KASALANAN NI JEM-JEM
Sumakay
kami ng LRT kahapon upang madaling makarating sa Manila Science. Dahil kasama ko si Jem ay nagamit niya ang kaniyang
pribilehiyo sa PWD Card. Diskwento sa pamasahe at makakapwesto sa espesyal na
pugon sa naturang sasakyan.
Dahil
sa maraming pasahero, ikatlong tren na kami nakasakay at medyo may kaluwagan pa
ang bagon bagamat nakatayo na kami. Ipinuwesto si Jem ng isang Senior Citizen
sa may hawakan sa kaniyang harapan para hindi siya matumba at maging
komportable siya. Ilang saglit pa, biglang may nagwalang matandang babae at
inaaway ang matandang kaniyang katalikuran. “Nakadikit kasi yang pwet mo sa
akin, hirap na hirap na ako rito.” Sagot naman ng lalaki “Naku dapat nag-taxi
kayo at ganito talaga rito.” Lalong nagalit ang matanda at nagpatuloy sa
kanyang pagsasalita ng di maganda hanggang sa makapagbitiw ng bulgar na
pananalita. “Gago ka pala eh!”
Nananahimik
ang matanda sa sumunod na pangyayari, pinagtulungan siya ng mga Senior Citizen
na nasa loob ng bagon at pinagsabihan sa kaniyang sinabi. “Ilan taon na ba kayo
Nay, nakita naman ninyo na ganito talaga sa LRT.” Dagsag pa ng isa “Matandang
dalaga yata yan eh.” Pagsita pa ng isang matanda “Matanda na po tayong lahat
dito at di tamang nagmumura ka ng ganyan.”
Humupa
na ang tensyon at nakita kong nangingilid ang luha sa matanda. Samantalang ang
kaninang mga nagtutulong ay nagpunta ang usapan sa kanilang mga apo at
nagkatanungan ng kanilang mga edad. Nagbahaginan ng mga karananasan at
pribilehiyo ng pagkakaroon nila ng Senior Citizen Card.
Napansin
ko rin ang ilang nakaupo sa bagon, karamihan sa kanila di naman matatanda at
may bitbit lamang na mga batang below 4 feet. Naaasar pa ako sa katapat kong
mag-asawa na sarap na sarap sa kanilang upuan,sana isa na lang sa kanila ang umupo
at ibinigay sa matandang nakatayo ang isa. Kanina habang iniaabangan namin ang
tren, may pamilyang sasakay sana sa
espesyal na bagon. Buti na lang sinita sila ng guwardiya at kailangang
isa lang ang sumama sa kanilang Lola kung nagkataon mananakawan na naman ng
pribilehiyo ang pitong Senior Citizen, PWD, mga bata at buntis.
Ikinuwento
ko ang pangyayari sa aking idolo, sabi nga ni Ate Jean “Anong ginawa ng
gwardiya sa tren. Dapat inaayos niya iyon.” Dagdag pa niya dapat pinapatayo ang
mga taong di dapat na naroon dahil kung tutuusin dahil kasama lamang sila ng
mga taong dapat na naroon ay sapat ng kaalwahan sa kanila iyon. Dapat ang mga
Senior Citizen, PWD, mga bata at buntis ang siyang makakuha ng mga
pribilehiyong iyon. Kailangan ding maging mahigpit dito ang mga nagpapatupad ng
naturang tungkulin upang makatulong talaga sa mga taong ito.