Linggo, Hulyo 27, 2014

LAKAS NG TAMA SA BYAHENG PANULAT




 Pambihirang pagkakataon na magsama-sama ang mga batikang manunulat na ito kaya hindi ko talaga pinaglagpas ang araw na ito! Ngunit sa totoo lang hindi na sana ako pupunta pero ng malaman kong darating si Lualhati Bautista hindi na ako nag-alinlangan.

Ano ngayon kung lumiban ako? Atleast sa dami ng taong dumalo advantage ang pagiging guro ko dahil nakapasok ako kahit pa late ako at nakapwesto pa ako sa harap kahit na hindi ako nakaupo. Abot-tanaw at dumadaan sa harapan ko ang mga kabyahe ko….

Nakabyahe namin at lakas ng tama! Ricky Lee, Don Abay, Dr.Bienbenido Lumbera, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reye, Eros Atalia, Lourd De Veyra, Manix  
 Sa mga mag-aaral kong nagsasabi na patay na si Lualhati Bautista, ito ang litrato naming at itim na itim pa ang buhok niya at napakalakas pa niya. Nakakatuwang malaman na medyo komedyante rin itong seryosong manunulat na simple lang ang pagbanat pero sobrang nakatutuwa. Tulad halimbawa ng tinanong siya tungkol sa kanyang mga akda (di ko na matandaan ang eksaktong tanong basta tungkol sa kanyang mga isinulat) at ang sagot niya “Ang mga kwento ko ay wala lang.” Tawanan ang lahat dahil hindi iyon ang inasahang sagot sa kanya ngunit napakasinsero ng kanyang pahayag at makikita mo pa sa ekpresyon ng kanyang mukha na nakatatawa talaga ang naging pagtugon niya. Dagdag pa niya ang lakas niyang makatyamba, sumuli siya sa Palanca para sumubok at iyon nakatyamba, nakatyambang muli at nakaulit pa pero di na raw niya muling sinubukan baka di na raw makatyamba.

Ngunit sa daloy ng kwentuhan naibahagi niya ang pangunahing dahilan sa pagsulat niya ng una niyang akda. Sa kanyang Dekada 70, pagkukwento niya ay gusto niyang malaman ang puso ng mga babae dahil na rin sa nakikita niya sa kanyang ina at may malaki siyang pagtataka sa pagitan ng lalaki at babae. Tumatak sa aking isipan ang winika ng kanyang ina “Maliit pa ang anak mo kaya paa pa lang ang natatapakan sayo, hintayin mong lumaki iyan at puso mo na ang matatapakan.”


Pambihirang pagkakataon kasama si Lualhati Bautista
Maliban kay Ine (kung tawagin ng kanyang mga kaibigang manunulat) marami rin akong natutuhan sa iba pang mga nakaupong manunulat  lalo na kay G.Jun Cruz Reyes "Sabihin mo sa akin kung anong binabasa mo at sasabihin ko sayo kung anong dangal ng bayan mo." Payo niya kailangang maging boses tayo ng ating bayan at panitikan ang boses ng ating bayan. Sa pagsulat ng tula sinabi niyang “salita ang ang gamit sa tula ngunit ang tula ay hindi salita.” Makwela rin itong si G.Jun dahil ayon sa kanya ang original emo ay si Lualhati Bautista dahil noon pa man bigla-bigla na lamang itong umiiyak kapag may naiisip siyang isulat na malungkot o di kaya nama’y biglang tatawa kapag may naisip na nakakatawa.  Dagdag pa niya, ang pagsusulat karaniwang nagsisimula sa pagtanga, yun di umano ang simula ng literary process at maraming sinasahuran at kumikita sa pagtanga at isa na ang mga manunulat.

Siyempre, pahuhuli bas i G.Eros Atalia na sadyang taas-noo ako sa kanya ngunit pasensya na po dahil sa mga oras na iyon prioridad kong malapitan si G.Bautista hehehe bagamat dala ko rin ang mga aklat niya na papipirmahan ko sana sa kanya. Pagbabahagi niya “Ang sinusulat ko ay ang aking mundo.”  Sa pagsulat mas maiging isaisip kung ano ang gusto mong sabihin bago paano mo ito sasabihin. Muntik ko ng makalimutan naroon din pala si Lourd De Veyra na makailang nanlait este nangulit kay BFF niyang si Eros Atalia na nagsilbing tagapagdaloy ng buong programa.

Maliban sa batikang manunulat na nabanggit ko sa itaas ay maraming naibahaging kalaman itong si Manix Abrera tungkol sa pagguhit sa komiks. Ayon pa sa kanya iba ang atake ng social media tulad ng FB sa print media dahil on the spot ang mga reaksyon at komento pero nakakatawa lang daw talaga kayat di na dapat pinapatulan. Dahilan din niya ito kung bakit 30 minuto lamang siyang naglalagi sa FB dahil ayaw niyang maadik sa pagbabad ditto tulad ng kinakagawian ng iba.

Isa rin sa di ko malilimutang natutuhan sa byaheng ito ay ang pahayag ni Ricky Lee, isang nobela lamang niya ang aking nabasa at nabigyan niya ako ng malaking inspirasyon sa huling pananalita niya. Sabi niya, “Ang kabobohan para sa akin ay isang gift.” Inaamin niya sa kanyang sarili na medyo may pagkatanga siya dahil sa lagi siyang nagkakamali sa pagbubukas ng kanyang sasakyan. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit siyang nagbukas ng sasakyan ng hindi sa kanya at may pagkakataon pa ngang kinailangan niyang magpagabi sa mall para kaunti na lamang ang sasakyan na pagpipilian niya sa pagbubukas ng tama niyang kotse. May isang pangyayari pa siyang ibinahagi na bigla siyang sumkay sa isang bukas ng kotse na kung saan ang nagmamaneho ay isang dayuhang babae at pagkaraan ng ilang saglit ay sumakay ang asawa nitong lalaki at napagitnaan siya. Hindi niya kakilala ang mga ito ngunit nagpatuloy siya paglalakbay kasama ang mga taong ito at maging ang mga kasama niya ay hindi man lamang siya pinaalis. Pagkaraan ng ilang bloke ay nagpababa siya sa mga ito ng parang walang nangyari. Minsan din umano ay sumakay siya ng taxi pauwi sa kaniyang tahanan at pagdating sa bahay ay saka niya maaalala na may dala siyang kotse.Idiniin niya na “Hindi ako natatakot na gawin ang mga bagay na imposible at hindi ako natatakot na magbukas ng maling pinto at magkamali.” Huwag matakot sa pagbubukas ng pinto at huwag isipin kung ano ba ang nasa dulo nito.

Kaya’t sa mga nakabyahe ko sa gawaing ito, isabuhay ang tama ng kanilang mga salita. BUKSAN MO NA ANG IYONG PINTO!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento