halaga.

BILLING STATEMENTS
            Kung ang mga residenteng may kontador ay nagrereklamo sa taas ng singil sa kuryente particular ang System loss ng MERALCO na batid nilang isa sa mga dahilan ay ang mga illegal na koneksyon sa kanilang lugar, pikit-mata naman ang mga parokyano ng Jamper Boys sa kanilang bayarin.
            Si Aling Clara, aminadong naka-Jumper sa loob ng sampung taon. Nagulat sila taong 1992 ng magbahay-bahay ang Meralco at nahulihan sila ng jumper kaya kinumpiska ang kanilang kuntador at malaki ang ipinataw na penalty na kailangan nilang bayaran. Ayon sa ginang “mga 26 mil ang sinisingil samin nun, wala akong ganong pambayad kaya tinuloy na lang namin ang jumper.” Dagdag pa niya halos lahat sila sa kanilang baranggay ay naka-jumper at may kanya-kanya silang Spider Man na tagapagligtas pero kinalaunan hindi na nakayanan ni Aling Clara ang bayarin kaya’t gumawa siya ng paraan para maibalik ang legal na koneksyon ng kanilang kuryente.
            Ang kapitbahay naman niyang si Aling Ely ay nagpatuloy sa paggamit ng Jumper. Kwento niya “ Okey pa dati ang bayaran, kung magkano nagastos sa wire paghahati-hatiin namin tapos kanya-kanyang bayad sa nagkabit. Ngayon iba na, minsan may arawang singil na 20/30 tas lingguhan na 100 pataas,may bwanan pa at iba pa yung bayad kapag naputulan mas malaki yun.” Aminado si Aling Ely na nahihirapan siya sa pagbabayad ngunit wala naman siyang ibang opsyon dahil wala siyang pambayad sa Meralco para makabitan muli ng kontador.
            Ang masaklap pa sa kalagayan nilang ito kapag hindi ka makabayad sa hinihinging bill, walang disconnection notice sa mga ito putol kagad ang kurdon mo.

TEKNIKS
Hindi maikakailang tila negosyo na ito sa Jumper Boys at malaki ang kita bagamat delikado kaya naman pinag-iigihan nilang makakuha ng paraan para magampanan ang kanilang trabaho. Napag-alaman ko rin na hindi bababa sa limang bahay ang hawak na parokyano ng isang Jumper Boys at ang isa pa nga sa kanila ay mahigit sa 20 at ngayo’y may sarili na siyang Computer Shop.

Mataas ang demand ng kanilang kalakaran kaya hindi dapat sila maubusan ng suplay kaya’t iba’t ibang teknik na ang kanilang isinagawa para tuloy-tuloy ang negosyo. Sabi nga ni King na isa sa mga Jumper Boys “Dati kinakabit naming yung wire sa poste eh madaling makita ng Meralco kaya maya’t maya putol. Nung my kamera (CTV) na yung kinukuhanan namin nagkalawit naman kami kaso sobrang delikado muntik ng mamatay yung kasama ko noon tulpet siya tas nakakangawit pa at matagal.”

Ang kalawit na tinutukoy niya ay paggamit ng mahabang patpat na kung saan ikakawit nila ang kurdon sa transformer para makakuha ng kuryente, delikado ito dahil tantyahan ang kilos kapag namali ka ng kabit ng bakal sa wire maaaring higupin ng katawan mo ng dumadaloy na kuryente o  tumalsik ka. Sinubukan din diumuno nila ang paggamit ng mga kawad na tulad ng sa Meralco para di mahalata at ipadaan/itago ang wire sa mga streets lights. Sa ngayon meron silang bagong teknik na ginagamit ngunit hindi na nila ibinahagi dahil pinakaektibo ito at ayaw nilang mabuko.

PELIGRO
Buhay ang nakataya sa mga Jumper Boys at wala silang gamit pamproteksyon sa paghawak ng mga kawad at pag-akyat ng poste (madalas wala silang damit pang itaas) kaya ganoon na lamang kalaki ang halaga sa kanilang sinisingil. Nalalagay din sa panganib ang buong lugar dahil maaari itong pagmulan ng sunog dahil sa kumpol-kumpol na wiring na akala mo’y noodles na  nakabandera kapag tumingala ka sa poste. Dahil nga hindi ganun kaligtas ang mga kurdon na ginagawa nila kung minsan natatanggal ito at maaaring makakuryente ng mga dumaraang tao. Idagdag mo pa na abusado sa paggamit ng kuryente ang mga nakakabit ditto at Octopus pa ang mga saksakan nila na sadyang delikado.

SOLUSYON
Matagal na ngang suliranin ito ng kumpanya ng Meralco at hindi sila tumitigil para masugpo ito. Sa katunayan, makailang ulit na binabalik-balikan ng mga kawani nito ang lugar at madalas may kasama pa silang mga sundalo dahil hindi minsan maiwasan na magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga residente.
Sa pagputol ng Meralco ng mga nakakabit na kuryente ay nakamasid lamang ang mga Jumper Boys sa tabi-tabi. Kapag nakaalis na ang kalaban muling kikilos ang mga ito upang sagipin ang mga kababayang nawalan ng kuryente.
Bukod dito may dalawa ng kinasuhan sa mga Jumper Boys nang aktong nahuli silang nagkakabit ng illegal na kuryente at kasalukuyan itong dinidinig. Nagbigay na rin ng Warning ang kumpanya sa mga Kapitan ng Baranggay para sila na mismo ang magpatigil ng ganitong kalakaran.
Ang masasabing epektibong ginagawa ng Meralco sa lugar na ito ay ang Sub-metering ng kuryente. Ngayon malaki ang ibinababa ng bilang ng jumper dahil nakumbinsi silang gumamit ng Sub-meter. Kailangan lamang magbayad ng Php 2,000 at bumili ng sariling metro at wire bago magkaroon ng Sub-meter.Legal ang kuryente na kung saan bawat bahay ay mayroong sariling metro at kung magkano ang konsumo nilang lahat ay paghahati-hatian ang bayarin na ibabatay pa rin sa kanilang metro.

Patuloy pa rin ang kalakaran ng Jumper Boys bagamat nabawasan na ang kanilang mga parokyano at ayon nga sa kanila hanggat may mga bahay na madilim sila ang mga taong nakahanda para magbigay liwanag sa mga ito. 

2ND ARTICLE (7-28-12)


IT’S MORE FUN IDYAY ILOCOS J
ni Wilma E. Hermogenes

Singson at Marcos ... ang dalawang pinakamaimpluwensyang pamilya at  nagsisilbing sandigan sa Ilocos. Ang mga Ilokano ay karaniwang inilalarawan na kuripot ngunit isa sa pinakamasipag na mamamayan sa ating bansa.

Ngayon unti-unti na itong nakikilala na isa sa pinamaganda at maipagmamalaking lugar sa Pilipinas dahil na rin sa pagpupursige ng mga opisyal nito sa pagpapaunlad ng turismo.

Byahe na Tayo!

Asahan mo na ang mahabang byahe kapag gusto mong marating ang Ilocos. Mula Maynila tinatayang 297.03 km ang distansiya ng Ilocos Sur at sakay ng isang pampublikong bus aabutin ng sampung oras ang byahe. Samantalang 407.67 km naman sa Ilokos Norte at karagdagan pang apat na oras na biyahe mula Ilocos Sur. Kung mainipin ka sa byahe maari kang sumakay ng eroplano at wala pang isang oras ang byahe nito.

          Halos nasa dulo ka na ng Pilipinas kapag narating mo ang Ilocos ngunit sulit ang byahe kapag nasilayan mo na ang paraisong ito!

Paraiso sa Hilaga!

          Mayroon kaming inihandang tatlong araw para sa paglalakbay na ito ngunit kulang ito upang masilayan ang kagandahan ng lugar. Narito ang ilan sa mga maipagmamalaking lugar sa Ilocos na aming napuntahan.

Naipit ang Sinait

                   Ito ang bayan sapagitan ng dalawang bahagi ng Ilocos at nagkanlong sa aming grupo habang naglalakbay sa lugar.  Maliit lamang siyang komunidad na maari mong ikutin sa pagsakay sa traysikel. Napapalibutan ng mga tanim na tabako, may dinarayong kweba ngunit sa kasawiang palad tuyo ito ng aming narating at isa sa dinarayo sa bayang ito ang Bagsakan tuwing Biyernes na kung saan marami kang mabibiling produktong gulay sa murang hal naga. Ang kalakaran dito ay hindi nalalayo sa Fish Port sa Navotas na binubulong ang presyo hanggang sa maibigay ang produkto sa nakabili nito.

Mula sa bayang ito, apat na oras kaming nagbyahe patungo sa pinakadulong bahagi ng Ilocos.

Pagudpod Beach

Tinagurian itong Boracay of the North na matatagpuan sa Pagudpod,Ilocos Norte . Napakalinis at napakaganda ng mga puti't pinong buhangin. NAPAKALAYO talaga pero sulit dahil sa ganda ng lugar. Halos dulo na ng Pilipinas at tanaw mo na ang West Philippine Sea.    

Bangui Windmills
       
        Isa sa pinakamamanghang atraksyon sa lugar. Sa pagpunta mo ng Norte tila mga sumusunod na dambuhalang bintilador sa iyong paningin na nakapang-aakit na babain. Nasa tabing dagat ito medyo maitim ang buhangin at bawal maligo dahil na rin sa napakalaki ng mga alon dito’t malalim ang tubig. Tumutulong ito sa pagsusuplay ng kuryente sa Ilocos. Ngunit sa aking pagmamasid napansin ko na ang isang malaking proyektong pampahalaan na ito na nagpapakita ng kaunlaran ng isang bayan ay kabaligtaran ng tila napabayaang munisipyo ng kanilang bayan. Ironiya talaga...

Ang Parola ng Cape Bojeador
                  Nasa tuktok ng burol Vigia de Nagparitan sa bayan ng Burgos, Ilocos Norte at masisilayan mo roon ang napakagandang tanawin ng Ilocos.  Pinakamataas na parola sa buong Pilipinas at tumutulong sa pagbibigay ng direksyon o gabay tanglaw sa mga sasakyang pandagat. Kinilala bilang pambasang palatandaan pangkasaysayan ng Pambasang Suriang Pangkasaysay (UNESCO HERITAGE) at idineklarang pambasang yamang pangkalinangan ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Kapurpurawan Rock Formation
                   Salitang-ugat nito ay PURAW na ang ibig sabihin ay PUTI. Kailangan mong maglakad ng 20 minuto para masilayan mo ang magandang tanawin sa likod ng mga naglalakihang bato. Maaari kang mag-arkila ng kabayo sa halagang 50 Php pero mas magandang maglakad ka na lang kasi di ka naman dadalhin sa lugar na dapat mong masilayan ngunit mararanasan mo namang sumakay ng Pony. Sa lugar ding ito, matatanaw mo ang Bangui Windmills at Pagudpod Beach.

Iyan ang ilan lamang sa maipagmamalaking pook pasyalan sa Ilocos Norte na aming napuntahan at nakarami pa na hindi na namin napuntahan dahil sa kakulangan ng oras. Muli kaming nagbalik sa Sinait upang magpahinga at mag-ipon ng lakas para sa gagawing paglalakbay sa isa pang bahagi ng Ilocos.

Ang Ilocos Sur. . .

Vigan Heritage Village
               Magandang masilayan ang mga sinaunang tahanan sa lugar na ito na kanilang inalagaan at prineserba sa mahabang panahon kasaliw ang mga kwento ng mga taong naninirahan dito. Kapansin-pansin din na unti-unti ng nasisira ang ilan sa mga kabahayan dito at ang iba ay hindi na talaga orihinal. Napakaraming tagahanga ni FPJ dito dahil sa tuwing magtatanong kami patungkol sa Calle Crisologo hindi pwedeng mawala ang naturang artista.
Sabi nga ni Apo Kanor (65, traysikel drayber) “daytoy nga kalye  dyay pelikula nga Panday inaramid da nga buhangin, nalaeng! Tas adyay nga binunot na ti espada idya’y met simbahan adyay” (Itong kalye na ito sa pelikula ng Panday ginawa nilang buhangin, ang galing! Tapos nung binunot niya yung espada sa may simbahan naman yun.) .
Maihahambing mo sa Intramuros, Maynila ang lugar na ito at hindi kumpleto ang pagpunta mo rito kung hindi ka sasakay ng kalesa.

Clay Pottery and Hidden Garden
http://a7.sphotos.ak.fbcdn.net/hphotos-ak-ash3/546516_3031976687182_311756806_n.jpghttp://a2.sphotos.ak.fbcdn.net/hphotos-ak-ash3/554408_3031974047116_1964301277_n.jpg               Nakakatuwang maranasan ang paraan ng pagbuo ng isang banga kaso ang hirap talaga, kamay at paa ang kailangan gumana. Hindi naman magawa iyong istilo ng mga manggagawa. Samantala kung hilig mo naman ang mga halaman, matutuwa ka sa Hidden Garden na bagong bukas na pasyalan sa lugar na kung saan makikita mo ang iba't ibang klase ng halaman.

Baluarte

 Pag-aari ni Gov. Chavit Singson at  libre ang pagpasok dito. Pinakatampok ang mga nakakalat na hayop at maari kang magkaroon ng malapitang interaksyon sa mga hayop doon. Nagkalat rin sa paligid ang iba’t ibang tyangge at naglalakihang estatwa ng dinosaur na kinagigiliwan ng mga bata at matanda.







Bantay Bell Tower & St. Augustine Parish Church
             Kailangan mong akyatin ang naturang tower para makita mo ang kanilang kampana at masilayan ang napagandang tanawin sa itaas nito. Tinawag itong bantay dahil ito ay salitang Ilokano na nangangahulugang bundok at tagabantay o tanod. Sa loob ng simbahan, nakalagay sa gitna ng simbahan imahe ng Mahal na Birhen na nakatalikod. Mayroong gagabay sa inyong tao ng simbahan upang malaman kung bakit ganoon ang posisyon ng Mahal na Birhen.

Nestra Senora de la Asuncion Sta.Maria Church
                       Isa sa simbahang Baroque sa Pilipinas sa talaan ng Pandaigdigang Pamanang Pook .Isa ito sa Pambansang Palatandaang Makasaysayan sa ating bansa at pinagkalooban ng UNESCO ng budyet upang ito ay mapangalagaan. Sa likurang bahagi nito ay mayroong lumang sementeryo. Maliligo sana kami sa Finsal Falls ngunit pinayuhan kami ni Manang Naty (tindera sa simbahan sa) na huwag na kaming tumuloy dahil napakalayo nito at tuyo sa mga panahong iyon kaya naligo na lang kami sa Nalvo / Suso Beach.

Mangan Tayo!

Hindi kumpleto ang paglalakbay kung walang kainan. Dito sa Ilocos nakakatawa ang ilan sa mga sikat nilang pagkain ngunit mapapasigaw ka ng isa pa o higit pa kapag natikman mo ang mga natatangi at masasarap nilang pagkain.


Nagtungo kami Gaizel’s Carinderia na nasa General Luna Street malapit sa pampublikong palengke.  Tama nga ang nasagap naming balita, nandito nga lahat ng pagkaing Ilokano na mabibili sa murang halaga.

Onli in Ilocos...

          Ilan sa mga popular na pagkaing  Ilokano ay ang diningding at pakbet na mga lutong gulay na karaniwang nilalahukan ng isda at bagoong na hindi mawawala sa hapag-kainan. Idagdag pa ang empanada, tupig,  kornik Vigan, longganisang Vigan, patupat (kalamay) at bibingkang masarap mula sa The Sisters Royal Bibingka na hinihintuan ng mga motorista sa Bantay, Ilocos Sur ngunit meron silang tindahan sa Calle Crisologo, Vigan, Ilocos Sur. 

Bukod sa mga ito narito ang ilan sa kakaibang pagkaing Ilokano na aming natikman :

Adobong Utong  - sitaw sa mga ilokano na sariwa at napakasarap

Dirardarahan – ang dinugaan sa mga Ilokano at karne ng baboy ang
                             gamit, may gata at tuyo ang sabaw.

PUKI-PUKI   -  ang tortang talong na napakaanghang ngunit napakasarap
                             at may bersyon na nito sa Pizza

Kabatiti – diningding na patola

Warek-warek – ang bersyon ng sisig na karne ng kambing at sakto ang  
                             anghang sa panlasa

Bilong-bilong  - ang bersyon ng monggo sa Sinait na ang gamit ay beans at
                             bunga ng malunggay na may lahok na karne ng baka 

           Ngayon isa sa sumisikat na pagkain sa Ilocos ay ang Pinadapang Lechon na kung saan ang ginamit na baboy ay native, tinanggalan ng laman loob at hiniwa sa tiyan saka inihaw. Ang dugo ay titimplahan at lulutuin at  magsisilbing sarsa ng lechon.

Byahe Tips!

          Hindi biro ang gastusin sa pamamasyal sa Ilocos ngunit sulit na sulit ito dahil sa naghihintay na di matatawarang tanawin sa lugar. Upang mas maging masaya ang paglalakbay narito ang ilang mungkahi para makatipid ng hindi nababawasan ang pagsasaya:

·        Planuhing mabuti ang paglalakbay, ihanda ang iterinaryo (mga lugar na pupuntahan) at iskedyul nito.

·        Magsaliksik patungkol sa lugar na pupuntahan upang magkaroon ka ng ideya sa mahahalagang detalye sa lugar.

·        Maghanap ng mga makakasama sa paglalakbay, mas marami mas maliit ang gastos.

·        Iwasan ang mga Package Promo na ibinabandera sa internet mas makakatipid kung makakahanap ng kakilala sa lugar para may matutuluyan at makasama sa paglalakbay.

Halimbawa ng Ilocos Norte/Sur Tour Package:
 
 EXPLORE ILOCOS Norte and Ilocos Sur this Summer 2012.
Experience 3D/ 2N tour for only:
Php 3,150.00 per pax (for 12 pax)
Php 3,700.00 per pax (for 10 pax)
Php 4,350.00 per pax (for 8 pax)

                         Sa ginawa naming paglalakbay parehas ng itinagal at lugar na pinuntahan sa itaas , kasama ang pagkain, pamasahe, pasalubong at pito kami sa grupo 2500 Php ang aming nagastos.
·        Sumakay sa pampublikong bus kaysa sa mag-arkila sa pamamasyal.

·        Kumain sa mga kilalang kainan sa pampublikong palengke kaysa sa mamahaling restawran dahil doon mo higit na makikilala ang kultura ng naturang lugar.

·        Magtanong at makihalubilo sa mga taong naninirahan doon upang mas mapalapit at mapahalagahan ang lugar.

·        Sa pag-iikot sa Vigan mas mabuting sumakay ng traysikel kaysa sa kalesa. Mas mabilis ito at matipid.

·        Laging ihanda ang inyong kamera at siguraduhing puno ang baterya bago maglakbay para lagging may kuha sa magagandang destinasyon na pupuntahan.

·        I-enjoy ang bawat sandal sa paglalakbay J

·        Higit sa lahat, ibahagi sa iba ang natatanging karanasan upang mahikayat sila na magtungo sa lugar.

Hindi ba’t tama ang ang  Kagawaran ng Turismo (Department Of Tourism) na It’s More Fun in the Philippines at isa ang Ilocos sa pagpapatunay nito. Kaya bago tayo lumabas ng ating bansa unahin sana natin ang Pilipinas dahil nakatitiyak akong mas maganda ang masisilayan mo rito at maaring narito lang sa Pilipinas ang gusto mong puntahan sa labas ng bansa.